Ikalimang SONA ni Marcos Jr., ‘purong kasinungalingan’ — mga grupo

Ni Dave Louie M. Blas at Ishia Eleanor F. Marquez

Binansagan ng mga progresibong grupo bilang isang ‘panloloko’ ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa ginanap na SONA ng Sambayanan sa kahabaan ng Abenida ng Commonwealth sa Lungsod ng Quezon nitong Lunes, ika-27 ng Hulyo.

Kabilang sa mga sentimyento ng mga grupo ang umano’y pagiging tuta ng Pangulo sa Estados Unidos (U.S.), kapabayaan sa agrikultura, lugmok na ekonomiya, krisis sa edukasyon, at iba pang mga isyu na bigong lutasin ng administrasyon.

Sa panayam ng FEU Advocate, iginiit ng Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno na si Jerome Adonis na pawang kasinungalingan ang nilalaman ng SONA ni Marcos Jr., kaya’t layunin umano ng SONA ng Sambayanan na isiwalat ang tunay na kalagayan ng bansa ng mula mismo sa mga Pilipino.

“SONA ng kasinungalingan, SONA ng panloloko, SONA ng kawalang-hiyaan. ‘Yan ‘yung SONA ni Bongbong sa loob ng reaksiyunaryong Kongreso. Ang SONA ng sambayanan na maglalahad ng tunay na kalagayan ay nandito po sa tapat ng Commonwealth,” pagbibigay-diin niya.

Samantala, umabot naman sa 51 rallyista ang inaresto ng kapulisan kabilang ang ilang menor de edad na kabataan dahil umano sa paglabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa at mga batas sa naging kilos-protesta.

Ayon sa kasalukuyang pag-uulat, 42 sa mga rallyista na inaresto ang pinalaya na nang walang isinampang kaso, habang siyam pa rin ang nakakulong sa Camp Karingal.

Masasampahan ang pitong indibidwal ng Malicious Mischief, Tumults and Other Disturbances of Public Order, at Resistance and Disobedience to a Person in Authority, habang haharap naman sa kasong Obstruction of Justice ang dalawang paralegal staff na kasama nila.

Bunsod nito, kinondena ng Karapatan ang ilegal na pag-aresto sa mga rallyista at ang pagiging marahas ng kapulisan sa iba pang mga nagprotesta noong SONA.

Ayon sa grupo, mapanganib ang mga naging aksiyon ng pulisya sa tuluyang pagpapalaganap ng karahasan at tahasang pangigipit sa kalayaang sibil ng mga lumalahok sa mga kilos-protesta.

Sambayanan kontra Pax Silica

Isa sa mga sentrong paksa ng pagkilos ang pagpapaalipin ng kasalukuyang administrasyon sa U.S. kaugnay ng inisyatibang Pax Silica kung saan hango ang binakbak na effigy na tinawag na ‘The Puppet and the Puppet Master’ na may mukha ni Pangulong Marcos Jr. bilang puppet na kontrolado ni U.S. President Donald Trump.

Bunsod nito, binuweltahan ng iba’t ibang grupo sa kilos-protesta ang proyektong popondohan ng U.S. upang magpatayo ng mga industrial hubs tulad ng artificial intelligence (AI) centers at semiconductor industries sa mga lupain ng Pilipinas sa New Clark City sa Tarlac.

Sa hiwalay na panayam kay Bukluran ng Manggagawang Pilipino Chairperson Ka Leody De Guzman, pinangangambahan niya na maging ‘pawn’ ang Pilipinas ng U.S. laban sa Tsina oras na maipatayo ang proyektong maaaring gamitin upang lumikha ng mga armas.

“‘Yung proyektong ‘yan ay may isang intensiyon: palakasin talaga ‘yung supply chain ng pangangailangan para sa AI, mga microchip, at para sa paglikha ng mga gadyet sa surveillance, sa pagpapalipad ng mga computer at ng para sa mga drone at missile… Parang military complex halos ‘yan,” sambit niya.

Bago pa man isulong ang Pax Silica, pinasa sa bansa ang CHIPS Act noong 2022 na nagbigay-daan sa $52 bilyong domestikong insentibo sa mga industriya ng AI at semiconductor.

Kabilang ang U.S. Department of War sa mga nakinabang sa mga industriyang ito para sa modernisasyon ng mga armas upang higitan ang Tsina kaugnay sa tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Bukod dito, ikinababahala rin ni De Guzman ang posibilidad ng pananamantala sa mga natural na yaman ng bansa na maaaring gawing kasangkapan sa produksiyon sa loob ng mga itatayong industrial hubs.

“Ang target nila dito ay ‘yung rare earth [minerals] ng Pilipinas na nagkakahalaga sa tantiya ng mga nasa one trillion dollars. ‘Yun ang target nila. Sasairin nila ‘yun para gamitin doon sa kanilang industrial complex na ‘yan na nagko-cover ng halos 2,000 to 4,000 acres,” saad niya.

Batay sa GoodElectronics Network, ang malalim na relasyon ng dalawang bansa ang dahilan kaya’t nagkakaroon ng pagtatangka ang U.S. na pakinabangan ang malawak na yamang mineral ng Pilipinas sa mga itatayo nitong industrial hubs.

Dagdag pa ni De Guzman, dagok din ang Pax Silica sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka, lalo na dahil sa malaking pagkonsumo ng tubig ng mga AI hubs gaya nito.

“Nangangailangan daw ng maraming tubig ‘yan na 65 to 90 million liters a day. Malaking epekto ‘yan doon sa patubigan ng ating mga magsasaka at ‘yung gamit ng mga mamamayan sa kanilang mga bahay… Napakatindi rin kumain ng kuryente [niyan],” aniya.

Inaasahang kokonsumo ang Pax Silica ng hanggang 120 milyong litro ng tubig kada araw batay sa inisyal nitong disenyo o katumbas ng 48 Olympic-sized swimming pools, habang tinatayang aabot sa tatlong gigawatt ang arawang konsumo nito sa kuryente. 

Ayon sa pag-aaral ng United Nations University, may mga naitalang kaso ng pagkaubos ng freshwater reserves kasabay ng tagtuyot at pagtaas ng carbon emissions na nagpapatindi ng polusyon sa ibang bansa.

Bukod pa rito, ikinadismaya rin ni Adonis ang pagbibigay ng higit na halaga ng pamahalaan sa mga dayuhang interes kaysa sa sarili nitong mamamayan.

For the longest time nga, walang ipino-provide na lupa ang gobyerno ng Pilipinas para magkaroon ng lupang sasakahin ang mga magsasaka para magkaroon tayo ng sapat na pagkain. Pero dito sa Pax Silica na hindi naman makikinabang ang mga Pilipino sa mas malaking bahagi ay ibibigay nang buong-buo,” puna niya.

Ito rin ang daing ni Kilusang Artisano Mangingisda sa Pilipinas Chairperson at Ramon Magsaysay Awardee Robert ‘Ka Dodoy’ Ballon na maaari umanong humantong sa kawalang-katarungan para sa mga maralita ang pagtatayo ng proyekto.

“‘Yung lugar ay kanilang sasakupin, aariin, at miminahin, at ang kapalit nito’y pagpapalayas, pagpapaalis, pagsasamantala, at kawalang-hustisya para sa ating mga magsasaka’t mangingisda na maaapektuhan ng Pax Silica na ‘yan,” diin niya.

Ayon sa ulat ng isang international advocacy network na nakabase sa Malaysia, ang Pilipinas ay kinikilalang pinakadelikadong bansa sa Asya at ikalawa naman sa buong mundo para sa mga magsasaka, katutubo, at aktibistang ipinaglalaban ang karapatan sa kanilang lupain.

Ikinadismaya rin ni Ballon ang umano’y mga napakong pangako pagdating sa seguridad ng kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda sa loob ng kanilang 15-kilometrong baybayin.

“Akala namin ito ay poproteksiyonan dahil sabi ng pangulo nung ikaapat niyang SONA ay ito’y pagyamanin at bigyan ng tamang batas… Pero ang nararanasan namin ngayon, pinapasok kami ng mga malalaking commercial fishing vessels na lalong nagpapahirap sa amin,” aniya.

Dagdag pa ng mangingisda, nakalulungkot makita ang ilang mga senador na tila pumapanig sa Tsina pagdating sa ilang usapin, habang halos tikom ang bibig pagdating sa isyu ng West Philippine Sea.

“Dahil diyan, patuloy tayong binu-bully ng agresyon ng mga Chinese vessel at Chinese Coast Guard kaya nakakalungkot. Kaya kinokondena natin ‘yung mga ganung mga aksiyon at mga direksiyon at mga desisyon ng ating mga mambabatas lalo na sa Senado,” ani Ballon.

Suliranin ng mga manggagawa, ekonomiya

Isa sa pangunahing benepisyong ipinagmamalaki ng gobyerno sa pagsulong ng Pax Silica ay ang umano’y kaakibat nitong oportunidad na makapagbigay ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Subalit, giit ni De Guzman, hindi ang ito ang solusyon sa kawalan ng trabaho sa bansa, sapagkat milyong-milyong Pilipino pa rin ang walang sapat na hanapbuhay.

“‘Yung pangakong magki-create ng maraming trabaho, hindi ‘yan totoo. Dahil libo-libong foreign investors na ang ating inimbita dito sa pangakong magki-create ng trabaho… Pero ngayon 13 million na mga Pilipino ang wala o kulang sa trabaho. May 1 milyon pa tayo taun-taon na lumalabas ng bansa para magtrabaho abroad. ‘Yun ang patunay na hindi nagki-create ng maraming trabaho ang mga foreign investors,” saad niya. 

Ayon sa Philippine Statistics Authority, umabot sa 4.8 na porsiyento o 2.5 milyong Pilipino ang walang trabaho noong buwan ng Mayo, mas mataas nang bahagya sa naitalang 4.7 na porsiyento noong nakaraang Abril.

Sa halip na dumepende ang Pilipinas sa mga dayuhan, binigyang-diin ni De Guzman ang kahalagahan ng pagpapaunlad sa iba’t ibang lokal na industriya ng bansa para magsilbing pangunahing pinanggagalingan ng trabaho para sa mga Pilipino. 

“Kung talagang gusto [niya] magkaroon ng trabaho ang mga Pilipino, paunlarin ang ating agrikultura, paunlarin ang sarili nating industriya. Para tayo ang gumawa ng mga yaring produkto na kailangan natin at ang ating mga graduates ay hindi na mao-obliga mag-abroad dahil [mayroon nang] trabahong available dito sa ating bansa,” aniya. 

Maliban sa usaping trabaho, binatikos din ng lider-manggagawa ang isinulong na ₱85 dagdag-sahod. Ipinunto niya na hindi ito sapat para matugunan ang pang-araw-araw na gastusin ng isang pamilya at maituturing na insulto rin ang pagpapatupad nito sa dalawang bahagi. 

“Maliit kompara sa hinihingi ng mga manggagawa… Lalong maliit doon sa cost of living na ₱1,312 ngayon. Nangangailangan pa ng halos ₱600 pa iyon dagdag, maliit yung ₱85 sa ₱600… Ginawa pang hulugan kaya nakakainsulto, ang liit-liit na nga,” sabi ni De Guzman.

Sa ilalim ng Wage Order No. NCR-27, ipinatupad ng Department of Labor Employment ang ‘makasaysayang’ pagtaas ng daily minimum wage ng mga manggagawa sa National Capital Region noong ika-30 ng Hunyo. 

Nakatakdang ipatupad ang pag-umento ng sahod sa dalawang yugto: ₱60 nitong ika-19 ng Hulyo at ₱25 naman sa ika-20 ng Enero sa susunod na taon. 

Tinaasan man ang sahod, patuloy pa ring kinondena ng mga manggagawa ang halaga dahil sa kakulungan nito upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng bilihin at serbisyo sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. 

Ayon din sa IBON Foundation, umaabot sa halos ₱1,301 kada araw ang gastusin ng isang pamilyang may limang miyembro, lubhang mas mababa kaysa sa ₱780 arawang sahod ng mga wala sa agrikulturang sektor at ₱743 para naman sa mga manggagawa ng agrikulturang sektor sa pangalawang yugto. 

Para naman kay MAKABAYAN Coalition President Liza Maza, walang nagawa si Marcos Jr. sa mga kinahaharap na isyung pang-ekonomiya ng bansa, partikular sa pagtaas ng mga bilihin katulad na lamang ng krudo. 

“Wala siyang accomplishment sa mga economic issues, katulad ng economic relief,  pagtaas ng presyo sa mga bilihin, lalo na sa gasolina [na] hanggang ngayon hindi pa rin inaatras ‘yung VAT [value-added tax], lalo na ‘yung sa oil at pang-araw-araw na ginagamit ng pamilyang Pilipino,” puna niya. 

Ayon sa Unioil, papatak sa ₱6.80 kada litro ang presyo ng gasolina habang ₱7.30 kada litro naman sa diesel dahil sa patuloy na tensiyon sa Kanlurang Asya. Ipinatupad ang pagtaas ng presyo sa krudo simula kahapon, ika-28 ng Hulyo. 

Bukod sa pagtaas ng presyo sa langis, umabot sa 5.20 porsiyento ang naging antas ng implasyon ng pagkain sa bansa nitong nakaraang Hunyo. 

Sa kabilang banda, inilahad naman ng miyembro ng PISTON na si Elmer Cordero ang mga suliraning kinahaharap ng mga tsuper at opereytor sa gitna ng mga ipinangakong kaginhawaan ng Presidente sa kanila, kabilang na ang pagtutol sa isinusulong na modernisasyon ng mga jeepney.  

“Ang pangako ni Bongbong Marcos na bibigyang kaluwagan kaming mga transport [drayber] hanggang ngayon lalo lang kami nahihirapan. Unang-una ‘yung mga prangkisa namin, rehistro… Ang modernization okay sana…  Ang problema, hindi namin kaya ang [halagang] dalawang milyon,” saad niya. 

Isa si Cordero sa Piston 6 na ikinulong matapos magsagawa ng mapayapang kilos-protesta laban sa hindi pagpayag ni dating Presidente Rodrigo Duterte sa operasyon ng mga tradisyonal na jeepney sa gitna ng COVID-19 pandemic noong 2020. 

Layunin ng Public Utility Vehicle Modernization Program na palitan ang mga tradisyonal na jeepney ng ‘mas ligtas’ at ‘mabisang’ modernong jeepney. Gayunpaman, binatikos ito ng mga drayber dahil mas mahal ang presyo ng ipapalit na minibus sa kanilang mga jeepney, sapagkat umaabot ang halaga nito sa ₱2.4 milyon hanggang ₱2.8 milyon na hirap sila buoin.

Pareho namang nanawagan sina Maza at Cordero para sa pagpapatanggal ng VAT at Excise Tax sa langis.

Marahil ay nakatutulong ang 12 porsiyento na VAT at Excise Tax sa badyet ng pamahalaan, subalit iginiit ng mga jeepney drayber na pahirap ito sa kanila dahil nakaaapekto ang matataas na presyo ng krudo sa kanilang pang-araw-araw na kinikita. 

Inilantad naman ni Adonis ang hirap na dinaranas ng mga manggagawa at suliraning pang-ekonomiya ng bansa na aniya’y naging rason sa pagsasagawa ng sariling SONA ng iba’t ibang progresibong grupo.

“Hanggang ngayon ang mga manggagawang Pilipino ay nanatiling napakababa ng sahod… Mayorya sa mga naka-empleyo ngayon, both public at private, ay puro nasa katayuang kontraktuwal o hindi regular na manggagawa at grossly abused ‘yung mga karapatan… Nanatiling napakataas ng presyo ng pangunahing bilihin mula sa pagkain hanggang sa serbisyo [sa] publiko hanggang sa edukasyon at usaping pangkalusugan,” aniya.

Bukod dito, pinuna rin ni Maza ang patuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at pagkawala ng trabaho, na aniya’y sumasalamin sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.

“Tumaas [ang] unemployment, tumaas ‘yung presyo ng bilihin, at tumaas din ‘yung utang ng ating bansa… Ito ang implikasyon na hindi maganda ang lagay ng ating ekonomiya at ng ating politika,” saad niya.

Dagok ng krisis sa edukasyon

Agaw-pansin naman sa programa ang pag-akyat sa entablado ng mga guro mula sa Alliance of Concerned Teachers (ACT) National Capital Region (NCR) Union, buhat-buhat ang isang effigy na nagpapakita ng pagpasan ng mga guro sa krisis sa edukasyon.

Pagdidiin ni ACT - NCR Union Chairperson Ruby Bernardo, tunay na may krisis ngayon sa edukasyon na lalong pinalalala ng pambabarat sa sahod ng mga guro sa kabila ng patong-patong na mga problemang pasan ng nasabing sektor.

“'Yung ipinagmamalaki ni Marcos Jr. na historic budget for education, hindi 'yan naramdaman ng mga teachers natin kasi nandiyan pa rin ‘yung kakulangan: 166,000 classrooms at 145,000 na teachers at ‘yung mga education personnel… Talagang sobrang pagod ng mga estudyante at ng mga guro,” reklamo niya.

Isang araw bago ang SONA, iniulat ng Kabataan Partylist NCR sa ginanap na State of the Youth Address 2026 na mula sa 10 kabataan, walo lamang ang nakatapos sa elementarya, tatlo ang nakapasok sa sekondarya, habang dalawa lamang ang makakapagtapos ng kolehiyo. 

Inalmahan din ni Bernardo ang pabago-bagong kurikulum, partikular ang Strengthened Senior High School (SHS) Curriculum na ibinaba sa lima mula sa 15 core curricula, na nagresulta sa kakulangan sa mga asignaturang may kinalaman sa sining, panitikan, at kultura. 

“'Yung mga subject na nagtuturo ng kritikal na pag-iisip sa mga estudyante, gaya ng kasaysayan at social sciences, ito ‘yung kailangan ngayon ng mga kabataang pag-asa natin… Pero binubura ‘yan, and that’s intentional dahil gustong maging malabnaw mag-isip ‘yung mga kabataan,” diin niya.

Maliban sa SHS, may nagbabadya ring panukala ang Commission on Higher Education sa kolehiyo na General Education (GE) Reform, kung saan babawasan ang units ng GE courses mula 32 pababa sa 18.

Ilan sa mga matatanggal na kurso ay ang Readings in Philippine History, Ethics, Art Appreciation, at iba pang mga GE courses na layon sanang hubugin ang kakayahan ng mga estudyante sa politikal na pagsusuri, etikal na pangangatwiran, at malayang pagsisiyasat.

Nadismaya rin si Bernardo sa pagkawala ng trabaho ng ilang mga guro sa SHS dahil sa bagong kurikulum o kaya naman ay nailipat sa ibang antas at asignatura. 

“[Mayroon] talagang nawalan ng trabaho lalo roon sa ating mga private schools. Sa amin sa public school naman, inilipat sila sa junior high school na para bang ganun na ba kadali, ‘no? Maituturo ba ng teacher ‘yung subject na ibinigay sa kaniya,” saad ng guro.

Naniniwala si Bernardo na ang sistematikong problema sa edukasyon ang nagdulot ng kulturang mass promotion sa mga estudyante o ang pag-angat sa kanila sa susunod na baitang kahit hindi naabot ang mga pamantayan ng Department of Education. 

“Bakit ba may mass promotion in the first place? Kasi ‘yung gobyerno mismo nagtaya, nag-commit na zero drop-out rate ‘yung ating ahensiya… ‘Yung grading system din ay talagang pumapabor sa mga estudyanteng hindi natututo, tapos sisisihin ngayon ‘yung mga teachers. Ang daming reportorial report ‘pag may binagsak, at ‘yun ‘yung problema,” punto niya.

Pagdating naman sa promosyon ng mga guro, iginiit niya na sa kabila ng Expanded Career Progression System na ipinagmamalaki ng administrasyong Marcos Jr., nagkukulang pa rin ang pondo sa dami ng mga gurong aniya’y ‘napag-iwanan’ na.

“Sabi nga ng mga teachers, dumaan sila sa butas ng karayom pero hindi na sigurado 'yung kanilang items for promotion. Kaya nananawagan talaga kami [para] sa isang makatao, inklusibo, at may pondong promosyon,” daing ng guro.


Himok sa sektor ng pangkalusugan

Para naman sa sektor ng kalusugan, nanawagan si Alliah Nicole Narag, awditor ng Philippine Nursing Students’ Association, na mas bigyang-pansin ng administrasyon ang patuloy na migration ng mga propesyonal sa kalusugan patungo sa ibang bansa bunsod ng hindi maayos na kondisyon sa lugar ng trabaho at mababang suweldo.

“‘Yung mga propesyonal natin ay patuloy pa rin lumalabas ng bansa dahil na rin sa mababang suweldo, walang ligtas na workplace sa loob ng hospital, at isa [na] rin [sa mga] hamon sa healthcare workers natin ay ‘yung malaking bilang ng pasyente… Dahil sa liit ng sweldo at sa dami ng pasyente na kini-cater sa araw-araw, talagang mapapagod at mapapagod ang ating healthcare workers [kaya] napipilitan mag-ibang bansa,” aniya.

Sa kabila ng tumataas na demand sa mga Pilipinong nars sa ibang bansa, nakararanas ng kakapusan ang Pilipinas dahil sa halos 190,000 nars na ang nag-migrate ayon sa Department of Health (DOH).

Dahil dito, nanawagan si Narag na ipatupad ang pagtaas ng sahod para sa mga healthcare professionals, gayundin sa karagdagang badyet para sa nasabing sektor.

Sa kasalukuyan, nasa ₱488 bilyon ang alokasyon ng DOH at PhilHealth mula sa 2026 National Budget, kasama na rito ang proyektong Zero-Billing Policy, kung saan inaalis ng ospital ang mga ‘out-of-pocket’ gastos ng pasyente sa mga pangunahing serbisyong medikal tulad ng laboratory tests.

Klima ng pulitika sa kasalukuyang administrasyon

Sa gitna ng patuloy na paglilitis sa Bise Presidente na si Sara Duterte sa impeachment trial, binusisi ni De Guzman ang pamumulitika sa proseso ng mga kaalyado nina Marcos Jr. at Duterte, kung saan mas nangingibabaw ang pagpanig nila sa kaniya-kaniyang alyansa kaysa sa ebidensiyang inilalahad. 

“Hindi mananaig dito ang isang katutak ng tamang ebidensiya na si Sara ay dapat i-impeach. Ang mananaig dito ay ang loyalty ng mga senador kay Marcos, loyalty kay Duterte. At the end of the impeachment trial (Sa dulo ng impeachment trial), boboto ito [batay] sa kanilang loyalty — hindi sa [kung ano ang] tama o mali,” saad niya.

Dagdag pa rito, pinuna ni Maza ang hindi pagpapakulong ni Marcos Jr. sa kaniyang naturang mga alyado sa loob ng administrasyon.

“Walang malaking isda na naipakulong… ‘Yung mga kakampi niya, hindi naman nai-pu-pursue ‘yung kaso laban sa kanila so parang nagiging selective filing of cases lang [ang] nangyayari,” ani ni Maza.

Kinondena rin ng mga progresibong grupo ang malawakang korapsiyon at krisis pangklima, gayundin ang Expanded 4PH Program at ang pagpapanagot ng mga sangkot sa maanomalyang proyekto ng flood control

Ang Expanded 4PH Program o Pambansang Pabahay Para sa Pilipino ay naglalayong magbigay ng pabahay sa mga pamilyang mababa ang kinikita kompara sa minimum na sahod at nangangailangan ng tahanan.

Gayunpaman, patuloy itong binabatikos dahil kinakailangan ng halos ₱8,324.06 kada buwan para makakuha ng yunit sa ilalim ng programa, na anila’y hindi kayang bilhin ng mga maralita dahil sa mababang sahod at antas ng trabaho.

Samantala, sinuspinde ni Presiding Officer Chiz Escudero ang nakatakdang impeachment trial ng Bise Presidente dahil sa isinagawang SONA, ngunit magpapatuloy ito ngayong ika-29 ng Hulyo.

Kasabay ng demonstrasyon ng mga grupo sa lansangan, isinagawa ni Marcos Jr. ang kaniyang ikalimang SONA, kung saan inilahad niya ang mga nagawa ng administrasyon para sa iba’t ibang sektor, pati na rin ang mga plano para sa natitirang dalawang taon ng kaniyang termino sa Batasang Pambansa Complex.

Tinataya namang umabot sa halos 6,000 hanggang 15,000 ang dumalo sa isinagawang mga kilos-protesta sa araw ng SONA. 

(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)