51 inaresto sa SONA rally, mga progresibong grupo umalma

Ni Julliane Nicole Labinghisa

Kinondena ng mga progresibong grupo ang pagdakip ng Philippine National Police (PNP) sa hindi bababa sa 51 na indibidwal mula sa hanay ng iba’t ibang organisasyon habang ginaganap ang State of the Nation Address (SONA) ng Sambayanan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kahapon, ika-27 ng Hulyo. 

Kasabay ng idinaraos na ikalimang SONA ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang demonstrasyon ng mga grupo mula sa iba’t ibang sektor upang talakayin ang tunay na kalagayan ng bansa at ipanawagan ang pagtugon sa samot-saring suliraning panlipunang kinahaharap ng mga Pilipino. 

Hindi pa man opisyal na nagsisimula ang programa ay umabot na sa humigit-kumulang 40 indibidwal ang inaresto ng mga awtoridad, kabilang ang mga menor de edad na kabataan mula sa mga grupong Vandals United, Hiphop United, Anakbayan Pasong Tamo, at iba pang rallyista.

Ilan sa mga dinakip ay isinakay sa isang bus ng Bureau of Jail Management and Penology na agad namang hinarang ng ilang lider ng mga organisasyon, ngunit hindi sila nagtagumpay. 

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inaresto ang mga indibidwal dahil sa umano’y paglabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa, kabilang ang bandalismo, pagtatakip ng mukha, Batas Republika (BR) Blg. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, at BR Blg. 880 o ang Public Assembly Act of 1985. 

Taliwas sa ipinangakong maximum tolerance ng kapulisan, pinuna ng Presidente ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na si Renato Reyes Jr. ang naging aksiyon ng mga awtoridad sa naging pagtitipon bilang “maximum panunupil” at “maximum perhuwisyo” sa taumbayan.

“Bakit kailangang pagbantaan kami? Na aarestuhin din kami? Ang gusto lang naming malaman, sino ‘yung inaresto nila, anong mga pangalan, at anong mga kaso... Wala man lang crowd commander na visible dito para makipag-usap sa’min,” saad niya. 

Iginiit din ni Reyes na nakababahala ang naging girian at pag-aresto ng kapulisan sa mga dinakip sa kabila ng pagkakaroon ng permit para sa kilos-protesta. 

“Mariin naming kinokondena at tinututulan. Ilabas niyo ang aming mga kasamahan na inyong inaresto,” aniya.

Makikita sa ilang bidyo ang puwersahang paghila at pagkaladkad ng mga kapulisan sa mga inaarestong indibidwal, kabilang ang isang matandang rallyista na hinila sa leeg. 

Kinondena naman ni BAYAN Secretary-General Mong Palatino ang pag-aresto sa kabataan sa gitna mismo ng hanay ng protesta. 

“Ang dapat na pinoposasan, hinuhuli, ‘yung mga kurakot, ang mga magnanakaw sa pamahalaan, hindi ‘yung mga kabataan na nagpapahayag lamang ng galit sa korapsyon sa ating bayan,” giit niya. 

Bukod sa naitalang bilang sa Commonwealth, hinarang din ng PNP, Land Transportation Office, at Philippine Coast Guard ang apat na sasakyang may lulang 50 magsasaka na nagbabaybay patungo sa Lungsod ng Quezon para makiisa sa kilos-protesta. 

Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura, inaresto pa rin ang mga magsasaka kahit na mayroon silang mga ipinakitang legal na dokumento at permit mula mismo sa bulwagan ng lungsod ng Quezon. 

Sa kabila ng mga naging pag-aresto, inilarawan ni Nartatez Jr. na naging “relatively peaceful” ang SONA ng pangulo ngayong araw.

Samantala, nag-picket ang iba’t ibang mga grupo noong gabi upang ipanawagan ang agarang paglaya ng mga inaresto sa labas ng Camp Karingal habang wala pang tiyak na impormasyon sa kalagayan ng mga dinakip na rallyista sa kasalukuyang pag-uulat.

(Litrato mula sa Pinoy Weekly, skinnyjeans3000, at The Flame)