
Ni Richelle A. Billones at Misaki F. Koizumi
May mga sakit na likas nang bahagi ng pagiging babae — ang kirot sa bawat buwanang dalaw, ang isang paa na tila nakatapak sa hukay sa panganganak, at ang mga pagbabagong tahimik na dinadala ng katawan. Ngunit sa kabila ng mga sakit na kanilang dinaranas, may isang bagay na hindi dapat kailanman maging pasanin ng isang babae: ang katahimikang hinahangad sa kaniya sa tuwing may kamay na nananakit at matang pinipiling pumikit.
Nitong mga nakaraang buwan, muling nabuksan ang usapin hinggil sa panggagahasa sa Estados Unidos noong 2024 na kinasangkutan ng pitong kalalakihan. Naging laganap ang diskusyon nang magsampa ng kasong sibil ang isang dating estudyante ng Cornell University noong Setyembre 2026, na nagbukas ng mabigat na palaisipan: hanggang saan ang saklaw ng pananagutan kung ang karahasan ay hindi lamang naganap, kung hindi hinayaan ding manaig ang katahimikan?
Habang umiigting ang katanungang ito, patuloy namang itinataas ng mga kababaihan ang kanilang mga tinig upang igiit ang pananagutan, tangan ang pangalang ‘Jane Doe’ bilang sagisag ng pakikiisa, pag-iingat, at paninindigan para sa kapuwa babae.
Ang gabing hindi nagtapos sa pagsikat ng araw
Noong ika-19 ng Oktubre 2024, nagtungo ang isang 20-anyos na estudyante ng Cornell University sa bahay ng kapatirang Chi Phi upang makipagkita sa isang taong itinuturing niyang kaibigan.
Wala siyang dahilan upang isipin na ang isang karaniwang pagkikita ay magiging ugat ng isang napakalalim na sugat sa kaniyang buhay, ngunit sa halip na pahalagahan ang tiwalang ipinagkaloob niya, sinamantala ito at nauwi sa isang malubhang insidente ng karahasan.
Matapos ang bangungot na dala ng gabing iyon, halos dalawang taon ang lumipas bago nagsampa ng kasong sibil ang estudyante. Sa reklamong inihain, kinilala siya sa pangalang ‘Jane Doe’ — isang katawagang legal na ginagamit upang mapanatiling kumpidensiyal ang pagkakakilanlan ng isang taong sangkot sa isang kaso.
Isinaad niya sa reklamo na nauwi sa ilang oras ng seksuwal na pang-aabuso ang nasabing pagkikita matapos siyang hikayatin at piliting uminom ng matapang na alak at gumamit ng ketamine, isang uri ng anesthesia drug na nagdudulot ng unti-unting pagkawala ng malay.
Ayon sa kaniyang salaysay, nagpatuloy ang pangyayari hanggang sa unti-unting pumusyaw ang dilim at sumilip ang unang liwanag ng umaga. Pitong lalaki ang kalauna’y pinangalanan sa reklamo bilang mga direktang sangkot sa pang-aabuso, na siyang kinikilala bilang ‘Cornell 7.’
Kaugnay nito, iniulat ni Jane Doe sa Pulisya ng Cornell ang kaniyang sinapit noong ika-8 ng Nobyembre 2024, na nagbunga ng pansamantalang suspensiyon ng pamantasan sa Chi Phi at ilang estudyanteng iniugnay sa insidente habang isinasagawa ang pagsisiyasat. Pagsapit ng Enero 2025, naghain din ang biktima ng pormal na reklamo sa tanggapan ng Cornell na nangangasiwa sa mga usapin ng diskriminasyon at karahasang seksuwal.
Bunsod ng mga inihaing reklamo, isinagawa ang mga pagdinig na sa paglaon ay humantong sa pagpapatalsik sa dalawang estudyanteng sangkot. Gayunpaman, hindi isiniwalat ng unibersidad kung sino-sino ang tumanggap ng parusa, habang wala ring isinampang kasong kriminal laban sa pitong lalaki noong panahong iyon.
Hindi rito nagtatapos ang paghahanap ni Jane Doe ng pananagutan; nagsampa pa siya ng kasong sibil laban sa pitong lalaki, administrasyon ng Cornell, kapatirang Chi Phi, at iba pang partidong inaakusahan niyang may pananagutan sa insidente noong Setyembre 2026.
Sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa kaso noong unang bahagi ng Oktubre, nabigyan ng panibagong pagkakataong litisin ang mga alegasyong hindi pa lubusang nasisiyasat. Kalaunan, pinahintulutan si Jane Doe ng hukuman na ipagpatuloy ang paggamit ng alyas bilang proteksiyon sa kaniyang pagkakakilanlan habang umuugong ang kaso.
Sa patuloy na pagsusuri ng mga awtoridad sa mga paratang, nararapat lamang na mapanatili ang karapatan ni Jane Doe na makapagsalita, mapangalagaan ang kaniyang pagkatao, at makamit ang pananagutang matagal na niyang ipinaglalaban.
Maaaring matagalan ang paghahanap ng katarungan at hindi kailanman lubusang mapapawi ng anumang paglilitis ang pinsalang iniwan ng karahasan, subalit hindi dapat tuluyang mabaon sa katahimikan ang salaysay ni Jane Doe.
Pananagutan sa ilalim ng papel at tinta
Sa isang piraso ng papel, maaaring magkasiya ang ilang mensahe ng pagninilay, pag-amin, o pangakong hindi na mauulit ang isang pagkakamali. Ngunit pagdating sa isang karahasang nag-iwan ng malalim na sugat, hindi kailanman magiging sapat ang ilang pahina upang matumbasan ang bigat ng sinapit ng biktima.
Kabilang sa mga parusang ipinataw ng unibersidad sa ilang kalalakihang sangkot ang pagsusulat ng mga sanaysay na maaaring isaalang-alang sa pagpapagaan ng kanilang pansamantalang suspensiyon.
Bagaman maaaring magsilbi itong pagkakataon upang makapagnilay, hindi nito matitiyak kung tunay ngang nauunawaan ng mga taong sangkot ang mga pinsalang idinulot nila.
Sa paglalagay ng bigat sa mga salitang kayang isulat ng mga nadidiin, nanganganib na mapagkamalan ang pagpapahayag ng pagsisisi bilang tunay na pagkilala sa pinsalang naidulot nila. Higit sa isang gawaing akademiko, ang pananagutan ay nangangailangan ng kongkretong pagkilos at pag-unawa sa mga epektong hindi basta nabubura sa pagtatapos ng isang parusa.
Hindi lamang sa loob ng mga silid-pulong at proseso ng disiplina nasusukat ang pananagutan ng isang pamantasan. Mahalaga rin ang papel ng pamamahayag sa pagsubaybay sa naging tugon nito sa kaso.
Sa Cornell, naging bahagi ng paglalantad sa mga alegasyon at pagsusuri sa mga ipinatupad na parusa ang pag-uulat ng The Cornell Daily Sun, ang pahayagang pinatatakbo ng mga estudyante ng unibersidad.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagbabantay at pagtatanong, naipakita kung paanong hindi dapat matapos sa anunsiyo ng mga parusa ang usapin ng pananagutan.
Iginiit ni Patricia Julian Paglinawan, kawaksing patnugot ng The Adamson Chronicle, na hindi sapat ang isang sulating replektibo upang matiyak na natuto na ang isang nagkasala.
“They could arrive at a thought na they could do it again, kasi they easily got away with it, eh… So, hindi siya makatarungan para sa naging victim (Maaari nilang isipin na puwede nilang gawin ito muli dahil hindi naman sila naparusahan nang mabigat at tila madali lamang silang nakalusot. Kaya, hindi siya makatarungan para sa naging biktima). Pangalawa, hindi siya maayos na pag-carry out ng justice mula sa school. And third, of course, hindi nabibigyan ng totoong punishment ‘yong nagkasala, kasi wala naman tayong makukuha sa reflection paper niya... At the end of the day, ginawa niya ‘yon, and hindi natin alam kung natuto ba siya or kung gagawin niya pa ba ulit,” saad niya sa isang panayam ng FEU Advocate.
Higit pa sa kawalang-katiyakang tunay na nagbago ang mga sangkot, may epekto rin ang ganitong uri ng parusa sa mismong biktima. Kapag ang isang karahasang nagdulot ng pisikal at mental na pinsalang hindi basta-basta naglalaho ay tinutugunan lamang ng kaparusahang tila karaniwang gawaing pampaaralan, ipinahihiwatig nito na banayad ang pinagdaanan ng biktima.
“Puwedeng maisip ng survivor na mababaw lang [‘yong pinagdaanan niya] kasi mababaw lang din ‘yong [ibinigay] na punishment. So, of course, psychologically, masisira ‘yong moral ng tao kasi ‘di man lang siya tinake seriously, eh — ‘yong situation — basing of sa kung pa’no sila nagpataw ng sanction do’n sa mga suspects,” dagdag ni Paglinawan.
Hindi naman nangangahulugang walang halaga ang edukasyon sa pagbabago ng asal. Mahalaga ito sa pag-unawa sa pahintulot, hangganan, at karahasang nakaugat sa hindi pagkakapantay-pantay. Gayunpaman, hindi ito dapat maging kapalit ng pananagutan, diin ni Arianna Montefalcon, mamamahayag ng Daily Tribune, sa isang hiwalay na panayam.
“‘Yong edukasyon, makapangyarihan talaga siya… Ang isang malaking unibersidad — katulad [ng] Cornell — kung mayro’n silang kapangyarihan para pagtakpan o protektahan ‘yong mga gano’ng [klaseng] tao, mayro’n din silang kapangyarihan para parusahan ‘yong mga ‘yon at siguraduhing hindi na sila makakapasok sa malalaking unibersidad pa, or kahit saan,” aniya.
Nararapat na ang edukasyon ay magsilbing bahagi ng mas malawak pang proseso ng pananagutan sa halip na karampatang pagtugon lamang. May kakayahan ang isang pamantasan na hubugin ang pag-iisip at asal ng mga estudyante, ngunit kaakibat nito ang tungkuling tumugon nang naaayon sa bigat ng kanilang mga pagkakasala.
Inihambing ni Montefalcon ang parusang ipinataw sa mga sangkot sa isang karaniwang paraan ng pagdidisiplina noong elementarya — ang pagsulat ng mga pangungusap nang paulit-ulit sa papel.
Sa pagitan ng isang kaparusahan na ipinapataw sa mga batang mag-aaral at ng bigat ng isang kasong may kinalaman sa seksuwal na karahasan, lumilitaw ang isang agwat na hindi kayang tumbasan ng anumang dami ng salita.
“Para mo talagang binugbog ‘yong biktima to the ground sa paggamit ng gano’ng disciplinary measure sa gano’ng klaseng kaso… ‘Yong parusa na ‘yon, gano’n ‘yong na-experience nating parusa no’ng mga elementary tayo, ‘di ba? Na kapag makulit tayo, pinapasulat tayo ng mga teacher natin sa papel nang mahaba. So, imagine, ‘yong parusa ko no’ng Grade 3, gano’n ‘yong parusa ng mga lalaking nanggahasa,” pangangatwiran ni Montefalcon.
Bagama’t maaaring maging simula ng pagninilay ang ilang pahinang isinulat, hindi dapat doon nagtatapos ang pananagutan. Walang mga salita ang makapaglalarawan sa tindi ng pinsalang iniwan ng karahasan, at lalong walang isang sanaysay na makapagtatama sa buhay na kinailangang buoin muli ng isang nakaligtas.
Bulong ng mga nagbibingi-bingihan
Sa isang kolektibong kamalayan, madaling ituring na biro ang bawat salitang nasasambit, ngunit hindi nangangahulugang nababawasan ang bigat ng karahasang kaakibat nito. Sa kaso ni Jane Doe, kabilang sa mga sinuri sa imbestigasyon ang isang group chat sa Snapchat na binubuo ng halos 60 miyembro ng Chi Phi fraternity, kung saan ipinadala ang mga mensaheng may kaugnayan sa umano’y pang-aabuso sa dalaga.
Ayon sa imbestigasyon, nagpadala si Matthew Ingalls, isa sa pitong lalaking pinangalanan sa kasong sibil, ng mensahe sa group chat bandang madaling-araw upang anyayahan ang iba pang miyembro na magtungo sa silid na kinaroroonan ni Jane Doe.
Laman ng mensahe ang paanyayang, “Like you can walk in and whip it out (Puwedeng pumasok lang kayo at gawin ang gusto niyo),” na sinundan pa ng, “Boys come whip it out (Tara, ilabas niyo na).”
Sinundan ito ng mga katanungan mula sa iba pang miyembro kung may pagkakataon pa silang magtungo sa silid. Samantala, ipinakita rin sa ilang usapan ang pag-aalala ng mga miyembro sa posibleng epekto ng mga alegasyon sa kanilang reputasyon at kinabukasan sa unibersidad. Inilahad ang mga mensaheng ito bilang bahagi ng ebidensiya sa reklamo, bagaman nananatiling alegasyon ang mga paratang laban sa mga inakusahan.
Isa ring paksa na mahalagang suriin ang mga taong hindi direktang sangkot sa pang-aabuso ngunit may kaalaman tungkol sa pangyayari. Kung hindi man sila kabilang sa mga mismong gumawa ng karahasan, nangangahulugan bang wala na silang anumang pananagutang dapat harapin?
Sa usaping ito, inilahad ni Angela Mae Nullan, isang tagapagtaguyod ng karapatan ng kababaihan, ang kaniyang saloobin hinggil sa pananagutan ng mga taong nakaaalam ng pang-aabuso ngunit pinipiling manahimik.
“Sa aking pananaw, ang pananagutan ay hindi lamang tungkol sa direktang paggawa ng mali, [kung hindi] pati na rin sa kung paano tumutugon ang isang tao kapag nalalaman niyang may ginagawang pang-aabuso. Ang mga nakabasa ng mga mensahe ngunit nanatiling tahimik ay dapat suriin batay sa kanilang kaalaman, kakayahang kumilos, at aktuwal na naging papel sa sitwasyon,” aniya.
Maaaring gamitin ng ilan ang katotohanang hindi sila ang mismong gumawa ng pang-aabuso upang ihiwalay ang sarili sa nangyari. Ngunit nagiging dahilan ito upang maging makitid ang pagtingin ng publiko sa iba’t ibang anyo ng pagkakasangkot. Nagmimistulang tanging ang mga direktang gumawa lamang ng karahasan ang dapat managot, habang naisasantabi ang papel ng mga nakaaalam ngunit pinipiling hindi makialam.
“Kaya mahalagang magkaroon ng kultura kung saan hindi kinukunsinti ang sexual violence, kahit pa ginagawa itong biro o pinag-uusapan lamang sa isang pribadong grupo. ‘Boys will be boys’ should not be a thing (Hindi dapat gawing katwiran ang pagiging lalaki sa maling asal),” dagdag pa ni Nullan.
Matagal nang nakaugat sa lipunan ang katwirang ‘lalaki naman kasi’ kung saan isinasawalang-bahala ang maling asal ng kalalakihan at itinuturing na karaniwang bahagi ng kanilang pakikitungo sa isa’t isa.
Inilalantad ng mga mensahe kung paano maaaring mamayani ang mapaminsalang pag-uugali sa isang grupong walang malinaw na pagtutol.
Higit pa sa tahasang pananalita, inilalantad ng paanyaya sa mga lalaki na gawin ang gayong kilos ang posibilidad na naging katanggap-tanggap sa loob ng grupo ang pagtrato sa isang babae bilang paksa ng ganitong usapan.
Lalong tumitibay ang ganitong pag-iisip kapag itinuturing na likas na bahagi ng pagiging lalaki ang mga asal na dapat sana ay kinokondena, kaya’t nagiging mas madaling palampasin ang mga pag-uugaling nangmamaliit sa kababaihan.
Sapagkat sa halip na kilalanin ang mga ito bilang bunga ng sariling pagpapasiya, naipapasa ang sisi sa nakagisnang kultura, na tila sapat na rason ang pagiging lalaki upang makaiwas sa pagpuna at pananagutan.
Kaya naman nagiging daan ito upang magpatuloy ang pang-aabuso, na nauuwi sa kawalan ng pagtatangkang tumutol o humingi ng tulong sa kabila ng mga nangyayari.
Maaaring hindi lahat ay may direktang kinalaman sa pang-aabuso, ngunit hindi rin dapat maging panangga sa pagharap sa mali ang kultura ng pakikisama. Kung mas pinahahalagahan ang pagprotekta sa isang kasapi kaysa kilalanin ang pinsalang idinulot sa biktima, hindi lamang indibidwal na pag-uugali ang problema kung hindi pati ang mga pamantayang pinipili nitong panatilihin.
Hustisyang walang pagkakakilanlan
Kung nagsisimula ang pananagutan sa pagtangging manahimik sa harap ng pang-aabuso, nararapat lamang na samahan ito ng pagkilala na ang mga taong direktang nakaranas nito ang higit na nangangailangan ng proteksiyon.
Sa ganitong diwa umusbong ang kilusang ‘I am Jane Doe’ — isang panawagang hindi lamang naghahangad ng hustisya para sa isang babae, kung hindi kumikilala rin sa iba pang mga biktima ng seksuwal na karahasan na matagal nang hindi napakikinggan.
Lalong umigting ang usapin sa social media nang maghayag ang political commentator na si Michael Tracey ng pagnanais na matukoy at mailantad ang tunay na pagkakakilanlan ni Jane Doe.
Bilang tugon, nagsimulang mag-post ang mga netizen sa TikTok, Instagram, X, at iba pang plataporma gamit ang pahayag na “I am Jane Doe” upang ipakita ang pakikiisa sa biktima at hadlangan ang mga pagtatangkang tukuyin ang kaniyang identidad.
Ayon sa mga ulat, umaasa ang ilan na sa dami ng magkakatulad na post at magkakaibang taong gumagamit ng pangalang Jane Doe, magiging mas mahirap para sa mga search engine at intelihensiyang artipisyal na matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng biktima.
Higit pa sa pagprotekta sa kaniyang katauhan, naging pagkakataon din ang pagkilos para sa ilan na ibahagi ang sarili nilang karanasan sa seksuwal na karahasan.
Sa ganitong paraan, si Jane Doe ay hindi lamang isang indibidwal sa isang kasong patuloy na sinusuri, kung hindi nagsisilbi ring sagisag ng mga biktimang naghahangad na mapakinggan nang hindi kailangang isakripisyo ang kanilang pribasiya.
“Women don’t owe anyone anything (Walang obligasyon ang kababaihan sa sinuman), at mas lalo nang hindi utang na loob ng survivors sa masa ang kanilang pangalan,” giit ni Nullan.
Sa likod ng pahayag na ito ang prinsipyong may karapatan ang bawat biktima na magpasiya kung kailan, saan, at kanino niya nais ibahagi ang kaniyang kuwento. Hindi dapat gawing pampublikong pag-aari ang isang personal na karanasan dahil lamang naging usap-usapan ito sa social media.
Hindi nangangahulugang walang karapatan ang publiko na alamin ang mahahalagang detalye ng isang kasong may malawak na implikasyon, ngunit hindi rin kailangang malaman ang tunay na pagkatao ng biktima upang masuri ang mga alegasyon, maunawaan ang mga usaping legal, o hilingin ang isang makatarungang proseso.
Sa puntong ito, mahalagang maunawaan na hindi magkakawangis ang karanasan ng bawat biktima at hindi rin magkakatulad ang kanilang paraan ng pagharap sa karahasang pinagdaanan. May mga handang magsalita sa publiko at mas pinipiling magbahagi lamang sa mga pinagkakatiwalaang tao, habang may mga nangangailangan muna ng panahon bago makapagsalita.
Gayunpaman, hindi dapat gawing sukatan ang pagiging bukas o pananahimik ng isang biktima sa bigat ng kaniyang pinagdaanan. Hindi nakasalalay ang kanilang karapatan sa kung gaano karaming detalye ang kanilang ibinabahagi o kung gaano kapani-paniwala ang kanilang kuwento sa pananaw ng publiko.
Higit pa rito, ang pagtatangkang ilantad ang pagkakakilanlan ng isang biktima ay maaaring magdulot ng panggigipit, pagbabanta, o pagkakalat ng maling impormasyon. Maaari rin itong magpalakas sa pangambang ang pagsasalita tungkol sa pang-aabuso ay posibleng humantong sa pagkawala ng pribasiya at kaligtasan.
Si Jane Doe ay hindi lamang isang pangalang nagtatago sa likod ng isang kaso, kung hindi sumasagisag din sa mukha ng bawat biktima ng seksuwal na karahasan. Isa siyang pagkakakilanlan na pilit na pinatatahimik ng takot at pinagkakaitan ng hustisya sa isang lipunang mas marunong magkubli ng pang-aabuso kaysa kumilala sa paghihirap ng mga biktima. Sa pag-usad ng kasong ito, panahon nang hukayin ang katotohanang pilit inililibing at gisingin ang katarungang matagal nang hinihimbing.
(Dibuho ni Elysse Nicolle Duller/FEU Advocate)