FEU freshies, dismayado sa suspensiyon ng Tatak Tamaraw 2026

Ni Dave Louie M. Blas

Nanghinayang ang mga bagong mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) matapos kanselahin ang Tatak Tamaraw 2026 Welcome Fest Concert at iba pang aktibidad kasunod ng pagsuspinde ng klase ngayong araw, ika-7 ng Agosto.

Sa isang anunsiyo, sinuspinde ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso ang klase sa Lungsod ng Maynila bunsod ng masamang panahon dulot ng hanging habagat na pinalakas ng Bagyong Maymay.

Bago ito, sunod-sunod na nasuspinde ang klase sa lungsod, na nagdulot ng pagkaantala sa TAM Challenge noong ika-5 ng Agosto. Kinansela naman ang face-to-face orientation ng mga estudyante ng Institute of Accounts, Business and Finance (IABF) at Institute of Health Sciences and Nursing – Medical Technology at inilipat sa online na sesyon noong ika-6 ng Agosto.

Daing ng mga estudyante

Binalot ng lungkot at pagkadismaya ang mga bagong mag-aaral ng FEU sa sunod-sunod na pagkansela ng mga aktibidad sa huling araw ng Tatak Tamaraw 2026.

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ng incoming accountancy freshman na si Haneyfah Abdulganie ang kaniyang pagkalungkot sa kinahantungan ng isang linggo sanang pagdiriwang ng Unibersidad.

“Nasasayangan ako sa experience dahil siyempre, gusto sana naming ma-enjoy nang buo ang Tatak Tamaraw bago magpasukan kahit ‘yung Welcome Fest Concert man lang. Kasi kaming mga IABF freshies na supposedly nasa school noong August 6 and 7 ay hindi natuloy both days because of suspension, kaya parang hindi ko talaga na-feel ‘yung Tatak Tamaraw (Kasi kaming mga bagong mag-aaral sa IABF na dapat sana’y nasa paaralan noong ika-6 at ika-7 ng Agosto ay hindi natuloy dahil sa suspensiyon, kaya parang hindi ko talaga naramdaman ang Tatak Tamaraw),” aniya.

Nanghinayang din si Abdulganie sa mga naantalang aktibidad, lalo na’t maaaring iyon na lamang ang pagkakataon nilang makapaglibang bago tuluyang magsimula ang mga gawaing pang-akademiko sa kanilang buhay-kolehiyo.

Ganito rin ang naging saloobin ng incoming psychology freshman na si Divine Castro dahil isa ang konsiyerto sa mga pinaka-inaabangan na kaganapan para sa mga bagong mag-aaral.

As a freshman, medyo nanghinayang ako kasi I was actually looking forward for the concert and waiting kung ano ‘yung magiging lineup niya… For me, nakaka-excite to start the school year with a concert… It would’ve been a memorable night for a freshman like me (Bilang bagong mag-aaral, medyo nanghinayang ako kasi inaabangan ko talaga ang konsiyerto at kung sino-sino ‘yung mga magtatanghal. Para sa akin, nakakapanabik simulan ang taong panuruan sa isang konsiyerto. Isa sana itong gabing hindi malilimutan ng mga bagong estudyanteng katulad ko),” sambit niya.

Nasayangan din ang incoming international studies first-year student na si Alex Magbanua sa naudlot na pagkakataong makihalubilo sa kapuwa niyang freshman at mapanood ang mga nakatakdang magtatanghal.

“Kahit nauunawaan ko [ang rason sa pagkansela], mayroon pa ring kaunting kalungkutan. Mapapanood ko sana ang iba’t ibang mga magtatanghal, pero ayos lamang dahil alam kong marami pang oportunidad ang darating upang sila’y aking mapanood,” aniya. 

Dagdag pa ni Magbanua, malaking bagay ang Welcome Fest Concert na kumakatawan sa malugod na pagtanggap ng Unibersidad sa kanila.

Sa kabilang banda, ikinatuwa naman ni Castro ang naging pagsasaalang-alang sa kanilang kaligtasan kaugnay ng mga pagkansela.

I was worried paano ako makakapunta because as they say, commuting is not for the weak if it’s rainy seasonBecause what if on the way ka na, tapos cancelled pala siya. What more pa kung nakatira pa sila sa malalayong places? (Nabahala ako sa kung paano ako makakapunta, dahil sabi nga nila, ang pagkokomyut ay hindi para sa mahina kapag maulan. Dahil paano kung nasa biyahe ka na tapos kanselado pala. Paano pa kaya ‘yung mga nakatira sa malalayong lugar?),”saad niya.

Bagaman sinusubok ng masamang panahon, iginiit din ni Castro na naging malaking tulong pa rin ang mga naunang aktibidad ng Tatak Tamaraw bilang isang bagong estudyante.

Nanawagan naman si Abdulganie na huwag iurong sa napakalayong petsa ang panibagong iskedyul ng konsiyerto upang maiwasang maisabay ito sa panahong tambak na ng mga gawain ang mga mag-aaral.

I know na malaking adjustments ang kailangang gawin ng mga organizers para sa event na ito, lalo na’t may sarili ring schedules ang mga artistsHonestly, kinakabahan lang kasi ako na baka by that time sobrang busy na namin, kaya mahirap nang mag-enjoy dahil may iniisip na kaming quizzes or recitations,” aniya.

Noong Tatak Tamaraw 2025, naitulak ang petsa ng Welcome Fest Concert sa ika-29 ng Agosto dahil sa mga naranasang sunod-sunod na suspensiyon ng klase na nakaapekto sa pag-oorganisa ng mga aktibidad.

Tugon ng organisasyon

Sa hiwalay na panayam, ibinahagi ng Presidente ng FEU Central Student Organization na si Jasper Calara na kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa mga panauhing artista at production supplier para sa posibilidad na maiurong ang Welcome Fest Concert sa ibang petsa.

We aim to continue the festive activities for the freshies, not as a compromise, but to ensure a great welcome experience for our new students (Nilalayon naming maipagpatuloy ang mga masasayang aktibidad para sa mga bagong mag-aaral, hindi bilang isang kompromiso, kundi para masiguro ang isang magandang karanasan sa pagtanggap sa kanila),” aniya.

Batay sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng Tatak Tamaraw, kinansela ang konsiyerto at iba pang mga aktibidad upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante.

While we share in your disappointment, we remain hopeful that we can celebrate this milestone together at a later date (Bagama’t nakikiisa kami sa inyong pagkadismaya, umaasa pa rin kaming sama-sama nating ipagdiriwang ang mahalagang yugtong ito sa ibang petsa),” ayon sa pahayag.

Gayunpaman, wala pang opisyal na anunsiyo patungkol sa kahihinatnan ng Tatak Tamaraw Welcome Fest Concert at iba pang mga aktibidad na naantala sa kasalukuyang pag-uulat.

Ilan sa mga nakatakda sanang magtanghal sa nasabing konsiyerto ay sina OPM artist na si Earl Agustin, drag queen na si Taylor Sheesh, at ang P-pop girl groups na MEI MEI at YGIG.

Batay sa ulat ng PAG-ASA, muling pumasok sa monitoring domain ng ahensiya ang bagyong may international name na Dolphin kaninang alas-dos ng hapon, na tatawagin namang Bagyong Neneng oras na pumasok ito sa Philippine Area of Responsibility.

Nakatakdang magsimula ang unang semestre ng taong panuruan 2026–2027 sa darating na Lunes, ika-10 ng Agosto, batay sa FEU Manila Academic Calendar.

(Kuha ni Ma. Louela Luna/FEU Advocate)