
“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Isang katagang ipinapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.
Paulit-ulit itong binibigkas sa mga nakahihimok na talumpati, o kaya’y sa mga pangangampanyang nag-uumapaw sa pangako — isang katagang kinasanayan na nating tanggapin at paniwalaan nang walang pagdududa. Subalit pagkahupa ng palakpakan matapos bitawan ang linyang ito, may bigat na unti-unting dumadagan sa kabataan habang namumulat sila sa realidad ng lipunan. Sa kasalukuyang lagay ng mundo, kaya nga ba nating pasanin ang pag-asang ito?
Sa unang tingin, isang karangalan ang matawag na ‘pag-asa ng bayan.’ Ngunit sa likod ng bawat papuri, may mga nakauubos-lakas at mabibigat na ekspektasyong ipinapatong sa ating mga balikat.
“Magpakahusay ka sa pag-aaral.”
“Kumuha ka ng ‘kagalang-galang’ na propesyon.”
“Tuparin mo ang mga naudlot naming pangarap.”
Hanggang sa hindi na mabilang ang dami ng kailangang patunayan.
Ipinapasan sa atin ang mabibigat na tungkulin bilang mga tagapagbago ng daigdig, subalit itinuturing namang kasing-liit ng langgam ang mga suliraning kasalukuyan nating hinaharap. Sa sandaling tayo’y malugmok sa pagod o sumalungat sa nakasanayan, ang mga balikat na dapat sana’y masasandalan natin ay mas pinipili na lamang magkibit-balikat sa ating mga sugat. Mabilis na pinatatahimik ang ating tinig at ipinupukol sa atin ang malamig na linyang: “Kaya mo na ‘yan, matanda ka na.”
Inaakala ng lipunan na sa sandaling mapunasan ang gatas sa ating mga labi ay handa na tayong tumayo sa sarili nating mga paa, habang ipinagkakait ang suportang kailangan natin upang buhatin ang kinabukasan — isang mundong kasing-sira ng tahanang puno ng bitak at nagbabantang gumuho.
Sapagkat ang mga bitak na ito ay hindi likas, kundi bunga ng mabuway na pundasyon ng sistema. Ipinamamana sa atin ang mga posisyong pinagkakakitaan ng iilan, hustisyang kumikiling sa makapangyarihan, at ang sistemang mas mapagparusa kaysa mapag-unawa. Sa ilalim ng kawalan ng katarungan, bitbit din ng kabataan ang takot at pangamba na baka hindi sila maging sapat upang tibagin ang lumang gawi at ituwid ang baluktot na sistema.
Hindi ito dahil ayaw nating maging bahagi ng pagbabago. Sa katunayan, hangad din natin ang mas maayos na bayan. Subalit paano mo magagampanan ang pagiging tanglaw sa dilim kung mismong lipunan ang pumupundi sa iyong liwanag?
Sa huli, nananatiling totoo na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ngunit ang tunay na pag-asa ay hindi maisasakatuparan sa pagpapagapos sa mabigat na kadena ng lipunan, kundi sa malayang paghakbang kasama ang isang pamayanang marunong umunawa at magbago.
Ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Subalit ang mismong bayan din ba ay kayang maging kanlungan at bukal ng pag-asa para sa kabataan?
- Georzea Akeisha R. Santos
(Dibuho ni Rian Balagtas/FEU Advocate)