
Ni Eunhice Corpuz
Sa kabundukan sumisibol ang buhay at kaluluwa ng komunidad ng mga katutubong Ayta. Para sa kanila, ang bundok ay hindi lamang nagsisilbing tirahan, kundi bilang pangunahing pinagkukunan din ng kanilang kabuhayan. Ngunit sa isang iglap, ang dating luntiang kabundukan ay nilamon ng tone-toneladang basura na ngayon ay patuloy na nag-iiwan ng nabubulok na alingasaw sa kanilang lupang tinubuan.
Nang ipalabas ang dokumentaryo ni Kara David sa I-Witness na pinamagatang ‘Ibinasurang Paraiso,’ na nagsisiwalat ng kalagayan ng mga Ayta sa Sitio Tibag, Barangay Naugsol, Subic, Zambales, umani ito ng samot-saring komento at opinyon mula sa publiko.
Ngunit habang natatabunan ito ng kaliwa’t kanang isyung panlipunan, nananatiling pasan ng mga Ayta ang perhuwisyong idinulot ng lokal na pamahalaan. Isang pasaning hindi sila ang lumikha, subalit sila ang nagbabayad at nagdurusa.
Lupang nilinang, pamahalaang mapanlinlang
Nakaangkla sa lupa ang buhay ng mga katutubong naninirahan sa kabundukan sapagkat ito ang pinag-uugatan ng kanilang kabuhayan. Tulad ng komunidad ng mga Ayta, malalim ang kanilang pagkakatali sa likas na yaman na patuloy nilang inaalagaan at nililinang bilang bahagi ng kanilang lupang ninuno.
Sa kabila ng mabilis na modernisasyon, nananatiling bukas ang mga katutubo sa mga pakikipag-ugnayan at diskusyon upang lalo pang mapaunlad ang kanilang pamayanan. Sa katunayan, sa isang bahagi ng kabundukan sa Naugsol, Subic, Zambales, ang komunidad ng mga Ayta ay napangakuan ng isang proyektong maghahatid umano sa kanila ng maunlad na pagbabago.
Ang bahagi ng kabundukan kung saan nakatakdang itayo ang naturang proyekto ay sakop ng lupang ninuno ng mga Ayta na mahigpit na pinoprotektahan sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997.
Batay sa mga panayam at sa dokumentaryo, ang proyektong ipatatayo ng lokal na pamahalaan ng Subic ay isang kalsada na naglalayong mas mapadali ang paglalakbay ng mga residente.
Isang malaking hakbang sana ito para sa inaasam na kaunlaran ng kanilang komunidad sa kabundukan. Bagama’t natupad ang ipinangakong kalsada, inakala ng mga Ayta na roon na matatapos ang proyekto. Subalit nagimbal ang mga ito nang matuklasang may mas malalim pa palang pakay ang pamahalaan — isang planong hindi ipinaalam sa kanila at kalauna’y naging banta sa kanilang hanapbuhay at pamumuhay.
Sa halip na kaginhawaan, perhuwisyo ang idinulot ng itinayong daan sa komunidad. Kapalit ng daan na ginawa upang mapadali ang kanilang paglalakbay ang pagdating ng mga trak na lulan ang iba’t ibang klase ng basura ang sumalubong sa kanila.
Mula sa dokumentaryo, makikitang malawak at luntian ang lupang minsa’y napapakinabangan bago ito tabunan ng basura. Ayon sa mga residente, ang bahaging tinambakan ng lokal na pamahalaan ay lugar na kanilang pinamamahingahan noon sa tuwing inaabutan na sila ng gabi.
Ang dating masagana at payak na pamumuhay ng mga katutubo ay nagulo dahil sa proyekto ng pamahalaan. Sa halip na tulong at kaunlaran, dagdag na pasanin ang kanilang dinanas nang maging isang malawak na bunton ng basura ang bahagi ng kabundukang pangunahing pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.
Ang hubad na pangako
Sa kabila ng mga ipinangakong kaunlaran, nananatiling mabigat ang karanasan ng mga katutubo sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Ang kanilang mga hinaing ay hindi lamang tungkol sa nakompromisong kabuhayan, bagkus sa kawalan din ng respeto sa kanilang lupang ninuno at karapatan.
Nagsimula ang pagtatapon ng basura sa bahagi ng bundok malapit sa komunidad noong taong 2019 sa ilalim ng pangako na ito ay magiging pansamantala lamang.
Bukod pa rito, tiniyak ng lokal na pamahalaan na masusunod ang tamang proseso ng pagtatapon, kabilang ang paglalagay ng mga plastic barrier at pagtatabon ng lupa sa bawat patong ng basura upang makontrol ito nang maayos. Magtatayo rin umano ng sementadong pader sa paligid ng tambakan upang mapigilan ang kontaminasyon at ang pagkalat nito sa komunidad.
Ngunit magmula nang magtapon ng basura ang pamahalaan sa lugar, ni isa sa mga ipinangako nito ay walang natupad. Sa loob ng anim na taon, nanatiling napabayaan at nabinbin ang lahat ng napagkasunduan.
Dahil dito, idinadaing ng mga residente ng Sitio Tibag ang tone-toneladang basurang patuloy na naiipon sa bahagi ng kabundukan, at ang mga kalat na ito ang yumuyurak sa kanilang pinagkukunan ng pagkain at pangkabuhayan.
Dulot ng kapabayaang ito ng lokal na pamahalaan, lumipat ng lokasyon ang komunidad malayo sa apektadong parte ng bundok sapagkat naging banta na sa kanilang kalusugan ang masangsang na amoy at ang mga langaw na namumugad sa mismong nakatambak na basura rito.
Maliban sa paglipat ng mga tahanan, napilitan din silang ilipat ang kanilang taniman dahil wala nang tumutubong halaman sa dating masaganang lupa na kanilang pinagtataniman.
Ang kuwento nina Erinda at Virgilio
Bunsod ng kaliwa’t kanang epekto ng ginawang pagtambak, hindi maikakaila ang pait at hinanakit sa mga salita ng residenteng si Erlinda Capistrano habang isinasalaysay ang paglapastangan sa bundok kung nasaan ang kanilang pamayanan.
“Parang nagagalit na hindi ko po maintindihan ang sarili ko. Naawa po ako sa lugar na bakit ginanito po nila? Masakit po sa damdamin,” pahayag niya mula sa panayam ng dokumentaryo.
Dagdag pa niya, ang dating malinis na sapa na kanilang pangunahing pinagkukunan ng tubig ay naging kontaminado na dahil sa katas ng basurang dumadaloy rito.
“Kung wala pa pong basura, ito’y malinis po. Kahit ganiyan lang po, iinom po kami ‘pag nauuhaw,” paglalahad ni Erlinda.
Bunsod nito, umaasa na lamang ang komunidadsila sa tubig-ulan bilang alternatibong mapagkukunan ng maiinom. Isa lamang si Erlinda sa daan-daang residente na apektado dahil sa kapabayaang gawa mismo ng kanilang lokal na pamahalaan.
Ayon naman kay Virgilio Delos Santos, lider ng Sitio Tibag, ipinatawag sila ng alkalde ng Subic upang magkaroon ng kasunduan bilang tugon sa ipinasa nilang reklamo noong 2019.
Magbibigay umano ng ₱10,000 kada buwan ang munisipalidad para sa nasabing proyekto. Noong una, iItinuring ng mga katutubong residente ang bayad na ito bilang renta para sa kanilang lupa na ginawang tapunan habang pinanghahawakan ang naging kasunduan nila sa pamahalaan.
Subalit sa huli, napilitan na lamang silang tanggapin ito sapagkat sumang-ayon man sila o hindi, wala na silang magagawa dahil napatag na ng lokal na pamahalaan ang bahagi ng bundok upang gawing tambakan.
Langit, lupa, gobyerno
Salungat sa mga testimonya ng katutubong Ayta ang bersiyon na mayroon ang lokal na pamahalaan ng Subic sa paggiit ni Subic Municipal Engineer Marial Del Castillo na ang rason kaya napili ang lugar ay dahil liblib na parte ito sa kabundukan at wala umanong naninirahan.
Ganito rin ang naging pahayag ni Mary Grace Molina, ang Officer-in-Charge ng Municipal Environment and Natural Resources Office. Ayon sa kaniya, hindi na isasakatuparan ang proyekto kung nabatid nilang may naninirahan doon.
Ngunit taliwas ang lahat ng ito sa pahayag ng mga katutubo, dahil anila’y alam ng pamahalaan na may naninirahan sa lugar lalo’t mismong ang mga opisyal pa ang lumapit at nangako sa kanila ng sementadong daan.
Para sa mga opisyal ng pamahalaan, madaling sabihin na hindi na itutuloy ang proyekto kung alam nilang may nakatira sa lugar. Ngunit kung susuriin, sa loob ng anim na taon ay kitang-kita na may mga bahay at pananim ang mga residente sa kabundukan. Isang katotohanang pilit na binabaon sa lupa kahit lantaran na itong umaalingasaw.
Kasabay ng pagtanggi ng pamahalaan sa giit ng mga residente, itinanggi rin nilang may naganap na opisyal na kasunduan sa pagitan ng dalawang panig. Sa katunayan, ipinakita sa dokumentaryo na walang anumang opisyal na naitala sa munisipyo hinggil sa sinasabi ng mga katutubong pinirmahan at napagkasunduan.
Gayunpaman, nangako silang pananagutan ang perhuwisyong kanilang idinulot sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga hakbang upang tugunan ang epekto ng mga basurang nakatambak sa kabundukan.
Kaugnay nito, inamin din ng lokal na pamahalaan na wala pa silang sapat na pondo para sa rehabilitasyon ng naturang dumpsite. Ayon kay Del Castillo, nakapagpasa pa lamang sila ng funding assistance sa Department of Public Works and Highways upang pondohan ang rehabilitasyon na nagkakahalaga ng ₱78 milyong piso.
Kaya naman habang wala pang pondo, ang naisip na pansamantalang solusyon ay tabunan ng lupa ang tambak ng basura dahil wala umano silang kakayahang tanggalin ito.
Ang isyung ito ang patunay na ang mismong lokal na pamahalaan ang nagbibigay perhuwisyo sa buhay at kabuhayan ng mga katutubo. Dahil sa mga pangakong nabibinbin, wala ni isa sa mga ito ang naisakatuparan o nabigyan ng agarang solusyon.
Panig ng tribong Ambala, tugon ng ahensiya
Kasunod ng sigalot sa pagitan ng mga katutubo at ng kanilang lokal na pamahalaan, lumabas ang iba’t ibang pahayag na tila mas nagpalabo sa tunay na sitwasyon sa kanayunan.
Sa isang panayam ng Luzon News Hub, pinalagan ng lider mula sa tribong Ambala na si Francis Santos ang mga pahayag ng mga residente. Giit niya, malayo ang kinaroroonan ng dumpsite sa kanilang pamayanan.
“Malayo po kami doon sa basurang sinasabi po nila na kami po ‘yung naapektuhan. Nasa two or three kilometers pa po ‘yung layo,” pahayag ni Francis.
Bukod pa rito, sa isang artikulo ng GMA News, ibinahagi ni Francis na inakala rin nila na pansamantala lamang ang pagtatapon ng basura sa bahagi ng kabundukan.
Ayon din sa kaniya, nagpaubaya silang gamitin ang lupa bilang tambakan ng basura dahil sa kawalan ng ibang mapagtatapunan ng mga itobasura sa buong Subic. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman, kapalit naman nito ang paglaspag ng pamahalaan sa kanilang lupang ninuno.
“‘Yung pagpayag po namin eh parang concern din po namin sa buong Subic, kasi buong Subic po… ‘yung basura po ng buong Subic ‘yung nilagay riyan,” saad ng lider-katutubo sa naturang panayam.
Kaugnay nito, naglabas ng utos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pamahalaan ng Subic na ipasara at ipasaayos ang apektadong lugar dahil tahasan nitong nilabag ang RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act.
Gayunpaman, inabot pa ng tatlong taon bago ito nalaman ng DENR, na naglabas ng kasunod na direktiba sa pamahalaan noong Enero 2022. Tumagal pa ng panibagong tatlong taon bago tuluyang naipatigil ang operasyon ng pagtatapon ng basura noong Oktubre 2025. Kasunod nito ang opisyal na pagpapasara noong Nobyembre 2025.
Sa kabagalan ng pag-usad ng aksiyon mula sa ahensiya, masasabi bang isa rin itong anyo ng kapabayaan sa kanilang tungkuling pangalagaan at protektahan ang kalikasan?
Hindi lamang ang isyung ito ang nagpapakita ng kapabayaan ng pamahalaan sa kapaligiran at likas na yaman ng bansa. Isa lamang ito sa napakaraming problemang dapat pang himayin, harapin, at panagutan ng kagawaran.
Lupang tinubuan, kabundukang tinabunan
Tumagal man ng anim na taon bago nabigyan ng aksiyon ang dinaranas ng mga Ayta sa Sitio Tibag, masasabing hindi pa rito natatapos ang kanilang laban. Ang lupang pinatag at tinambakan ng basura ay mananatiling paalala sa komunidad na minsang nagtiwala sa pangakong kaunlaran at kaginhawaang ipinagkait ng mga mapagsamantala.
Tuloy-tuloy man ang paglilinis at pagtatakip ng lupa sa bundok ng basura, hindi pa rin nito maaalis ang masangsang na amoy ng pananamantala ng pamahalaan sa mga katutubong nais lamang mamuhay nang payapa.
At kahit saang anggulo man tingnan, nananatiling isang tahasang paglapastangan ang pagsasamantala sa minsa’y luntiang bundok upang gawing tambakan ng basura.
Sa huli, nararapat na patuloy singilin ang pamahalaang walang habas sa pagyurak at pagtapak sa mga mamamayang naghihirap at walang sapat na kapangyarihang kondenahin ang kanilang maling gawa.
Sinasalamin ng isyung ito na hangga’t walang magbibigay ng boses at plataporma sa mga katutubo ng Sitio Tibag, patuloy lamang na tatabunan ng basura ang kanilang karapatan, pamumuhay, at kabuhayan. Sapagkat ano na lamang ba ang natitira mula sa kararampot na awa ng mga naghaharing-uri para sa mga katutubong inaapi?
Niyurakan man ang luntiang lupaing kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, patuloy na tutubo ang pag-asa sa puso ng mga katutubo. Madali nga namang sabihing walang taong naninirahan sa liblib na bundok kung salapi ang nakatapal sa mga mata ng mga nanamantala. Ngunit sa kabila ng nangyari, makakamtan lamang ng mga katutubo ang tunay, payak, at maginhawang buhay kapag hindi na sila ang patuloy na ipinagbabayad sa kasalanan at kapabayaan ng pamahalaan.