FEU alumnus ranks 5th in June 2019 ALE
- July 05, 2019 16:22
FEU Advocate
November 21, 2020 11:00
Ni Agustin F. San Andres, Jr.
Inilunsad ng mga mag-aaral at ng alumna’t kasalukuyang propesor ng Far Eastern University (FEU) ang iba’t ibang donation drives online at relief operations upang tulungan ang mga biktima ng bagyong Ulysses sa Luzon.
Pagkakabuo ng Sama-Sama PH
Naisipan nina Jesus Antonio Bautista, Communication (Convergent Media Track) student at ng kaniyang grupo na buuin ang Sama-Sama PH dahil ‘mahirap sa pakiramdam’ na wala silang ginagawa habang ang iba ay nagdurusa sa panahon ng sakuna.
Sa pakikipagtulungan sa Keeping Hope Alive, ang mahigit P27,000 na pondo at in-kind donations gaya ng saku-sakong bigas, face masks, at face shield na kanilang nalikom ay matagumpay nilang naipamahagi sa 290 na pamilya sa naganap na relief operations noong Nobyembre 16 sa Montalban, Rizal.
Gaya na lamang ng itinuturo sa FEU, binigyang-diin ni Bautista na kailangan ng bawat isa na mas maging matapang sa kahit anumang sitwasyon lalo na sa panahon kung saan marami ang nangangailangan ng tulong.
Sa pakikipagpanayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Bautista na magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ng kanilang grupo matapos nilang ilunsad ang first wave ng relief operations.
“Masaya at malungkot dahil masarap sa pakiramdam na nakakatulong kami sa iba pero nakakalungkot isipin na hindi pa sapat ‘yon lalo na sa sitwasyon nila ngayon, kasi kailangan mas pag-igihan pa namin, kailangan namin makahanap ng iba pang paraan para matulungan sila,” pagbabahagi nito.
Inaasikaso na ngayon ng grupo ang gaganaping relief operations sa Region 2 na dumanas din nang matinding pagbaha at ang pagbabalik nila sa Montalban, Rizal para sa second wave ng kanilang pagtulong.
FEU Filmmakers at Sine Ahon
Para kay Mark Christian Cascayan, Communication (Digital Cinema Track) student, sapat na dahilan na ang krisis na kinakaharap ng mga Pilipinong apektado ng nasabing bagyo na mas pinalala pa ng pandemya upang ilunsad nila ang Sine Ahon, isang film screening for a cause.
Madaling napapayag ni Cascayan ang kaniyang mga kaibigang communication students na parte ng Sine Ahon dahil pare-parehas silang gustong makatulong, makapagmulat, at makapag bahagi ng mga makabuluhang pelikula na sila mismo ang gumawa.
Ibinahagi pa ni Cascayan na nakatulong ang core values ng Unibersidad sa paglunsad ng donation drive na ito, kung saan nagamit nila itong kasangkapan upang makapagbigay ng tulong kahit sa panandaliang paraan.
“Sa pag-ukit sa amin ng unibersidad gamit ito ay tinatahak naming lakas loob at buo ang determinasyon na gamitin ang natutunan di lamang sa magiging trabaho namin kundi sa mga kababayan din natin,” dagdag nito.
Pinaalalahanan naman ni Cascayan ang bawat Pilipino na maging matalino kung sino ang iboboto sa darating na eleksyon dahil nakasalalay sa mga ihahalal ng taumbayan ang kinabukasan ng Pilipinas.
“Ang resiliency ng mga Pilipino ay palasak na salita na. Una sa lahat, ang pagkakaroon ng ganitong initiative ay dapat pang-suporta nalang sa national government pero ang nangyayari baligtad, inaasahan palagi ng gobyerno ang initiative ng mga pribadong grupo o NGO [non government organization] na ang iba ay [may] limitado ang kakayahang maipa-abot ang tulong,” pagdidiin nito.
Maaring panuorin ang mga pelikula sa Sine Ahon mula Nobyembre 21 hanggang Nobyembre 22. Binabalak din ng organisasyon na magkaroon muli ng film screening sa mga susunod pang linggo upang ang mga malilikom na pondo ay pandagdag tulong sa donation drive ng Sama-Sama PH, isa ring Tamaraw stude-led initiative.
Pagkatatag ng Project Sibol
Nasa Binangonan, Rizal noon si Stephanny Cariaga, Language and Literature Studies (English Track) student, nang hagupitin ni Ulysses ang kanilang lalawigan. Sa paggamit niya ng Facebook pagkatapos bumalik ng kuryente sa kanilang lugar, nalaman niya na lubog pa rin sa baha ang karatig bayan. Bunsod ng pagkakataon na ito, napagpasyahan nina Cariaga at ng kaniyang mga kasama sa ‘Project Sibol’ na tulungan ang Rizaleños na walang naisalbang gamit at ari-arian sa pananalasa ng bagyo.
Sa pakikipagpanayam ng FEU Advocate, isinaad ni Cariaga na ang kasalukuyang pandemya ang labis na nagpahirap sa kanila upang idaos ang kanilang relief operations, ‘pagkat nagmula pa sa magkakaibang lugar ang kanilang grupo.
“Kahit ganoon, nanaig ang kagustuhang [ng grupo na] makatulong sa kapwa kaya naman kahit malayo ay nagawa ng aming volunteers na magsama-sama para madaling maiparating sa mga nangangailangan ang agarang tulong,” dagdag nito.
Nitong nagdaang Miyerkules, Nobyembre 18, nakapamahagi ng suplay ng pagkain at hygiene kits ang grupo sa 100 pamilyang nakatira sa Celine Homes 4 Burgos, Rizal. Pinaplano rin nila Cariaga na tumulong sa mga evacuation centers sa San Mateo, Rizal.
Samantala, ibinahagi naman Cariaga na ang core values na itinuturo ng Unibersidad ay nakatulong upang pasinayaan nila ang inisyatibong kanilang inilunsad.
“Marahil ay ‘yung matinding pagnanais na tumugon sa panahon ng pangangailangan ng kapwa Pilipino, kahit pa ‘yung iba sa aming kasamahan ay nanggaling pa sa lugar kung saan nanalasa ang bagyo,” pagtatapos nito.
Inisyatibong Project Etneb
Napag-desisyunan naman nina Nicolette Camille Racho, Tourism Management (Travel and Tours Management Track) student at ng mga kasama niya na umpisahan ang Project Etneb dahil nakukulangan sila sa paraan ng kanilang pagtulong (pagpo-post ng emergency hotlines ng Local Government Units o LGUs sa social media) noong sinasalanta ng bagyong Ulysses ang Luzon.
Noong ika-15 ng Nobyembre, inilunsad ng grupo ang proyekto sa kakaibang paraan na kung saan ang mga nais na tumulong sa nasabing inisyatibo ay magbibigay ng hindi bababa sa 20 pesos at kung hindi naman makakapag-abot ng pera ay magta-tag ang mga ito ng 20 na tao sa Facebook upang mas lumawak ang sakop at maraming makaalam sa naturang donation drive sa social media.
Hinimok naman ni Racho hindi lamang ang miyembro ng FEU Community kundi pati na rin ang bawat Pilipino na huwag magsawang tumulong sa mga biktima ng trahedya kadugo man o hindi.
“Oo, nalimitahan tayo dahil hindi pa rin natatapos itong pandemya na ito ngunit kahit nasa loob ka lang ng bahay ay may magagawa ka na rin. Sa kahit anong halaga ng pera o gamit na pwede natin maibigay sa ating mga kababayan na nasalanta ay malaking tulong na rin ‘yon. Patuloy tayong maging daan para mapabuti ang ating bayan,” saad nito.
Sa pakikipagtulungan nila sa Bangon Bayan, ang mahigit P12,000 na pondong kanilang nalikom ay itutulong nila sa 50 na pamilyang sinalanta ng bagyong Ulysses sa Isabela at Cagayan.
Kakaibang Donation Drive ni Ma’am
Nagkasa rin ng kakaibang konsepto ng donation drive si Bb. Dyan Nicole Francisco, alumna at kasalukuyang propesor ng FEU sa mga asignatura ng accounting. Sa kaniyang Facebook account, inilathala niya rito na siya ay magbibigay ng piso sa bawat tamang sagot sa pagsusulit ng kaniyang mga estudyante upang makatulong sa mga biktima ng bagyo.
“I promised my FEU students that I will give them bonus points every finals exam/quiz. But this time, I decided that I will donate 1 peso for every correct answer sa kanilang quiz. I have 99 students and the total question sa quiz is 25. If their average score is around 15 pts, then my total donation will be P1,485. Not bad, and if perfect score sila lahat then that will be P2,475,” pagbabahagi nito sa Facebook.
Isa sa mga naging hamon ni Bb. Francisco ay ang pagpapaliwanag sa iba patungkol sa konsepto ng kaniyang donation drive. Dagdag niya, may nagtanong kasi sa kaniya noon na kakilalang kinuwestiyon kung bakit may kundisyon ang kaniyang pagtulong.
“With proper communication and respect, I told her that this is my additional initiative to help, and my students are aware of the conditions of their quiz. In this way, I can see that I am not really the one who is helping people, it is really my students because without their effort studying for the topics, this will not be possible,” pagpapaliwanag pa nito.
Kasalukuyang mayroong 35 donors ang learning advance accounting for a cause ni Bb. Francisco na binubuo ng kaniyang mga kakilala, kung kaya’t P16.15 na ang halaga ng bawat tamang sagot ng kaniyang mga estudyante. Ang malilikom na pondo rito hanggang Nobyembre 25 ay ibibigay sa napili niyang organisasyon.
Sa paghagupit ng bagyong Ulysses sa Luzon, kabilang ang mga Tamaraw-led initiatives at relief operations sa napakaraming donation drives na lumaganap, inilunsad, at pinangunahan ng mga ordinaryong Pilipino at mga NGO sa social media.
(Litrato mula sa Project Sibol)