Experts explain curfew policy
- July 28, 2016 23:21
FEU Advocate
August 15, 2023 23:23
Ni Lynette Joy A. Pasajol
Nagbigay karangalan ang Far Eastern University (FEU) Chorale bilang kinatawan ng bansa sa ginanap na ikalawang Asia Choral Grand Prix (ACGP) sa Bali, Indonesia noong Hulyo 24 hanggang 26.
Nagtapos ang grupo bilang ACGP 2023 qualifier na nagtanghal sa Balai Budaya “Giri Nata Mandala” Puspem Badung Cultural Hall.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Christine Tenazas, pangulo ng FEU Chorale, na naging isa sa mga hamon ng grupo ang paghahanda para sa kompetisyon.
“The group trained for seven long months in preparation for the competition. Rehearsing the four competition pieces alternatively for six days a week. It was not only a challenge to our vocal ability, but also to our mental and emotional well-being (Pitong buwan na nagsanay ang grupo bilang paghahanda sa kompetisyon. Inaral ang apat na mga piyesa para sa kompetisyon nang paulit-ulit, alternatibo, ng anim na araw sa isang linggo. Hindi lamang ito isang hamon sa aming kakayahan sa pagkanta, kundi pati na rin sa aming kaisipan at emosyonal na kalagayan),” ani Tenazas.
Ang grupo ay lumahok sa mga sekyonal at tumanggap ng mga pagsasanay mula sa mga batikang konduktor at beterano sa larangan na naging parte ng kanilang paghahanda.
Bilang resulta ng kanilang pagsasanay, nagtanghal ang FEU Chorale ng apat na piyesa: ‘Lay a Garland’ ni Robert Lucas Pearsall, ‘Cast Thy Burden Upon The Lord’ ni Alejandro Consolacion II, ‘Papuri’ ni Ily Matthew Maniano, at ‘Arimaonga’ ni Nilo Alcala.
Ibinahagi rin ni Tenazas na karamihan sa kanilang miyembro ay unang beses pa lamang sasabak sa pandaigdigang entablado.
“The group is proud of what it has achieved. Given that majority of the members are first-time competitors, their strong will and courage are highly acknowledged (Ipinagmamalaki ng grupo kung ano ang naabot nito. Sa kabila ng karamihan sa mga miyembro na unang beses sumali sa kompetisyon, mataas na kinilala ang kanilang matibay na kalooban at tapang),” dagdag pa nito.
Bukod sa FEU Chorale, kabilang sa mga kwalipikadong kalahok sa ACGP 2023 ay ang Don Bosco Makati - Boscorale, kapwa kinatawan din ng Pilipinas; Landarbaso Abesbatza ng Spain; PSM Swara Wadhana UNY ng Indonesia; Tamkang Fluxingers ng Taiwan; at M.I.A. Men's Chorus ng Malaysia.
Kinilala ang kinatawan ng Spain bilang kampeon sa nasabing patimpalak.
Hangad ng FEU Chorale na sumalubong ng bagong henerasyon ng mga mang-aawit sa kanilang hanay habang patuloy nilang pinalalago ang mga nagawa ng mga nauna nitong miyembro.
Bago sumalang sa ACGP, nagwagi naman ang grupo sa unang Sing, Tarlac, Sing Choral Festival & Competition na ginanap sa Kaisa Convention Hall, Tarlac City, noong Hulyo 16.
Sila ay umani ng ikalawang gantimpala, gintong diploma, at naturingang Best in Folk Song sa naturang kompetisyon.
Ayon kay Tenazas, nais ni Karl Angelo Tangco, artistic director at conductor ng FEU Chorale na mahasa ang mga miyembro nito sa pamamagitan ng paglahok sa kompetisyon sa Tarlac.
“Sabi ng conductor namin si Sir Gelo, kasi parang half ng choir members namin is wala pa ganoong ka-experience sa pagco-compete, so para naman maging prepared kami for Indonesia, kaya kami nag-join,” saad niya.
Ang ACGP 2023 ay ang unang paglahok ng FEU Chorale sa pandaigdigang kompetisyon matapos magkamit ng unang gantimpala sa Mixed Choir Category sa Andrea O. Veneracion International Choral Festival na ginanap sa Samsung Performing Arts Theater, Circuit Makati, noong Hulyo 2019.
Bilang resulta ng kanilang pagkapanalo noong 2019, nakamit nila ang kwalipikasyon upang makalahok sa patimpalak sa Indonesia at nabigyang parangal sa ika-15 na Gawad Ani ng Dangal.
Matapos ang kanilang kompetisyon sa ibang bansa, ibinida ng FEU Chorale ang konsyertong ‘Pasasalamat’ para sa kanilang ika-19 na anibersaryo na ginanap sa FEU Main Auditorium noong Agosto 12.
Ito ang nagsilbing pamamaalam na pagtatanghal para sa aalis na artistic director at conductor ng grupo.
Ang ACGP ay isang kompetisyon na binubuo ng tatlong patimpalak ng korong Asya, kabilang dito ang Andrea O. Veneracion International Choral Festival ng Pilipinas, Singapore International Choral Festival, at ang Bali International Choir Festival ng Indonesia.
(Litrato mula sa Far Eastern University Chorale Facebook page)