‘FEU, hindi tunay na student-centered’ — Tamaraws sa First Day Rage

Ni Ishia Eleanor F. Marquez

Binatikos ng mga progresibong grupo at mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) ang huwad na student-centered na mga patakaran ng Unibersidad sa isinagawang First Day Rage sa harap ng Gate 4 kahapon, ika-13 ng Agosto. 

Nakasentro sa temang ‘Tams Rage for our Rights,’ tinalakay ng protesta ang mga problemang kinahaharap ng sangkaestudyantehan, kasama ang umano’y pagtaas ng matrikula para sa mga freshman ngayong taong panuruan 2026–2027 at ang patuloy na pagpapatupad ng hybrid learning modality ng Unibersidad.

Sa panayam ng FEU Advocate, ikinadismaya ng miyembro ng Anakbayan - National Capital Region na si Alecx Ymson ang pagtaas ng ilang bayarin para sa mga bagong estudyante.

“Imbis na nararamdaman natin ‘yung pag-unlad ng sistema sa paaralan, [kung] saan mas nagiging magaan para sa mga estudyante… nagiging mas mahirap pa rin [dahil] marami ang miscellaneous fees [na] kailangan bayaran na hindi naipapaliwanag,” saad niya. 

Ayon sa naging pagsusuri ng FEU Central Student Organization (FEUCSO), nagkaroon ng ₱1,700 dagdag-singil na microcredential fee kasabay ng pagtaas sa iba’t ibang bayarin sa matrikula ng mga freshman nang walang paunang konsultasyon sa mga kinatawan ng mga mag-aaral.

Gayunpaman, ibinahagi ng Presidente ng FEUCSO na si Jasper Calara na matapos nilang makita ang pagtaas ng singil, agad na kumonsulta ang FEUCSO sa Administrasyon upang humingi ng paglilinaw tungkol sa naturang dagdag.

“Ang unang aksiyon ginawa namin ay nag-inquire kami sa FEU Administration kung bakit nagkaroon ng increase at hindi ito naibahagi sa amin o nakonsulta… Doon nila binanggit na iba-iba raw kasi ang kurikulum kada taon,” aniya.

Kaugnay ng pagtaas ng matrikula, kasalukuyang kumakalap ng datos ang FEUCSO tungkol sa sentimyento ng mga freshman hinggil sa pagtaas ng kanilang mga bayarin para sa mas maayos na representasyon nito sa Administrasyon.

Bukod dito, binigyang-diin din ni Ymson ang kahalagahan ng pagpapababa ng singil sa matrikula sa gitna ng patuloy na pagsusulong ng blended learning modality

“Kung mayroon mang blended learning, dapat sana’y ibaba ang tuition fee, pero hindi pa rin ‘yon ang nangyari. Kumbaga, kahit sabihin natin na [ang] ladderized tuition fee increase, kung saan pinapasa pa rin sa mga freshies ang tuition fee increase, [nakagagalit] pa rin siya kasi hindi pa rin siya justifiable,” giit niya. 

Kasalukuyang nasa ikalawang taon na ang implementasyon ng hybrid learning modality, kung saan may nakatakdang iskedyul para sa magiging modalidad ng mga klase. 

Sa ilalim ng blended learning, karaniwang isinasagawa ang face-to-face na mga klase mula Lunes hanggang Miyerkules, habang online naman ang mga klase mula Huwebes hanggang Sabado. Gayunpaman, nakasalalay pa rin ang magiging modalidad sa naturang linggo.

Samantala, ibinahagi ni Calara na bagaman hindi sila unang sumang-ayon sa implementasyon ng hybrid learning modality, taliwas dito ang naging resulta ng kanilang isinagawang sarbey tungkol implementasyon nito.

“Nahirapan kami nung una kasi initially ang unang thoughts namin talaga ay hindi kami sang-ayon sa blended learning, ngunit sa pagsusurvey namin, over 70 percent ng students ay naniniwala na nagwowork sa kanila ang blended learning setup,” sambit niya.

Lumabas sa kanilang sarbey na 78.2 porsiyento ng mga estudyante ang mas gusto ang blended learning, 17.9 porsiyento ang nagnanais ng full face-to-face na klase, habang 3.9 porsiyento naman ang may gusto ng purong online

Gayunpaman, nangako ang Presidente ng FEUCSO na sisiguraduhin nila na magiging epektibo ang pagpapatupad ng modalidad ng pag-aaral para sa lahat ng mga estudyante at ipagpapatuloy ang pakikipag-usap sa Administrasyon tungkol sa perspektibo ng mga mag-aaral hinggil dito. 

Sa kabilang banda, kinuwestiyon ni Ymson ang naobserbahang pagtaas ng bayarin sa enerhiya sa kabila ng paggamit ng Unibersidad ng 100 porsiyentong renewable energy

“Kasi ‘di ba renewable energy? Edi dapat libre ‘yung [kuryente]. Sabihin natin na may maintenance feeThey can shoulder the maintenance fee itself, pero ipinapasa pa rin sa ating mga estudyante,” punto niya. 

Noong Hulyo, inanunsiyo ng Unibersidad ang kanilang paglipat sa 100 porsiyentong renewable energy matapos magkabit ng solar panels sa kampus ng Maynila. Ngunit sa kabila nito, ₱69 ang nakitang dagdag-singil sa enerhiya batay sa datos ng FEUCSO.

Maliban sa usapin ng matrikula at modalidad ng pag-aaral, kinondena rin ng mga grupo ang kakulangan sa espasyo para sa mga estudyante, maging ang pagsasara ng ibang silid-aralan at pagpapatay ng air conditioner sa mga klase noong nakaraang semestre. 

Napaka-anti estudyante ng mga patakaran ng FEU Admins pagdating sa paggamit ng rooms… Pinagkakaitan ang mga estudyante na pagkakataon [na] gamitin ang mga bakanteng silid-aralan. May mga pagkakataon din na pinapatay pa ang aircon kahit kailangan naman ito ng mga estudyante,” saad ng miyembro ng League of Filipino Students - FEU na si Sza Mosby. 

Ipinunto rin ni Ymson na mayroong mga estudyante na gumagamit ng mga bakanteng silid sa loob ng Unibersidad kahit walang face-to-face na pasok para sa online na klase o upang tapusin ang mga kinakailangang takdang-aralin habang blended ang modalidad ng pag-aaral.

Bunsod ng hinaing ng mga estudyante hinggil dito, sinigurado ng Presidente ng FEUCSO na inakyat na nila sa Administrasyon ang reklamo kasabay ng paghiling sa dagdag na espasyo para sa mga estudyante.

Samantala, hinimok din ni Calara ang Administrasyon na makinig sa mga hinaing ng mga estudyante. 

“Ang number one naming [panawagan] ay pakinggan [nila] ang mga [kapuwa] estudyante, ang mga Tamaraws, kasi lahat ng solusyon manggagaling [lang din] sa mga Tamaraws… Lahat ng problema natin unti-unti mareresolba kung papakinggan ng Administrasyon ang mga kapuwang estudyante namin,” saad niya. 

Maliban sa mga panawagan sa loob ng Unibersidad, kinondena rin ng mga estudyante ang mga suliraning patuloy na kinakaharap ng bansa, tulad ng malawakang korapsiyon, pagsulong ng inisyatibang Pax Silica, at patuloy na pagkamkam sa mga lupain ng mga katutubong Ayta.

Nakatakda sanang magsimula ang bagong taong panuruan noong ika-10 ng Agosto, ngunit sinundan ito ng sunod-sunod na suspensiyon ng klase sa Lungsod ng Maynila dulot ng malalakas na ulan bunsod ng hanging habagat.

(Kuha ni Neo Cabal/FEU Advocate)