
Malayong-malayo sa karangyaan ang buhay na aming kinagisnan dito sa bukid.
Hindi kami yumayaman sa bawat anihan. Bawat uhay ng palay ay sapat lamang para may maihain sa hapag, may maibaon ang mga bata sa paaralan, at may maiimbak sakaling dumating ang tag-ulan. Hindi ito ang buhay na maipagmamalaki sa mga pahayagan. Ito ang buhay na tuturuan kang makuntento sa biyayang marahang ibinibigay ng lupa.
Subalit anumang hirap ang idinudulot ng buhay sa bukid, hindi nito nabubura ang aking mga alaalang nakatanim.
Sa lupang ito nakaukit ang naging unang yapak ng aking kamusmusan. Narito ang mga pangarap na aming ibinaon kasabay ng bawat butil ng palay, na parehong inaasahang sisibol sa tamang panahon.
Akala ko hangga’t kailangan pa ng bansang ito ng pagkain, kailanman ay hindi tatabunan ang lupang nagbibigay nito.
Hanggang sa dumating sila.
Una, ipinakita nila ang mga papel kung saan nakaguhit ang bagong kinabukasan para sa lugar na ito. Pagkatapos ay nagsimula ang mga panukat na itinulos sa aming bukid. Sinundan ito ng makinaryang mas malakas pa sa aming mga kalabaw, na kayang hukayin ang lupang ilang salinlahi naming inalagaan sa loob lamang ng ilang oras. Kasunod nito ang mga trak na araw-araw ay may kargang panibagong dahilan upang unti-unting palitan ang palayan.
Kailanma’y hindi nila tinanong kung ano ang tumutubo rito. May pakialam lamang sila sa kung ano ang mas kikita rito.
Unti-unti nang naglaho ang mga pilapil na dati naming tinatahak tuwing madaling-araw. Isa-isang natabunan ang lupang kinaugatan ng mga punong nagbibigay-lilim sa tanghali, ang mga bakas ng kalabaw na marahang humahawi sa lupa sa bawat pag-aararo, at ang mga batong inuupuan ng aking ama habang hinihintay ang paglubog ng araw.
Dito ko napagtanto na ang lupa pala’y hindi lamang namamatay sa tagtuyot — kaya rin pala itong ilibing nang buhay.
Hindi ko namalayan na ang mga ibong dati naming tinataboy tuwing anihan ay matagal nang hindi bumabalik. Ang simoy ng hangin na dating amoy-araw at bagong ani ay naging mabigat na — tila ba may pumigil sa paghinga ng lupa. At kahit umulan man, parang hindi na marunong uminom ang bukid.
Paulit-ulit nilang ipinangako na darating daw ang pag-unlad habang iniuunat sa amin ang mga kontrata. Marahil ay darating nga ang inobasyong ipinagmamalaki nila, ngunit walang saysay ang pag-unlad kung ang kapalit nito ay ang lupang matagal nang bumubuhay sa aming bayan.
Habang patuloy na tumatayog ang mga gusali, hindi ko maiwasang isipin kung ilang ani ang kinailangang ibaon bago maitayo ang unang pundasyon. May makaaalala pa kaya na bago matakpan ng bakal at semento, mga uhay ang unang tumungtong sa kinatatayuan ng mga pundasyong minsang naging entablado ng mga sumasayaw na palay sa bawat ihip ng hangin?
Alam kong darating ang panahong may mga taong magtatanong kung bakit bukid ang tawag namin sa lugar na hindi nila kailanman nakitang namunga. At hindi ko alam kung paano ko iyon sasagutin.
Paano mo ikukuwento sa isang tao na unang nakilala ang semento ang amoy ng lupang bagong araro — ang halimuyak na may halong ulan, pawis, at pangakong may muling tutubong buhay?
Paano mo ilalarawan sa kaniya ang luntiang damo na humahapay sa bawat bugso ng amihan kung hindi niya ito kailanman nasaksihan?
Paano mo ipakikita ang mga palay na kumikislap na tila ginto sa ilalim ng araw kung kailanma’y hindi niya ito natanaw?
At paano mo ipaliliwanag ang pakiramdam ng paggising sa sinag ng bukang-liwayway, huni ng mga ibon, at simoy ng preskong hangin, kung ni minsan ay hindi niya ito kinamulatan?
Para sa amin, ang lupang ito ay hindi lamang pinagtataniman ng palay. Pinag-uugatan ito ng mga alaala, tahanan, at kabuhayan ng aming pamilya.
Sa ibabaw ng aming lupain, patuloy na tumataas ang mga haligi. Ngunit sa pagyari nito, unti-unting binabaon sa limot ang luntiang bukirin. Kung tunay na pag-unlad ang ating hinahanap, bakit kailangang patayin ang lupang bumubuhay sa atin para lang ito’y makamit? At kung kailangang ilayo ang mga taong dito na nakaukit ang buong buhay at identidad, para kanino nga ba ang hinahabol na pag-unlad?
- Julienne G. Tan
(Dibuho ni Miles Munich Montreal Jimenez/FEU Advocate)