
Ni Julliane Nicole Labinghisa
Hirap makauwi ang mga mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) Manila matapos malubog sa baha ang kampus at mga karatig na lugar dulot ng malalakas na pag-ulan bunsod ng hanging habagat, kasunod ng naantalang pagsuspinde ng klase ngayong araw, ika-17 ng Agosto.
Nakarating na ang karamihan ng mga estudyante sa kampus nang kanselahin ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Domagoso kaninang alas-diyes ng umaga ang klase sa lungsod sa lahat ng antas, pribado at pampubliko.
Matatandaang nauna nang sinuspinde ng alkalde ang pasok mula kinder hanggang senior high school sa Lungsod ng Maynila kagabi.
Alinsunod dito, inilipat ng Unibersidad sa online na modalidad ang klase sa kampus ng Manila at Makati, habang sinuspinde rin ang lahat ng onsite na transaksiyon at operasyon.
Biyahe sa baha
Bunsod nito, hindi na tuluyang nakapasok ang third-year business administration student na si Ken Huey nang maabutan siya ng suspensiyon sa daan matapos bumiyahe ng dalawang oras patungong kampus dahil sa bigat ng daloy ng trapiko sa gitna ng malakas na pag-ulan.
Para kay Huey, isinusugal ng hindi maagap na pagkansela ng klase ang kaligtasan ng mga mag-aaral dahil sa pabago-bagong panahon.
“Katulad ng nangyari ngayon, nailagay ang mga estudyante sa panganib dahil kailangan din naman naming umuwi at hindi rin naman sigurado kung titila pa ‘yung ulan kung maghintay pa,” aniya.
Ganito rin ang naging sentimyento ng psychology student na si Alessandra Tiburcio na nagpatila muna ng ulan bago tuluyang umuwi sa Marikina.
“Hindi naman [porke] college tayo is… dapat excluded na tayo sa suspension of classes. Hindi rin naman lahat may dorm, so wala rin naman lahat access para maka-book ng Grab and malalayo pa ‘yung uuwian,” giit niya.
Marami sa mga komyuter ang nakaranas ng aberya habang nasa biyahe katulad na lamang ng pagtirik ng sasakyan at ang pansamantalang tigil-pasada ng iilang mga pampublikong transportasyon, habang ang iba naman ay tuluyan nang walang masakyan dulot ng tumataas na baha.
Isa na rito ang fourth-year nursing student na si Hannah Corod na mag-iisang oras na na-stranded sa kahabaan ng España dahil sa pagtirik ng sinasakyang jeep.
“We couldn’t get out because of the flood. We needed to make an ambagan just to get people who would help us get out of certain places where the flood was deep (Hindi kami makalabas dahil sa baha. Kinailangan pa naming mag-ambagan para makahanap ng taong makatutulong sa amin na iwasan ang malalalim na baha),” kuwento niya.
Kapag walang ulan, inaabot si Corod ng halos 15 minuto lamang bago makauwi sa Welcome Rotonda, ngunit dahil sa aberya ay dalawang oras siyang naantala — isang oras na istranded at isang oras na paglalakad sa malalim at maruming tubig-baha.
Samantala, napilitan naman ang third-year nursing student na si Jorge Matthew Atienza na gumawa ng panaklob sa kaniyang sapatos bilang bota para makatawid mula sa kanilang klase papunta sa mas maayos na puwesto.
Kabilang si Atienza sa mga estudyante na piniling magpatila muna ng ulan sa loob ng Unibersidad dahil sa hindi inaasahang pagbuhos ng ulan at pagtaas ng baha.
“Kung na-cancel na ‘to in an early time, hindi sana mangyari ‘yung mga ganito na lulusong pa kami sa baha... Sobrang dami na agad na effects na nangyari sa isang neglectful na decision na hindi nagawa nang mas maaga,” diin niya.
Daing ng mga lumusong
Hindi rin maiwasang madismaya ng second-year nursing student na si Aishea Lavarias sa nahuling kanselasyon ng klase sa kabila ng naging paunang ulat sa lagay ng panahon.
“Disappointing siya because the following weeks nagso-show na malakas ‘yung ulan, tapos may tatlong bagyo na papasok sa Philippines. So I feel like expected na may mangyayari na ganito, so I don’t get bakit kailangan na mag-suspend na 12 noon pa (Nakadidismaya siya kasi kita naman ‘yung malakas na ulan nitong mga nakaraan tapos may tatlong bagyo pa na papasok sa bansa. Inaasahan na talaga na may mangyayari na ganito kaya hindi ko maintindihan bakit kailangan alas-dose pa ng tanghali isuspinde),” aniya.
Para kay Lavarias na bumibiyahe ng isa at kalahating oras para makauwi, makatutulong ang mas maagang suspensiyon ng klase bilang konsiderasyon sa mga estudyanteng galing pa sa malalayong lugar.
“It would be better if they would improve (Mas maganda kung pagbubutihin pa nila) na mas maaga ‘yung pag-cancel ng classes, for example the day before ng pasukan kasi [maraming] beses na ito nangyari, and kahit [maraming] beses na, parang hindi natututo,” saad niya.
Dagdag pa ni Atienza, hindi makatarungan ang naunang suspensiyon ng klase na hanggang senior high school lamang dahil apektado rin ang mga kolehiyo sa ganitong mga sitwasyon.
“Hindi naman lahat ng students may privilege or power to have, kunyari, let’s say ‘yung iba ang lalalayo pa ng inuuwian, kumbaga wala silang ibang choice [but] to commute... Ano, aantayin pa nila ‘yung baha na humupa? Eh pano kung ‘yung baha hanggang madaling araw na ganiyan, edi hindi na sila nakauwi on their own,” aniya.
Ito rin ang daing ni Tiburcio na nananawagan sa Unibersidad na unahin ang kalagayan ng mga estudyante sa pamamagitan ng kusang pagkilos imbes na maghintay ng anunsiyo galing sa pamahalaan.
“Ang gusto ko lang sana, i-consider nila ang students nila na kahit wala pang announcement ng mayor or higher ups kung alam naman nilang na may ganitong instances na babagyuhin tayo… Kasi may iba na [galing sa] malalayo na stranded na ‘yung lugar nila kaya hindi na makakabiyahe. Sana i-consider nila ‘yung welfare ng students,” ani Tiburcio.
Gayundin, hiling ni Huey ang tunay na pagiging ‘student-centered’ ng Pamantasan na isa sa mga ipinagmamalaki nitong katangian.
“Ayusin lang nila ‘yung pamamahala nila at tuparin nila yung pagiging student-centered university nila. FEU can actually do better given na may tools naman tayo for these circumstances (Kaya ng FEU na umakto nang mas maayos dahil mayroon naman tayong mga mekanismo para sa ganitong sitwasyon). I don't know why (Hindi ko alam kung bakit) nagbubulag-bulagan mga namumuno sa hinaing ng mga estudyante,” giit niya.
Dagdag pa ni Huey, maaari namang lumipat sa alternatibong modalidad ng pagkatuto ang Unibersidad sa ganitong mga pagkakataon upang hindi malagay sa peligro ang mga mag-aaral.
“Tutal meron naman tayong capability to conduct online modality, bakit hindi natin ito i-maximize at maaga tayo magsuspend sa mga ganitong pagkakataon na unpredictable ‘yung weather. Dapat maging maagap ang pamunuan ng Unibersidad dahil hindi biro ang mga maaaring mangyari sa mga estudyante dahil sa kapabayaan nila,” aniya.
Sa kasalukuyang pag-uulat, marami pa ring lugar sa Metro Manila ang lubog sa baha, kabilang na ang mga karatig na eskuwelahan katulad ng University of Santo Tomas at University of the East.
Umabot din hanggang tuhod ang baha sa ilang bahagi ng Unibersidad kabilang na ang Gate 4, Nicanor Reyes Hall, at tapat ng FEU High School kaninang hapon.
Samantala, kinansela na rin ng Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang face-to-face na klase sa lahat ng antas at inabisuhan na lumipat sa alternative delivery mode ang mga pamantasan para bukas, ika-18 ng Agosto.
Kasunod nito, dahil sa inaasahang pagpapatuloy ng masamang panahon buong linggo, inanunsiyo ng FEU ang paglipat sa online na modalidad ng mga klase mula ika-18 hanggang ika-22 ng Agosto.
Binuksan din ng Pamantasan ang ilang lugar sa kampus kabilang ang The Huddle sa Education Building 101 at Tams Craving sa Engineering Building para sa mga na-stranded na estudyante at empleyado. Nagbahagi rin ang FEU Central Student Organization ng pagkain sa mga Tamaraw habang naghihintay na maging maayos ang lagay ng panahon.
- May mga ulat nina Shane Tapican at Ishia Eleanor Marquez
(Kuha ni Nirel Josh Sebastian/FEU Advocate)