
Le Petit Prince
Ni Sean Clifford M. Malinao, Patnugot ng Lathalain
Hindi na bago ang baha kapag isa kang mag-aaral sa Maynila. Taon-taon, kasabay ng bugso ng panahon ang matinding pakikipagsapalaran makapasok lamang sa pamantasan. Ngunit sa kabila ng paulit-ulit na sitwasyong ito, bakit tila ang mga estudyante pa rin ang kailangan matutong makibagay sa panahon at sa isang sistemang hindi marunong makinig?
Tuwing malakas ang buhos ng ulan, nagiging pamilyar na eksena ang mga estudyante na nakatutok sa kanilang mga selpon, naghihintay ng anunsiyong magtatakda kung mas ligtas bang manatili sa kanilang tahanan o kailangan pa ring makipagsapalaran patungo sa pamantasan.
Ngunit para sa marami, hindi ganoon kasimple ang paghihintay.
May mga mag-aaral na kailangang bumiyahe nang mahigit isa o dalawang oras bago makarating sa paaralan. Mayroong umaasa sa mga pampasaherong sasakyan na maaaring maantala o tuluyang maiwanan ng biyahe kapag lumala ang panahon. At may mga mag-aaral na bago pa man ilabas ang anunsiyo ng suspensiyon ay nasa kalagitnaan na ng kanilang paglalakbay.
Sa tatlong taon ko sa kolehiyo at mas maraming taon bilang mag-aaral sa Pilipinas, nakapanlulumong isipin kung paano na naging karaniwan ang eksenang ito. Ngunit ang higit na mas nakalulungkot ay bakit tila hindi na ito nakapagtataka.
Nasanay na tayong ituring ang ganitong karanasan bilang ‘normal’ — ngunit para sa isang mag-aaral na paulit-ulit nang nakararanas nito, mahirap hindi mapaisip kung kailan nga ba natin tinanggap na ang ganitong hirap ay likas na bahagi ng edukasyon?
Maging ang binagong mga alituntunin ng Department of Education hinggil sa pagsuspinde ng klase at trabaho ay malinaw na kinikilala ang matinding pag-ulan at pagbaha bilang mga sakuna na nangangailangan ng agarang aksiyon at mabilis na pagpapasiya upang maprotektahan ang mga mag-aaral.
Gayunpaman, sa aktuwal na implementasyon, ang mga patakarang dapat ay nagsisilbing gabay para sa maagap na pagkilos ay madalas nauuwi sa pagkaantala at kalituhan, na naglalagay sa mga mag-aaral sa panganib habang naghihintay ng pormal na anunsiyo.
Ang pagsuspinde ng klase ay mahalagang hakbang sa pag-iwas sa kapahamakan, kaya nawawala ang saysay nito kapag ipinatutupad lamang matapos makaalis ang libo-libong mag-aaral mula sa kanilang mga tahanan.
Bukod dito, isa rin sa problematikong solusyon ng pamahalaan ang pagsuspinde ng klase base sa antas ng edukasyon. Kung suspendido ang klase ng elementarya at high school dahil delikado ang kondisyon ng lugar, anong klaseng lohika ang nagsasabing ligtas ang parehong kalsada dahil lamang mas nakatatanda ang dumaraan dito?
Kaugnay nito, hindi rin maikakaila ang kontradiksyon tuwing suspendido nga ang klase ngunit magpapatuloy naman ito sa pamamagitan ng online o asynchronous na modalidad ng pag-aaral. Kahit ipagpalagay nating hindi na kailangang bumiyahe ng isang mag-aaral, hindi naman ito kasiguraduhang ligtas na siya sa sariling tahanan. Sapagkat kung suspensiyon ang tugon ng pamahalaan sa kalamidad, dapat nagbibigay-puwang ito sa tunay na pahinga at pagkakataong makapag-ingat.
Dahil ano nga ba ang silbi ng suspensiyon kung ang dapat na paghinto mula sa pisikal na klase ay papalitan lamang ng panibagong akademikong obligasyon?
Dito pumapasok ang pananagutan ng bawat pamantasan sa kanilang mga mag-aaral.
Bilang isang pribadong institusyon, hindi sapat na dahilan para ipagpatuloy ng Far Eastern University ang klase dahil lamang wala pang nailalapag na utos mula sa pamahalaan. Kung tutuusin, may kakayahan ang isang unibersidad na magsagawa ng sarili nitong suspensiyon batay sa sariling pagsusuri.
May kapasidad ang Administrasyon na isaalang-alang ang kondisyon ng mga estudyante, ang mga pangunahing ruta patungo sa paaralan, at ang aktuwal na epekto ng panahon sa paligid nito.
Hindi naman hinihiling ng mga estudyante na agarang isara ang kampus sa bawat pag-ambon, bagkus ang hinahangad nila ay isang administrasyong may paunang inisiyatiba bago pa lumala ang sitwasyon.
Kaya bakit kailangan pang hintayin ang pamahalaan bago kumilos?
Hindi naman kailangang maging dalubhasa ng isang tao sa pagbabasa ng panahon upang malaman kung ligtas bang pumasok sa paaralan. Mas lalong hindi dapat kailangang patunayan ng isang estudyante ang kaniyang sipag sa pamamagitan ng pagsuong sa baha.
Masyado nating pinuri ang kakayahan ng mga Pilipino na mabuhay sa gitna ng mga suliraning dapat sana ay naiiwasan. Tuwing inaasahan nating maging matatag ang mga mamamayan, nababawasan ang pangangailangang managot ng mga institusyon sa kanilang mga pagkukulang.
Kapag lumulusong ang mga mag-aaral sa baha dahil walang napapanahong suspensiyon ng klase, hindi ito patunay ng kanilang katatagan. Bagkus, ipinakikita nito na wala kaming ibang pagpipilian.
Madaling sisihin ang ulan dahil ito ang nakikita. Bumubuhos ito mula sa langit, nilulubog ang mga kalsada, pinatitigil ang transportasyon, at ginagawang tila likas at hindi maiiwasan na problema.
Ngunit hindi ulan ang may pananagutan sa isang problemang matagal nang bumabalik sa ating mga lansangan. Mas lalong hindi lang ulan ang dapat sisihin sa isang suliraning noon pa man ay ipinangakong lutasin ng mga politikong nanunungkulan.
Matapos ang malawakang pinsalang dulot ng Bagyong Ondoy noong 2009, inilunsad ang Metro Manila Flood Management Master Plan upang tugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa rehiyon. Sa ilalim nito, naglaan ang World Bank ng 207.6 milyong dolyar para sa pagpapahusay ng flood management sa mga piling lugar ng Metro Manila. Bahagi ng proyekto ang modernisasyon ng mga pumping station at pagpapabuti ng mga kritikal na daluyan ng tubig.
Ayon sa pinakahuling ulat, nasa huling taon na ng implementasyon ang proyekto at nakatuon pa rin ang Department of Public Works and Highways at Metro Manila Development Authority sa pagkompleto ng mga kontrata bago ang itinakdang pagtatapos nito sa Nobyembre 2026.
Mas lalong nabigyang-diin ang usaping ito dahil sa patuloy na imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga anomalya sa flood-control projects. Hindi man nangangahulugang lahat ng proyekto ay peke at may katiwalian batay sa mga alegasyong naglabasan, sapat na ito upang mag-udyok ng tanong kung saan napupunta ang pera na dapat sana’y nagsisilbing panangga ng mamamayan laban sa matinding baha.
Ang mga binabahang kalsada ay hindi lamang sagabal sa pagitan ng tahanan at pamantasan. Patunay ito kung paano hinuhubog ng mga pampublikong patakaran — o ng kawalan ng mga ito — ang ating pang-araw-araw na pamumuhay.
At marahil, dito rin natin dapat simulang unawain kung ano ang pinag-uugatan ng galit ng mamamayan. Hindi naman basta sumusulpot ang galit sa isang malakas na buhos ng ulan.
Ito ang dahilan kung bakit may mga mag-aaral na nasa harapan ng Pamantasan — may hawak na plakard at nakataas ang kamao. Ang kanilang galit ay hindi hiwalay sa baha, pareho itong bunga ng mga bagay na matagal nang hinahayaan hanggang sa mapuno.
Kung paanong umaapaw ang tubig kapag hindi napipigilan ang agos nito, gayundin ay umaapaw ang galit kapag matagal nang hindi pinakikinggan ang mga hinaing.
Sa huli, malinaw na hindi dapat nakadepende ang tibay ng isang mag-aaral sa kakayahan niyang lusungin ang baha at harapin ang ulan. Hindi dapat kaniyang mga paa ang unang sumusubok sa lalim ng baha at lalong hindi kaniyang oras ang unang isinasakripisyo para sa pagkaantala ng mga institusyon.
Dahil kasabay ng rumaragasang tubig ang hiling ng bawat mag-aaral na sana’y dumating ang panahon na hindi na nila kailangang lumusong sa baha upang mapagtanto ng mga nasa itaas na ang tunay na lumulubog ay ang sistemang ayaw matutong lumangoy.
(Kuha ni Neo Cabal/FEU Advocate)