
Kilala mo ba si Maki Baka?
Isa siyang alamat dito sa Pilipinas,
tungkol sa alaala ng bagong malayang panahon.
Maraming kulay ang kaniyang mga kuwento,
at lahat ng ‘yon ay nauuwi sa isang kuro-kuro:
lagi raw siyang takot.
Isang araw ay pumunta siya sa EDSA,
nangangatog ang tuhod,
nagtatago ng mukha.
Nakita niya ang masa,
papalapit sa mga sundalong nakahilera.
‘Di alam kung ano ang gagawin,
tinigil niya ang pagmamartsa.
Aba,
sinigawan siya!
Hiyaw ng tao,
“Maki Baka, ‘wag matakot!”
Patuloy ang yapak,
patuloy ang daloy.
Kaliwa-kanan-tingin-sa-likod.
Dapa! Dapa!
Pikit-mata si Maki Baka.
Pagkaahon niya ay tiyak na tatalikod na siya.
Pinilit niyang bumangon.
Muli ay sinigawan siya,
“Maki Baka, ‘wag matakot!”
Ngayon, ito ang totoong kuwento,
kung bakit alamat pa rin siya rito.
Takipsilim na’t umaahon na ang gabi,
marahil ay oras na para umuwi.
Ngunit dumungaw siya mula sa bintana ng kaniyang pangamba,
at nakita niyang hindi siya nag-iisa.
Ang takot na dumadaloy sa kaniyang buong sistema,
ay siyang bumubuhay sa mga boses ng masa.
Ang sigaw na tumatagos sa kaniyang tenga,
ay tumatagas sa nangangamba nilang mga bunganga.
Isang beses pa muli,
bago bumigay ang diktadura,
Sumigaw ang bayan,
“Maki Baka! ‘Wag matakot!”
- Micah Seiri Maur
(Dibuho ni Micah Seiri Maur/FEU Advocate)