Paglisan sa Probinsya: Byahe Patungo sa Pangarap
- August 31, 2022 09:08
FEU Advocate
August 11, 2024 21:20
"Ay naku! Walang pinagbago 'yung lasa ng pansit sa tapat, ang sarap pa rin!"
‘Di ko mapigilang matawa sa mga salitang kumawala sa bibig ni Lourdes. Maliwanag ang kanyang kwarto. Kitang-kita ko ang mga litrato namin kasama si Dennis na nakadikit sa mga dingding. Nahagip ng aking mga mata ang isang partikular na larawan. Mahaba pa ang buhok ko rito at pilit kong tinatago ang natural na kulot nito sa pamamagitan ng pagpapa-rebond. Nakataas pa ang estilo ng buhok ni Dennis na napapanatiling nakatayo gamit ang mga sikat na hair wax noon. Noon pa man ay mahilig nang mag-ipit ng buhok si Lourdes, kaya’t sa ibang litratong kasama namin siya ay maingat na nakaayos ito. Dito, suot pa namin ang aming mga uniporme at halos hindi pa kami mapaghiwalay.
Sa kabilang kanto ay ang malawak na lamesa. Nakapatong dito ang mga gamit niyang pamasok, ang iba ay nakabalot pa sa plastik at hindi pa naaasikaso. Pasukan na naman.
"Si Dennis, sumali na naman sa dancesport," mahinang sabi niya. Kung hindi mo siya kilala nang husto, aakalain mong binabalitaan ka lamang niya tungkol sa inyong kababata. Pero kitang-kita ko ang malungkot na ngiti niya na mabilis ding naglaho.
Huminga ako nang malalim. Nilipat ko ang telepono ko sa kabilang kamay sabay sandal sa aking kinauupuan. Nakapatay ang mga ilaw sa kwarto ko. Ang screen ng aking telepono ang tanging nagsisilbing liwanag.
Iniba ko ang paksa ng usapan, "Kumusta ang first day?"
Mas lalo kong naramdaman ang pamumuo ng kung ano sa lalamunan ko; tila nakalunok ako ng isang buong kendi at hindi ko ito mailuwa.
"Okay lang," sabi niya, "Marami pa ring mga kakilala." Isinandal niya ang telepono niya sa dingding at kumportableng humiga sa kama at niyakap ang unan.
"Uwi ka naman, Lee. Miss ka na namin."
"Kapag nagkaoras," sagot ko sa kaniya nang walang kasiguraduhan, "Uuwi ako." Lalo akong nakonsensya nung ngumiti siya. Kita ko sa mga mata niya ang kaunting pag-asang pinanghahawakan niya sa lubid na nabuo ng aking mga salita.
"Aasahan ko 'yan! Oh siya, maghanda ka na ng mga gamit mo. First day mo bukas, ‘di ba? Good luck! Tumawag ka sa amin pag uwi mo." Kumaway ako sa kaniya't nagpaalam bago patayin ang tawag.
Nakabibingi ang katahimikang naiwan ng pagkawala ng tawag niya na sa tingin kong hindi ko kailanma'y makakasanayan. Anim na taon na akong hindi nakakauwi sa probinsiyang iniwan namin ng pamilya ko upang permanenteng mamalagi rito sa siyudad. Hindi rin nagtagal ay nakahanap ng trabaho ang aking mga magulang sa ibang bansa, at dito nagsimula ang siklo ng pag-alis ng mga taong malalapit sa akin; madalas ay para sa hanapbuhay; para sa pangarap. Gaya nila, umalis ako't hindi na lumingon pabalik. Ngunit hindi ako tuluyang nakalimot, lalo na tuwing unang araw ng klase.
Sa loob ng anim na taon na magkaibigan kami, lagpas na sa daliri ng kamay ang bilang ng mga unang araw ng klase na hindi ko naabutang kasama sina Lourdes at Dennis. Kaya tuwing darating ito, tumatawag ako sakanila. Isa ito sa mga naisip ko upang kahit sa simpleng paraan man lang ay nararamdaman ko ang presensya nilang tila ba'y magkakasama pa rin kami.
Bukas ang simula ng unang araw ng klase. Kabisado ko na ang mga pasikot-sikot sa Unibersidad na para bang nasa likod lang ng aking kamay ang mapa nito. Pero nakalulungkot isipin na hindi ko maalala kung saang eskinita liliko ang sasakyan papunta sa aming bahay sa probinsya. Alam na alam ko ang pagkakaiba sa lasa ng siomai rice sa Noval at Dapitan, samantalang dayuhan na sa aking panlasa ang pansit na aking kinalakihan.
Tila ba nagiging estranghero ako sa sarili kong buhay; nanunuod, nagmamasid, nangingilala muli. Nagsimula ang ikot ng pag-alis ng mga taong malapit sa akin, at gusto kong kumawala sa ikot na ito.
Bukas ang simula ng unang araw ng klase ko. Isa na namang taong wala sila sa aking tabi. Gayunpaman, maingat silang namamalagi sa aking puso. Dito, buo kami; walang umaalis; sabay-sabay kaming papasok sa unang araw.
- Allyah Jenris C. Allam
(Dibuho ni Erika Marie Ramos/FEU Advocate)