
Ni Dianna Grace Carina
Sa kabila ng umanong progresibong programang pang-edukasyon, hindi pa rin abot-kamay ng mga estudyante sa kanayunan ang kanilang munting pangarap — ang makapagtapos sa kabila ng mababang kalidad ng pagkatuto. Dahil kasabay ng modernisasyon sa siyudad, may tahimik na mithiin sa nayon na umaasang mabigyan ng pagkakataong marinig at madala tungo sa tunay na pag-unlad.
Ipinakita ng dokumentaryong ‘Hanggang sa Huling Milya’ (2026) ni Victoria Tulad ang sakripisyo ng mga estudyante at kaguruan para lamang marating ang paaralang nagsisilbing pandayan ng edukasyon ng kanayunan. Sa kabila ng hindi matitinag na determinasyon, nakaamba ang marahas na dagok ng isang bulok na sistemang patuloy na yumuyurak sa araw-araw na pakikibaka ng mga last mile schools.
Bagama’t may inilatag na hakbang ang administrasyon upang tugunan ang krisis sa edukasyon, limitado pa rin ang mga programang nagtataguyod ng inklusibo at maunlad na edukasyon sa mga malalayong lugar. Nakakulong ang tugon sa mga panandaliang solusyon at mayabong na teknolohiyang hindi kayang marating ang bulubunduking pangarap ng mga kabataan sa kanayunan.
Sandaang hakbang ng mithiin
Para sa maraming Pilipino, edukasyon ang tanging kayamanan na hinding-hindi mananakaw ng sinuman at ang magdadala ng maginhawang kinabukasan. Ngunit tila unti-unti na itong tinatangay at binubura ng katiwalian kasabay ng milyon-milyong pangarap na naghahangad ng kaunlaran.
Hindi na bago ang krisis sa edukasyon na kinahaharap ng bansa, sapagkat nakaukit sa bawat eskuwelahan ang pagwawalang-bahala ng pamahalaan sa pagbibigay ng pangmatagalang solusyon at atensiyon para sa pagtataguyod ng matibay na pundasyon ng kaalaman ng mga mag-aaral.
Bukod sa mga hakbangin pang-modernisasyon, laganap din ang umanong pagpapayabong ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, tulad ng pagpapagawa ng dagdag silid-aralan at paglalapat ng makabagong teknolohiya sa kurikulum. Ngunit tila panakip-butas lamang ang mga programang ito sa tunay na kalagayan ng mga liblib na lugar sa bansa.
Hanggang ngayon, malinaw pa ring inilalantad sa samot-saring dokumentaryo at balita ang patuloy na pagpapahirap ng salat na sistema ng edukasyon sa kanayunan.
Bagama’t may tinatayang ₱1.015-trilyong badyet ang Kagawaran ng Edukasyon, umaasa pa rin ang humigit-kumulang 9,000 na last mile schools sa tulong ng mga pribadong grupo at mga gurong kusang-loob na sumasalo sa mga pagkukulang ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga paaralan sa liblib na komunidad.
Magsagawa man ng mga programang naglalayong magpayaman ng edukasyon, hanggang sa siyudad lamang ang kayang saklawin ng mga ito. Marahil sa layo ng mga nasabing paaralan at kakulangan ng mabisang sistema, aabutin ito ng ilang taon bago maisakatuparan o tuluyang mababaon na lamang sa limot.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Mark Levi Allapitan, isang pampublikong guro, ipinahayag nitong malayo pa ang kailangang tahakin ng pamahalaan upang mabigyan ng pantay na pagpapahalaga ang mga mag-aaral sa malalayong bahagi ng bansa.
“[Kung] unti-unti sanang ginagawan ng aksiyon ng ating pamahalaan… ano na nga ba ang sitwasyon ng pag-aaral ng mga nasa liblib [na] pook na [iyan]? Dahil nga sabi ng pambansang bayani natin: ‘Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan,’ at magsisimula [lamang] ito kung makakamit ng mga kabataan [iyong] programa ng pamahalaan, lalong-lalo na pagdating sa edukasyon. Sa ngayon, malayo pa ang tatahakin nito, marami pang dapat ayusin na mga bagay-bagay na kailangan talagang bigyang-diin, lalong-lalo na ‘yung mga nasa liblib na pook na [kailangang] matulungan,” aniya.
Sa puntong ito, lumilitaw ang malaking puwang sa pagitan ng edukasyong ipinapangako at sistemang aktuwal na nararanasan. Hindi sapat ang mga programang nakatala sa papel kung hindi nito kayang tawirin ang layo, kakulangan, at mga hadlang na kinahaharap ng mga paaralan sa kanayunan.
Mula sa lilim ng kabundukan, higit na napagtutuunan lamang ng pansin ang mga ganitong uri ng suliranin tuwing nasasalamin sa mismong karanasan ng ibang taong nakarating at nakasaksi sa kalagayan ng mga batang madalas napapag-iwanan sa laylayan.
Sa hiwalay na panayam, inilahad ni Eiricka Mei Dionaldo, isang student volunteer, ang saloobin nito ukol sa nasaksihang kalagayan ng paaralan sa kanayunang kanilang pinuntahan at tinulungan.
“[Nakagagalit] at [nakalulungkot] na hanggang ngayon ay nalilimitahan pa rin ang pangarap ng mga bata sa ating bansa, [lalong-lalo] na sa mga malalayong lugar. Dahil sa kakulangan ng guro, supplies, suporta, at maging [ng] silid-aralan ay hindi makamit ng mga bata ang maayos at pantay na [tsansang] matuto. Kung totoo na nais nilang magkaroon ng inclusive learning ay dapat walang naiiwan na kabataan, lalo na pagdating sa kanilang pag-aaral,” saad niya.
Patunay ito na ang hindi pagkakapantay-pantay ay repleksiyon ng isang lipunang ginagawang pribilehiyo para sa iilan ang edukasyong dapat sana’y karapatan ng bawat Pilipino. Larawan ito ng sistemang kumikiling sa pagpapapurol ng kakayahan ng kabataan na matuto at palaguin ang kanilang sarili bilang indibidwal at bahagi ng pamayanan.
Kung tunay ngang ‘inklusibong edukasyon’ ang hangarin ng mga nasa kagawaran, wala nang magsasakripisyo at mamamalimos ng atensiyon upang bigyan ng halaga ang kabataang Pilipino dahil kusa itong inaabot sa nangangailangan.
Samantala, ayon kay Allapitan, makatutulong sa mga nasa malalayong lugar ang pagbibigay sa mga estudyante ng mga pribilehiyong karaniwang tinatamasa sa lungsod, kabilang ang pagpapadala sa kanila sa mga mas maunlad na paaralan upang higit na malinang ang kaalaman at kakayahan.
“Dapat ipadala [ang mga estudyante] sa mas malaking institusyon na kung saan mas nahuhubog pa [iyong] mga kanilang kaalaman at kakayahan. Dahil kung makikita [ng namumuno] ang bagay na iyon, mas lalaki [iyong] tsansa na mas maraming mag-aaral ang huhusay pa at unti-unting mapapansin ang mga kailangan ayusin doon sa liblib na lugar,” sambit ng guro.
Subalit, makatutulong man ang nasabing hakbangin, hindi dapat maging kapalit ng pagkatuto ang paglalayo sa mga kabataan sa sariling kinagisnan.
Kung tunay na dalisay ang hangaring ilapit sa nangangailangan ang solusyon, sisimulan ito sa paglapat ng aksiyong magtataguyod sa pinabayaang sistemang ugat ng kapabayaan.
Binaon na pag-asa
Bagama’t kaliwa’t-kanan ang inilatag na programang magpapaunlad umano sa edukasyon, nananatiling walang kongkretong aksiyon ang administrasyon upang isaayos ang napag-iiwanang sistema ng karunungan sa kanayunan.
Sa paglitaw ng mga ulat ng iba’t ibang mamamahayag, unti-unting nabubunyag ang kalagayan ng mga paaralang nasa malalayong pamayanan. Minsan pa’y ang pagpo-post sa social media ng mga guro ang nagiging daan upang mamulat ang sambayanan sa sakripisyong kailangang tiisin upang makapag-aral ang mga kabataan sa kanayunan.
Nangangailangan man ng pangmatagalang solusyon ang kinakaharap na krisis sa edukasyon ng mga last mile schools, patuloy itong ipinagkikibit-balikat ng mga namumuno kahit ang panandaliang aksiyon.
Ayon kay Dionaldo, hindi sapat ang oras na nilalaan ng mga lider para tunay na makita ang realidad at suliranin sa kanayunan — na maaaring dahilan kung bakit kulang ang kanilang dedikasyong tumulong.
“Mas magiging maayos ang kanilang paglalaan ng pondo kung tunay nilang mauunawaan ang paghihirap na nararanasan [ng] mga bata, magulang, at guro. Dagdag pa rito ay makikita nila kung ano nga ba ang kakulangan pa na dapat mismo ay manggaling sa gobyerno. [Kung] kaya nilang ibigay ito sa mga taga-lungsod ay dapat na kanilang mas kayaning ibigay ang mga ito sa mga batang may matataas din na pangarap sa malalayong lugar,” paglalahad niya.
Inilalapit man ng gobyerno ang edukasyon sa siyudad, patuloy namang iniiwang naghihintay ang mga estudyante sa kanayunang pinagtibay na lamang ng kapabayaan ng mga namumuno. Hindi lamang ang karapatan sa edukasyon ang binabalewala, kung hindi pati na rin ang kakayahang taglay ng kabataan na sana’y napanday na ng matagal na panahon.
Habang pinagkakaitan ng simpleng karunungan ang bawat mag-aaral sa mga liblib na lugar, unti-unti ring binubura ang mapagpalayang kinabukasan. Patuloy nitong hinahadlangan ang bawat estudyante sa kanayunang makamit ang mga oportunidad na sana’y matagal na nilang natatamasa.
Para kay Allapitan, makakamtan lamang ang pagkakapantay-pantay kung hihigitan ng gobyerno ang pagsisikap na tulungan ang kabataan at komunidad na makaalis sa pagkagapos ng kahirapan.
“Hindi [ito] usapin ng pagkatuto, ito’y usapin kung ano ang dapat na itulong natin sa mga mag-aaral pagdating sa kanilang eagerness sa pag-aaral. Ang maitutulong [diyan] ng ating gobyerno is that maayos ang mga [problema], [tingnan] ang dapat isaayos, ilapat ang pantay na pagtrato sa mga estudyante sa siyudad at mga mag-aaral sa mga liblib pook,” pahayag ng guro.
Dagdag pa ni Allapitan, ang mga may kapangyarihan ang dapat lumalapit sa hinaing ng kanilang pinagsisilbihan at hindi kung sino pa ang pinagkaitan.
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Dionaldo na hindi nagtatapos sa paglalaan ng pondo ang pananagutan ng mga namumuno, sapagkat kailangan itong samahan ng tuloy-tuloy na pagsubaybay upang matiyak na tunay na naipatutupad ang mga inilatag na hakbang.
“Mapapatibay ang mga nasabing programa kung hindi lamang gagawin ng gobyerno na [pansamantala] ang mga solusyon na kanilang inihahain. Dapat sila ay makipag-ugnayan sa local government unit upang mas lumalim pa ang kanilang kaalaman patungkol sa mga problema na dapat nilang solusyonan sa mga malalayong lugar,” sambit ng estudyante.
Hindi nasusukat ang tunay na reporma sa mga salita lamang, bagkus sa kakayahang tugunan ang kakulangan upang makamtan ng bawat isa ang mayabong na kinabukasan.
Marami mang pangakong reporma — na napako — ang gobyerno, hindi matitigil ang hamong dulot ng kapabayaan hangga’t nananatiling bingi ang pamahalaan sa tinig ng mga naiiwan sa likod ng modernisasyong isinusulong ng administrasyon.
Rurok ng kinabukasan
Hindi sapat ang dami ng programang pang-edukasyon kung patuloy itong nagiging palamuti lamang ng salat na pagsasakatuparan nito.
Bigong maitatago ng modernong panahon ang alingasaw ng dinaranas sa edukasyon. Bigyan man ng panandaliang solusyon upang makalimutan, lalantad pa rin ang pangangailangan nito ng kongkretong pundasyon na magsisilbing susi sa mayaman na kaisipang magdadala sa kabataan sa maliwanag na kinabukasan.
Subalit hindi sapat ang katatagang bunga ng kakulangan upang manatiling nakapikit sa panahon ng krisis. Bagkus, isa itong paalala na walang sapat na pagkilos ang mga nasa puwesto upang baguhin ang nakasanayang magkibit-balikat sa problemang dinaranas ng kanilang nasasakupan.
Lakbayin man ng mga kabataan ang milya-milya tungo sa kanilang paaralan, mananatiling pangarap na lamang ang makamtan ang pribilehiyong natatamasa ng mga estudyante sa siyudad hangga’t buhay pa rin ang hindi pagkakapantay-pantay sa panahon ng modernisasyon.
Walang tunay na kabuluhan ang salitang ‘pag-unlad’ kung patuloy na naiiwan sa laylayan ang mga marhinalisadong sektor ng lipunan. Hindi kailanman masasalamin sa kinang ng modernisasyon ang tunay na progreso kung hindi ito dumadaloy sa palad ng bawat Pilipino. Dahil hangga’t may mamamayan sa kanayunan na patuloy na pinagkakaitan, mananatiling hungkag ang anumang programa na sinasabing magdadala ng kaunlaran.
(Dibuho ni Miles Munich Montreal Jimenez/FEU Advocate)