Bugaoan sees FEU crowd as morale booster in win against AdMU
- March 17, 2024 04:58
FEU Advocate
November 30, 2024 16:09
Ipinagdiriwang ngayong araw ang ika-161 kaarawan ni Ka Andres Bonifacio, ama ng himagsikang Pilipino. Higit isang siglo na ang lumipas, ngunit nananatili pa ring buhay sa kasalukuyan ang mga prinsipyo ng Katipunan sa hangaring makamit ang makatarungang pagbabago sa lipunan.
Mahabang panahon na ang nagdaan, may lugar pa rin ba ang rebolusyon sa ating kamalayan?
Ang Katipunan at Katipunero
Itinatag ni Andres Bonifacio ang ‘Kataastaasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan’ o mas kilala bilang ‘KKK’ upang labanan ang pang-aabuso ng mga Kastila na tumagal nang 333 taon.
Ipinaliwanag ng guro sa kasaysayan na si Joseph Lopez sa FEU Advocate ang kahalagahan nito sa daigdig noong ika-19 na siglo.
“Kung titingnan mo sa kasaysayan [ng mundo], ito ang first ever revolution in Asia na inilunsad as early as 1896,” aniya.
Taong 1896 man nangyari ang unang rebolusyon, sinabi ni Lopez na mas maaga pa rito ang naging simula ng radikalismo ng mga Katipunero.
“But the idea of the radical group of Katipunan was conceived 1892 pa lang, noong tinapon si [Jose] Rizal sa Dapitan, so the preparation [for the revolution was long] (Ngunit, ang ideya ng radikal na grupo ng Katipunan ay nabuo noong 1892 pa lang, noong tinapon si Jose Rizal sa Dapitan. Kaya mahaba ang naging preparasyon para sa rebolusyon),” paliwanag nito.
Dagdag pa ni Lopez, hindi nararapat na tingnan sina Jose Rizal at Andres Bonifacio bilang magkaribal na bayani. Bagkus, dapat silang tingnan bilang magkaugnay sa pagpapalaya ng bansa mula sa kolonyal na pagkakakulong.
Sinasabing ginamit ni Bonifacio bilang pundasyon ang progresibong pananaw ni Rizal sa pagtataguyod ng himagsikan. Itinalaga niya na ‘honorary president’ si Rizal bilang simbolo ng kaniyang kontribusyon sa Katipunan.
Naging hudyat naman ang himagsikang ito ng pagkamulat ng masa sa ilalim ng pamamalakad ng Espanya at nag-udyok sa sambayanan na wakasan ang sistemikong pang-aabuso ng kolonyal na adhikain nito.
Binigyang-diin naman ni Lopez na sagrado ang ideya ng Katipunan na binuo ni Bonifacio dahil ito ay nagbibigay ng makabuluhang pagpapakahulugan sa pagkakaisang Pilipino.
“Ang word na ‘Katipunan’ ay very sacred. Kasi ang root word [nito] ay ‘tipon.’ Kaya [ang ibig-sabihin ng Katipunan ay] ‘tipunin mo ang lakas, damdamin, ang kaisipan, ang puwersa.’ Dahil hindi naman basta-basta [maglulunsad] ng rebolusyon [kung walang pagkakaisa],” paliwanag nito.
Walang kapalit na pag-aalay ng buhay naman ang ipinangako ng mga Katipunero sa ngalan ng kalayaan. Ayon sa guro, ito ang pinakamataas na antas ng porma ng pagmamahal—ang pagmamahal sa bayan.
“It’s a sublime offering. You offer your life to the ‘bayan’ without any payment at all. Kasi, voluntary [ang pagsali sa Katipunan]…The fact that you become a member [of Katipunan], you leave your family. Hindi mo alam kung makababalik ka [sa pamilya mo] pero you choose to offer your life for the country (Dakilang pagsasakripisyo ito. Iniaalay mo ang iyong buhay sa bayan nang walang kapalit. Kasi kusang-loob ang pagsali rito. Kung magiging miyembro ka ng Katipunan, iiwan mo ang pamilya mo. Hindi mo alam kung makababalik ka pa ba pero pipiliin mo pa ring lumaban para sa bayan),” paglalarawan ni Lopez sa mga matatapang na Katipunero.
Tinangka ng Katipunan na pakawalan ang nagkakaisang Pilipino sa pamamagitan ng dugo ng pag-asa. Ngunit kung papansinin ang kasalukuyang katayuan ng bansa, tunay nga bang malaya ang Pilipinas sa diwa ng kolonyalismo?
Naudlot na himagsikan
Namatay si Bonifacio bago niya masilayan ang paglaya ng Pilipinas mula sa Espanya. Nakamit man ito ng mga nagpatuloy ng rebolusyon, binabalisa pa rin ang sambayanang Pilipino ng nakatatakot na realidad: tunay nga ba tayong malaya?
Inilahad ni Lopez sa panayam na napapako sa parehas na pagkasadlak ang Pilipinas ngayon kung kaya’y hindi pa rin tapos ang rebolusyonaryong diwa ng mga Katipunero.
“Ang mga nangyayari noon, umuulit lang ngayon, eh…[katulad ng] political cheating, inaapi ang mga walang pinag-aralan…‘Yan kaya ang dahilan kaya hindi tayo maka-move forward? Hanggang ngayon hindi [pa rin] natutuldukan [ang problema ng nakaraan],” sambit ni Lopez.
Sa isang panayam ng FEU Advocate, ipinaliwanag ni Nathaniel Asuncion, isang third-year Political Science student sa Pamantasan, kung bakit hindi tunay na malaya ang Pilipinas mula sa kolonyalismo.
“The Philippines’ independence is [not genuine] because the government [right now] serves not the interest of the people but of its foreign master, [the] US (Hindi totoo ang kalayaan ng Pilipinas dahil ang gobyerno natin ay inuuna ang interes ng Estados Unidos sa halip na interes ng mga Pilipino). Kasi patuloy nitong ipinatutupad ang mga policy na nagbe-benefit [lamang] sa US katulad ng [trade] liberalization tapos ‘yung mga deregulation kung saan nae-extract ‘yung yaman ng Pilipinas para sa gains ng mga dayuhan,” aniya.
Ayon pa sa estudyante ng politika, katumbas ng pananamantala ng US sa Pilipinas ang kolonyal na pamamalakad ng Espanya. Nakalaya man sa mga Kastila, sinabi niyang pumalit naman ang mga Amerikano bilang bagong mananakop.
“Nananatili pa rin tayo sa kamay ng dayuhan [US]. That means ‘false independence’…and this is just a new form of colonialism, which [we call] ‘neocolonialism’ (Ibig nitong sabihin ay huwad ang nararanasan nating kalayaan, at isa lamang ito sa bagong mukha ng kolonyalismo na tinatawag nating ‘neocolonialism’),” diin nito.
Sang-ayon naman ang second-year Psychology student na si Alecx Ymson sa tinuran ni Asuncion. Sa hiwalay na panayam ng FEU Advocate, sinabi ni Ymson na malaki pa rin ang impluwensiya ng hukbong militar ng US sa Pilipinas.
“[Halimbawa] ay ang mga EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) site, kung saan malaya ang US na magtayo ng [base] militar habang wala tayong karapatan kung saan man siya itatayo. Ang masahol pa ay maraming kaso ng harassment at pambobomba sa mga komunidad sa [area] ng EDCA sites kaya malinaw na walang proteksiyon ang mamamayan sa imperyalistang pagkamkam ng US,” anito.
Pinapaboran ito ng datos. Tinatayang 18.1 porsiyento pa rin ng mga Pilipino ang namumuhay sa kahirapan, siyam sa bawat 10 bata na may edad 10 ang hindi marunong magbasa sa kasalukuyan, at patuloy pa ring ninanakawan ng lupa ang mga magsasakang Pilipino.
Bukod pa rito, walang-patid ang pagsandal ng bansa sa militar ng US sa pamamagitan ng Balikatan Exercise at walang-humpay na pagkiling sa foreign direct investments na patuloy na inilalantad ang bansa sa panganib ng ‘overdependence.’
Sa patuloy na kahirapan at kalugmukan ng kalakhang lipunan, malinaw na dapat ipagpatuloy sa kasalukuyan ang naudlot na ipinaglabang pagbabago ng mga Katipunero.
Tunay na paglaya
Binigyang-diin ni Lopez ang kahalagahan ng rebolusyon sa lipunang naghahangad ng pagbabago.
“[Revolution] is [necessary] in social change. It is the highest achievement of the people when they collectively gather as one. When they’re thinking of a change in society, pinakaimportante ang rebolusyon (Kailangan ang rebolusyon upang magkaroon ng panlipunang pagbabago. Ang pinakamataas na tagumpay ng tao ay kung magkakaisa sila. Kung iisipin nila ang pagbabago sa lipunan, pinakaimportante ang rebolusyon),” paliwanag niya.
Makikita rito ang kahalagahan ng sistemikong pagwawasto sa malawakan at istruktural na suliranin ng sambayanan.
Mula naman sa pananaw ng mag-aaral na si Asuncion, ang matinding kahirapan ang mag-uudyok mismo sa tao para maglunsad ng radikal na pagbabago.
“Revolution will continue to occur [dahil] sa matinding mga suliranin na na-experience ng sambayanan. Especially kung ‘yung material conditions nila ay hindi natutugunan ng gobyerno…katulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho. Dahil itong mga isyu na ito ay malalim sa kanila…kasi for them, they will feel…hopeless. [Para sa kanila], they will demand something more [mula sa sistema],” anito.
Ngunit, idinagdag ni Asuncion na dekolonisasyon ang isa sa mga sangkap para sa paglaya ng bansa mula sa mga kolonyal na tanikala.
“Decolonization as [in] decolonizing the politics and economy, as well as the culture of the Philippines (Ang dekolonisasyon bilang pagdedekolonisa sa politika at ekonomiya, pati na rin ang kultura ng Pilipinas) na ‘yung mga remnant ng colonial influence, ay talagang matanggal at gumawa ng maka-Pilipinong sistema at kamalayan. Kapag natanggal na ‘yung mga polisiyang para sa dayuhan, ‘yung impluwensiya ng mga dayuhan, kulturang dayuhan, kapag nangyari ‘yun, nagaganap na ‘yung proseso ng decolonization,” aniya.
Para naman kay Ymson, mahalagang ilangkap sa kurikulum at polisiya ng mga pamantasan ang dekolonisasyon upang ganap na dumistansya sa malakolonyal na pagbuo ng kaalaman.
“Bilang mag-aaral ng Sikolohiya, inaaral din namin ang Sikolohiyang Filipino kung saan ginagamit ang mga teoryang sikolohiya sa kalagayan ng ating pambansang kultura, at mula roon ay pinaghahalawan ng mga bagong teorya. Isa siyang halimbawa kung paano [puwedeng] makita ang dekolonisasyon sa ating edukasyon,” paliwanag niya.
Hiling naman ng propesor sa kasaysayan: isang magaling na pinuno ng bansa katulad ni Bonifacio ang manguna patungo sa tunay na pagbuti ng kalagayan ng lipunan.
“Sana magkaroon tayo ng lider na visionary, kung saan makikita niya ang future. If only we produce a very genuine and true leader like… Bonifacio, siguro uunlad tayo ngayon,” pithaya ni Lopez.
Bagaman importante ang papel ng isang lider, pagkakaisa at pagsasakripisyo ng bawat isa para sa totoong kalayaan pa rin ang ibinibigay na aral ng Katipunan mula sa legasiya nito.
Mula rito, nagbigay ng mensahe si Ymson sa mga kapwa mag-aaral ng Unibersidad kaugnay sa kanilang papel sa pagbabago.
“Kailangang subaybayan natin ang mga development sa ating Unibersidad dahil hindi tayo binigyan ng utak para maging sunod-sunuran lamang…‘Wag [tayong] matakot ipaglaban [kung ano] ang tama…ito ang paraan para maging bagong bayani ngayon,” pahayag niya.
Alinsunod dito, mula sa militanteng rebolusyon ni Bonifacio hanggang sa People Power Revolution noong 1986, makikitang binabago ng kondisyon ang anyo at imahen ng pakikibaka ayon sa kasalukuyang pulso ng panahon.
Ngunit isang siglo man ang layo ng henerasyon ni Bonifacio sa kasalukuyan, ikinakabit pa rin ng parehas na mithiin ang diwa ng paghihimagsik laban sa mapang-aping sistema na maaaring maisakatuparan sa kahit anong uri ng porma.
Mula sa militante, radikal, o payapa at matiwasay na pagtulak ng makamasang adhikain, lahat ng anyo ng pakikibaka ay maaaring umambag tungo sa totoong progreso ng Pilipinas.
Malabo mang mabuhay muli si Bonifacio upang bumuo ng bagong Katipunan, malinaw naman na kolektibong responsibilidad natin ang maglunsad ng panibagong kilusan na isusulong ang makabansa, makatao, at maluwalhating pagharaya ng makatarungang lipunan. Sa huli, hangga’t patuloy na nakararanas ang sambayanan ng kalugmukan, hindi kailanman lalamlam ang diwa ng paghihimagsik sa kamalayan ng masang naghahangad ng kalayaan.
- Eryl Cabiles
(Dibuho ni Erica Camille Africa /FEU Advocate)