Resty Monterona to skip 2 games for FEU due to fractured left arm
- April 09, 2019 11:05
FEU Advocate
October 31, 2022 08:54
Nina Aurea Lyn Nicolette F. Lacanaria at Andrea Clara S.A. Dulay
Sa pagsilip ng bukang liwayway ay siya namang paglabas ng pawis na hudyat ng maghapong pagod at hirap. Pagkaitan man ng pagkakataon at paulit-ulit mang biguin ng sariling bayan, ang mga magsasaka ay nanatiling tumitindig upang siguraduhing mayroong pagkain sa hapag ang bawat pamilyang Pilipino.
Lupaypay man ang katawan, patuloy ang laban sa pagharap ng walang katapusang dagok na sila mismo’y walang maihain sa hapag-kainan. Iisa lang ang kanilang mithiin—ito ay mapagyabong ang mga binhi ng pag-asang mula sa ilang dekadang pagdarahop
Ang mapanglaw na reyalidad
Kilala ang Pilipinas bilang isang agrikultural na bansa na sagana sa lupain at iba pang likas na yaman. Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), mayroong kabuuang sukat na 30 milyon ektarya ang lupain ng bansa. Mula sa kabuuang sukat noong taong 2020, mayroon na lamang 13.32 milyong ektarya ng lupang pang-agrikultura na pinagkukunan ng suplay para sa buong bansa—na mas mababa mula sa naitalang 14.72 ektarya noong 1995.
Mula sa pagbaba ng sukat ng lupang sakahan, samu’t saring problema pa ang kasalukuyang iniinda ng sektor. Noong taong 2017, umarangkada sa pagtaas ang produksyon na may 3.9 porsyento na nag-ambag sa 80 bahagdang paglago ng agrikultura sa pamumuno ni dating Pangulong Duterte.
Sa kabilang banda, matatandaan na bumaba ng 1.6 bahagdan sa noong 58 porsyento ang kabuuang produksyon sa pangisdaan at agrikultura ng bansa sa unang kwarter ng 2022.
Sa patuloy na paghina ng produksyon ng mga pananim, pangamba rin kung maituturing na sapat ang suplay ng mga produktong inaani kada taon, sapagkat kapansin-pansin din ang patuloy na paglobo ng populasyon. Sa pagtaas ng bilang ng populasyon ay kasabay ng pagtaas ng kinakailangang suplay para matustusan ang pagkain ng mamamayang Pilipino.
Bukod pa rito, kapansin-pansin din ang paglaganap ng mga proyektong pagbabago ng lupang pang-agrikultura para sa pabahay ng mga subdibisyon na siyang nagiging sanhi ng pagbaba ng sukat at lawak ng mga lupang sakahan.
Totoong sinubok na ng maraming pagkakataon ang bawat magsasaka. Sa pagpasok ng bagong administrasyon, ang sektor ng agrikultura umano ang isa sa mga prayoridad na nagbigay ng pag-asa para sa mga magsasaka.
Kamakailan lamang, naging mainit na usapin ang mga potensyal na lider na itatalaga ng bagong halal na pangulong si Ferdinand Marcos Jr. para sa iba’t ibang sektor ng bansa, kabilang na ang Kagawaran ng Agrikultura (DA).
Makalipas ang isang buwan, inanunsiyo ng pangulo sa kanyang press briefing ang desisyon na pamunuan ang DA noong Hunyo 20. Aniya, ang lumalalang krisis sa agrikultura ang nagtulak sa kanya upang pamunuan ang kagawaran at pagtuunang-pansin ang sektor.
Bibigyang atensiyon rin umano ng pangulo ang pagbuo ng value chain na siyang makapagpapabalik ng mga dating kasanayan at kaalaman na makapagpapaunlad sa sektor ng agrikultura.
Gayunpaman, maraming aspeto sa pagsasaka ang kinakailangang masolusyonan para sa ikauunlad ng sektor at upang maiahon ang ekonomiya ng bansa.
Sa pinakahuling ulat ng World Bank, maaring bumaba sa 13.6% ang ekonomiya ng bansa pagdating ng taong 2040 dulot ng tumitinding na pagbabago ng klima sa buong mundo.
Kung titingnan, pagkasakal din sa sektor ang pabago-bagong klima ng bansa na siyang nagiging dahilan ng pagkasira ng mga pananim at mga produktong dapat sana ay mapagkakakitaan.
“All sectors will be affected, capital intensive sectors are likely to suffer most from extreme weather and agriculture will bear the brunt (Lahat ng sektor ay maaapektuhan, marahil ay ang mahahalagang sektor ang magdurusa sa matinding lagay ng panahon at agrikultura ang magpapasan),” saad ni World Bank Group President David Malpass.
Pinangangambahan din ng mga magsasaka ang mga polisiyang mas pumapabor sa malawakang pag-angkat ng mga produktong mula sa ibang bansa.
Pagbalasa ng sitwasyon: Ang liderato noon at ngayon
Mula sa dekadang pagtitiis sa hirap na dinaranas ng mga magsasaka, magpasahanggang ngayon sila ay nananatiling kumakayod para sa lipunan. Sa pagbabago ng mga mukha ng namamahala sa bansa, magawa rin kayang magbago ang sitwasyong nakasasakal?
Mahigit apat na buwan na ang nakalilipas matapos ang termino ni Rodrigo Duterte sa pagkapangulo. Mula sa nakaraang administrasyon, nailunsad ang ‘Plant, Plant, Plant Program na naglalayong matulungan ang mga magsasaka, mangingisda, at konsyumer hindi lamang sa Luzon kundi pati na rin sa Visayas at Mindanao.
Alinsunod sa mga proyektong nasa ilalim ng Plant, Plant, Plant Program ay pagpapalawak ng mga agrikultural insurance, paglalaan ng sapat na pondo sa mga programa para sa ikabubuti ng sektor, paglalaan ng pondo sa mas mataas na pagkuha ng palay ng National Food Authority at iba pa.
Sa panunungkulan din ni Duterte, naisabatas ang kontrobersiyal na Rice Tariffication Law na layong patawan ng mas malaking taripa ang mga bigas na magmumula sa ibang bansa. Hangad ng nasabing batas ang mabigyan ng sapat na suplay ng bigas ang mga Pilipino. Patataasin nito ang antas ng pag-angkat ng mga konsumer ng bigas mula ibang bansa habang nanatiling mababa ang presyo nito sa loob ng bansa.
Mula naman sa datos na nakalap ng Statista ukol sa usad ng implasyon ng bansa, nasa 1.25% ang naranasang implasyon noong taong 2016 at pumalo ng 3.93% nitong nakaraang 2021.
Sa ilalim ng pamumuno ni dating pangulong Duterte, lantad ang pagtaas ng implasyon mula sa unang taon ng kanyang serbisyo hanggang sa katapusan ng kanyang termino. Mula rito, pinangangambahan ang pagtaas pa lalo sa kasalukuyan at mga susunod na taon na siyang magpapahirap pa sa mga magsasaka at sa kanilang mga produkto.
Sa unang 100 na araw naman ni Marcos, Jr. sa pwesto at pamumuno sa sektor, bumungad agad ang mga isyu tulad ng salt shortage at patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
Mula sa kanyang pangakong 20 pesos na presyo ng kada kilo ng bigas noong kampanya, tila taliwas ang nangyayari nang siya ay maupo na sa pwesto. Sa katunayan, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo hindi lamang ng bigas kundi halos lahat ng mga pangunahing produkto.
Ayon sa datos na inilabas ng PSA noong Setyembre 2022, pumalo sa 6.9% ang implasyon sa bansa mula sa 6.3% nitong nakaraang Agosto ng nasabing taon. Ito ang pinakamataas na rekord ng implasyon magmula Oktubre 2018.
Kaakibat ng pagtaas ng implasyon ay ang patuloy din na pagsipa pataas ng presyo ng mga bilihin. Kabilang dito ang petrolyo, langis, gasolina, bigas at iba pang pangunahing produkto.
Tangkakal mula sa may kapangyarihan
Pasigaw man o pabulong ang paghiling ng kaalwanan, naranasan man o hindi ng tao ang hirap—maituturing pa rin itong isang panawagan.
Matatandaan na tinutukan ng pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong ika-25 ng Hulyo 2022 ang problema sa agrikultura. Inilatag niya ang mga plano ng kanyang termino sa agrikultural na sektor ng bansa.
Kabilang sa nabanggit ang tulong pinansiyal at pautang sa mga magsasaka, paglalaan ng farm-to-market roads, at pagbuhay muli sa Kadiwa Centers sa bawat barangay.
Binigyang-diin din ng pangulo ang panukalang 2023 badyet na mayroong P184.1 bilyon para sa susunod na taon mula sa P132.2 bilyon sa kasalukuyang badyet ngayong taon. Inilatag naman ng pangulo ang kaniyang mga plano sa pagpapaunlad ng agrikultura ng bansa sa nakaraang SONA.
Mula sa kaniyang SONA, nabanggit ng pangulo ang paglulunsad ng masusing pagsasaliksik ukol sa modernong pamamaraan ng pagtatanim at paghahayupan na siyang pangungunahan ng mga eksperto sa nasabing larangan.
Mahihinuha sa mga nabanggit na plataporma na mayroong kamalayan ang gobyerno sa mga problemang kinakaharap ng bansa. Subalit, wala pa rin ang ginhawang ipinangako at inaasahan ng mga magsasaka sa unang tatlong buwan ng bagong liderato.
Pagsaid dulot ng balakid sa bukid
Katuwang ng ibang sektor, ang agrikultura na siyang may malaking bahagi upang mapaunlad ang ekonomiya ay nangangailangang pagtibayin. Ito ay para masolusyonan ang mga problemang malaong iniinda ng bawat magsasaka.
Kasabay ng lumalalang pasakit sa buhay ay ang pag-aray ng mga magsasaka sa hirap na iniinda. Pansin nila na sila ay napag-iiwanan sa maginhawang buhay ng mga taong nakikinabang sa produktong kanilang pinaghihirapan.
Inilarawan ng 52 taong gulang na si G. Bernard Fantastico mula Ilocos Sur ang pagsasaka bilang “buwis-buhay” na trabaho. Sa loob ng mahabang panahon ng pagsasaka at pagbabanat ng buto, naranasan na niya ang iba’t ibang hirap sa kanyang trabaho.
“Ibang klase ng sakripisyo at pagtitiis sa araw-araw, mahabang pasensya, wala pang laman yung tiyan, walang kain nasa bukid na para mas madaming matapos na trabaho at gawain, sumusugal sa kung may kikitain ba kami o kahit kapalit nalang ng pagod,” pagdidiin nito.
Dagdag pa ni Fantastico, sa pagsasaka nakasalalay ang pagkakataon para ang kanyang anak ay makapag-aral at magkaroon ng buhay na hindi tulad ng dinaranas niya.
Samantala, batid din ni Francisco ang patuloy na pagbagsak ng suporta ng gobyerno para sa kanilang mga magsasaka. Tila ipinagsasawalang-bahala umano ang iniindang mababang kita na labis na nagpalugmok sa kanila sa kahirapan.
”Sana magawa ng pangulo na ayusin ang problema, maraming umaasa na mabigyan niya ng solusyon ‘yung presyo at pagmahal ng abono na sobra-sobrang nagpapahirap sa amin. Umaasa ang lahat ng magsasaka,” wika nito.
Parehas din ang hinaing ng 58 anyos na si Editha Catipon mula Lobo, Batangas. Aniya, mahirap sa pakiramdam ang hindi mapansin sa lipunan lalo na’t sila ang nagpapakahirap para sa mga produktong pinapakinabangan ng lahat.
“Nakakapagod sa bukid, nakakapagod yumuko sa sakahan. Sana naman ngayon ay lumabas ‘yung halaga namin sa lipunan dahil hindi biro ‘yung dinadanas namin,” hinaing nito.
Inihalintulad naman ni Catipon ang gampanin niya bilang magsasaka bilang isang ilaw ng tahanan. Ayon sa kanya, nakakapagod ang pagsasaka pero ito ay nakapagbibigay-aliw at ligaya.
“Tulad ng pagiging ina, ang pagsasakahan ay kailangan din ng pagmamahal dahil mas magiging maganda ang resulta ng pananim. Nakakapagod man pero nababayaran ito ng kasiyahan,” pagpapaliwanag nito.
Iisa ang panawagan ni Catipon sa gobyerno—ang mabigyan ang hanay ng mga magsasaka ng sapat na tulong at atensyon.
“Kailangan tulungan ng gobyerno ang mga magsasakang katulad ko sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng tulong sa mga makina na gamit sa sakahan,” sambit nito.
Ipinaliwanag din ni Catipon na nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ang gaya nilang magsasaka upang ang interes ng hanay ay hindi mawalan ng sindi bagkus lalong lumiyab.
Kung iikutin ang balasa ng suporta sa mga magsasaka, hindi lamang ang hanay ng mga magbubukid ang apektado, kundi pati ang pamilya na kanilang binubuhay.
Isa ang 21-anyos na si Aina Mae Soliven mula Ilocos Sur sa saksi ng hirap ng pagsasaka. Hindi man direktang nararanasan ang hirap ng trabaho, ramdam naman nito ang bigat na nararamdaman ng mga magulang.
Pangarap ng dalaga para sa kanyang magulang na matagal nang nagsasaka ang may laging maihain sa hapag-kainan. Bukod sa maiahon ang pamilya sa hirap, hangad nito na mabigyang atensyon ang presyo ng mga produkto ng bawat magsasaka sa bansa.
“Mahirap ang maging mahirap, lahat ng pagsubok nasubukan na ng bawat isa sa amin ngunit sa pagkakataong dumadating ang problema minsan kailangan mong maging matatag para sa pamilya,” saad ni Soliven.
Pinabulaanan din niya na tila isinasantabi sila gobyerno, kung kaya’t wala silang pamimilian kundi magpatuloy na umasa. Naniniwala rin siya na limitado ang oportunidad na naibibigay sa sektor kasama na ang hindi pagkilala sa kanilang ambag sa lipunan.
“Dahil hindi sila tulad ng pulis na nakikita mo sa mga istasyon, hindi sila tulad ng doktor na nakikita mo sa ospital, hindi sila tulad ng driver na nakikita mo sa daan, at dahil sila ay mga magsasaka na nasa bukid araw-araw, hindi sila nabibigyang atensyon,” pagdidiin nito.
Sa tanaw ng mga apektado
Sa hindi matapos-tapos na mga suliraning pasakit sa sektor ng agrikultura, patuloy ang panawagan ng mga magsasaka na sila’y bigyang prayoridad at seguridad ng gobyerno. Ilang administrasyon na ang nagdaan at namuno sa bansa ngunit ang mga pangako’y tila hindi naisasakatuparan.
Kasabay ng pagdaan ng iba’t ibang liderato ay ang walang sawang panambitan ng mga grupo ng magsasaka hinggil sa solusyong nais nilang maipatupad ng kasalukuyang mga pinuno.
Nariyan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na isang malayang organisasyong nagsusulong ng ekonomikal na pag-unlad ng mga pisante sa bansa. Isa rin ang Amihan Women na binubuo ng mga pisanteng kababaihan sa mga bokal na lumalaban para sa karapatan ng mga magsasaka sa bansa.
Noong ika-15 ng Oktubre, pinangunahan ng KMP ang inilunsad na media forum na pinamagatang “Peasant Media Forum on Resolving Food Crisis” kung saan nagtipon-tipon ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang parte ng Pilipinas.
Sa nasabing forum, tinalakay ang nararanasang krisis sa pagkain, maging ang mga problemang patuloy na kinakaharap ng mga magsasaka sa nakaraang administrasyong Duterte hanggang sa kasalukuyang pamumuno ni pangulong Marcos Jr.
Isa naman sa isinusulong ni Rafael “Ka Paeng” Mariano ng KMP na maisabatas na ang Genuine Agrarian Reform Bill upang matugunan ang pundamental na problema sa kawalan ng lupang sakahan ng mga magsasaka sa bansa.
Sa ilalim ng reporma, ang mga lupang pang-agrikultura sa mga magsasaka ay maibibigay ng walang gastos sa mga benepisyaryo. Ito rin ay daan upang masolusyunan ang lumalalang kaso ng pagpatay sa mga pisante sa bansa.
Inilarawan din ni Mariano ang kanilang paghahangad na maipatupad na ang Rice Industry Development Act na kung saan kalakip nito ay mga programa na siyang magiging batayan sa pagkamit ng sapat na produksyon ng pagkain sa bansa.
Alinsunod sa panukalang ito ay ang paglalaan ng sapat na subsidiya sa produksyon at pagpapalakas sa National Food Authority (NFA). Inaasahan nila na mula 20% hanggang 25% ng kabuuang ani ng palay sa buong bansang ang mabili ng NFA.
Mula sa pangakong subsidiya ng pamahalaan na aagapay sa mga magsasaka, tinatayang nasa P9.9 bilyon mula pa noong 2021 ang hindi naipapamahagi sa mga benepisyaryo ng tulong pinansyal para sa mga pisante.
“Napag-iiwanan pa ‘noh, ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ng implasyon ang pagkilos ni pangulong Marcos Jr. na siya ring kalihim ng Department of Agriculture,” pagdidiin ni Mariano.
Ayon naman kay Cathy Estavillo, miyembro ng Amihan Women at anak ng magsasaka, ilang dekada na ang dumaan ngunit patuloy na lugmok ang agrikultura ng bansa. Aniya, ang mga pangakong ginhawa na dala ng Rice Liberalization Law o R.A. 11203 ng nakaraang administrasyong Duterte ay hindi pa rin natutupad, bagkus patuloy ang pagpilay ng agrikultura sa bansa.
“Wala ni isa ang natupad ‘dun sa pangako nito na maging competitive ang ating mga magsasaka. Wala ni isang tindahan ang makikita na may Php 25 per kilo na presyo ng bigas at bumungad ito, ‘yung krisis sa pagkain, bumungad sa administrasyong Marcos. Wala siyang nagawa. 100 days, mahigit 100 days ito. Mas tumaas ang ating inflation rate,” sambit ni Estavillo.
Sa paglakas ng panawagan ng mga pisante para sa karapatan ay siya namang mahinang tugon ng pamahalaan. Sa kabila nito, patuloy ang pagbabanat ng buto ng mga magsasaka sapagkat mayroon pamilyang umaasa sa kanila. Mapaniil man ang panahon, taas noo pa rin silang lumalaban kahit nakayuko at inaalay ang sakripisyong para sa mga minamahal at para sa bayan.
Ang bawat binhing naitanim ay tila diniligan ng pawis at dugo. Tulad ng kalaykay na siyang nagpapatag sa lupang binubungkal, hangad ng mga magsasaka ang pantay na pagtingin, pagtrato, at pagrespeto sa larangan na walang ibang makagagawa kundi lamang sila.