Sim Registration Act: Ginhawang lunas o patong na balakid sa mga Pilipino? 

FEU Advocate
August 29, 2023 06:27


Pihadong nakakrus na sa noo ng mga Pilipino ang katagang, “Upang ma-claim ang napalanunang premyo ay mag-register lamang dito.” Dahil dito, tila hindi na mabilang sa daliri ang mga text scams na tuwinang nararanasan ng taong-bayan. Lipas na ang mga ganitong modus sa Pilipinas; datapwat magpasahanggang ngayon, litaw pa rin ang mga naglilipanang modus. 

Sa mundong patuloy na nakalilikha ang mga masasamang loob ng paraan upang makagawa ng mga halang na aktibidad, nararapat maging maagap upang maaksyunan ito at mapanagutan. Sa paggawa ng panibagong batas laban dito, sapat na nga ba itong solusyon para sa napipintong isyu?

Panibagong tuldok sa lumang pasanin

Walang humpay ang mga banta sa seguridad ng maraming Pilipino kahit noong nakaraang taon pa lamang. Ilan sa mga ito ay ang pagnanakaw o pag-atake sa kanilang mga personal na impormasyon.

Kaugnay nito, nalunod ng agam-agam ang Facebook noong nakaraang taon nang pumutok ang isyu tungkol sa mensaheng natatanggap galing sa isang ligaw o hindi kilalang numero na naglalaman ng pangalan ng SIM Card user. 

Bunsod nito, nabalot ng balisa ang madla dahil sa posibilidad na maungkat ang kanilang sensitibong impormasyon.

Bilang tugon, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' Marcos Jr. ang Republic Act No. 11934 o mas kilala bilang SIM Registration Act noong ika-10 ng Oktubre 2022.

Upang hamukin ang laban sa nakakaalarmang sitwasyon, unang inihain ang batas na ito noong ika-15 ng Agosto 2020.

Layunin nito na sa pamamagitan ng pagrerehistro, ay maiugnay ang pagkakakilanlan at identidad ng mga user sa kanilang mga SIM Card.  

Inihayag ng National Telecommunications Commission (NTC) noong ika-27 ng Disyembre 2022 ang pagsisimula ng rehistrasyon.

Sa ganitong proseso, kinakailangan ang ilan sa mga personal na impormasyon, valid government ID, ID number, at litrato sa pagpaparehistro sa itinakdang deadline. Kusang made-deactivate ang SIM Card ng user na bigong makapagparehistro.

Halang na aktibidad sa iba’t-ibang abenida

Lingid sa kaalaman ng publiko na ang hinog na batas ay agarang magbubunga ng bulok na gawain. 

Kaugnay nito ang pagbibigay ng babala ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa bagong modus ngayon – ang pagbebenta ng SIM Card na naitalang rehistrado na. 

Noong Abril 4 lamang ay inaresto ng mga awtoridad ang isang negosyanteng Instik at isang Pilipino na diumano ay nagparehistro upang magbenta ng mga rehistradong SIM Cards sa kanilang mga suki sa halagang P1,500 hanggang P2,500.

Ang ilegal na bentahan online ay nakarating kay Frederick Amores, direktor ng DICT sa Sentral Visayas (DICT 7).

Pinaalala ni Amores na sa ilalim ng RA 11934, ang pagbibigay ng maling impormasyon o paggamit ng mga mapanlinlang na pagkakakilanlan upang magparehistro ng SIM ay may karampatang parusa na pagkakakulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon o multa na hindi bababa sa P300,000.

Ang pagbebenta naman ng rehistradong SIM Card ay ipinagbabawal din sa Implementing Rules and Regulations ng RA 11934, na may parusang anim na buwan hanggang anim na taong pagkakulong o multang P100,000 hanggang P300,000.

Tangis ng masa laban sa panggagantso

Halu-halong reaksyon mula sa publiko ang lumitaw buhat ng balitang ito. Para sa ilan, ito ay magsisilbing pangontra sa modus, ngunit ang iba ay hindi sang-ayon sa takot na may posibilidad na magkaroon ng data privacy breach. 

Sa talamak na ilegal na bentahan ng rehistradong SIM Card ay mayroong mga Pilipino ang maaring mabiktima kabilang na ang mga estudyante.

Ayon kay Sophia Ponciano, fourth-year Business Administration student mula sa Far Eastern University, mayroong mga kalakasan at kahinaan ang panibagong solusyon na ito.

"In my opinion, ang pros nito ay siyempre you get to have your own personalized sims and no one will be able to get the same number as you. Tsaka less unauthorized access to your number since you're the only one who's using it," saad niya. 

Sa kabilang dako, nilista rin ni Ponciano ang mga nabanaag niyang katalunan nito. Ani niya, maaring maging masikot ang rehistrasyon na ito sa ibang mamamayan dahil hindi pantay-pantay ang kaalaman at pribilehiyo ng bawat Pilipino pagdating sa teknolohiya.

The process of sim card registration is too complex for the old generation to access and it’s complicated for uniformed members of the community. (Masyadong kumplikado ang proseso ng pagpaparehistro ng SIM card para ma-access ng mga nakatatandang henerasyon at ito ay kumplikado rin para sa mga unipormadong miyembro ng komunidad),” diga niya pa.

Pagbabahagi naman ni Henry Manchos, second-year Broadcasting student sa Polytechnic University of the Philippines, ang kaniyang mga bumuluhaw patungkol sa isyung ito at kung bakit punterya ang mga estudyante sa mga ganitong uri ng panloloko. 

"Kapag estudyante kasi, parang easy target sa mga manloloko e. Karaniwang isip kasi nila siyempre ay tayo 'yung siguradong may GCash account kung saan nakalagay 'yung mga savings o allowance natin," bulalas nito.

 Sa panayam ng FEU Advocate, binigyang diin ni Ponciano at Manchos ang kanilang mga saloobin patungkol sa isyu, at kung paano sila maapektuhan ng mga modus na nakapalibot rito. Bagamat matagal nang nakapagparehistro ay patuloy pa rin ang mga phishing scam na kanilang natatanggap.

Hibo at tagubilin ng mga kagawaran 

Sa pag-usad ng laban sa text scams, kasabay ang pag-alingasaw ng mga komplikasyon na nakaangkla dito na saliwa sa layunin ng batas na sugpuin ang mga problemang nakapalibot dito. 

Base sa datos ng NTC noong Abril, makupad ang pagtaas ng bahagdan ng mga Pilipinong nagpaparehistro. Sa loob ng 168 milyong SIM Card, ay 75.5 milyon pa lamang ang naitatalang rehistrado. 

Batid ng mga telecommunication companies na kinakailangan nila mag-deactivate ng milyon na SIM Card na bigong makapagparehistro.

Sa magaganap na deactivation ay nagpapahiwatig ng malawakang pagkawala ng karapatan sa mga  serbisyo na patuloy na ginagamit ng mga Pilipino dahil sa lumalawak na paggamit ng mga mobile phones sa bansa.

Sa pagbuklat naman ng mga gusot ng batas na ito, ipinahayag din ni Danilo Ramos, chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa PhilStar ang masidhing ligamgam dahil tila atake ito sa karapatan nila na madinig at magsalita bunsod ng posibilidad na maiwan ang ibang sektor. 

Surely, millions and millions of farmers, fisherfolk, and people in the countryside have yet to register their SIM. The threat of them losing their access to their SIM and other social media is a direct attack on their right to be heard, be informed, and communicate (Tiyak, milyon-milyong mga magsasaka, mangingisda, at mga tao sa kanayunan ang hindi pa nakakapagrehistro ng kanilang SIM. Ang banta ng pagkawala ng kanilang access sa kanilang SIM at iba pang social media ay isang direktang pag-atake sa kanilang karapatan na marinig, mabigyan ng kaalaman, at makipag-usap.),” pangamba ni Ramos. 

Posible rin na gahulin sa pagpaparehistro ang mga Pilipino na walang Wi-Fi o data access ang mga mobile phones.

Ngunit diga ng NTC, upang mapabilis ang proseso at matulungan ang mga Pilipino, nakikipag-ugnayan sila sa mga ahensya upang gawing accessible ang pagpaparehistro sa mga Pilipinong nasa malalayong lugar na may mahinang serbisyo ng internet.

Ang mga ganitong mga uri ng komplikasyon ay dapat na isinama at kinonsidera ng mga mambabatas. Ngunit tila isinantabi nila ang mga alalahanin na iyon sapagkat ngayon ay nagdulot ito ng tunay na banta sa buhay ng mga tao. 

Sa kasaysayan at ekonomiya, ipinakita na sa atin na ang mga ganitong uri ng batas na ipinanglalaban sa kasalukuyang suliranin ng bansa ay kadalasang hindi epektibo. Sapagkat ang mga tao ay malikhain at gagawin ang lahat para malampasan at makalusot sa anumang pinagbabawal.

Kaya naman kapag nabanaag ang sarili na nasa kaparehas na sitwasyon, nararapat lamang na maging alerto. Huwag na tumangkilik ng mga ganitong bentahan, lalo na’t maaari itong manganak pa ng mga masasamang gawain na maaaring makapangloko ng kapwa. 

Ilang modus pa man ang mabuo, kung walang susuporta, bibili, at papabor, mapuputol ang halang na tulay na kanilang binubuo. Nawa’y huwag nang magpabiktima at tigilan na ang pangbibiktima.

Sa pagsibol ng panibagong batas na ito, kasabay ang paglipana ng iba’t-ibang komplikasyon at modus na tila hindi naaninag at nakonsidera ng mga mambabatas sa una. Sa sukdulan, nabuklat ang tayog na kinakailangan pa nating abutin upang matugunan ang bawat hinakdal na isinisigaw ng madla patungkol sa isyu na ito. 

-Jasmien Ivy O. Sanchez

(Dibuho ni Alexandra Lim/FEU Advocate)