FEUCSO clears org funds hiding claims
- April 18, 2024 13:55
FEU Advocate
October 12, 2021 11:21
Nina Agustin F. San Andres, Jr. at Luddie Trixie C. Salcedo
Maituturing na paglalakbay patungo sa dulo ng karimlan ang pagharap sa kasalukuyang pandemya. Sa pasalungat na ihip ng hanging dala’y walang katiyakan, kolektibong tinatangan pa rin ng mga Pilipino ang sulo ng kanilang pananampalataya—maapuhap lang ang pag-asang muling naghihintay sa kanila.
Sa kabila ng dilim na kanilang nararanasan, mapanatili kaya nila ang alab ng kanilang pananampalataya?
Banta sa apoy
Alinsunod sa mga patakarang pangkalusugan na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF), nanatiling limitado ang bilang ng mga pinahihintulutang magpunta sa mga pook-dasalan. Ayon sa Resolusyon Bilang 136-F ng nasabing ahensiya, ibinabase ang bilang ng dami ng taong maaaring magtipon-tipon ayon sa klasipikasyon ng quarantine na ipinapatupad sa bawat lugar at rehiyon.
Sa National Capital Region (NCR), mayroon lamang higit sampung porsyento ang pinahihintulutan sa mga simbahan na napapasailalim sa General Community Quarantine (GCQ). Subalit, kung mangyaring hingin ng mga institusyong panrelihiyong itaas sa 30 porsiyento ang kanilang kapasidad ay dadaan pa ito sa pagsusuri ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Sa mahigit labing-walong buwan, hindi nakaligtas ang sektor ng simbahan sa mga pagbabagong hatid ng panibagong normal. Bunsod nito, hirap pa rin silang makisabay sa pabago-bagong desisyon kaugnay sa restriksyon lalo na’t hindi pinapayagan ang mga mass gatherings.
Upang maibsan ang suliraning ito, nagpatupad ng ilang mga alternatibo ang iba’t ibang sekta ng relihiyon sa Pilipinas upang maidaos pa rin ang kani-kanilang mga pagtitipon. Ngunit, kalakip nito ang mga hamong pagbabago na nagbabanta sa liyab ng sulo ng kanilang pananampalataya.
Pangangapa sa dilim
Sa umiigting na pandemya, nagkaroon ng mga pagbabagong dahan-dahang sinasabayan ng Simbahang Katoliko Romano. Ilan sa mga hakbanging ginagawa ng mga Katoliko ay ang pagdaraos ng online mass. Baguhan man ang mga lider ng simbahan, nangangapang pinapasok na rin nila ang iba’t ibang plataporma gaya ng Facebook at TikTok upang epektibong ibahagi ang salita ng Diyos.
Para kay Reverend Father Sergio B. Ganado, kura paroko ng Archdiocese ng Nueva Segovia, Ilocos Sur, nararapat lamang na pasukin nila kung nasaan madalas ang mga tao lalong-lalo na ang mga kabataan.
“Kung nasa TikTok sila, o sa Netflix, social media, Dota o sa mga K-Pop, dapat dalhin din dyan ang Diyos. Kung paano? ‘Yon ang kailangan pa ng mas malalim na dasal at discernment,” dagdag ni Ganado.
Ibinahagi naman ni Ganado ang mga pagbabago sa simbahan gaya ng mas kaunting bilang ng mga mananampalatayang dumadalo dahil hindi na pinapayagan ang mga kabataang edad 15 taong gulang pababa at mga matatandang edad 65 taong gulang pataas na lumabas.
“Mas nalimitahan ang active participation ng tao gaya ng pagkanta. Pag mag-joke ako sa homily ‘di ko na alam kong natutuwa kasi naka-mask [sila],” saad ni Ganado.
Ipinaliwanag din ng kura paroko na pati ang pagtanggap ng iba pang mga sakramento ay hindi nakaligtas sa malawakang pagbabago. Ayon kay Ganado, ang dating kasalan na may entourage ay hindi na pinapayagan. Samantala, kinakailangan na nilang magsuot ng personal protective equipment (PPE) kapag magpapahid ng langis sa may sakit.
Sa patuloy pakikiangkop sa mga pagbabago, binigyang-diin ni Ganado na tila binabalik ng pandemya ang mga Katoliko sa kanilang dating nakagawian ‘pagkat tinuturing noon ang tahanan bilang munting simbahan.
Balakid sa pagbuklod
Ngayong may mga itinakda pa ring restriksyon gaya ng pagsunod sa social distancing sa pook dasalan ng mga Moro, ipinaliwanag ni Ameerah Milano, isang consultant ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao - Ministry of Social Services and Development (BARMM-MSSD) na isa itong nagsisilbing hamon sa kanilang pananampalataya.
“Hindi pwedeng magkawatak-watak ‘yung nagsasala, meron silang paniniwala na parang ang mangyayari daw kapag nagkawatak-watak daw ay ‘yung komunidad, ‘yung lipunan, hindi rin daw sila mapagbibigkis,” pagpapalawig ni Milano.
Sa pakikipagpanayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Milano na naging mabigat ang diin ng pananampalataya ng mga Moro noong nagdeklara ng kauna-unahang lockdown dahil hindi sila nakakapasok sa mga mosque upang magbalik-loob.
“Halimbawa, nagkasala ka, mayroon kang hinihiling, mayroon kang binubuong isang proyekto, madaling pumunta sa mga mosque, madaling humingi ng tulong sa mga Imam… ‘yung mga katumbas ng mga pari,” saad ni Milano.
Bunsod ng dahilang sumusunod lamang sa pagdarasal ang karamihan ng mga Moro noon sa kani-kaniyang mga mosque, hindi rin aniya nakapagdadasal ang mga ito ng limang beses sa isang araw ‘pagkat hindi sila gaanong marunong.
Sa pag-usbong ng iba’t ibang porma ng pananampalataya online, ipinahayag ni Milano ang kaniyang kalungkutan dahil hirap ang kanilang relihiyon na makisabay sa ganitong uri ng mekanismo ‘pagkat hindi gaanong kabihasa ang karamihan sa paggamit ng teknolohiya.
“Although we are trying pero kapag nailagay talaga sa platform na digital I think lalong lalala o lalong lalayo yung gap nung mga Moro doon sa kanilang religion,” pagtatapos nito.
Pawala-walang pokus at atensiyon
Sa pagpapaalab ng sulo ng pananampalataya, may mga hindi mapipigilang hadlang sa pagpapaliyab nito. Pinatunayan ito ni Edison Esguerra, isang full-time pastor sa New Life The Fort, nang ibahagi niyang malaki ang naging pagbabago mula nang mailipat ang mga pagtitipon mula pisikal tungong online.
“Normally kasi ang pagkakaalam natin ang simbahan is naga-gather lang yan tuwing Sunday diba, pero as Christians we gather all week long, eh, pero ngayon, lahat ‘yun nagbago,” saad ni Esguerra.
Kahit pa man may mga alternatibong kaparaanan gaya ng pagkakaroon Facebook live, Youtube live, at Zoom gatherings upang sama-sama nila mapakinggang ang salita ng Diyos, ibinahagi ng Pastor ang suliranin ng ilang Kristiyano na nahihirapang solusyonan—ang makapagpokus online. Aniya, mabilis mawala ang atensyon ng mga tao sa pagsulpot ng ilang notifications sa social media.
Maliban pa rito, hindi rin maiwasang maputol ang linya ng mga tagapakinig sa tuwing mayroon silang mga pagtitipon dahil sa mabagal na internet connection sa bansa. Gayunpaman, sinabi ni Esguerra na tinuturuan pa rin sila ng sitwasyon na lalong magtiwala sa Panginoon.
“Sa pandemic na walang kasiguradahan kung anong mangyayari sa kinabukasan, mayroon kang Panginoon na makakapitan,” pagpapaalala nito.
Pinaalalahanan din ni Esguerra ang mga kapwa niya Born-Again Christians sa kung anong pokus ng kanilang pananampalataya--ang maihayag si Kristo kapwa sa kanilang buhay at sa ibang tao.
“It's just a matter of perspective... if the pandemic is an opportunity for you to share Jesus all the more, diba, it will shoot adrenaline on your soul…’Yung dahilan kung bakit natin ginagawa ‘yung ginagawa natin is to point people to Jesus, para ‘yung mga tao may makakapitan, at makukuha nila ‘yun sa pamamagitan mo, bilang Kristiyano,” pagtatapos nito.
Panlalamig ng nagbabagang pagsinta
Dulot ng mga pagsubok na hatid ng pandemya, humina ang dating masidhing apoy ng pananampalataya ng ilang kaanib ng Iglesia ni Cristo (INC). Ayon kay Jebi Elise Balignasay, mahigit siyam na taong mananampalataya, maraming naalis sa talaan ng kanilang relihiyon gaya ng mga hindi na nagsipagtuloy sa pagsamba.
Sa kabila nito, hindi pa rin malulupig ang mangilan-ngilang siklab ng mga aktibidad na nagpapalakas sa sulo ng kanilang pananampalataya. Bilang tugon, aktibo sila sa pagpapalaganap ng aral sa tulong ng radyo, telebisyon at live broadcast mula sa Facebook at Youtube. Mayroon ding nagaganap na mga pagpupulong sa pamamagitan ng Google Meet at Cisco Webex.
Bukod pa rito, hindi rin sila humintong umakay ng mga tagapakinig sa kanilang doktrina, dahilan upang patuloy pa ring lumago at dumami ang kanilang mga manananampalataya. Mayroon mang ilang mga nanlamig sa dating nag-aalab na pagsinta, ipinagpapasalamat pa rin ng INC ang mahigit 164 na bahay sambahang naipatayo sa iba't ibang panig ng mundo sa kabila ng mga nangyayari sa kasalukuyang mapanghamon na panahon.
“Napakahalaga po ng gusaling sambahan dahil dito po niluluwalhati, pinupuri at dinadakila natin ang Panginoong Diyos,” pahayag ni Brother Renato Olea sa panayam sa INC News and Updates.
Samantala, hindi naman itinanggi ni Balignasay na mayroon pa ring mga banta sa kanilang pananampalataya gaya ng mga paghihigpit na ipinatutupad sa kanilang mga pagtitipon. Ngunit, hindi pa rin niya hahayaang matupok ng mga pagsubok ang init ng kanyang pananampalataya.
Tanglaw sa pandemya
Ayon kay G. Mejedin Tena, isang sosyolohista at kasalukuyang propesor sa Departamento ng Sosyolohiya at Antropolohiya ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), ang relihiyon ang nagbibigay ng paliwanag sa mundo—na napakahalaga sa buhay ng mga indibidwal at sa mismong lipunang kanilang ginagalawan.
“Nakakapagpabawas [din] ng nararanasang social anxiety ng mga tao at nagbibigay ng pag-asa sa ibang tao na may control sila sa kanilang tadhana,” dagdag nito.
Binigyang-diin ni Tena na ngayong pandemya, mahalaga para sa mga mananampalataya na mayroong makakapitan dahil matindi ang anxiety at depression. Nakakatulong din aniya ang pagkakaroon ng relihiyon upang mailabas ng isang tao ang kaniyang iniindang sakit at kabiguan.
“Nakakaapekto ang absence [ng religion] sa mga religious people dahil yung mga sermon ng pari is actually helpful to them. Like bakit wala na kami makain ngayon pandemya, kung sasabihin ng pari na kasi pagsubok lang ‘yan ng Diyos, at least mababawasan ‘yung kanilang pain,” pagpapalawig ni Tena.
Sa panahong sadlak sa dilim ang mga Pilipino dulot ng pandemya, tunay na malaki ang papel na ginampanan ng kanilang relihiyon at pananampalataya sa pagbibigay-tanglaw na balang araw, babalik din ang mga dating nakagawian sa kani-kanilang mga pook-dasalan.
Iba-iba man ang sektang panrelihiyon na kinabibilangan ng sambayanang Pilipino, mababanaag sa tangan nilang sulo ang kanilang pagkakawangis—na bakas sa naglalagablab nilang pananampalataya at layuning makasabay at malagpasan ang mga pagbabagong dinulot ng pandemya.
(Dibuho ni Shiena Sanchez)