FEU Advocate
June 19, 2016 23:56
Ni Florife D. Sapusao
“Ang panulat ay mas makapangayrihan kaysa sa tabak,” ani ni Edward G. Bulwer-Lytton, isang na manunulat tulad ni Jose Rizal.
Jose Protacio Mercado Rizal Alonzo y Realonda, isang tao na naglalayon na maibalik ang kalayaang nararapat para sa bayan. Pilipinong walang takot na binatikos ang baluktot na pamamahala ng mga dayuhang mananakop sa kagustuhang maibigay ang kalayaang minimithi ng bawat isa.
Sinong mag-aakala na noong ika-19 ng Hunyo, 1861 sa Calamba, Laguna ipapanganak ang taong magiging dahilan ng isang makabayang rebolusyon? Ang tao na nagsilbing boses ng katapangan ng mga Pilipino, boses na nagdidikta hindi makatarungang pang-aalipin ng mga Kastila sa bayang sinilangan. Siya ang taong nagpamalas na ang pagsulat ay maaring maging susi sa katarungan, kapayapaan at kaalaman ng isang bayang naghahangad ng kalayaan.
Pangpito si Rizal o mas kilala sa palayaw na Pepe sa sampung anak nina Francisco Mercado at Teodora Alonso Realonda. Ngunit, tila lingid sa kaalaman ng iba ang tulong na ibinahagi ng kapatid na sumuporta at nagbigay daan para paghulma ng pagkatao ng ating tinaguriang Pambansang Bayani ng Pilipinas.
Malaki ang naging bahagi ng kapatid ni Pepe na si Protacio sa kanyang pagkikipagsapalaran sa ibang bansa. Tulong pinansyal at suporta ang naibigay nito sa kapatid na nagsilbing pangalawang magulang ni Rizal.
Ayon kay One Carlo Diaz, isang estudyante sa kurso na Communication Arts ng Far Eastern University (FEU), ang pagkakakilala niya kay Rizal ay matalino at maparaan. Gaya ng ilang mag-aaral na nagkamit ng mga karangalan, si Rizal rin ay natatangi sa mga eskwelahan na kanyang pinag-aralan tulad Ateneo Municipal (Escuela Pia-Charity School for Boys) dahil sa angking husay at talino nito, nag-aral din siya sa ilan pang mga kilalang pamantasan tulad na lamang ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) kung saan kumuha siya ng kursong Medisina at Philosophy and Letter at sa Universidad Central de Madrid.
At dahil din sa kahusayang taglay ng binata maging sa ibang lengwahe siya’y dalubhasa, nasa 22 na linggwahe ang kaya niyang sambitin, dagdag pa ni Diaz.
Ayon sa libro ni Joseph Lopez na Rizal Life, Works, and Writings of the Greatest Malayan: A Factual and Critical Approach with Medical Notes of Rizal, si Rizal din ay naging isang aktibong miyembro ng Propaganda movement o mas kilala bilang repormista na gumagawa ng artikulo sa La Solidaridad, isang pahayagan na naging boses ng mga nasyonalismong ilustrado rito sa Pilipinas noong 19 na siglo. Ito ay salungat sa paghahasik ng mga Espanyol ng natatagong impormasyon tungkol sa kung ano ang tunay na kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng kanilang pananakop.
Itinatag naman ni Rizal ang La Liga Filipina noong Hulyo 3, 1892 na naglalayon na pag-isahin ang mga Pilipino bilang iisang mamamayan ng Pilipinas, na proprotekta sa anumang karahasan laban sa bansang nasasakupan ng nasabing samahan, layunin din nito na labanan ang mga mapang-abuso at kawalan ng katarungan sa pagsuporta sa edukasyon at pag-aaral ng mga Pilipino.
“He believed in a silent revolt, which I think was better than a violent one,” saad ni Diaz. Masasabi ngang tahimik ang paraan ng pag-aaklas na ninais ni Rizal laban sa mga dayuhan, kung saan gamit lamang ang kanyang mga aklat bilang sandata na ang tanging hangad ay magmulat at mag-iwan ng ilang mga kaisipan tungkol sa katotohanan na nagaganap sa sarili nating bansa.
Ang kanyang mga nobela na Noli Me Tangere 1887 at El Filibusterismo 1891 ang marahil, lunusang nakaapekto sa buhay ng mga Pilipino. Mga akdang tila sumasalamin sa kanser sa lipunan na dulot ng kolonyal at maling paniniwala ng mga tao sa mga dayuhan na sumasakop sa Pilipinas.
Ngunit, sa kabila ng kasikatan na natamo ng mga nobela ni Rizal, ipinagbawal ang paglalathala at pagbabasa ng mga akdang ito ng mga Espanyol, dahil sa kumplikadong pagsasadula nito patungkol sa frailocracy at adminitrasyong kolonyal ng mga Kastila. Dahil dito ipinatapon si Rizal sa Dapitan sa Mindanao noong 1892 hanggang 1896, sa ilalim ng mga misyonaryong Jesuits.
Sa pagsisimula ng buhay ni Rizal sa Dapitan, nakahiligan na nito ang pagtaya sa Lotto. Tulad ng iba, ito ang naging pampalipas oras ni Rizal sa lugar. Minsan na ring nanalo si Rizal sa Lotto na nagamit niya sa pagbili ng lupa at pagtulong sa kaniyang pamilya.
Ayon kay Ocampo hindi lang pagtuturo, panggagmot, pagsusulat at kung ano-ano pa ang inatupag ni Rizal sa pagkakatapon sa kanya sa Dapitan. Hindi lang utak ang hinuhubog ni Rizal dahil maging ang katawan niya ay hindi rin niya pinababayaan sa mga panahong iyon. Sinasabing natagpuan ang mga sementong barbells sa pinagtutuluyan ni Rizal sa Dapitan.
Sa nalalapit na oras ng kamatayan, si Rizal na siguro ang matuturing na pinakakalmado sa araw ng pagtatapos ng kanyang buhay. Inilarawan ni Ocampo si Rizal bilang mahinahon. Masasabing maputla ang hitsura ni Rizal ilang oras bago matuldukan ang kanyang buhay ngunit hindi dahil sa kamatayan na nalalapit nang ipataw sa kaniya kundi sa hindi pa siya nakakain ng almusal. Ang katapangan niya na harapin ang kamatayan para sa bayan ay walang katumbas. Ang diwa ng pagiging makabayan ang naging daan upang hindi malimutan ang kanyang pangalan.
Dahil sa pagtuligsa sa mga kastila, hatol na kamatayan ang sa kaniya ay ipinataw. Pagbaril sa harap ng mga maraming Pilipino ang nakitang paraan ng mga Kastila, upang maipakita nila ang kanilang kalupitan at kapangyarihan sa mga taong nais tumuligsa sa kanila. Sinasabing noong Disyembre 30, 1896 sa ganap na oras na 7:03 ng umaga nagwakas ang buhay ng taong nagsilbing mata, tenga at boses ng mga Pilipino.
“Si Rizal ay imahe ng pagka-Pilipino, moog ng lahi at kulturang Pilipino”, saad ni Rita Morales, propesor ng FEU.
Si Pepe ay hindi lamang isang matalinong bayani , isa rin siyang pilyong lalaki na habulin ng kababaihan dahil sa angkin nitong karisma't gandang lalaki. Ngunit, ginamit ang husay niya sa pagsulat upang maging armas nito laban sa mga mapang-abusong mga lahi.
Tunay ngang nananalaytay sa kaniya ang pagiging makabayan, katapangan sa walang pagdadalawang-isip na pagbuwis ng kanyang buhay para sa bayan. Katapangan na pumukaw sa puso ng mga Pilipino at naging daan sa paghihimagsik ng rebolusyong para sa kapayapaan at kalayaang buong pusong hinahangad ng mga Pilipino at ng minsa’y naging tinig na gumising sa atin sa kamalayan ng katarungan at karapatan.
Katapangan na nagbigay hudyat upang sumiklab ang nag-aalab na pag-ibig ng bawat isa sa bayang kanilang sinumpaang pangangalagaan, gagalangin at mamahalin sa isip, sa puso at sa gawa.