Motion
- July 06, 2019 17:40
FEU Advocate
February 24, 2024 16:07
Nina Andrea Clara Dulay at Jasmien Ivy Sanchez
Bukod sa pagdiriwang ng araw ng mga puso, kada Pebrero rin ay binibigyang-pagpupugay ang mga ipinamalas na katapangan ng taumbayan na nakaukit na sa ating kasaysayan. Inaalala ito upang parangalan ang pag-aalsa ng nakaraang henerasyon na siyang pumiglas sa hawlang bumihag sa kanilang isip at salita, na siyang inaalala sa kahabaan ng EDSA.
Dito nakibaka ang masang Pilipino upang matuldukan ang rehimeng minsang nagpasadlak sa kalayaan. Gayunpaman, ano na lamang ang magiging lagay ng kanilang ipinaglaban kung ito ay pagkakaitan ng araw ng pampublikong pagkilala?
Sa loob ng 14 taon, pinagkaitan ng kalayaan ang mamamayang Pilipino bunsod ng baluktot na pamumuno at pang-aabuso sa kapangyarihan ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Bunsod nito, lumilok na sa kasaysayan ang kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) buhat ng pagsilakbo ng binansagang People Power Revolution, o ang pagsama-sama ng mga Pilipino para sugpuin ang pithayang demokrasya mula sa ilang taong pasipikasyon at opresyon.
Sumiklab ang pag-aalsa noong Pebrero 22, 1986, na nag-akay sa rebolusyon at nagpalaya sa bansa mula sa tanikala ng kalupitan.
Lumaganap sa buong bansa ang mga protestang ito laban sa rehimeng Marcos, na nagresulta sa pagtindig ng mga mamamayan upang ipabatid ang kanilang pagsalungat sa pamahalaan.
Nalutas ang apat na araw na kasalungatan at negosasyon nang nahalal bilang pangulo ng Pilipinas si Corazon Aquino sa tulong ng People Power noong Pebrero 25, 1986.
Mas nag-udyok pa itong matuldukan nang tumungo na si Marcos Sr. sa Hawaii dala ng presyon mula sa lokal at internasyonal na oposisyon laban sa kanya.
Mula rito, nagpasumbalik ang demokrasya sa publiko at tuluyang natuldukan ang tinariya ng dating diktador.
Sa loob ng 38 taon, ang pakikibaka na ito ay naging isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas na humubog sa kasalukuyang timpla ng pulitika sa bansa.
Bilang parangal sa pagpiglas ng Pilipinas mula sa lubid ng diktadurya, nilagdaan ni dating Pangulo na si Corazon Aquino noong Pebrero 11, 1987 ang Proklamasyon Blg. 59, o mas kilala bilang EDSA Day.
Itinatag ito bilang isang national non-working special public holiday na ipinagdiriwang tuwing ika-25 ng Pebrero upang magbigay-pugay sa pagtataguyod ng bansa tungo sa demokrasya noong Pebrero 22 hanggang 25 taong 1986.
Bakas ng pagpapanumbalik ng matagal na ipinagkait na karapatan at kalayaan ang araw ng EDSA. Nagsisilbing tatak sa sanib pwersang pakikibaka ng madla upang pabagsakin ang isang diktador at ibalik ang nawalang libertad.
Subalit ang papel ng kasarinlan ay tuluyan nang pinilas nang umalingasaw ang balita noong ika-24 ng Oktubre, 2023 na ang petsang ito ay tinanggal na sa opisyal na listahan ng mga holiday sa bansa.
Bunga ng pagluklok sa pwesto ni Ferdinand Marcos Jr., tila naulit lamang ang kasaysayan dahil sa pilit na pag-alis sa pagtatag ng EDSA People Power Revolution bilang isang pampublikong holiday na bakas ng paggulimlim sa makasaysayang pag-aaklas.
Hindi na mahahagilap ang petsang Pebrero 25 kung susuriin ang ilabas ng Malacañang na listahan ng mga regular at special holidays ngayong taon.
Wari ba’y naipawalang bisa ang sakripisyo ng mga taong nagdanak ng dugo at pawis para lamang matanaw ang inaasam na pagpiglas sa gapos ng pandadahas. Kaya naman tinuligsa ng mga biktima ng diktadura ang naturang desisyon.
Kinondena ng grupong Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law ang hakbang na ito ng Palasyo, at tinawag na isang pagtatangka na ibaon sa limot ang madilim na pangyayari sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Sr.
Dahilan ng Office of the President (OP), tinanggal ito sa listahan ng mga pampublikong holiday sa kadahilanang pumatak ng Linggo ang Pebrero 25.
Paliwanag pa ng OP, ang naturang araw ay may minimal na epekto sa aspetong sosyo-ekonomiko bilang isang special non-working holiday sapagkat sumabay ito sa araw ng pahinga ng mga manggagawa.
Gayunpaman, inihayag din nilang nananatili ang kanilang paggalang sa paggunita ng EDSA People Power Revolution.
Naging mainit na diskurso ang pagtanggal ng EDSA Revolution bilang isang national holiday. Kung tatanawin, malawak na pagtatalakay at pang–unawa ang kailangan upang lubusang maintindihan ang halaga ng pagkilala sa sakripisyo ng mga nakibaka na naging daan sa kalayaang tinatamasa ng kasalukuyan.
Sa panayam ng FEU Advocate kay Paul Tecson, propesor ng Far Eastern University sa kursong Readings in Philippine History, iginiit nito na mahalagang mabigyang kamalayan ang kasalukuyang henerasyon sa nakaraan.
Dagdag pa niya, bagaman hindi tahasan ang pagdanas ng lipunan ngayon sa mga pangyayari noon, may iba’t ibang pamamaraan upang mamarkahan ang mga kaganapan sa kasaysayan nang sa gayon ay hindi makalimot ang bansa sa mga pagkakamali at matuto mula rito.
Isang paraan ng pagmamarka ay ang memorialization o pag-alala sa mga mahahalagang pangyayari sa kasaysayan na may iba’t ibang uri.
“Halimbawa, kapag pumunta tayo sa mga historical sites, may mga marker, that’s one. Number two, mga monuments. At ‘yung pangatlo… ay holidays” sambit ni Tecson.
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na minsan lamang sinasariwa ang mga holidays sa tunay nitong esensya.
“Ang memorialization through holidays could be a double-edged sword, depende roon sa tumitingin. Maganda siya dahil nakamarka na… o hindi natin makakalimutan pero ‘yung other side of memorialization through holiday ay to take it for granted,” paliwanag pa nito.
Para kay Tecson, ang mga Pilipino rin ay mayroong kawalan ng kolektibong alaala kung saan ang karanasan ay naiipasa sa bawat henerasyon. Nabanggit nito na hindi kinakailangang maranasan ng isang nasyon ang kaganapan ng nakaraan upang maintindihan ang lalim nito.
“‘Pag pinag-usapan natin ang Spanish-American… It is at some point, that Philippines as a nation has its own collective memory about it, na magtanong ka, colonization is bad. Pagdating sa Martial Law, parang wala tayong collective memory,” sambit ni Tecson.
Naglahad din ng saloobin si Alexc Yamson, Tagapangulo ng Anakbayan Morayta, ukol sa pagtanggal ng EDSA Revolution bilang holiday.
Aniya, ang EDSA Revolution ay isang pagtatanda ng kahalagahan sa kapangyarihan ng taong bayan nang labanan nito ang diktaduryang Marcos.
“Itong EDSA ay parang isang siyang manifestation ng pakikiisa… ng solidarity among Filipino people and we’re united against a dictator and we are willing to fight for freedom,” ani Yamson.
Pangamba rin ni Yamson ang maaaring maging epekto ng pagtatanggal ng EDSA Revolution bilang holiday sa bagong henerasyon.
“Kung titingnan natin, may kumakalat ding balita na tatanggalin ‘yung EDSA sa curriculum ng edukasyon. Paano na ‘yun sa mga kabataan ngayon na hindi tuturuan at laganap din yung fake news, yung propaganda machine ng Marcos-Duterte rehimen,” lahad ni Yamson.
Dagdag niya, nakakatakot isipin na maaaring magpaubaya na lamang ang mga Pilipino at kabataan sa masahol na sistema ngunit ito rin ang papel ng lahat sa kasalukuyan—ang papel ng masang Pilipino na makibaka.
Sapagkat ang pag-alis sa kaukulang araw ng pagmemorya nito ay maaaring tuluyang mabaon sa limot ng mga kasakalukuyang henerasyon.
Sa mga darating pang mga panahon ng pag-alala ng isa sa makabuluhang istoriko sa bansa, nawa’y patuloy na iukit sa puso at ikrus sa noo na hindi lamang ito tungkol sa mga araw ng pahinga para sa mga manggagawa. Datapwat gunitain bilang pagkilala at paggalang sa makasaysayang pakikibaka at pagsasanib-pwersa ng sambayanang Pilipino para sa kanilang mga karapatan at kalayaan.
(Dibuho ni Mary Nicole Halili/FEU Advocate)