Alto Indio!
- December 09, 2023 10:35
FEU Advocate
September 01, 2024 17:38
Ni Lynette Joy A. Pasajol
Kasunod ng walong aktibong kaso ng Monkeypox (mpox) sa Pilipinas ngayong taon, naglabas ng opisyal na pahayag ang Far Eastern University (FEU) University Health Services (UHS) ukol sa mga hakbang at paalala upang maiwasan ang pagkabahala dulot ng virus sa bansa.
Nagiging sanhi ang mpox ng iba’t ibang sintomas tulad ng pamamantal ng balat, lagnat, pananakit ng lalamunan, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, panghihina, at pamamaga ng mga kulani o lymph nodes.
Ayon sa UHS, maaari itong maipasa mula sa isang tao patungo sa iba sa pamamagitan ng direktang kontak sa balat o mga sugat.
Karaniwang nagsisimula ang mga sintomas sa loob ng isang linggo matapos ma-expose sa virus, ngunit maaari din itong magpakita sa loob ng isa hanggang 21 araw.
Sa isang panayam ng FEU Advocate, binigyang-diin ni UHS Director Desiree Chiongson ang kahalagahan ng tamang impormasyon ukol sa mpox upang maiwasan ang pagkabahala.
“There are many misinformation and exaggerated or fake news about mpox. It is important to get your data from reliable sources and avoid spreading panic (Maraming maling impormasyon at pekeng balita tungkol sa mpox. Mahalagang kumuha ng datos mula sa mga mapagkakatiwalaang pinagkukunan ng kaalaman at iwasan ang pagpapakalat ng takot),” aniya.
Dagdag pa ng direktor, ang variant ng mpox na nasa bansa ay hindi naman nakamamatay kung maaagapan nang maaga.
Bilang tugon sa banta ng virus, naglabas ang UHS ng advisory sa learning management system ng Unibersidad na Canvas para sa mga estudyante na ipinadala rin sa email ng mga guro at empleyado noong ika-22 ng Agosto.
Kabilang sa advisory ang mga palatandaan at sintomas nito, kung paano ito kumakalat, at ang mga pangkalahatang hakbang upang maiwasan ang sakit.
Binigyang-diin din ni Chiongson ang mga hakbang na dapat gawin ng mga estudyanteng bumisita kamakailan sa Lungsod Quezon kung saan naiulat ang unang kaso ng mpox nitong Agosto.
“Practice health precautions consistently: avoid crowded places, wear a face mask if in crowded places, wash/disinfect your hands frequently, avoid touching your face especially outside your home, maintain physical distance from other people, practice safe sex, [and] observe general hygiene (Sundin ang mga hakbang sa pag-iwas: iwasan ang mataong lugar, magsuot ng face mask kung kinakailangan, maghugas ng kamay, iwasan ang paghawak sa mukha lalo na sa labas ng bahay, panatilihin ang distansya, sumunod sa ligtas na pakikipagtalik, at panatilihin ang kalinisan),” saad nito.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, pinaalalahanan ng UHS Director ang mga miyembro ng FEU community na maging responsable sa kanilang kalusugan.
“We [also] need to take responsibility for our own health… We cannot simply expect government agencies, non-profit health organizations, etc. to stop the spread of these diseases (Kailangan din nating maging responsable para sa ating sariling kalusugan… Hindi natin maaaring asahan lamang ang mga ahensya ng gobyerno at mga non-profit na organisasyon na pigilan ang pagkalat ng mga ito),” dagdag niya.
Para sa mga may sintomas o mga nagkaroon ng direktang kontak sa mga apektado, mariing ipinapayo ni Chiongson na mag-isolate kaagad at kumonsulta sa manggagamot upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Sa kasalukuyan, patuloy na sinusubaybayan ng UHS ang mga anunsyo ng Department of Health (DOH), Research Institute for Tropical Medicine, at iba pang mga ahensyang pangkalusugan.
Makikipag-ugnayan din ang FEU sa mga lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensya upang matiyak na protektado ang kanilang komunidad mula sa paglaganap ng mpox.
Naitala ng DOH na umabot na sa 17 ang kabuuang bilang ng kaso ng mpox mula noong Disyembre 2023.
(Kuha ni Ken Harold Hadi/FEU Advocate)