Sana Oil Kinukumusta

Ni Shane Tapican

Dagdag-presyo, dagdag-pasahe, at higit sa lahat, dagdag-pasanin. Bagama’t tila nasasanay na ang publiko at bahagyang kumalma ang galaw ng presyo sa mga gasolinahan, hindi maikakaila ang katotohanang ang dating ‘mahal’ ay siya na ngayong ‘normal.’ Kung inuuna pa ng mga opisyal na maghimutok mula sa malamig at komportable nilang bulwagan kapag walang nakikisimpatya sa kanilang kalagayan, paano naman ang pagkumusta sa naghihingalong bulsa ng mga Pilipino sa gitna ng krisis sa petrolyo? 

Habang ang mga nasa kapangyarihan ay naghahanap ng pangungumusta, milyon-milyong Pilipino naman ang tahimik na nilulunod ng isang sistemang matagal nang bulag at bingi sa kanilang pagdurusa. 

Mula sa piso, dalawa, at higit pang patong sa krudo at mga produktong petrolyo, malabo nang bumalik ang mga ito sa dating murang halaga at nananatiling hindi pangmasa. 

Nitong Abril lamang, magkakasunod na nag‑anunsyo ang mga kompanyang may kinalaman sa langis — Petron, Seaoil, Shell, Cleanfuel, at Unioil — dahilan upang muling umigting ang diskurso mula sa balita at social media hanggang sa pagtindig sa kalsada.

Hindi na bago ang siklong ito sapagkat naranasan na rin ng bansa ang pagtaas ng halaga sa pandaigdigang merkado noong mga nakaraang taon sa ilalim ng mga nagdaang administrasyon.

Subalit para sa nakararami, iba ang bigat ngayon. Noon, may natitira pa bagama’t may pagtaas. Samantalang ngayon, bawat dagdag, may katumbas na bawas at walang katapusang kaltas.

Déjà vu ba ‘to?

Noong nakaraang dekada, pamilyar na tanawin na ang pabago‑bagong presyo ng krudo: minsan mabigat sa bulsa, habang minsan din namang bumabagsak at abot-kaya. Ngunit ang hindi naiiba, lagi itong may kapalit na pasanin sa masa.

Matatandaang sa pamumuno ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, muling sumailalim ang bansa sa matinding pagtaas ng presyo ng langis kasabay ng pandaigdigang merkado.

Umakyat sa mahigit $100 kada bariles ang presyo ng krudo bunsod ng krisis sa Kanlurang Asya, partikular sa kaguluhan sa Libya, na siyang nagdulot ng pangamba sa suplay ng langis sa buong mundo. Pamilyar, hindi ba?

Bilang tugon, inilunsad ng gobyerno ang Pantawid Pasada Program sa pamamagitan ng Executive Order No. 32 upang maagapan ang krisis sa langis. 

Layunin nitong pigilan ang domino effect: kung mababawasan ang gastos ng mga tsuper, maiiwasan ang agarang pagtaas ng pamasahe, at kasunod nito, ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ipinatupad ang programa kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day, bilang agarang hakbang sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo. Nilayon din nitong magbigay-ginhawa sa sektor ng transportasyon na direktang apektado ng krisis. 

Sa katunayan, tinatayang nasa 214,596 na tsuper, tricycle driver, at operator ang nakatanggap ng “smart cards” na may subsidyo hanggang ₱1,050 o katumbas ng humigit‑kumulang ₱35 fuel assistance kada araw sa loob ng isang buwan.

Dagdag pa rito, pagsapit ng 2014 hanggang 2016, bumagsak na rin ang presyo sa $50 kada bariles dahil sa oversupply. Nagbukas ito ng pagkakataon para sa mga rollback at ginhawa sa mga konsyumer at sektor ng transportasyon. 

Noon, may agarang tugon at mga panandaliang solusyong nagbigay ng pag-asa sa taumbayan. Sa gitna ng krisis, may mga hakbang na kahit paano ay naghatid-ginhawa sa mga tsuper at mamamayan. 

Sa kasalukuyan, muling nayayanig ang pandaigdigang suplay ng langis dahil sa panibagong tensiyon sa Kanlurang Asya. Kasunod ng pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, gumanti ang Iran sa pamamagitan ng paghihigpit sa Strait of Hormuz — isang makitid na lagusan na dinaraanan ng halos dalawampung porsiyentong suplay ng langis sa buong mundo.

Sa bawat pagsiklab ng alitan, sumasabay ang paggalaw ng pandaigdigang merkado na tila walang salaan at diretsong bumabagsak ang tama sa bulsa ng karaniwang mamamayan.

Ngunit habang abala ang mga Pilipino sa pakikipagsabayan sa pabago-bagong presyo ng krudo at patuloy na implasyon, ibang uri naman ng drama ang umalingawngaw sa Senado nitong Mayo. 

Nagsimula ito sa pagtatangkang arestuhin si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC), na humantong sa tensiyon, habulan, at putukan sa Senado. Nagkaroon ng pangamba sa seguridad ng mga senador, empleyado, mamamahayag, at iba pang nasa loob ng gusali.

Kasunod nito, umani ng kontrobersiya ang naging emosyonal na reaksiyon ni Senadora Pia Cayetano matapos tutulan ang pahayag ni Senadora Risa Hontiveros hinggil sa naging tugon ng Senado sa insidente. 

Nagpahayag siya ng pagkadismaya dahil naramdaman niyang tila walang nangumusta sa kanilang kalagayan matapos ang kaguluhan, bagaman sinabi ng ilang senador mula sa minority bloc na nagpadala sila ng mga mensahe ng pag-aalala at panalangin noong gabing iyon. 

Agad namang nilinaw ni Hontiveros na hindi pagmamaliit sa takot at pagkabiglang dulot ng mga pangyayari ang kaniyang naging pahayag, bagkus puna sa aniya’y agarang pagbabalik sa normal ng institusyon nang walang sapat na pagtalakay sa naganap. 

Dito, makikita kung gaano kalayo ang mundo ng mga nakaupo sa kapangyarihan at ang realidad ng ordinaryong mamamayan. Habang may mga opisyal na naghahanap ng simpatya, ang mga tsuper at manggagawang nagpapasahod sa gobyerno ang hindi naman kinukumusta at matagal nang pinabayaan ng sistemang dapat sana’y naglilingkod sa kanila. 

Kumusta ang bulsa?

Maaaring hindi na ito laman ng maiinit na talakayan at balita sa mga pahayagan, ngunit hindi pa rin humuhupa ang idinulot nitong kahirapan. Sa katunayan, mas lalo lamang nagiging normal ang hirap na dati-rati’y ikinagagalit ng taumbayan.

Bagama’t bumaba ng ₱20.89 kada litro ang diesel at ₱4.43 naman ang gasolina sa rollback noong Abril, hindi nito nabawi ang epekto ng 13 magkakasunod na linggo ng pagtaas sa gasolina at 15 sunod-sunod na dagdag-presyo sa diesel at kerosene. Sinundan pa ito ng panibagong mga price hike noong Mayo, dahilan upang manatiling panandalian lamang ang anumang ginhawang hatid ng mga rollback

Kaugnay nito, pabago-bago man ang galaw ng presyo sa merkado, hindi nagbabago ang katotohanang may mga manggagawa at tsuper na araw-araw na napipilitang pagkasiyahin ang papaliit na kita habang pasan-pasan ang lumalaking halaga ng bawat pangangailangan. 

Sa bawat pagpihit ng manibela, hindi na lamang trapiko sa kalsada ang bigat na dala-dala ng mga tsuper, kung hindi pati ang unti-unting pagliit ng kanilang kinikita sa bawat pasada. 

Isa sa mga direktang nakararanas nito si Ricardo Trinidad, 70, na pitong taon nang tsuper sa Tondo, Manila. Sa panayam ng FEU Advocate, inilarawan niya kung paanong habang tumataas ang presyo ng gasolina, mas lalo namang lumiliit ang perang naiuuwi niya sa kaniyang pamilya.

“Noon, mga 2010, may kita kahit papaano talaga, eh. Makakapag-uwi ka pa ng ₱800 hanggang lampas sa ₱1,000. Mas malaki talaga ang kita noon kaysa ngayon, malaki [ang] diperensiya. Hindi na kasiya [ang] kita ngayon sa sobrang taas ng gasolina, eh,” saad ng tsuper.

Dagdag pa rito, ibinahagi rin niya ang bigat ng pagtanggap sa sitwasyong tila wala na siyang puwang para magreklamo.

“Wala, wala tayong magagawa. Talagang ganoon, pagkasiyahin. Pinapagkasiya na lang. Sa pamamasada ko rin naman napagtapos ang anak kong isa,” aniya. 

Mula rito, sumisilip ang katotohanang pasan ng maraming tsuper na patuloy pa rin sa pamamasada kahit salat na ang kita, sapagkat ang pagtigil ay katumbas ng pagkawala ng anumang mailalapag sa hapag ng kanilang pamilya. 

Samantala, hindi rin nalalayo ang sentimyento ni Propesor James Owen Saguinsin, na dalawampu’t limang taon nang nagtuturo sa Unibersidad. Sa hiwalay na panayam, iginiit niyang hindi sapat ang maliit na dagdag-sahod dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paghina ng halaga ng piso. 

“Hindi sapat ang kinikita dahil patuloy ang inflation, at lalo pang lalaki ‘yan dahil sa pagtaas ng presyo ng langis. Tapos, nag-increase daw ng bente pesos [ang] pasahod sa mga manggagawa, pero saan mapupunta ‘yung bente pesos kung napakahina ng purchasing power natin? Kaya talagang kulang na kulang ‘yung suweldo. Ako na kahit papaano sapat ang sinasahod ay naapektuhan pa rin, paano pa ang pangkaraniwang manggagawa?” saad niya.

Lumilitaw rito ang ugat ng bigat na pinapasan ng bawat mamamayan: sahod na hindi na kayang sabayan ang bilis ng pagtaas ng halaga ng bilihin, at pagtitiis sa kakarampot na kita sa lumalaking gastusin.

Pinatutunayan nitong kahit gaano pa katayog ang pinag-aralan at narating sa buhay, hindi imposibleng mahila pababa ng isang ekonomiyang tanging mga nasa itaas lamang ang nakikinabang.

Kung hindi ka pa galit, bakit?

Hindi simpleng epekto ng digmaan sa ibang bansa ang krisis sa langis dahil malinaw itong manipestasyon ng malalim na pagkabulok ng sistemang pampamahalaan sa Pilipinas. 

Habang unti-unting nilulunod ng mahal na pamasahe, mababang sahod, at walang tigil na pagtaas ng bilihin ang ordinaryong manggagawa, nananatiling ligtas at komportable ang mga nasa kapangyarihan — malayo sa usok ng kalsada, salat na hapag-kainan, at realidad ng araw-araw na pagkayod ng taumbayan. 

Sa gitna ng lumalalang krisis, isa si Trinidad sa mga tsuper na wala nang ibang magawa kundi manawagan para sa agarang pagbaba ng presyo ng langis.

“Sana naman ibaba na ang presyo ng gasolina, ng langis, talagang dapat ibaba. Kasi sa ngayon, umaasa na lang kami sa subsidy eh,” ani Trinidad.

Sa halip na tugunan ang ugat ng problema, ginagawang panakip-butas na lamang ang pira-pirasong ayuda sa pinsalang paulit-ulit namang binubuhay ng walang katapusang pagtataas-presyo ng gasolina.

Para naman kay Saguinsin, hindi lamang pandaigdigang merkado ang ugat ng krisis, kung hindi ang kultura ng korapsiyon at kawalan ng tunay na mabuting pamamahala sa bansa.

This political environment na mayroon tayo sa Pilipinas, grabe ‘yung korapsiyon — number one ‘yan na nakakaapekto sa pag-unlad natin. Kaya talagang it all boils down na labanan ang korapsiyon. Paano natin malalabanan ‘yan if we keep on voting the same trapos over and over again? Good governance is the key,” mariing pahayag ng guro.

Habang napupunta ang pondo ng bayan sa bulsa ng iilan at nasasayang sa mga proyektong walang direktang ambag sa ikauunlad ng bayan, ang mga ordinaryong manggagawa ang pinagbabayad sa kakulangan ng gobyerno. 

Hanggang kailan titiisin ang korapsiyon at maling sistema na siyang tunay na dahilan kung bakit ang bawat patak ng krudo ay tila luhang pumapatak sa mukha ng mga Pilipino? 

Kung sadyang may malasakit ang pamahalaan, dapat tanggalin o suspindihin ang buwis sa petrolyo, gaya ng Excise Tax at Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, na siyang nagpapamahal sa bawat litro ng krudo. 

Sa halip na magsayang ng laway ang mga mambabatas sa pag-aabang na kumustahin ang kanilang emosyon sa loob ng de-aircon na bulwagan ng Senado, nararapat harapin ang naghihingalong bulsa ng mamamayang nagpapasahod sa kanila. 

Sa puntong ito, hindi na sapat ang gasgas na romantisadong kuwento ng katatagang Pilipino. 

Walang inspirasyonal sa isang tsuper na maghapong bumababad sa init at usok ngunit umuuwi pa ring kapos ang kita. Walang dignidad sa isang manggagawang buong araw na nagbabanat ng buto para lamang ibuhos din ang sahod sa tumataas na presyo ng langis, pamasahe, at pangunahing bilihin. 

Sa tuwing may krisis, laging mamamayan ang unang inuutusang magtiis, magtipid, magdoble-kayod, at magsakripisyo. Ngunit hanggang ngayon, walang tunay na pananagutan ang mga nasa likod ng sistemang paulit-ulit na nagtutulak sa mga Pilipinong magipit at halos sa patalim na lamang kumapit.

Kaya naman, bumabalik ang mitsa ng tanong sa bawat isa sa atin na nagtitiis sa mahabang pila ng transportasyon, sa bawat manggagawang naghihirap pa rin dahil sa implasyon, at sa bawat mamamayang nagigising sa balita ng panibagong krisis sa langis: kung hindi ka pa galit, bakit? 

Hindi kasalanan ang magalit kung nagmumula ito sa pagnanais ng hustisya at pananagutan. Sa katunayan, kapag tuluyan nang nawala ang galit ng mamamayan, kasabay nitong mamamatay ang diwang lumalaban at ang apoy ng tunay na pagmamalasakit sa bayan. 

Kapag tuluyan nang nanahimik ang boses na naniningil sa pamahalaang paulit-ulit niyuyurakan ang bayan at ang kanilang pinaglilingkuran, magpapatuloy lamang ang sistemang araw-araw tayong kinakaltasan hindi lamang ng laman ng ating mga bulsa, kung hindi pati ng karapatang mabuhay nang may ginhawa, dignidad, at pag-asa. 

(Dibuho ni Bea Katrina Fulgencio/FEU Advocate)