Braving the New Semester: 5 Tips for Tam Freshies
- January 29, 2023 09:53
FEU Advocate
October 01, 2021 03:58
Nina Arvene John P. Dela Cruz at Wen Roniel Minoza
Binansagan ang Dumaguete bilang siyudad ng mga mayuming mamamayan. Sa pagsikat ng araw, mainit na pagbati ang siyang sasalubong sa bawat dayo’t bisita sa bayan. Sa dapithapon naman nakukulayan ng kahel at dilaw ang kalangitan ng paraisong lokal. Habang sa gabi, kapayapaan at maaliwalas na tubig ang bumabalot sa baybaying mahikal.
Ngunit, paano mapapatatag ang banayad na pag-uugali ng mga Dumagueteño kung ang daloy ng katahimikan sa kanilang pamayanan ay bigla na lang anurin ng mga makamundong hangarin?
Pagbabago ng daloy ng alon
Nakababahalang balita ang gumulantang sa mga residente ng Dumaguete, isang siyudad sa probinsya ng Negros, Occidental tungkol sa isang land reclamation project na inaprubahan ng kanilang lokal na pamahalaan noong ika-7 ng Hulyo taong kasalukuyan. Pinangalanan ang proyekto bilang “Smart City” na layuning magtatag ng isang artipisyal na isla malapit sa baybayin upang maging potensyal na pagkakitaan ng mga negosyante at maging sentro ng komersyalismo ng siyudad. Mismong ang alkalde na si Felipe Remollo at kaalyansang kontraktor na E.M Cuerpo. Incorporated (EMC) ang nagtulak sa proyektong ito.
Hangad din nito ang mapalago ang ekonomiya ng siyudad kahit na sa nagbabadyang panganib na dulot ng pandemya ngayon. Ayon sa Mongabay, isang environment news and features website na tumatalakay sa napapanahong isyung pangkapaligiran, nakapanayam nila si Remollo at ibinahagi nito na halos 70% ng populasyon ng mga mamamayan sa Dumaguete ay mahirap at naghihirap. Dahil dito, nananalig ang alkalde na isang magandang hakbang ang land reclamation project tungo sa sustainable solution para lutasin ang mga suliraning kinakaharap ng siyudad.
Nakasaad din sa isang artikulong inilabas nito na saklaw ng smart city ang 85% ng baybayin ng siyudad o maihahalintulad sa tinatayang 4,000 na basketball court. Nakapaloob dito ang mga isasagawang imprastraktura at pasilidad tulad ng coastal wastewater treatment facility, ferry port, sports facility, hospital, at isang city administration hub.
Nakasaad sa nilagdaang kasundan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng EMC na makukuha lamang ng kontraktor ang 51% ng nasabing reclaimed na lupa 30 araw matapos pirmahan ang kontrata.
Pinaniniwalaang sasagutin ng EMC ang ₱23 bilyong kabuuang gastos ng nasabing proyekto, bagay na nag-iwan sa mga residente ng pagdududa lalo na’t hindi magkatugma sa kinikita ng kompanya ang halaga na nais nitong akuin para sa proyekto.
Nagbabadyang tsunami ng pagkawasak
Sa kabila ng pangako nitong modernisasyon at trabaho para sa mas nakararaming mamamayan, hindi pa rin nakaligtas ang proyekto sa mainit na mga mata ng oposisyong nangangamba sa maaaring kahantungan ng kalikasan at ng mga Dumagueteño.
Isa ang Philippine Association of Marine Science (PAMS) sa hanay ng mga samahan at indibidwal na naglabas ng opisyal na pahayag laban sa ikinakasang smart city.
Sa isang Facebook post, ipinahayag ng PAMS ang kanilang paninindigan kalakip ang listahan ng samu’t saring banta sa kalikasan ng isinusulong na land reclamation project. Kabilang dito ang hindi maiiwasang pagkamatay ng mayamang biodiversity sa siyudad, gayong nakatakdang kitlin ng naturang proyekto ang hindi bababa sa 150 uri ng korales, 200 uri ng isda at 20 uri ng bakawan sa lugar.
Apat na marine protected areas (MPAs) din ang nakatakdang masakripisyo kapalit ng kontrobersyal na proyekto--bagay na ayon sa asosasyon ay tahasang paglabag sa batas ng bansa.
Ang mga MPA ay idinedeklara sa pamamagitan ng National Integrated Protected Areas System Act, o ng lokal na ordinansa, at nasa ilalim ng pangangalaga ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Kayamanan (DENR), Department of Agriculture-Bureau of Fisheries, at ng lokal na pamahalaang nakasasakop sa mga ito.
Nanawagan ang samahan sa DENR, Philippine Reclamation Authority, at Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal na busisiing mabuti ang proyekto alang alang sa kapakanan ng Dumaguete at ng mga mamamayan nito.
Ika-15 ng Setyembre naman nang ibalita ng Philippine News Agency ang naging pahayag ng Community Environment and Natural Resources Office II ng DENR na wala pa silang natatanggap na aplikasyon mula sa lokal na pamahalaan ng Dumaguete.
Maliban sa PAMS, kabilang din ang Direktor ng University of Guam Marine Laboratory na si Dr. Laurie J.H. Raymundo sa mga nagpahayag ng pagtutol sa proyektong ayon sa kanya ay makasisira sa ekolohikal at ekonomikal na kalagayan ng probinsya.
Sa liham na isinulat niya para sa alkalde, binigyang-diin ni Raymundo na sa kasalukuyan ay wala pang proyektong kasinlawak ng Dumaguete land reclamation ang nagtagumpay sa restorasyon ng mga apektadong lamang-dagat. Kaya naman, kinwestiyon niya ang pinansyal at dalubhasaang kapasidad ng pamahalaan at ng EMC upang tuparin ang kanilang ipinapangakong rehabilitasyon.
Ipinaalala rin ng direktor na hindi lamang siyudad ng Dumaguete ang siyang maaapektuhan ng pagkawasak ng natural na baybaying-dagat. May negatibong implikasyon din ito sa mga kalapit na lugar tulad ng Tanjay, Sibulan, Bacong, Bais at Dauin kaya mahalagang konsultahin muna ang lokal na pamahalaan ng mga lugar na ito bago pagdesisyunan ang pagpapatuloy ng proyekto.
Pakikipagsapalaran ng mga Dumagueteño sa rumaragasang alon
Sa rumaragasang alon, hindi lang yamang dagat ang lubhang maapektuhan. Ikawawasak din ito ng mga residenteng nakadepende lamang sa biyaya ng dagat bilang pantustos sa pang araw-araw na pangangailangan.
Isa si Makoy Quitay, 62 taong gulang at isang mangingisda mula sa Looc, Dumaguete City, sa mga lubos na maapektuhan kung maisagawa na ang proyekto. Tanging pangingisda lamang ang ikinabubuhay ni Quitay upang matugonan ang pangangailangan ng kanyang pamilya, lalo na sa dalawang anak niyang nag-aaral sa elementarya.
Pag-usbong man kung ito’y ituring ng lokal na pamahalaan, sakit sa ulo at bulsa naman ito para kay Quitay. Katwiran pa nito na ang pagbabago na inaasam-asam ng lokal na pamahalaan ay walang direktang benepisyo sa kanila.
“Para sa kanila ito’y pagbabago, dahil sila ‘yung makikinabang dito habang kami na mahirap mas lalo pa kaming hihirap dahil aagawin nila ang natatanging pinagkukunan namin ng pera,” turan ni Quitay.
Isang kahig, isang tuka ang nararanasan ng pamilya ni Quitay sa kasagsagan ng pandemya. Salaysay pa nito na walang araw na hindi sila nagtitipid sa kanilang kinukonsumo, sa isang araw pinagkakasya na lamang nila ang ulam sa umaga hanggang gabi.
“Grabe na nga ‘yung epekto ng pandemya, tapos dadagdagan pa ng proyekto na ito? Walang-wala na kami, ano nalang kaya ang kakainin namin, “ tanong ni Quitay.
Upang ipabatid sa nakatataas ang hindi pagsang-ayon sa proyekto, nakilahok si Quitay sa mga isinasagawang kilos-protesta ng mga mangingisdang Dumagueteño. Nanawagan din siya kay Mayor Remollo na sana ipatigil na ang proyekto at mas tutukan ang pangkalahatang kabutihan ng mga mamamayan.
Sa kabilang banda, isiniwalat naman ng 19 taong gulang na si Angelika Ong, isang mag-aaral ng Medical Technology sa Siliman University, ang kanyang sentimiyento tungkol sa isyu ng biglaang desisyon ng lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang proyekto.
“‘Di kasi sumunod sa proper protocols ‘yung reclamation project. ‘Yung mga politiko na involved sa proposal ay nagdedesisyon lang para sa kanilang sarili, hindi nila iniisip ‘yung reaksyon naming mga simpleng mamamayan.” ani Ong.
Para kay Ong, mahalaga na mapigilan ang pagsulong ng nasabing proyekto dahil ito’y magdudulot ng negatibong pagbabago sa kapaligiran, lalo na sa tubig na nakapaligid sa siyudad. Mensahe pa niya na kung ipipilit ang reclamation project, kawawa ang mga kabataan sa hinaharap sapagkat hindi nila masisilayan ang kayamanan sa kailaliman ng Dumaguete.
Kalmadong tubig bago ang pananalasa
Ika-8 ng Setyembre nang iurong ni Remollo ang kaniyang petisyong humihingi ng awtoridad na lagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU), na siyang magpapasinaya sa proyekto. Kaalinsabay nito ay nagbunyi ang ilan sa mga miyembro ng oposisyon sa paniniwalang hindi na ito matutuloy.
Gayunpaman, ipinaaalala ni Aprille Vince Juanillo, manunulat at Program Officer ng Association of Young Environmental Journalists (AYEJ), na hindi kinakailangan ang MOU upang totoong maipagpatuloy ang land reclamation.
“Kahit nandiyan ‘yung sulat [ni Mayor Remollo], ’yung MOU hindi siya kailangan para masimulan ‘yung project [dahil] tuloy-tuloy pa rin sila sa pagproseso ng mga permit, [kaya] isinusulong pa rin talaga natin ang oposisyon [dahil] hindi dapat tumitigil ang ingay ng mga tao,” paglilinaw ng AYEJ Project Officer.
Para naman sa abogadong si Golda Benjamin, isa sa mga mukha ng oposisyon, ang pag-urong ni Remollo ay maituturing na “political move.” Sa kaniyang Facebook post, sinabi niyang dalawa ang maaaring motibo sa likod ng nasabing pag-urong. Una ay upang iligtas ang kanyang mga kaalyadong tagapayo mula sa kriminal na pananagutan, at pangalawa ay upang pahupain ang galit ng mga mamamayan gayong sa Oktubre na nakatakda ang pagsusumite ng certificate of candidacy.
Mayumi man kung tawagin, buo at matatag ang paninindigan ng mga mamamayan ng Dumaguete laban sa proyektong nakatakdang sumira sa kanilang kabuhayan at kapaligiran. Kalmado man kung manawagan ay hindi sila nagpapaanod sa ingay ng kapangyarihan at panlilinlang na pilit silang pinatatahimik. Sa kabila ng mabilisang ragasa ng alon ng pagbabago, pinatutunayan ng mga Dumagueteño na ang pinagsama-samang lakas nila ang pinakamatatag na proteksiyon ng siyudad at ng baybaying-dagat nito.
(Ilustrasyon ni Mary Vel Custodio)
Mga Sanggunian:
Benjamin, G. (n.d.). Facebook posts. Mula sa https://www.facebook.com/golda.benjamin.75.
Philippine Association of Marine Science. (24 Hulyo, 2021). Mula sa https://www.facebook.com/PhilAssocMarineScience/posts/1958933314255623.
PPP Dumaguete.(n.d.). Statements. Mula sa https://pppdumaguete.com/.
Raymundo, L. J.H. (21 Hulyo, 2021). Mula sa https://www.facebook.com/permalink.php?story_fbid=116224484065336&id=108378974849887.
Juanillo, A. (17 Hulyo, 2021) Mula sa https://news.mongabay.com/2021/08/scientists-communities-battle-against-philippine-land-reclamation-project/?fbclid=IwAR0McaEpcMNZPmfe_jDAGTR9_9Pwz2lyUMnS3tx3CfvUgZlMrGVshmuM9rI.
Marine Conservation Philippines. (n.d.). Increasing the resilience of marine ecosystems: creating and managing marine protected areas in the Philippines. Mula sa https://www.marineconservationphilippines.org/wp-content/uploads/2018/02/marine-protected-areas-in-the-philippines.pdf.