Gonzales sees FEU’s lapses on loss against UP
- October 09, 2022 02:40
FEU Advocate
September 10, 2024 17:00
Kabaliktaran ng “kaunlarang” inaasam sa itinatayong New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan, Bulacan, pagkawala ng kabuhayan at pagkasira ng kalikasan ang idinadaing ng mga residente at mangingisda bunsod ng malawakang reklamasyon ng lupa at katubigan sa pangunguna ng San Miguel Aerocity Inc. na subsidiyaryo ng San Miguel Corporation (SMC).
Naaprobahan ng Kamara noong Disyembre 2020 ang pagbuo, pagpapalago, at pagpapatakbo ng lokal na paliparan sa Barangay Taliptip at Bambang sa Bulacan.
Tinatawag itong Public-Private Partnership (PPP) kung saan pinahihintulutan ng gobyerno ang mga kompanyang katulad ng SMC na magpatayo ng mga proyektong makatutulong magtaguyod ng pampublikong layunin.
Kaugnay ng PPP, bahagi rin ang NMIA ng Build-Operate-Transfer (BOT) scheme kung saan hinahayaan din ang mga kontraktor na kumita sa proyekto sa loob ng ilang taon bago ito mapasakamay ng pamahalaan.
Tinatayang nasa P735.6 na bilyon ang pagpapatayo nito sa 2,500 ektaryang lupain sa bayan ng Bulakan. Sa kasalukuyan, nasa 84.6 na porsiyento na ng mga land development work ang natatapos para sa nasabing paliparan.
Subalit taliwas sa sinasabing pagsulong at pagbabago ng proyekto, perwisyo ang tila nararanasan ng mga mamamayan mula sa Bulakan at iba pang kalapit-bayan.
Hamon sa naglalahong kabuhayan
Kabilang sa mga apektado ang Samahan ng mga Mangingisda at Mamamaklad ng Barangay Binuangan, Obando, Bulacan dahil sa paghuhukay ng ilog at karagatan na sakop ng binubuong NMIA.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Renen Rivera mula sa Obando na miyembro ng samahan, na malaki ang pagbabagong idinulot sa kanila ng mga restriksyon sa pangingisda kabilang ang pagtatayo ng mga baklad.
“Nawalan ng tirahan ‘yung mga iba’t ibang uri ng lamang-dagat… Tinanggal nila ‘yung mga bakawan na tinitirahan ng alimango at iba pang uri ng lamang-dagat at ang higit sa lahat, nawala ‘yung dating masaganang panghuhuli naming mangingisda dahil sa epekto ng proyekto na iyan,” ani Rivera.
Dagdag pa niya na bago simulan ang proyekto, nagbitaw ang mga kinauukulan ng pangako sa mga mamamayan na hindi sila maaapektuhan at pagkakalooban ng alternatibong hanapbuhay.
Subalit para sa kanila, dala ng edad at lokasyon, hindi epektibo kung sakaling magbabago ang pinagkukunan nila ng pangtustos sa pamilya.
“Inalok man kami ng alternatibong pag-aaral upang matuto ng ibang hanapbuhay, sa papaano naman naming maia-apply kung isla ‘yung lugar namin at kami-kami lang din [ang] nakatira dito… Karamihan pa sa amin ay may mga edad na rin para mag iba pa ng hanapbuhay,” pahayag ni Rivera.
Pag-angat o paglagapak?
Naantala ngayong taon ang proyekto upang bigyang-prayoridad ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Inurong ng SMC ang pagbuo ng NMIA dahil sa kakulangan at mahirap na paghahanap ng pagkukuhanang buhangin para sa reklamasyon.
Sinasabing ipagpapatuloy ang airport development works para sa inilalarawan nilang “world-class” airport na NMIA sa taong 2026.
Ang paliparan ay bubuuin ng apat na airport runways at magkakaroon ng kapasidad na tumanggap ng 100 milyong pasahero kada taon.
Inaasahan namang magiging operasyonal ang NMIA sa taong 2028 kasabay ng Metro Rail Transit Line 7, isa ring proyekto sa ilalim ng parehong korporasyon.
Tinatantiya ng SMC at pamahalaan ang pagdaragdag ng kahusayan sa operasyong pampaliparan sa Pilipinas, mas mababang pamasahe, at pagiging konektado ng bansa dahil sa proyekto.
Samantala, inaasahang mananatili ang paggamit sa NAIA para sa local flights habang ang NMIA naman bilang primaryang paliparan para sa international flights kung matatapos ang konstruksiyon bago ang 2028.
Sa kabila ng pagpapaliban ng konstruksiyon ngayong taon, hindi pa rin naaalis ang pangamba ng mga Bulakenyo sa patuloy na reklamasyon sa lugar.
Ipinaliwanag ni Rivera sa panayam ang tunay na dulot ng proyekto sa kanila at ang pangambang kalakip sa tuluyang pagkawala ng kabuhayan.
“Isa [sa] ipinangangamba na rin namin [ay ang] tuluyan na talaga [kaming] paalisin dito sa aming lugar dahil unti-unti nang [binibili] ang mga palaisdaan [namin] ng mga mayayamang negosyante,” saad ng mangingisda.
Sa kabilang banda, makikita sa Facebook post ng isang residente mula sa Taliptip na si Jhoanne Dela Cruz noong ikalawa ng Setyembre, ang rumaragasang tubig na nagpalubog sa Taliptip maliban sa mismong airport dala ng Bagyong Enteng.
Naging lagpas-tuhod din ang baha na maaaring dahil sa mababang kalupaan at patuloy na pagbungkal ng katubigan.
Tuwing panahon ng tag-ulan, nagreresulta ito sa malalang sitwasyon ng mas malalalim at mabagal na paghupa ng tubig tulad noong nakaraang Bagyong Carina.
Tila naging ordinaryo na para sa mga bayan ng Bulakan, Obando, Hagonoy, Paombong, at Calumpit ang baha tuwing may babala ng high-tide.
Ang mga apektadong komunidad ay gumagamit ng diskarteng ‘patong’ o pagdadagdag ng semento, lupa, at mga bato na ipinapantay nila sa tinataasang mga kalsada ng gobyerno sa tuwing inaabot na ito ng lebel ng tubig para mapigilan ang pag-abot ng baha sa kanilang mga kabahayan o mabawasan ang pagtaas nito.
Dulot nito, umaabot sa malaking halaga na hanggang 8,000 piso ang gastos ng mga residente at hindi komportableng tahanan dulot ng pagbaba ng kisame dahil sa madalas na pagpapatong.
Hanggang ngayon, palaisipan pa rin ang tunay na epekto ng panukala sa komunidad dahil ibang karanasan ang makikita sa bawat naratibo ng mga apektadong Bulakenyo.
Lantang tugon, palyadong paglutas
Bukod sa mismong paliparan, naging kontrobersiyal din ang hakbang na pagsisimula ng mangrove plantations ng korporasyon sa iba’t ibang munisipalidad ng Bulacan.
Kabilang ang Mangrove Eco Park sa Bulakan, 80 ektarya sa Paombong, at 10 ektarya sa Hagonoy kapalit ng mga Mangrove sa Taliptip na itinangging pinutol ng SMC bilang paghahanda sa planong paliparan noong 2018.
Ayon sa SMC, ang pagtatanim ng mga mangrove ay bahagi ng kanilang hakbang upang masiguro na sa kabila ng itinatayong NMIA, hindi ito magdudulot ng pagbaha sa komunidad.
Sinabi naman ng ekspertong organisasyon na Mangroves Matters PH, hindi nararapat itanim ang Rhizophora o tinatawag na ‘Bakhaw’ lalo na at may espisipikong lokasyon na dapat isaalang-alang bago ito itinanim upang hindi magresulta sa pagkamatay ng puno at pagkasayang ng ginugol na panahon.
Itinanim ng korporasyon ang mga ‘Bakhaw’ sa seaward zone na ayon sa mga eksperto ay mas nararapat ilagay sa midward zone. Dagdag din sa puna ay ang distansya sa pagitan ng mga mga puno na masyadong malapit sa isa’t isa.
Mas mainam itanim ang mga tamang uri ng mangrove tulad ng Sonneratia Alba o ‘Pagatpat’ at Avicennia spp. o ‘Piapi’ kumpara sa Bakhaw sa seaward zone kahit pa nangangailangan ito ng tatlo hanggang anim na buwang paghahanda bago maitanim.
Ayon sa mga eksperto, ang mga programang tulad ng mangrove plantations ng SMC ay ay posibleng magdulot ng ecological damages sa kadahilanang hindi ito nakaayon sa siyensya at sa kakulangan nito sa pagsusuri dahil minamadali lamang.
Panawagang pangkabuhayan, pangkalikasan
Bunsod ng malawakang perwisyo, isiniwalat ni Rivera sa kaniyang Facebook post ang sigaw ng komunidad ukol sa abalang dulot ng itinatayong paliparan.
Isa sa mga kasama sa nasabing post ay si Sami na hinihikayat ang pamahalaan na tulungan sila sa posibleng pagkawala ng kabuhayan.
“Imbestigahan [sana] ‘yung huhukayin na ‘yan. Kaya humihingi po kami ng tulong sa inyo [mga kinauukulan] para po malunasan ang problema sa [aming] mga kabuhayan,” giit ni Sami.
Binanggit naman ng mangingisdang si Edgar sa video ang hindi makamasang “kaunlaran” na inilulunsad sa lokalidad na nagdudulot ng pagkawala ng trabaho.
“Sana ang aming kabuhayan ay ‘wag kunin ng mga mapagsamantalang tao… ’Di naman po kami tumututol sa pag-unlad. [Ngunit sana naman] ‘yung pag-unlad, isama po kami,” anito.
Sinang-ayunan naman ito ni Rivera na nilinaw ang hindi nila pagtutol sa proyekto basta’t hindi ito magiging banta sa kanilang hanapbuhay.
“‘Di naman kami tumututol sa pag-unlad basta lang ‘wag lang kaming maapektuhan sa gagawin nilang proyekto. Sa totoo lang, wala naman pakinabang sa’min ‘yan na tinatawag nilang ‘game changer’ kung mawawala naman ‘yung kabuhayan naming mangingisda at paaalisin kami,” sambit niya.
Kaakibat ng pagbibida ng SMC at kasalukuyang administrasyon sa epekto ng proyekto sa ekonomiya, kabaligtaran ang isinasaad ng mga apektadong residente.
Nauna na ring idiniin ng Oceana Philippines, isang grupong may adbokasiyang pangkalikasan, at iba pang civil society groups ang masamang dulot ng reklamasyon sa nasabing lugar noong 2020.
Ipinaliwanag ng bise presidente ng Oceana na si Gloria Estenzo-Ramos sa kanilang press release na nakapipinsala ang panukala sa sistemang katubigan at kalagayan ng mga isda sa komunidad.
Dinetalye naman ng Philippine Collegian ang geohazard risks kabilang ang bitbit na panganib ng lindol, posibleng paglubog ng lupang kinatatayuan ng paliparan, at paglala ng malawakang pagbaha, daluyong, at high tide sa mga kalapit ng lugar.
Samantala, matatandaang ibinasura ng Korte Suprema noong 2021 ang writ of kalikasan ng mga mangingisda at environmental group na umalma laban sa pagpapatayo ng airport dahil sa kakulangan nito ng teknikal na aspeto.
Taliwas ang naging desisyon na ito sa Republic Act 8550 o The Philippine Fisheries Code of 1998 na binibigyang proteksiyon ang kapakanan ng mga mangingisda at kalikasan.
“[This policy is] to protect the rights of fisherfolks, especially of the local communities with priority to municipal fisherfolks, in the preferential use of municipal waters (Protektado ng polisiyang ito ang karapatan ng mga mangingisda, lalo na ang mga lokal na may pagpapahalaga sa mangigisda sa komunidad, sa paggamit ng katubigang pambayan),” bigay-paliwanag ng batas.
Bagaman nagmimitsa ng panganib ang pagpapatayo ng paliparan sa Bulacan, apat na taon na lang ang hihintayin ng mga residente upang damhin ang resulta ng panukalang “kaunlaran.”
Ngunit hanggang ngayon, walang sapat na linaw kung para kanino ang “kaunlarang” gustong matamo ng pamahalaan at SMC sa proyektong ito. Sa kabila ng intensiyong magpatayo ng paliparan, patuloy pa ring lumulubog at nalulunod ang buhay at kabuhayan ng mga Bulakenyo na biktima ng panukalang itinatago sa mukha ng pag-unlad at serbisyo. Kung tunay ang pangako kaginhawaan, walang mamamayan ang dapat masasadlak.
- Cassandra Luis J. De Leon at Eryl Cabiles
(Mga litrato mula sa GMA News at Kapuso Mo, Jessica Soho)