
Ni Bianca Bumatayo
Malaking bahagi sa buhay ng mga kabataan ang musikang Pilipino — mga awiting umuukit sa damdamin ng mamamayan at humuhubog sa malikhaing lipunan. Ngunit sa gitna ng makikislap na ilaw sa entablado, nananatiling madilim ang landas ng mga musikero dahil sa mababang kita, kakulangan sa oportunidad, at kawalan ng sapat na suporta sa kanilang paghahanapbuhay sa industriya ng musika.
Sa mga kantang ‘Pag-Ibig ay Kanibalismo II,’ ‘Aura,’ ‘Multo,’ at iba pa, patuloy na umaarangkada ang iba’t ibang estilo ng Original Pilipino Music (OPM) sa patuloy na pagsibol ng taong 2026.
Kapansin-pansin ang pananabik ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang henerasyon — tila uhaw pa sa mga malikhaing paglalathala ng bagong musika sa kultura ng Pilipinas.
Ngunit sa kabila ng pakikipagsapalaran sa kanilang propesyon, hindi pa rin nila nasisilayan ang angkop at karapat-dapat na suporta at pondo upang panatilihin ang matatag na pamumuhay at kahiligan sa musika.
Dagundong ng mga pangarap
Mula sa iba’t ibang panig ng mundo, patuloy na kasangga ng mga Pilipino ang malawak na konsepto ng musika. Kabilang na rito ang himig ng OPM — ang salamin at tinig ng sambayanang Pilipino.
Isa rin ang OPM sa mga malaking sanib-puwersa ng boses at kumpiyansa ng madla matapos ang marahas na yugto ng Batas Militar noong 1986. Naging simbolo ito ng pagpapahayag ng kalayaan at lipunang may kamalayan at busilak na paninindigan.
Naging saklay ng mga Pilipino ang OPM sa pagharap sa iba’t ibang emosyon at hamon ng buhay. Sinasalamin nito ang karanasan at damdamin ng mga mamamayan. Dahil dito, nagsisilbi itong daluyan ng mga isyung panlipunan tulad ng kahirapan, politika, at pakikibaka.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Jamir Chester Rayala o mas kilala bilang Jacen Rogue, isang independent rapper at producer sa hip-hop genre, ang kaniyang naging panimulang yugto bilang isang musikero.
“Nagsimula ako mag-release ng una kong track way back 2021, sobrang tago nito and naka-unlisted tapos ‘di ko pa siya shine-share sa public. Shine-share ko lang siya sa mga close friends ko. Tsina-chat ko pa sila sa Messenger na ‘uy, check niyo naman ‘tong track ko.’ Tapos sa lima or anim na pinag-send-an ko, tatlo lang ata nag-like,” saad ni Rogue.
Nag-umpisang mangarap ang independent rapper na maging isang musikero nang siya ay nasa ikapitong baitang pa lamang. Mula pagkabata, mahilig na siyang makinig sa iba’t ibang banda at singer, ngunit napagtanto niya rin na mas nais niyang maging matagumpay sa larangan ng Arkitektura.
Sa pananaw ng isang nagsisimulang musikero tulad ni Rogue, batid ang lubos na paghihirap makakuha ng tamang tagapakinig sa mga bagong awiting inilalathala nila para sa mga bagong henerasyon.
Ibinahagi naman ni Leanne Mamonong o mas kilala bilang si Barb at kabilang sa pop duo na Leanne & Naara, ang kaniyang naging kuwento sa kung paano nagsimulang magningning ang kanilang musika.
“Pagkatapos namin grumaduate ng college, kami [Leanne & Naara] ay nag-sign ng distribution deal sa Warner Music Philippines. Dito na nagsimula kaming makilala pagkatapos namin mag-release ng mga orihinal na kanta. Ang mga nauna naming i-release ay ‘Again,’ ‘New York and Back,’ and ‘Run Run.’ Naging successful ang mga release na ito. Ang Again ay naging parte ng viral charts noong 2016 at nanalo naman ng Best Pop Recording sa Awit Awards ang New York and Back noong 2018,” aniya.
Nagsimulang umawit si Barb nang siya ay apat na taong gulang lamang. Nang tumuntong siya ng high school, inumpisahan niya ang pagsusulat ng mga sariling kanta na personal niya namang inialay para sa kaniyang mga kaibigan.
Sa 10 taon ni Barb sa industriya ng musika, tila unti-unti itong nagmarka ng magagandang himig sa indie, pop, kasama na rin ang R&B, soul, at jazz genre ng Pilipinas.
Kung sisipatin nang maigi, lubos na magkaiba ang kanilang kuwento, ngunit iisa lamang ang hangarin nina Rogue at Barb — ang makapaglathala ng mga awiting magpapalawak pa sa malikhaing musika ng mga Pilipino.
Mula rito, nakapagbahagi ng isang diskusyon ang dalawang pananaw mula sa mga musikerong ito — kung gaano kalalim ang paghihirap nilang makilala ang kanilang musika patungo sa liwanag ng entablado.
Ritmo ng buhay musikero
Lubos na mahirap lagpasan ang mga balakid sa karera ng pagiging isang musikero. Saklaw ng kanilang propesyon ang tahakin ang iba’t ibang agos ng musika na nais pakinggan ng masa, kasabay ng patuloy na pag-angkop sa nagbabagong takbo ng industriya.
Isinaad naman ni Rogue na ang kakulangan sa mga koneksiyon ang isa sa kaniyang pinakamalaking hadlang sa pagpasok at pagpapanatili sa mainstream music scene bilang isang malayang musikero sa bansa.
“Sobrang saturated na ng rap scene sa Pilipinas. Hindi ka ‘sisikat’ lang mag-isa. Kailangan mo talaga [ng] connections para mas makilala ka. Kung pananatili naman pag-uusapan, pinakamalaking hadlang siguro is katamaran. Marami akong artists na nakikitang nawawala sa scene or spotlight after ng ilang hits dahil nagle-lay low or nagpapahinga,” pahayag ni Rogue.
Sa katunayan, tila malaki ang kinalaman ng tuloy-tuloy na pagiging produktibo sa paglikha ng mga bagong awitin. Bukod sa kakulangan ng mga koneksiyon upang makapaglabas ng isang kanta, dumadaan din ito sa maraming proseso na lubos din na pinagpapaguran ng mga musikero.
Sa kabilang banda, inayunan naman ito ng duo artist na bahagi rin sa kanilang hamon na nararanasan sa pagpapanatili sa mainstream music scene lalo na’t sa konteksto sa pagbago ng panahon.
“Isa sa mga naging challenging para sa amin ay ma-maintain ang aming streams. Isa sa mga realidad ng pagiging artist ay may mga panahong hindi masyadong matatangkilik ang iyong musika, dala na rin ng nagbabagong panahon,” paliwanag ni Barb.
Isa sa mga pagsubok ni Barb ang pagkuha ng malawak na tagapakinig dahil sa pagiging unique at niche ng estilo nito sa kanilang musika.
Kung kaya’t sa kasalukuyan, patuloy pa ring nahaharap sa iba’t ibang pagsubok ang industriya ng musika sa Pilipinas. Kabilang na rito ang tiyempuhang mapanatili ang mga nakikinig sa estilo ng OPM.
Batid sa kaalaman ng duo artist na hindi naiiwasan ang ganitong uri ng hadlang pagdating sa mainstream music scene dahil sa paiba-ibang nauusong mga awitin mula sa iba’t ibang artista at banda, mapa-lokal man o banyaga.
Sa katunayan, tila malaking epekto sa industriya ng OPM ang impluwensiya mula sa mga banyagang banda at artista. Kung kaya’t unti-unting nawawala ang sariling estilo ng mga Pilipino sa mga nauusong tugtugin sa kasalukuyang henerasyon.
Bilang pagdaragdag, ibinahagi naman ni Barb ang kaniyang pagsubok sa kabila ng mga dominasyon mula sa banyagang musika sa radyo at streaming platforms.
“Mas malawak talaga ang reach ng mga banyagang musika dahil na rin mas pinaglalaanan ng record labels ng malaking budget ang kanilang mga rollouts at iba pang proyekto. Nagiging limitado man ang pagkakataon natin sa airwaves at streaming, may mga naging paraan din naman para harapin ito,” saad ni Barb.
Kapansin-pansin sa realidad ng industriya ang mas malawak na plataporma ng mga banyaga kompara sa mga musikero ng Pilipinas. Kung kaya’t mas mabilis itong makilala mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa makabagong henerasyon ng lipunan, hindi maikukubli na isa ang Korean Pop (K-Pop) sa mga genre na kinagigiliwan ng mga Pilipino. Naging mabenta ito sa iba’t ibang lahi dahil sa lawak ng uri ng musikang inilalathala ng mga mang-aawit sa ibang bansa.
Sa artikulong inilathala ni Marcus Vale mula sa Chartlex, tumatayang umabot sa 15 milyong Spotify monthly active users ang mayroon sa Pilipinas, kung saan kabilang sa pinakikinggang foreign genres ang Western pop at K-pop.
Dito napatutunayan na sa kabila ng matagumpay na pag-usbong ng OPM sa bansa, mas umaangat pa rin ang musika ng ibang banyaga kompara sa Pilipinong musikero dahil wala itong sapat na nakukuhang suporta mula sa lokal na pamahalaan sa bansa.
Sa katunayan, ayon sa National Research Council of the Philippines, mahigit 50 porsiyento lamang ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa industriya ng musika ang kumikita ng wala pang ₱20,000 kada buwan.
Dulot ng resultang ito, tila halos mas mababa nang kaunti ang kanilang kinikita mula sa pinakamababang sahod sa National Capital Region.
Sa kabila ng umuusbong na tagapakinig sa musika ng OPM, ibinahagi naman ni Rogue ang kaniyang saloobin hinggil sa kaniyang kinikita mula sa streaming at live performances bilang isang underrated rapper.
“‘Yung streams na nakukuha ko nga hindi pa siya sapat para mag-generate ng ganoong kataas na revenue. So, dun pa lang, hindi ka na aasa na masustentuhan mo ‘yung pangangailangan mo sa araw-araw. Sa live performances naman, sakto lang ‘yung kita,” aniya.
Sa pananaw ni Rogue, tila malinaw ang kakulangan sa kinikita nito upang matugunan ang kaniyang mga pangangailangan sa kaniyang pamumuhay.
Bilang nagsisimula sa industriya, lubos na nararamdaman ng independent rapper ang paghihirap na mataguyod ang paglabas ng kaniyang mga inilalathalang kanta.
“As an artist, kasi marami kang need gastusan, and ‘yung perang natatanggap ko from performances, sa artistic needs ko ginagamit. Tulad ng damit, bayad sa editors, marketing, etc. Pero kung sapat ba ‘to sa pang-araw-araw ko? Malabo. Masyadong mababa ‘yung pera na nakukuha ko sa performances para suportahan ‘yung everyday needs ko since may priority rin ako sa music,” dagdag pa ni Rogue.
Sa kabuoan, marami mang talentong ipinapamalas ang mga Pilipino sa larangan ng musika, hindi pa rin ganap ang suporta sa kanilang propesyon. Kung kaya’t nananatiling mahirap ang pagiging musikero nang walang sapat na sistemang aalalay sa kanilang pag-angat sa industriya.
Sa kabila ng mga anggulo ng pahayag nina Rogue at Barb, nakikita ang iba’t ibang uri ng kanilang mga hamon sa loob ng industriya — mga pagsubok na kanilang naging kanlungan upang maitawid ang musika sa buong mundo at makilala ang boses ng mga Pilipinong musikero.
Tugtog ng hamon at tagumpay
Sa bawat entabladong tinatanghalan ng mga musikero, ano man ang tugtugin nito, nararapat lamang na makuha nila ang sapat at angkop na kita na nagbibigay-kahalagahan sa kanilang mga awitin na nagpapaigting sa sining at industriya ng musika ng bansa.
Mula sa samot-saring estilo na nagpapakita ng malikhaing konsepto ng isang awitin, karapatan ng mga musikerong makakuha ng tamang sahod at benepisyo para sa kanilang talento at pagsisikap sa loob ng kanilang propesyon.
Dulot nito, malawak din namang ibinahagi ni Barb ang mga instrumentong nakatutulong din na mapalaganap ang industriya ng OPM sa iba’t ibang plataporma.
“Ang Executive Order 255 ay nire-require ang mga Philippine radio stations to play at least four OPM songs per clock hour. May mga dedicated playlists din tayo sa streaming platforms for OPM only. Sa palagay ko, nakakatulong ito para mas kilalanin natin ang sariling atin at para makarating pa ang musikang Pilipino sa iba’t ibang sulok ng mundo,” aniya.
Bunsod ng panukalang batas na ito, mas lalo itong magbibigay-diin na panatilihin ng midya ang lawak ng industriyang OPM at paigtingin ang kahalagahan nito sa lipunan ng bansa.
Ibinahagi naman ni Rogue ang kaniyang panawagan hinggil sa sistema nito na nararapat baguhin upang mas lalong mapalaganap ang tagapakinig nito ng mga Pilipino.
“Less sa standards na sa tingin natin magdadala sa atin sa international or foreign scene. Example, ‘yung paggaya natin masyado sa concepts ng songs and music videos ng foreign countries. May sarili naman tayong culture and style. Gets ko naman ‘yung point na dapat tumagos tayo sa ibang bansa. Pero ‘wag naman to the point na parang nakakalimutan na natin ‘yung sarili nating culture para lang mag-cater sa foreign audience,” dagdag ng independent rapper.
Pansin ni Rogue sa kaniyang pahayag na mas layunin ng ibang musikero na pumukaw ng mga banyagang tagapakinig. Kaya naman para sa kaniya, mas mabuti kung balanse ang sistema nito nang sa gayon ay napapanatili pa rin ang pagkakakilanlan ng bansa.
Bukod sa kakulangan sa kita, ibinahagi rin ni Barb ang napuna niyang sistema na nararapat baguhin sa industriyang OPM upang paigtingin ang boses ng underrated women artists at iba pang mga banda nito.
“Isa sa mga pangarap ko na mas mabigyan pang pansin ang mga women artists sa industriya. Malimit makikita natin ang mga lineup sa iba’t ibang music festival ay puro lalaking artists, at minsan lang magkaroon ng chances ang mga women-led bands and women artists,” saad ni Barb.
Dahil sa uri ng pananaw na ito, hindi lamang pagtangkilik sa sariling musika ang nilalayon ng mga musikero, kung hindi ang paglaganap din ng pagkakapantay-pantay para sa bawat artistang nagnanais magtanghal nang malaya.
Dulot nito, hindi maaaring manatiling tahimik ang gobyerno at mga institusyon sa harap ng patuloy na pakikibaka ng mga musikero. Nararapat lamang na maglatag ng kongkretong polisiya, sapat na pondo, at mga programang tunay na magtataguyod sa kanilang kabuhayan at sining.
Hindi ito dapat maging pansamantalang suporta, kung hindi pagkilala sa ambag nila sa kultura at identidad ng bansa, alinsunod sa mga umiiral na batas tulad ng Republic Act (RA) No. 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009 at RA No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines na dapat mas palakasin at epektibong ipatupad.
Hindi lamang diwa ng mga Pilipino ang binubuhay ng mga musikero, kung hindi ang namamayagpag na sining na humuhulma sa malikhaing kultura ng Pilipinas. Kaya’t tungkulin din ng bawat Pilipino na tangkilikin, pakinggan, at ipaglaban ang sariling musika upang hindi malunod ang OPM sa anino ng dayuhang impluwensiya.
Sa kasalukuyang henerasyon, mahalagang makita na unti-unting lumalawak ang kamalayan ng kabataan sa pagpapahalaga sa OPM. Ngunit hindi sapat ang paghanga lamang — kinakailangan itong samahan ng aktibong suporta mula sa mamamayan at malinaw na aksiyon mula sa pamahalaan upang matiyak ang maliwanag na kinabukasan ng industriyang musika sa bansa.
Sa bawat himig ng mga Pilipinong musikero, patuloy itong nagbibigay ng malalim na kahulugan sa bawat tagapakinig nito. IIang beses man pakinggan ang isang awitin, malikhaing nagbibigay pa rin ito ng iba’t ibang emosyon na patuloy na umuukit sa damdamin ng bawat mamamayang Pilipino.
(Latag ni Runoel Julius Barde/FEU Advocate)