Nang Lukubin ng Tsimis ni Marites ang Katotohanan

FEU Advocate
May 30, 2022 12:24


Nina Arvene John P. Dela Cruz at Aurea Lyn Nicolette F. Lacanaria

Habang pinipinsala ng pandemya ang sansinukob, isang matandang epidemya naman ang patuloy pa ring nananalasa sa isipan ng maraming Pilipino – tsismis. Tulad ng makakapal na ulap na humahadlang sa sinag ng araw, sanhi nito ay kadiliman sa pag-iisip at paniniwala ng mga taong babad sa ugong ng usap-usapan.

Sa isang lipunan kung saan ginagamit na piring ang mga tsimis upang lasunin ang isipan ng mga tao, mahanap kaya  ng mga Pilipino ang liwanag na magtuturo sa kanila upang siyasatin at ipagbunyi ang katotohanan lalo na ngayong panahon ng kampanyahan?

Pagdilim ng kalangitan

Hindi na bago ang punang mahilig sa tsismis ang mga Pilipino. Sa kalye man o opisina, hindi nawawala ang mga usap-usapan hinggil sa iba’t ibang kaganapan sa lipunan o buhay ng ibang tao. 

Paliwanag ni Mar Anthony S. Dela Cruz, propesor mula sa Departamento ng Humanidades ng Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños, ang tsismis ay pamamaraan ng mga tao upang bigyang-kulay ang mga araw na kung susumahin ay paulit-ulit lamang. 

Sa pamamagitan ng pakikipag-ututang-dila, naiiba ang timpla at daloy ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, at dahil sa sosyal na katangian nito, nagagamit din ito bilang instrumento ng pakikisama at pakikipagkapwa. 

Gayunpaman, binigyang-diin ni Dela Cruz na ang gampanin ng tsismis ay hindi natatapos sa simpleng pagbubukas ng interaksyon lamang, kundi isang kasangkapan din ito ng mga tao upang maipaliwanag ang mga bagay na hindi nila lubos na nauunawaan. Pagpapaliwanag niya, sa ganitong gana ay maaaring maiugnay ang tsismis sa pag-usbong ng mga mitolohiya, alamat at iba pang salaysay na nag-uugat sa misteryo. 

Kung gayon ay masasabing tsismis din ang nakasasakop sa conspiracy theories na nag-uugat sa mga haka-hakang may mahahalagang sikretong sadyang ikinukubli mula sa masa. 

Pagbuhos ng tsismis mula sa alapaap

Kung maaaring makasira ng buhay ang tsismis sa personal na lebel, doble naman ang epekto nito sa lipunang puspos ng kasinungalingan at said sa tagapagtanggol ng katotohanan. 

Muli’t muli ay nasasalamin sa Pilipinas ang pinsalang bitbit ng malawakang paniniwala sa tsismis. Halimbawa nito ay ang vaccine hesitancy ng maraming Pilipino noong nagsimulang dumating sa bansa ang mga bakunang ayon sa conspiracy theorists ay makapagdudulot ng sakit o komplikasyon sa sinomang tatanggap nito. 

Bagamat sa kasalukuyan ay humupa na ang pangamba ng mga Pilipino sa mga bakuna, tuloy-tuloy naman ang pagkalat ng iba pang sabi-sabi ngayong palapit nang palapit ang halalan. 

Mistulang pook-digmaan ngayon ang social media platforms kung saan nagpapalitan ng tirada at pasaring ang mga tagasuporta ng iba’t ibang kandidato. Sa gitna ng bangayan at parinigan, nagkakahalo na ang mga beripikadong impormasyon at kasinungalingan na nababasa at napapanood ng mga mamamayan.

Ayon kay Yvonne Chua, ng Tsek.ph na nagsagawa ng pag-aaral ukol sa epekto ng fake news sa mga tumatakbo sa pagkapangulo, ang bise-presidenteng si Maria Leonor “Leni” Robredo ang pinakamalalang biktima ng mga maling impormasyong kumakalat. 

Nakatanggap naman aniya ng pabor ang frontrunner na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula sa mga tsismis na bagamat madalas pinabubulaanan ng media ay pinaniniwalaan pa rin ng mga tao. 

Ang ganitong eksena ay naipaliwanag din sa papel ni Dela Cruz kung saan kaniyang ipinaliwanag na ang wika ay sadyang politikal sapagkat ginagamit ito ng mga naghaharing-uri upang maisulong ang kanilang mga ambisyon.  

Dagdag pa niya, epektibo ang paggamit sa wika upang kontrolin ang isip at kilos ng mga tao sapagkat hindi ito kasinlantad ng ibang uri ng pagkontrol. 

Pananalasa ng tsismis sa Panahon ng kampanya

Isa ang kontrobesyal na Tallano Gold ang muling umingay sa pagtakbo ni Bongbong Marcos, anak  ng dating pangulo ng Pilipinas at diktador na si Ferdinand Marcos. 

Ang Tallano Gold ay ang pinaniniwalaang mag-aangat sa estado ng Pilipinas na pagmamayari ng mga Marcos. Umusbong ang tsismis sa pagtakbo ng anak ng diktador nang naglabasan sa social media sites, tulad ng Tiktok at Youtube, ang pagbibigay umano ng ginto sa mga taong boboto kay Bongbong Marcos sa darating na eleksyon. 

Gayumpaman, mariing itinanggi ni Marcos mula sa kanyang panayam ng DZBB para sa mga kandidato sa pagkapangulo na walang ginto na pagmamayari ng kanyang pamilya. 

Naging mainit ang usaping ito na malaki ang epekto ng ganitong kaisipan at paniniwala sa nalalapit na pagpili ng mga botante sa Mayo 9, 2022. 

Pinagdiinan din ni Gloria Alvidera, 18 taong gulang ng Poblacion, Banga, Aklan, na isa sa mga dahilan ng pagpapatuloy ng ganitong paniniwala ay dahil pinag-uusapan ito sa mga lansangan na pinapalaganap ng mga kung tawagin ay “marites”—ginagamit sa pagtukoy sa mahilig gumawa at sumawsaw sa mga isyung napapanahon—na purong kathang-isip lamang. 

“Sa aking palagay, madalas maniwala ang mga tao sa conspiracy theory dahil tampok ito sa mga chismosa at kung minsan pa nga ay ginagamit ito bilang content ng ibang mga youtuber upang kumita,” sambit niya.

Buong tapang din kwinestyon ni Josephine Tejada, 19 taong gulang ng Kaybagal North, Tagaytay City, kung aanhin ang “limpak-limpak” na salapi mula sa mga ginto. 

“Maniniwala ba tayong maaahon yung bansa natin sa pamamagitan nito na inaakala ng mga tao na ibibigay ito sa atin ng Marcos family kung ang kanilang tax na nagkakahalaga ng 203 billion ay hindi mabayaran,” pagdidiin niya.

Pagkasilaw sa agresibong epekto ng ‘social media’ 

Sa gitna ng puspusang panunuyo ng mga kandidato sa mga botante para sa darating na #Halalan2022, malaki ang epekto ng internet at ang patuloy na pag-usbong ng conspiracy theories sa pagpili ng napupusuang politiko para sa pwesto. 

Sa nalalapit na eleksyon, isa si Cyril John Salengua, 20 taong gulang ng Ilocos Sur, sa mga kabataan na ang tanging kagustuhan ay ang maayos na gobyerno para sa lahat. 

Batid niya ang lawak ng impluwensya ng internet sa kasalukuyang panahon at alam niya na karamihan sa mga balitang nakikita sa social media ay madalas nakabase sa opinyon at mayroong hindi sapat na impormasyon. 

“Maraming tao na naman ang maniniwala sa mga ganto, dahil sa mga kagustuhan nilang  maunlad na bansa,” aniya nang tanungin siya patungkol sa epekto ng conspiracy theories.

Pinagdiinan din niya ang halaga ng ibang pamamaraan upang maging maalam sa balita katulad ng panonood niya ng telebisyon at pakikinig ng radyo. Mula rito, alam niyang mahalaga ang mga ito para sa pagpili ng isang kandidato. 

Ayon naman kay Fritz Cybhel Guarino, 19 taong gulang ng Cerrudo, Banga,  Aklan, na maaaring makaapekto sa pagpili ng isang botante ang patuloy na pag-usbong ng conspiracy theory

Isa rin si Josephine Tejada, 19 taong gulang ng Kaybagal North, Tagaytay City, na naniniwalang malaki ang impluwensya ng internet sa pinaniniwalaan ng isang tao dahil ang akala nila ang lahat ng lumalabas dito ay totoo at makatotohanan.

“Sa tingin ko ang epekto nito ay hindi sapat na kaalaman at maling kaalaman ang kanilang nasa isip kaya makakaboto sila ng mga taong hindi karapat dapat na ilagay sa pwesto. Isa rin ay maraming tao ang nag aaway-away sapagkat ang ibang tao ay naniniwala sa mga internet sources na walang kasiguraduhan kung tama isa na dito ang tiktok,” sambit ni Tajeda.

Gayumpaman, binigyang diin din niya ang maayos na epekto ng internet, para ito sa mabilis na pagsagap ng impormasyon tungkol sa mga kandidatong nais kilalanin. 

Inihayag din ni Salengua na sa pagpili niya ng kandidatong susuportahan ay maaaring ikagalit   ng iba sapagkat nanindigan siyang hindi susunod sa kung ano lang ang sinabi at kung saan ang nakararami. 

“Sa tingin ko ay magagalit sila kasi ang gusto nila ay pare parehas kami ng iboto at ang gusto nila lang ang dapat masunod, kaya sa tingin ko magagalit sila sa ‘kin dahil sa pagpili ko ng aking kandidato,” saad nito.

Magkakaiba man ang napupusuang kandidato, nawa’y mapagbuklod-buklod ang bawat isa ng hangaring magandang bukas para sa Pilipinas. Sa pagtindig sa patuloy na pananalasa ng tsismis ay ang pagbali sa sistemang matagal ng nagpapahirap at kumokontrol sa bawat isa na magsisilbing ilaw at pag-asa para sa lahat. Sa darating na #Halalan2022 magsilbing lente nawa ang mga pinagdaanan para sa pagpili sa karapat-dapat. Ang kalayaang pumili ay kalakip ng pagiging mapanuri, mahalagang ang lahat ay may ambag sa pagpuksa ng mga tsismis na ilang dekada at ilang henerasyon ng nagpapahirap.  

Mga Sanggunian:

Dela Cruz, M. A. S. (2014). Kaya nakikinig ang lupa at lumilipad ang balita: ang tsismis at ang tunggalian ng uri sa lipunang Pilipino. https://hasaan.ust.edu.ph/wp-content/uploads/2019/04/HASAAN-Journal-Tomo-I-2014-25-42.pdf

Gonzales, C. (2022). Robredo is biggest disinformation victim; Marcos gains from ‘misleading posts’ – fact-checker. https://newsinfo.inquirer.net/1548694/robredo-is-biggest-disinformation-victim-marcos-benefits-from-misleading-posts-fact-checker

Gonzales, C. (2022, February 5). “Walang ginto”: Bongbong Marcos seeks closure on Tallano gold myth. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1550323/walang-ginto-bongbong-marcos-says-on-familys-gold

Lema, K. & Morales, N. J. (2021, November 29). Philippines launches mass vaccination drive on spectre of Omicron. Reuters. https://www.reuters.com/world/asia-pacific/philippines-launches-campaign-vaccinate-9-million-people-three-days-2021-11-29/.

Merriam-Webster. (n.d.). Conspiracy theory. In Merriam-Webster.com dictionary. Retrieved April 13, 2022, from https://www.merriam-webster.com/dictionary/conspiracy%20theory