Sa rehas ng mapagpalayang sining
- June 03, 2024 15:58
FEU Advocate
February 12, 2023 12:34
Nina Andrea Dulay at Niña Malakas
Daig pa ni Juan at Juana ang tumakbo sa bako-bakong daan sa hirap at pagod na ipinaramdam ng paliparang dapat galak at pag-asa ang dala. Sa halip na ginhawa ang hatid ng mga alapaap patungo sa ibayong dagat, tila naging pugad ito ng aberya sa sariling bayan.
Bagama’t nagbabaga ang pagkasabik ng maraming Pilipino na makabalik sa Pilipinas at ang iba nama’y makaalis at makapagtrabaho sa ibang bansa, nananatiling malaking hadlang ang sistemang panghimpapawid sa hangarin ng ating mga kababayan.
Pagkilala sa ruta
Ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dating Manila International Airport, ay ang pinakamalaking paliparan sa bansa na mayroong apat na terminal, 39 na airlines, at lumalakbay papunta at mula 78 na destinasyon. Ito ay pinamamahalaan ng Manila International Airport Authority (MIAA) at ang nag-iisang paliparan sa Metro Manila.
Mula nang maitayo ang Terminal 1 noong 1981, unang nalampasan ng paliparan ang 4.5 milyong taunang kapasidad ng pasahero noong 1991. Matapos itong mapabuti, nadagdagan na 6 milyong pasahero kada taon ang kayang tanggapin ng paliparan.
Naitayo naman ang Terminal 2 noong 1999 bilang isang domestic hub. Hindi nagtagal ay inilagay dito ang biyahe patungong ibang bansa dala ang Philippine Airlines. Dinisenyo ito ng Aeroport de Paris na may kakayahang magpaunlak ng 9 milyong pasahero kada taon.
Upang masolusyonan naman ang trapiko sa paliparan, itinayo ang Terminal 3 na nabansagang pinakamalaking airport sa Kamaynilaan. May kakayahan itong tumanggap ng 13 milyong pasahero kada taon. Sa kabilang banda, ang Terminal 4 ngayon ang nagsisilbing paliparan kung saan nakatoka ang mga local carriers katulad ng AirSWIFT at Philippine Air Asia.
Matatandaan na nilimitahan noong 2020 ang pagdating at pag-alis ng mga pasahero sa paliparan dala ng pandemya. Ito ay alinsunod sa mahigpit na protokol upang maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus.
Nitong nakaraang taon na lamang muli dinadagdagan ang arrival cap ng mga pasahero sa bansa. Mula 300 noong Enero, ito ay naging 10,000 noong Marso 2022.
Bagama’t unti-unting bumabalik ang sigla sa paliparan udlot ng pandemya, matagal nang suliranin ang hindi maayos na sistemang matagal nang tinitiis ng masang Pilipino.
Nitong 2022 lang ay nabansagan ang NAIA bilang “worst business class airport” sa buong mundo matapos itong makakuha ng iskor na 0.88 out of 10 sa inilabas na datos ng app na Bounce.
Nabansagan din ng travel website na hawaiiannislands.com ang paliparan bilang pangatlo sa pinakanakaka-stress na paliparan sa Asya matapos makakuha ng reviews sa Google Maps kung saan 57.81 porsiyento dito ay nagpahiwatig na stressful ang kabuuang naranasan sa NAIA.
Napakong tamis ng kaayusan
Kung magbabalik-tanaw, matagal nang plano ang rehabilitasyon ng NAIA simula pa noong administrasyong Duterte. Taong 2018, ibinigay ng Department of Transportation (DOTr) at MIAA sa NAIA Consortium ang original proponent status (OPS).
Ang nasabing asosasyon na kinabibilangan ng malalaking kumpanya sa bansa tulad ng Filinvest Development Corporation at JG Summit Holdings ang nakasundo upang isaayos ang NAIA gamit ang 102 bilyong pisong proyekto sa loob ng 15 taon.
Bukod pa rito, nakuha rin ng consortium ang apruba ng proyekto mula National Economic and Development Authority (NEDA) noong 2019. Isang magandang pangitain para sa mas maayos na NAIA kung maituturing ang pag-usad ng proyekto.
Subalit ang kasunduan ay nasadlak nang dumating ang taong 2020. Kinailangang baguhin ng consortium ang ilan sa mga naunang probisyon nito hinggil sa rehabilitasyon ng paliparan upang masigurado na masasabayan ang bunga ng pandemya sa badyet ng proyekto.
Hindi nagustuhan ng pamahalaan ang panibagong proposal—rason upang itigil ng MIAA ang pakikipag-usap sa NAIA Consortium.
“Unfortunately, the government indicated that it is not willing to accept most of the consortium’s proposed options and the consortium can only move forward with the NAIA project under the options it has proposed (Sa kasamaang palad, ipinahiwatig ng gobyerno ang kanilang hindi pagsang-ayon sa pagpapaunlak ng mga iminungkahing panukala ng asosasyon at maitutuloy lamang ng asosasyon ang proyekto sa paliparan sa ilalim ng kanilang mga panukala.),” saad ng NAIA Consortium.
Hindi naman dito natapos ang paghahanap ng gobyerno sa kumpanya na maaaring humawak sa pagsasaayos ng NAIA. Noong ika-17 ng Hulyo 2020, nakuha ng Megawide, isang kilalang kompanya pagdating sa konstruksiyon at pag-inhinyero ang OPS.
Subalit makalipas ang ilang buwan ng pakikipag-usap ay binawi ng gobyerno ang kasunduan sa kumpanya. Ayon sa opisyal ng Megawide na si Anna Salgado, walang ibinigay na rason ang gobyerno hinggil sa pagbawi ng OPS.
“There has been no insight provided why the only Filipino company with experience delivering world-class airports for this country, which has fully complied with all requirements, should be denied an opportunity to help accelerate economic recovery (Walang naibigay na kabatiran kung bakit kumpanya lang ng Pilipino na may karanasan sa pagtaguyod ng world-class na paliparan sa bansa at nakasunod sa mga requirements ang tinanggihan ng oportunidad na makatulong sa pagbilis ng economic recovery),” ani Salgado sa Inquirer.
Hindi na rin pinahintulutan ng MIAA ang paghahain ng rekonsiderasyon mula Megawide upang maituloy ang proyekto dahil sa pag-kwestiyo ng pamahalaan sa pondo ng kumpanya.
Sa kasalukuyang administrasyong Marcos, maugong ang usapin ukol sa pagpapatuloy ng naantalang adhikaing rehabilitasyon ng NAIA. Magpagsahanggang ngayon, hangad pa rin ng Megawide ng panibagong pagkakataon upang pangunahan ang pagsasaayos ng paliparan.
“If the new administration is interested, why not? The proposal is ready. We never closed our doors (Kung interesado man ang bagong administrasyon, bakit hindi? Nakahanda na ang mga panukala. Kailanman ay hindi namin isinara ang pintuan),” ani Megawide executive director for infrastructure Louie Ferrer.
Pagbulusok ng dagok sa panibagong taon
Mula sa makupad na daloy ng mga sasakyan sa daan, masikip na bagon ng tren at maging hanggang sa trapiko na nararanasan sa panghimpapawid na transportasyon, singtaas pa ng mga ulap ang layo ng ating bansa bago maisatuwid ang kalakaran ng transportasyon.
Tuwing may espesyal na okasyon sa bansa, kinaugalian na ng ilan sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) ang umuwi. Ito ay tradisyon ng ilan upang makapiling at makasama ang kani-kanilang pamilya.
Sa huling datos ng Overseas Workers Welfare Administrative (OWWA) noong Disyembre 2021, nasa 80,000 hanggang 100,000 ang inasahang bumalik sa bansa upang magkasyon. Ang bilang na ito ay 0.07 hanggang 0.09 na porsiyento lamang ng kabuuang populasyon ng bansa.
Unang araw pa lamang ng taon ay agad nang nakaranas ng problema ang NAIA. Napag-alaman ng mga eksperto na technical glitch ang nangyaring dala ng pagkawala ng kuryente sa pasilidad.
Bandang 10 ng umaga nang tuluyang bumigay ang Communication, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS/ATM) ng paliparan na siyang naging dahilan upang masagwil ang komunikasyon sa inbound at outbound flights ng daan-daang mga biyahe.
“What happened is that when one of the power sources failed (as a result of the power outage), both the supply from the commercial and standby generator eventually did not power the system (Ang nangyari ay pumalya ang isa sa mga pinagkukunan ng kuryente, hindi gumana ang operasyon dahil naapektuhan ang suplay ng komersyal at standby generator),” sambit ng Direktor Heneral ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na si Manuel Tamayo.
Nasa 282 ang mga biyaheng naantala, nakansela at nalihis sa iba’t ibang rehiyonal na paliparan na siyang nakaapekto sa halos 56,000 na pasahero. Sa nasabing bilang ng mga apekatdo, humigit kumulang 3,000 ang mga OFW dito.
Agad naman naglabas ng pahayag ang House of Representatives Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson at Kabayan Partylist Representative na si Ron Salo sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga apektadong OFW.
“I am urgently calling on the DMW to give our OFWs the necessary protection from termination or sanction and reassure them that their jobs are safe and that they don't need to worry (Humihingi ako ng panawagan sa DMW na bigyan ng proteksyon ang mga OFW laban sa pagkasisante o kaparusahan at maisigurado sa kanila na ang kanilang hanapbuhay ay ligtas at hindi na nila kailangan pang mag-alala),” saad ni Salo.
Abot langit na panawagan
Umani ng samu’t saring reaksyon mula sa mga biyahero ang nangyaring problema sa paliparan. Marami ang nadismaya sa pangyayaring ito lalo na at bagong taon ito nangyari.
Isa ang pamilya nina Isabelle Louise Dolor mula sa Pasig sa mga nakaranas ng hindi magandang pangyayari.
Patungo ang pamilya ni Dolor sa France upang magbakasyon ngunit ang kanilang flight ay napako sa paliparan ng halos anim na oras. Mula rito, nasaksihan niya ang hirap na dinanas ng mga pasahero. Kabilang dito ang hindi kasiya-siyang ekspresyon ng mga Pilipino pati ng mga naguguluhang dayuhan.
“There are probably hundreds of families like us who have plans that got affected negatively by this technical glitch. It is a very stressful thing to experience at the airport (Daan-daang pamilya siguro na may mga plano ang naapektuhan dahil sa technical glitch na ito. Nakaka-stress itong maranasan sa airport),” ani Dolor.
Dagdag pa niya, hindi naging maayos ang paraan ng paghawak ng mga opisyal ng paliparan sa kanilang mga hinaing at reklamo. Hindi naging maayos ang komunikasyong ibinibigay ng paliparan para sa mga pasaherong ilang oras pinaghintay.
“There was truthfully nobody handling our inquiries. They sent an email about the cancelled flight but we were already at the airport and we had to rebook our flight all by ourselves (Sa katunayan ay walang nagha-handle ng mga katanungan namin. Nagbigay sila sa amin ng email ukol sa nakanselang biyahe pero nasa airport na kami at kailangan pa naming i-rebook ang biyahe namin),” ani Dolor.
Dalangin niya ang mas maayos at mas dekalidad na sistema ng NAIA upang maiwasan na ang nangyaring abala sapagkat naniniwala siya na kung mauulit, ito ay magiging malaking kahihiyan para sa Pilipinas.
Isa rin si Nash Nacion sa mga pasaherong naabala ng nangyaring problema sa paliparan. Uuwi si Nacion mula Maynila papuntang Bicol upang humabol sana sa pagdiriwang ng pamilya ng bagong taon subalit nakansela ang flight nito.
“Nakakadismaya kasi sabi nila power outage lang naman, so they could have used some backup. Surprising. First day of the year pa lang, challenging na sa akin. Alam mo 'yun, there are things na pwede sanang ma-prevent,” ani nito sa isang panayam ng TV Patrol.
Hindi lamang pagkadismaya kundi pagod din ang naranasan ng marami sa pangyayari. Para sa pasahero at OFW na si Kirana Mangkabong, nakakapagod ang nangyaring ito lalo na at hindi maayos ang kanilang kalagayan habang naghihintay sa loob ng paliparan.
“Sobrang pagod kasi wala kaming tulog, ansakit ng katawan namin sa paghihintay tapos ‘yung wala pa kaming upuan dito, minsan naghihiram-hiram na kami. Sa mga gilid-gilid nakaupo na kami para lang makapahinga,” saad ni Mangkabong sa panayam ng South China Morning Post.
Pangamba naman ang nararamdaman ng maraming OFW na papunta sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Bagabag nila ang maaring pagtanggal sa kanila ng mga amo dahil sa pagkaantala ng dating.
Upang mapanatag ang kanilang loob, isinaad ni Kabayaran Rep. Salo na gagawin nila ang lahat upang mapalitan ng hindi magandang pasanin ang nangyaring suliranin sa mga OFWs.
“We are fully aware of and understand the fears of our OFWs. The government must do everything in its powers to ensure that our OFWs are not sanctioned, or worse, terminated because of this unfortunate event (Alam at naiintindihan po namin ang pangamba ng mga OFW. Dapat gawinng gobyerno ang lahat para masigurado sa mga OFW na hindi sila mapaparusahan o masisisante dahil sa kapus-palad na pangyayaring ito.),” sambit niya.
Sa mata ng mga nakatataas
Hindi lamang sa loob ng bansa umalingasaw ang alingasngas ng pangyayari kundi maging pati sa ibang panig ng mundo. Bumuo agad ito ng halu-halong emosyon sa mga ordinaryong Pilipino gayundin sa mga mambabatas ng bansa.
Naging diskurso ngayon sa Senado ang isyu na kung saan nabuksan ang posibilidad na pagpapanagot sa tunay na may pananagutan sa nangyari. Naniniwala si Senador Grace Poe na ang CAAP ang responsable sa nangyaring trapiko sa himpapawid.
Sa isang panayam ng ANC, inilahad ng senador na ang CAAP ang itinalaga sa air traffic control towers.
"So definitely they're responsible because those are their people that they assigned there to the air traffic control towers (Kaya naman sila ang responsable sapagkat sila ang mga taong nakatalaga sa mga air traffic control towers)," ani Poe.
Nang dahil sa nangyaring problema, naniniwala ang ibang mga mambabatas at opisyales na napapanahon na upang isapribado ng gobyerno ang operasyon at mantensyon ng NAIA.
Ayon kay Kalihim ng Transportasyon Jaime Bautista, itutuloy ng gobyerno ang pagsasapribado ng paliparan.
“We have worked with the Asian Development Bank for the preparation of the terms of reference for the privatization of the Manila International Airport, (Kami ay nakipagtulungan sa Asian Development Bank para sa mga preparasyon ng mga tuntunin ng sanggunian para sa pagsasapribado ng Manila International Airport,” sambit ni Bautista.
Inilahad ni Bautista ang katotohanang limitado na lamang ang kakayahan ng paliparan dahil lampas na ang kapasidad ng mga pasahero na kaya nitong mabigyan ng dekalidad na serbisyo.
Gayunpaman, sinisimulan nang i-fast-track ng DOTr ang pagsasapribado ng NAIA upang ma-modernize at mapalawak ang paliparan.
“We will fast-track the conditions of the terms of reference. Also, we are happy to inform you that there was an amendment to the IRR of the PPP Law, which will address the issue. (Mabilis at masinsin naming susuriin ang mga kondisyon ng mga termino. Ikinagagalak din naming ipaalam sa inyo na mayroong ammendment sa IRR at PPP Law na sasagot sa isyu), saad ni Bautista.
Sang-ayon naman si Joey Concepcion, ang tagapagtatag ng Go Negosyo, sa pribatisasyon ng NAIA. Aniya, malaki ang potensiyal ng turismo sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa kung kaya’t nararapat na mapabuti ang operasyon sa pamamagitan ng pagsasapribado nito.
“Our airports create the first impression of our country, and since tourism has one of the biggest potentials for growing our economy, any improvement made here will redound to so many benefits (Ang ating mga paliparan ang nagbibigay unang impresyon sa ating bansa, at gayong turismo ang isa sa may pinakamalaking potensyal sa ating umuusbong na ekonomiya, anumang pagpapabuti rito ay magdudulot ng maraming benepisyo),” ani Concepcion.
Sa kabila ng pagsang-ayon ng mga mambabatas sa desisyong pagsasapribado ng paliparan, mayroon pa ring grupo at mga indibidwal ang tutol sa maaring desisyon. Isa si ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa mga hindi nagustuhan ang isinusulong na layunin.
Batid niya, hindi dapat gawing dahilan ang nangyari upang ituloy ang planong pagsasapribado ng paliparan. Isa pa, naniniwala Castro na tila kahina-hinala ang araw kung kailan nangyari ang aberya sa paliparan.
“With the announcement of DOTr to privatize NAIA last December 30 and the ‘power outage’ yesterday, we could not blame the people to think that this could be intentional to rush its privatization without consulting the people (Nang dahil sa anunsyo ng DOTr na isapribado ang NAIA noong ika-30 ng Disyembre 2022, hindi natin masisisi ang mga tao na isiping sinadya ang nangyaring problema para mas mapabilis ang pribatisasyon nang walang pagkonsulta sa mga mamamayan),” saad ni Castro.
Dagdag pa nito, magiging mabigat para sa bulsa ng mga biyahero ang dagdag na pamasahe sa oras na malipat ito sa pribadong sektor.
Ang pagsalubong sa bagong taon ay siya ring pagsalubong ng pagkadismaya dito sa bansa. Isa na namang mapait na insidente ang nangyari bunsod ng aberya sa paliparan na hindi pa rin mawari kung kailan maiibsan.
Sa kabila ng hangaring maisaayos ang serbisyo ng paliparan, mahihinuhang malalim pa ang tinik na nakabaon sa sistema. Tinik na nagpapahirap sa maraming biyahero–lokal man o mga dayuhan.
Sa higit na apat na dekada mula nang maitayo ang NAIA, oras na upang solusyonan ang mga balakid na humihila pababa sa reputasyon ng bansa sa pandaigdigang diskurso ng maayos na serbisyo.
Sa bisyon ng mas progresibong Pilipinas, nawa’y magpatuloy ang lahat na kalampagin ang gobyerno para sa mas maayos na sistema ng mga paliparan sa bansa. Baligtarin man at ikut-ikutin ang pagkakataon, hindi maikakahon ang katotohanang karapatan ng bawat isa ang maayos na sistema sapagkat ang pag-angat nito ay pagkamit nina Juan at Juana patungo sa kani-kanilang adhikain sa buhay nang matiwasay at walang iniindang pangamba.
(Dibuho ni Joven Veluya/FEU Advocate)