
Ni Sean Clifford M. Malinao
Sa mga inuman, madalas ay hindi lamang alak ang nauubos. Kasabay nitong nauupos ang mga pagpapanggap at mga salitang matagal nang kinikimkim. At sa patuloy na paglalim ng gabi, unti-unting nahuhubaran ang mga nakalalasing na katotohanang hindi na kayang ikubli.
Tampok sa bagong pagtatanghal ng Boxstage Manila na isinulat ni Dudz Teraña ang ‘Tagay Para sa Ex,’ kuwento ng limang magkakaibigan na nagsasalubong sa gitna ng pagbabaliktanaw at hinanakit.
Kapag mas mapait ang katotohanan kaysa sa alak
Hindi basta iniikot ng dula ang bawat tagay sa tanong kung mahal mo pa ba ang isang tao. Sa halip, ginagamit nito ang bawat salin ng alak upang itulak ang mas mahirap lunukin na tanong: sapat pa ba ang pagmamahal kung magkaiba na ang direksiyon ng dalawang tao sa buhay?
Nagbukas ang dula sa kuwento ng buhay ni Mark bilang isang call center agent na lulong sa kaniyang trabaho at sa biglaang pagdating ng kaniyang kaibigan na si Poch kasama si Liz, ang taong inakala niya’y hindi na niya makikita muli. Umpisa pa lamang ay inihain na ng mga karakter ang kanilang mga sugat bilang dating magkasintahan, at ito ang nagsilbing ningas sa nagbabadyang apoy na babalot sa apat na sulok ng kuwarto kinalaunan.
Ngunit hindi naman bunga ng pagtataksil ang kanilang pagkawala, kundi ng mga kakulangan sa pagmamahal na hinahanap ng mga ito sa isa’t isa. Mula sa mga suliraning hindi napag-usapan ng dating magkasintahan, nilasing ng dula ang mga manonood sa ideyang may mga responsibilidad na unti-unting dumudurog sa isang relasyon.
Hindi ipinipinta ng dula ang pag-ibig bilang isang romantikong puwersang laging nananalo o kayang lampasan ang lahat ng hadlang. Sa halip, tahasan nitong ipinapaalala na may mga pagkakataong kahit tunay, tapat, at malalim ang pagmamahal, hindi pa rin nito kayang bayaran ang upa, punan ang pagod na dahan-dahang kumakain sa tao, o habulin ang oras na matagal nang lumisan at hindi na maibabalik.
Walang bida o kontrabida sa dula — tanging mga taong kapuwa pagod, kapuwa nasasaktan, at kapuwa sinusubukang mabuhay sa abot ng kanilang makakaya.
Dahil dito, naihahatid ng dula ang isang patas na pagtingin sa suliranin ng bawat karakter sa kuwento. Hindi ito nagtatakda ng tamang panig. Sa halip na maglatag ng malinaw na hatol kung sino ang tama o mali, hinahayaan ng dula na magbanggaan ang mga pananaw na ito hanggang sa maging masakit, totoo, at hindi komportable ang usapan.
Sapagkat kahit sabihin nating isang taong marunong magmahal nang hayagan lamang ang ating kailangan, nananatiling mabigat ang katotohanang sa makabagong lipunan na nilalamon ng trabaho, responsibilidad, at paghabol sa kabuhayan, hindi sapat ang pagmamahal na tapat kung lagi naman itong kapos sa oras at presensiya.
Mga baso at damdaming nag-uumapaw
Sa gitna ng walang tigil na pagtatalo ng dating magkasintahan, lumilitaw rin ang suliranin ng dalawa pang tauhan sa dula na sina Benj at Mich. Sa pamamagitan ng isa pang relasyong nananatili bagaman unti-unting nalulunod sa araw-araw na alitan, inililihis ng dula ang usapin mula sa sakit ng paghihiwalay tungo sa katanungang paano nga ba mananatili ang pag-ibig sa mundong unti-unti nang inuubos ang kakayahan nitong magmahal?
Ang kanilang pagtatalo tungkol sa paghahati ng responsibilidad, magkaibang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal, at hindi magkapantay na emosyonal na paggawa sa loob ng relasyon ay nagiging salamin ng isang henerasyong naghihikahos pagsabayin ang pagtupad sa mga pangarap at pagpapanatili ng mga relasyon.
Mula sa mga sigawan hanggang sa pananahimik, naipakikita ng dula na may mga pag-ibig na hindi namamatay dahil sa kawalan ng pagmamahal. May mga pundasyong tuluyan nang bumibigay dahil dahan-dahan silang nauubusan ng oras, lakas, at espasyo para sa isa't isa.
Sa mas malalim na antas, inuusisa rin ng dula ang patuloy na komodipikasyon ng pag-ibig. Kapag nasusukat sa presyo ng regalo, kalidad ng mga pakikipagtagpo, at sa dami ng reaksiyon sa isang proposal video ang halaga ng pagmamahal ay natatabunan ang mismong diwa ng pagiging personal ng isang relasyon.
Gayunpaman, hindi rin kinokondena ng dula ang mga taong nais ng magarbong pagpapahayag ng pag-ibig. Bagkus ay binibigyan nito ng pagkakataon na marinig ang kabilang panig at kinikilala ito bilang lehitimong wika ng pag-ibig na nagpapakita ng oras, pagsisikap, at intensiyon na ibahagi ang isang mahalagang sandali.
Sa huli, ipinapaalala ng kuwento na walang iisang wangis ang pag-ibig; nagiging suliranin lamang ang mga romantikong pamantayan kapag ipinapataw ang mga ito bilang sukatan ng lahat ng relasyon.
Kaya nang tuluyang mauwi sa paghihiwalay ang ikalawang magkasintahan, hindi na ito nagsisilbing dramatikong sorpresa ngunit isang halos hindi maiiwasang pagwawakas. Hindi dahil nawala ang pagmamahal, kundi dahil dumating sila sa puntong hindi na nila kayang magtagpo sa gitna ng kani-kanilang pangangailangan, paniniwala, at paraan ng pagmamahal.
Ang pinakamatatag sa inuman ay siya ring pinakabasag
Isa sa mahusay na desisyon ng dula ang karakter ni Buknoy. Sa limang magkakaibigan, siya ang tila nagsisilbing pandikit ng grupo — ang laging may baong biro, ang unang nagpapatawa upang gumaan ang usapan, at ang tila may pinakamalinaw na payo sa tuwing naliligaw ang iba sa sarili nilang mga relasyon.
Sa maraming pagkakataon, siya ang nagiging tagapagpadaloy ng mga pag-uusap at tila tagapagligtas ng gabi sa tuwing nagiging mabigat ang bawat tagay. Ngunit kapag sariling puso na ang pinag-uusapan, siya rin ang isa sa pinakamarupok.
Bagama’t malaking parte na comic relief ang karakter ni Buknoy, hindi nito ginawang dekorasyon lamang ang kaniyang pagiging bakla. Bagkus, nagiging daluyan ito upang ipakita ang isa pang mukha ng pag-ibig — ang pag-asang magmahal habang pasan ang mga natatanging hamon ng paghahanap ng pag-ibig bilang isang bakla sa makabagong lipunan.
Binubuo ng kaniyang katatawanan ang isang pananggang hindi nagkukubli sa mga sugat kundi nagsisilbing paraan ng pagharap sa mga ito, na humuhubog sa isang masalimuot na karakter na marunong magsalita tungkol sa pag-ibig, ngunit hindi rin ligtas sa pagkadapa rito.
Nagiging tahimik na paalala ng dula si Buknoy na walang sinuman ang nagiging dalubhasa sa pag-ibig dahil lamang sa husay niyang magpayo. Ang kakayahang unawain ang sakit ng iba ay hindi garantiya na mauunawaan din natin ang sarili nating mga sugat.
May mga taong tila pinakabuo sa harap ng iba, ngunit sila rin pala ang matagal nang naghihintay na may umalalay sa kanila.
At sa pagsikat ng araw, sa lamesang may tira-tirang pagkain at nakatumbang mga baso, saka pa lamang lubusang tumatama ang pinakamatapang na inihain ng dula. Sapagkat sa gabing iyon, hindi pala chichirya ang tunay na pulutan — kundi ang pag-ibig mismo: pinagsaluhan, pinagdebatehan, pinaglasingan, at sa huli ay tinanggap ang lahat ng pait at tamis nito.
Opisyal na magsisimula ang pagtatanghal ng Tagay Para sa Ex mula Agosto 8, 13, 15, 22 at ika-5 ng Setyembre tuwing ika-3 ng hapon at ika-7 ng gabi sa Far Eastern University Center for the Arts Studio, Ground Floor ng Engineering Building.
(Kuha ni Nica Vargas/FEU Advocate)