El Filibusterismo: Isang akdang hindi natatapos sa mga pahina

Ni Julienne G. Tan

Kailan mo unang nabasa ang ‘El Filibusterismo’? Naalala mo pa ba kung ano ang unang sumagi sa isip mo tungkol dito? Maaaring una mo itong nakilala sa loob ng silid-aralan. Para sa marami, bahagi na lamang ito ng kurikulum, isang nobelang paulit-ulit na binabalikan sa mga araling pangkasaysayan. Ngunit sa kabila ng pagiging pamilyar, hindi nangangahulugang iisa lamang ang paraan ng pag-unawa rito.

Mahigit isang siglo matapos mailathala ang nobela, nagbabago man ang mga mambabasa at ang lipunang ginagalawan, nananatili ang mga tanong tungkol sa kapangyarihan, pananagutan, kawalan ng katarungan, at pagbabago sa isang bulok na sistema. Sa bawat henerasyon, nagkakaroon ng panibagong kahulugan ang El Filibusterismo, kaya’t mahalagang balikan hindi lamang ang akda, kundi pati ang dahilan kung bakit patuloy natin itong binabasa.

Isang nobela, iba’t ibang pagbasa

Sa pag-aaral ng El Filibusterismo, unti-unti nating nakikilala ang mga usaping higit pa sa kuwento nito. Ang ikalawang nobela ni Jose Rizal ay umiikot sa isang lipunang humaharap sa pang-aabuso sa kapangyarihan, kawalan ng katarungan, hindi pantay na pagtrato sa iba’t ibang uri ng tao, at paghahangad ng pagbabago. 

Sa mga pangyayaring dinaranas ng mga tauhan, inilalatag ng akda ang mga tanong tungkol sa kung paano tumutugon ang isang tao sa isang lipunang tila walang puwang para sa pagbabago.

Isa sa mga tauhang naglalantad sa mga tanong na ito ay si Simoun, isang mayamang alahero na lihim na si Crisostomo Ibarra mula sa ‘Noli Me Tangere.’ Matapos ang mga sinapit ni Ibarra sa unang nobela, bumalik siya bilang Simoun, na may layuning maghiganti sa mga taong itinuturing niyang dahilan ng kaniyang pagkabigo. 

Sa unang tingin, maaaring mabasa ang kaniyang kuwento bilang isang personal na paghihiganti. Ngunit kapag mas sinuri ang kaniyang mga karanasan at mga naging pasya, makikita rin ang mas malawak na usapin tungkol sa galit, radikalisasyon, at mga kalagayang nagtutulak sa isang tao na kumapit sa patalim.

Dito makikita kung bakit maaaring magbago ang pagbasa sa El Filibusterismo, dahil iisa man ang nobela at nananatili ang mga tauhan at pangyayari nito, nag-iiba ang nahihinuha ng mambabasa depende sa kaniyang kaalaman, karanasan, at pananaw. 

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Dex Anderson Frogoso, presidente ng Katipunan ng Kabataan para sa Kasaysayan, na hindi lamang ang paghihiganti ni Simoun ang dapat bigyang-pansin sa kaniyang karakter.

“‘Yung mga characters tulad ni Simoun na nagbagong-hubog sa isang karakter na gumagamit ng dahas, sa ordinaryong lente [ay] [para itong] personal na istorya na naghihiganti lang siya. Pero kung aaralin [nang] mas malalim ‘yung kasaysayan at kahulugan nito, para sa akin mas makikita mo ‘yung sociological warning noong panahon na iyon,” aniya. 

Sa pagitan ng dalawang lente, nagbabago ang tanong na inihaharap ng nobela sa mambabasa. Sa unang pagbasa, maaaring sapat nang unawain ang paghihiganti ni Simoun at mga dahilan kung bakit niya ito ginawa. Ngunit kapag isinaalang-alang ang kalagayang panlipunang kinapapalooban ng kaniyang kuwento, maaaring basahin si Simoun bilang larawan ng isang taong nahubog ng pang-aabuso at pagkabigo sa lipunang kaniyang ginagalawan.

Patuloy na nagkakaroon ng pagkakataon para sa ganitong mga pagbasa dahil muling nakikilala ang El Filibusterismo ng bawat henerasyon mula sa sarili nitong panahon at karanasan, at isa sa pinakamahalagang daan tungo rito ay ang edukasyon. 

Sa ilalim ng Batas Republika Blg. 1425 o Rizal Law, na ipinasa noong 1956, itinakda ang pagtuturo ng buhay at mga akda ni Jose Rizal sa mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad, kabilang ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Makalipas ang pitong dekada, nananatili ang mga ito bilang bahagi ng edukasyong Pilipino.

Sa hiwalay na panayam, inihayag ni Joahnne Fernandez, mag-aaral ng Narsing sa Far Eastern University, na ang unang pumapasok sa kaniyang isip tuwing nababanggit ang El Filibusterismo ay ang papel ni Rizal bilang bayani ng bansa. Ngunit nang isadula nila ang nobela sa eskuwelahan, mas naging kongkreto sa kaniya ang mga hindi makatarungang kalagayan na ibinunyag ng kuwento.

“Dahil doon [sa pagsasadula], mas lalo kong naintindihan ang unfair treatment sa iba’t ibang social classes at kung paano sila tinatrato noon,” sambit ng mag-aaral.

Samantala, sa pagsusuri ni Bob Orquina, isang tumatangkilik sa mga akda ni Rizal, mahalaga ring tingnan kung paano nagbabago ang paraan ng pagsusuri ng mga mambabasa sa nobela habang nag-iiba ang paraan ng pagkonsumo ng impormasyon. 

Napansin niyang nagiging mas madali para sa kabataan ngayon na makilala si Rizal sa pamamagitan ng social media at mga maikling bidyo kaysa sa mismong pagbasa ng kaniyang mga akda.

“‘Yung pagbabasa, pagtanggap, ay tingin ko hindi na gano’n katindi sa ngayon. Gawa ng social media na hindi mo na kailangan magbasa, manonood ka na lang,” ani Orquina. 

Sa pag-usbong ng mga bagong paraan ng pag-unawa sa nobela, nananatiling pareho ang mga pahina ng El Filibusterismo. Ang tanging nagbabago ay ang mga mambabasa at ang mga tanong na bitbit nila sa kanilang pagbasa.

Para sa ilan, maaaring magsimula ang pagbasa sa El Filibusterismo kay Simoun, sa mga pangyayari ng nobela, o sa pangalan mismo ni Rizal. Ngunit sa paglipas ng panahon, nananatiling bukas ang akda sa iba’t ibang pag-unawa. Sa bawat pagbalik dito, may mga detalyeng maaaring higit na mapansin, mga tanong na maaaring muling mabuo, at mga kahulugang maaaring lumitaw na hindi agad nakita noon.

Mga tanong na hindi naiwan sa panahon

Sa likod ng mga tauhan at pangyayari ng El Filibusterismo ay ang mga tanong tungkol sa kapangyarihan, katarungan, edukasyon, at kalagayan ng mga Pilipino. Bukod sa paglalarawan sa lipunang ginagalawan ng mga tauhan, inilalantad din ng nobela ang mga suliraning humuhubog sa kanilang mga desisyon at pakikitungo sa isa’t isa.

Magkalayo ang lipunan noong panahon ni Rizal at ang kasalukuyan — magkaiba ang mga batas, institusyon, paraan ng pamumuhay, at mga kalayaang mayroon ang mga Pilipino. Gayunpaman, may ilang tanong tungkol sa paggamit ng kapangyarihan at pananagutan na patuloy pa ring lumilitaw ngayon, ngunit sa magkakaibang anyo.

Para kay Frogoso, malinaw ang ugnayan ng kawalan ng katarungan at hindi pagkakapantay-pantay sa mga karanasang inilalarawan sa El Filibusterismo.

“Maraming mga kaganapan noon ang [mayroon] pa rin hanggang ngayon dahil tulad ng sinabi ko, ‘yung nobela ni Rizal, kahit nobela [ito] na made from fiction, nailatag pa rin doon ‘yung mga realities of society sa ilalim ng kastila,” aniya. 

Para sa kaniya, makikita sa nobela kung paano maaaring magbago ang kilos ng isang tao kapag paulit-ulit siyang nakararanas ng kawalan ng hustisya at hindi pantay na pagtrato. 

Sa kasalukuyang lipunan, maaaring iba na ang pinagmumulan at anyo ng mga suliraning ito, ngunit nananatiling mahalagang tanong kung sino ang may kapangyarihan, paano ito ginagamit, at sino ang naaapektuhan ng mga desisyon ng mga nasa posisyon.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Orquina ang dalawang suliraning magkaugnay sa loob ng mga institusyon: katiwalian at pananagutan.

“Unang-una ‘yung institusyonal na katiwalian. ‘Yung kawalan ng pananagutan isa rin ‘yan kasi kung may responsable sana or kung nare-realize ng mga public officials na [mayroon] talaga silang pananagutan, hindi sila magiging tiwali,” punto niya.

Ayon sa kaniya, hindi sapat na tukuyin lamang ang isang maling gawain; dapat ding suriin kung paano nagiging daan ang kawalan ng pananagutan sa patuloy na pag-iral ng mga problemang nakaaapekto sa lipunan.

Sa paglatag ng nobela sa mga suliraning kinahaharap ng mga karakter, kasabay nito ang tanong kung paano dapat tumugon ang isang tao kapag paulit-ulit na nabibigo ang kanilang pakikibaka upang baguhin ang hindi makatarungang sistema.

Para kay Frogoso, higit na nagiging makabuluhan ang pagbasa sa nobela kapag iniuugnay ang mga karanasan ng mga tauhan sa sariling pag-unawa sa kasalukuyang lipunan.

“Malalim ang halaga nito dahil gumagana dapat ito bilang gabay sa pagfo-form ng damdaming mapanuri at mapagmahal sa bayan. Maganda siyang maging balik-tanaw dahil ang mga karapatan at kalayaang tinatamasa natin ngayon ay ipinaglaban na tulad din natin ngayon na naghahangad ng mas maayos na pamumuhay,” aniya.

Makikita rin ang ganitong bigat sa pananaw ni Fernandez tungkol sa pagkakaiba ng mga kondisyong kinahaharap ng kabataan noon at ngayon. Sa tingin niya, mas malaya ang kalagayan ng mga Pilipino ngayon, kabilang ang kakayahang magsalita at makilahok sa mga pagkilos para sa pagsulong ng pagbabago. 

“Ngayon, marami nang rally at kaya na nilang lumaban sa gobyerno gamit ang kanilang mga salita at actions,” tugon niya. 

Kung ihahambing sa panahong inilalarawan ng nobela, mas marami nang espasyo ang kabataan sa kasalukuyan upang ipahayag ang kani-kanilang paninindigan. 

Hindi man kailangang itapat ang mga tauhan ng El Filibusterismo sa kabataan ngayon, mahalaga pa ring pag-isipan ang kanilang mga desisyon pati ang naging bunga nito. Sa harap ng isang suliranin, hindi lamang mahalaga ang hangaring magkaroon ng pagbabago, kundi pati ang konkretong pagkilos at ang pananagutang kaakibat nito.

Sa paglipas ng panahon, lumalaki at umuusbong ang mundong ginagalawan ng mga mambabasa at mga tauhan ni Rizal. Gayunpaman, nananatiling mahalaga ang El Filibusterismo dahil hinahamon tayo nitong suriin kung anong uri ng pagbabago ang nais nating makita at kung gaano tayo kahandang kumilos para rito.

Bagong anyo sa lumang kuwento

Kung bahagi na ng pag-aaral ng maraming Pilipino ang El Filibusterismo, madaling isipin na sapat nang maipasa ito mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.

Ngunit ang patuloy na pagtuturo sa isang akdang mahigit isang siglo na ang tanda ay hindi lamang usapin ng pagpapanatili nito sa kurikulum. Kasama rito ang tanong kung paano pananatilihing buhay ang isang akda sa gitna ng nagbabagong panahon at lipunang ginagalawan ng mga mambabasa.

Bilang isang nobelang bahagi ng pambansang panitikan, may bigat nang dala ang librong El Filibusterismo bago pa man ito buklatin ng mga estudyante. Ngunit sa panahon ng Facebook Reels, YouTube Shorts, at TikTok, maaaring mas mauna pa nilang makilala si Rizal o ang kuwento ng nobela sa isang minutong bidyo kaysa sa mismong akda.

Giit ni Orquina, hindi naman kailangang maging kalaban ng aklat ang mga bagong anyo ng midya. Ang mahalaga ay kung saan dinadala ng mga ito ang isang mambabasa. 

Para sa kaniya, sa intensiyonal na paraan, makatutulong ang mga pelikula at iba't ibang plataporma upang mas maraming kabataan ang mamulat sa kasaysayan.

I would say na gawin pa rin ‘yon pero make it in such a way na [no matter] how short that is, make it like an entry point or like a hook, so kahit na hindi ganoon ka-effective ‘yung shorts, reels, or TikTok, puwede natin gamitin ‘yon as a way or as entry points para ma-hook sila and to read the full story (Masasabi kong gawin pa rin iyon, ngunit gawin ito sa paraan na gaano man ito kaikli, magsisilbi itong panimulang punto o pang-akit. Kaya kahit hindi gaanong mabisa ang shorts, reels, o TikTok, maaari pa rin natin itong gamitin bilang paraan upang mahikayat silang basahin ang buong kuwento),” ani Orquina. 

Maaaring maging daan ang isang maikling bidyo, ngunit hindi ito dapat magsilbi bilang pangunahing daan upang maranasan ng kabataang Pilipino ang nobela. May mga bagay na hindi kayang maibigay ng pinaikling bersiyon, tulad ng konteksto, mga detalye, at maging ang mga tanong na nabubuo lamang kapag binasa ang mismong teksto.  

Pahayag ni Fernandez, mahalaga ang patuloy na pag-alala sa mga akdang tulad ng El Filibusterismo dahil may mga karanasang maaaring hindi agad maunawaan ng isang henerasyong lumaki sa ilalim ng ibang estado. 

“Kumbaga, iyon ang way ni Rizal para maipamulat sa mga tao ang mga nangyayari noon. Kaya itinuturo pa rin ito ngayon para hindi makalimutan ng kasalukuyang henerasyon ang mga nangyari noon… Para mas malinawan tayo sa mga nangyari noon at sa mga buhay na naapektuhan,” wika niya. 

Sa pananaw ng estudyante, ang pagbabasa ng akda ay isang pagkakataon upang mabalikan hindi lamang ang mga pangyayari sa nobela, kundi pati ang mga taong naapektuhan ng mga kalagayang inilalarawan nito.

Dito nagkakaroon ng ibang kahulugan ang pag-alala sa El Filibusterismo. Hindi kailangang magkakatulad ang interpretasyon ng bawat henerasyon upang maging makabuluhan ang nobela. 

Sa halip, ang hamon ay hindi lamang kung paano ito patuloy na maituturo, kundi kung paano ito gagawing bahagi ng mas malawak na diskusyon tungkol sa lipunang ginagalawan ng mga estudyante ngayon. Bunsod nito, nagkakaroon ng mas malawak na saysay ang El Filibusterismo — nagiging paanyaya itong suriin ang mga problemang hindi natatapos sa pahina.

Dahil dito, nagiging higit pa sa isang takdang aralin sa klase ang paulit-ulit na pagbabalik kay Rizal. Ang tanong ay hindi na lamang kung bakit kailangan pa ring basahin ang nobela, kundi kung bakit patuloy itong isinasama sa isang sistemang pang-edukasyon na nagbabago kasabay ng panahon. 

Iisang nobela, sari-saring henerasyon

Mahigit isang siglo matapos mailathala ang El Filibusterismo, nananatili itong nasa loob ng mga aklatan, talakayan, at alaala ng mga Pilipino. Ngunit ang pagpapanatili rito ay hindi lamang tungkol sa pagtiyak na hindi malilimutan ng henerasyon ngayon ang pangalan ni Rizal o ang kuwento ng kaniyang mga nobela.

Binabalikan ang nobela hindi para lamang kabisaduhin ang mga tauhan o ang mga pangyayaring matagal nang naganap, kundi upang mag-udyok ng panibagong mga tanong mula sa iba't ibang henerasyong humahawak nito sa paglipas ng panahon.

Higit sa lahat, nangangahulugan ito ng patuloy na pagbibigay sa mga Pilipino ng pagkakataong bumalik sa isang akdang minsan nang sumipat sa kalagayan ng kanilang lipunan at muling pag-isipan kung ano ang kahulugan nito sa kasalukuyang panahon.

At sa muling pag-ikot ng panibagong siglo, ang El Filibusterismo ay patuloy na nabubuhay hindi lamang dahil naaalala natin ito, kundi dahil sa bawat pagbabalik dito, may panibagong henerasyong handang alamin kung paano nila maisasalin sa pagkilos ang mga aral na matagal nang nakapaloob sa mga pahinang ito. Sapagkat ang isang akdang patuloy na binabasa ay hindi lamang nananatili sa isip. Maaari rin nitong hamunin ang mambabasa na kilalanin ang mga suliraning nakapaligid sa kaniya at magpasya kung ano ang gagawin sa mga bagay na kaniyang napansin.

(Dibuho ni Elysse Nicolle Duller/FEU Advocate)