
Ni Ishia Eleanor F. Marquez
Binuksan ng Far Eastern University (FEU) Makati ang bagong taong panuruan 2026–2027 sa malugod na pagtanggap sa mga bagong estudyante sa ginanap na Tatak Tamaraw 2026 sa kanilang kampus kaninang umaga, ika-4 ng Agosto.
Bilang panimula, nagsagawa ng plenary program at oryentasyon para sa mga FEU Makati Institute of Accounts, Business and Finance freshman.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni FEU Makati Student Council Treasurer Joanne de Luna ang kahalagahan ng Tatak Tamaraw sa pagpapatibay ng sariling pagkakakilanlan ng FEU Makati.
“People tend to think that FEU Makati is just an extension [of FEU Manila]. We want to prove that FEU Makati has its own identity kahit extension lang siya (Madalas iniisip ng mga tao na ang FEU Makati ay karugtong lamang ng FEU Manila. Gusto namin ipakita na may sariling pagkakakilanlan ang FEU Makati kahit na ekstensiyon lang siya),” saad niya.
Bukod sa Tatak Tamaraw, ibinahagi rin ni de Luna na nakalinya na ang iba’t ibang interaktibong aktibidad na inihanda para sa mga estudyante ngayong akademikong taon, kabilang ang mga workshop at seminar.
Ikinatuwa naman ng incoming Bachelor of Science (BS) in Accountancy freshman na si Sadie ang mga naganap na programa para sa kanila.
“It’s very fun and entertaining, parang nagte-teach sila sa amin mga [freshman] in a very entertaining way para mas ma-energize kami sa paparating na pasukan (Sobrang saya at nakaaaliw siya, parang tinuturuan nila kaming mga bagong estudyante sa nakaaaliw na paraan para masiyahan kami sa paparating na pasukan),” aniya.
Sa kabila ng masigasig na pagtanggap sa mga bagong estudyante, inaasahan pa rin ni Sadie na magiging mahirap ang paglalakbay nila sa kolehiyo. Gayunpaman, naniniwala siyang malalagpasan niya ito sa tulong ng suportang matatanggap niya mula sa komunidad ng FEU.
“It would be hard, pero sana sa ipinapakita nila ngayon, it will get better, then we’ll make friends… sa mga clubs and organizations, ‘yon din ni-lolook forward ko (Magiging mahirap ito, pero sana sa ipinapakita nila ngayon, magiging maayos din ito, at magkakaroon ng kaibigan sa mga samahan at organisasyon, ‘yon din ang inaabangan ko),” saad niya.
Para naman kay Shane Takada, isang incoming BS in Business Administration freshman, pinaka-inaabangan niya ang iba’t ibang aktibidad sa Pamantasan.
“Super nakakapanibago, lalo na we are in college na. I’m expecting a lot of events here in FEU… I’m looking forward about the [intramurals] kasi gusto ko na-e-enjoy ‘yung [ganoon] na events (Talagang nakakapanibago, lalo ngayong nasa kolehiyo na kami. Umaasa ako na maraming aktibidad sa FEU. Inaabangan ko ‘yung intramurals kasi gusto ko makilahok sa mga ganoong kaganapan),” sambit niya sa hiwalay na panayam.
Matapos ang mga oryentasyon, ginanap naman ang campus tour at Tam Challenge noong hapon, kung saan nakilahok ang mga bagong estudyante sa iba’t ibang palaro na may temang ‘Its Tam Time.’
Samantala, nagsimula na rin ang Tatak Tamaraw para sa mga bagong mag-aaral ng FEU Manila kahapon.
Kabilang sa mga natitirang kaganapan ang Mass of the Holy Spirit, Tatakan Rites, pati na rin ang selebrasyon ng Welcome Fest sa Biyernes, ika-7 ng Agosto.
(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)