Mga bayaning walang bantayog

Ni Misaki F. Koizumi

Sa tuwing binabanggit ang salitang bayani, mga pangalang nagmarka sa kasaysayan ang madalas na sumasagi sa isip. Ngunit hindi lahat ng kabayanihan ay kailangang maging lantad upang magkaroon ng saysay. Sa Far Eastern University (FEU), may mga bayaning hindi kailangan ng tansong bantayog; sapagkat sa likod ng bawat malinis na pasilyo at ligtas na tarangkahan ng Thy Happy Halls ay naroon ang mga kawani na araw-araw ginagampanan ang kanilang parte sa komunidad.

Bago pa man mapuno ng yabag at ingay ang mga pasilyo, nagsisimula na ang araw ng mga kawani ng FEU. Habang unti-unting dumarating ang mga estudyante para sa unang klase, abala na sila sa pag-aayos ng mga silid, paglilinis ng mga daanan, at paghahanda sa mga espasyong pagdarausan ng panibagong araw sa Pamantasan. Sa paglipas ng mga oras, nagpapatuloy ang kanilang gawain — madalas kasabay ng agos ng mga taong dumarating at umaalis sa kampus, bagaman hindi laging napapansin.

Sa unang liwanag ng kampus

Hindi pa man humuhudyat ang orasan ng mga estudyante, unti-unti nang nabubuhay ang mga espasyo ng Pamantasan sa pag-aasikaso ng mga taong tahimik na nagbibigay-kulay rito — ang kanilang katapatan sa tungkulin, malasakit sa kapuwa, at pagmamahal sa trabaho. Sa mga payak na gawaing isinasagawa araw-araw, may mga parangal na lumalabas sa mismong trabaho at umaabot sa buong komunidad.

Isang patunay rito si Sonnie Aragon, miyembro ng kawani sa paglilinis ng FEU Manila. Nagsisimula ang kaniyang araw ng alas-kuwatro ng umaga upang bumiyahe papunta sa Unibersidad. Bago magsimula ang trabaho, dumaraan muna ang mga kawani sa pormasyon kung saan tinatalakay ang kanilang mga gawain para sa naturang araw, kabilang ang mga responsibilidad na dapat unahin.

Mula sa paghahanda ng mga plato, kutsara, at iba pang kagamitan para sa mga Tamaraw hanggang sa paglilinis ng mga pasukan sa kantina, sinisiguro niyang maayos ang lugar bago pa man dumating ang mga estudyante.

Sa likod ng tungkuling ito, isang bagay ang ipinagmamalaki ni Aragon tungkol sa sarili: ang kaniyang katapatan. Para sa kaniya, nagsisimula ito sa pagiging totoo sa sarili at pagkakaroon ng takot sa Diyos — mga prinsipyong nagsisilbing gabay sa kaniyang responsibilidad.

“Maging tapat ka lang. Unang-una, maging tapat ka sa sarili mo. Pangalawa, dapat meron kang takot sa Diyos,” giit niya sa panayam ng FEU Advocate.

Bukod dito, mahalaga rin para kay Aragon ang paraan ng pagharap sa kaniyang trabaho. Bagaman umiikot lang ito sa parehong gawain kada araw, mahalaga para sa kaniya ang paggawa nito nang may pagmamahal at kasiyahan.

Actually, [kung] sa bigat, wala naman ‘yan. Basta mahal mo ang trabaho mo, hindi mo [mararamdaman] ang bigat, lalo [na] kung mag-e-enjoy ka,” ayon sa kawani.

Inihalintulad ni Aragon ang kaniyang trabaho sa pagpapanatili ng isang pamilya, kung saan mahalaga ang pagsisikap at magandang relasyon sa isa’t isa. Sa pananaw niya, ang pagiging responsable sa kaniyang gampanin ay isa ring paraan ng pangangalaga sa sariling pamilya.

Ngunit higit sa sariling tungkulin, nais niyang may maiuwi ring aral ang mga estudyante mula sa mga gawaing araw-araw nilang nasasaksihan.

“Gusto ko lang, sa tuwing nakikita nila kaming naglilinis, maging bahagi [rin] sa kanila ‘yon. Mai-apply nila sa bahay, para ‘yung mga parents nila, ‘yung relatives nila, ’yung mga kasama nila sa bahay, natutulungan din nila,” pagbabahagi niya.

Naniniwala si Aragon na hindi natatapos sa loob ng Pamantasan ang halaga ng mga gawaing madalas nalalagpasan ng mga mata. Bawat pag-aayos, paglilinis, at pangangalaga sa espasyo ay maaari ring mag-iwan ng aral sa mga estudyanteng nakikinabang dito, na ang pagmamalasakit sa kapuwa ay hindi lamang nakikita sa malalaking bagay. Higit pa sa mga lugar na naiwang malinis, maaaring ang pinakamahalagang bakas ng kaniyang trabaho ay ang pagpapahalagang naipapasa sa iba.

Kung ang mga kawani sa paglilinis ay nagpapanatili ng kalinisan ng mga espasyong ginagalawan ng mga estudyante, may iba namang nakatuon sa pagpapanatili ng seguridad. 

Madaling makilala ang isang tao sa kaniyang uniporme, ngunit hindi nito kailanman kayang isiwalat ang buong bigat ng kaniyang ginagampanan. Sa likod nito ay may isang tungkuling nakaugat sa pagtiyak sa kapakanan, kaligtasan, at kapanatagan ng bawat taong bahagi ng Pamantasan.

Sa bawat pagpasok at paglabas ng mga Tamaraw, kabilang sa mga unang taong nakikita ang mga guwardiya. Matatagpuan sila sa mga tarangkahan, nagbabantay sa paligid, at nagsisilbing bahagi ng kaayusang nagbibigay-daan upang payapang makagalaw ang lahat sa loob ng Unibersidad.

Higit pa rito, nangangailangan ang kanilang trabaho ng tuloy-tuloy na pagmamasid at kahandaang tumugon sa mga sitwasyong maaaring dumating nang walang babala. Maging ang mga karaniwang gawain tulad ng pag-iinspeksiyon ng mga bag at pag-aasikaso sa mga pumapasok at lumalabas sa kampus ay nangangailangan ng atensiyong hindi maaaring makaligtaan sa buong oras ng kanilang trabaho.

May mga araw mang tahimik ang kampus at tila walang kailangang tugunan, hindi ibig sabihin nito ay nawawala ang kanilang tungkulin. Sa patuloy na pag-agos ng mga gawain sa loob ng Pamantasan, nananatili ang kanilang presensiya at pagbabantay bilang bahagi ng normal na takbo ng kampus — isang tahimik na gampanin na marapat bigyang-pansin kahit sa mga karaniwang araw, hindi lamang kapag kinakailangan.

Kabayanihang hindi nakaukit

Hindi iisa ang anyo ng paglilingkod — may mga tungkuling nasasaksihan sa araw-araw, at mayroon ding mga pagkakataong nangangailangan ng serbisyong higit sa karaniwan. Nag-iiba man ang ginagampanan ng mga kawani sa gitna ng mga gawaing kailangang tapusin, nananatili ang isang bagay: ang kahandaang tumugon sa pangangailangan ng mga tao sa loob ng Pamantasan.

Sa mga sandaling napuputol ang nakasanayang takbo ng araw, higit na nahahayag ang pusong kanilang iniaalay sa hanapbuhay. Kamakailan lamang, may ilang mag-aaral na hindi agad nakaalis ng Pamantasan bunsod ng malakas na pag-ulan at pagbaha noong ika-17 ng Agosto. Sa halip na makauwi agad, kinailangan nilang manatili sa kampus habang patuloy ang buhos ng ulan at walang katiyakan kung kailan ligtas na makababalik sa kanilang mga tahanan.

Ang pananatili sa kampus ay hindi lamang nangangahulugan ng pagkaantala sa pag-uwi. Para sa ilang Tamaraw, kaakibat ng bawat oras na hindi sila makaalis ang mga pamilyang naghihintay, gastusing hindi inaasahan, at pangambang lumalalim habang nananatiling hindi tiyak ang kaligtasan sa kanilang pag-uwi. 

Sa ganitong mga pagkakataon, higit na nasusubok ang tungkulin ng mga kawani — hindi lamang sa pagtupad sa nakasanayang gawain, kundi sa pagharap sa mga sitwasyong labas sa kanilang kinagawiang tungkulin at pagtiyak na may maaasahan ang mga estudyanteng nangangailangan ng tulong.

Ito ang usaping binigyang-diin ni Jham Evangelista, dating chairperson ng League of Filipino Students - FEU, sa kaniyang post patungkol sa naging epekto ng malakas na ulan at pagbaha sa mga Tamaraw.

Sa kaniyang pahayag, hindi lamang ang pagkaantala ng pag-uwi ang kaniyang pinuna, kundi ang mga pasaning kaakibat nito. Binanggit din niya ang mga karanasan ng mga estudyante sa gitna ng masamang panahon at ang pagtaya sa kanilang kalagayan bago pa man tuluyang maging ligtas ang pag-uwi.

FE-U NEVER LEARN… Bakit hindi ka magsuspinde hangga’t maaga pa? Ilang petisyon na ang ginawa at ipinasa ng mga konseho para maiwasan ang kaya namang iwasan. Pero hindi ka nakinig. You never learn,” pahayag ni Evangelista.

Habang nananatiling nakabitin ang oras ng pag-uwi, hindi lamang paghihintay ang naging bahagi ng maghapon sa loob ng Pamantasan. Sa gitna nito, may mga kawani ring nagpatuloy sa kanilang mga tungkulin sa kampus, kahit nangangahulugang kailangang ipagpaliban ang sariling pag-uwi at kaligtasan.

Isa sa mga saksi sa sitwasyon ay si Franzine Aaliyah Hicana, mag-aaral mula sa programang Nursing, na nagbahagi ng kaniyang karanasan sa One Piyu Community. Bukod sa hirap na kanilang naranasan bago makaalis ng Pamantasan, inilahad niya ang tulong na natanggap mula sa mga kawani at guwardiya habang naghihintay ng pagkakataong makauwi.

Ibinahagi ng mag-aaral kung paano sila tinulungan ng mga guwardiya upang makatawid sa baha at kung paano rin inasikaso ng mga kawani ang kanilang kalagayan, mula sa pagkain hanggang sa pagpapanatili ng kanilang kaligtasan.

Sa gitna ng pangamba at kawalang-katiyakan, naging mahalaga para sa kaniya ang simpleng kaalamang may mga taong nanatili sa loob ng Pamantasan upang magbantay, umalalay, at tiyaking walang sinumang maiiwang mag-isa.

Honestly, I think their presence helped keep me sane throughout the whole situation. Being stranded, worrying about how we were going to get home, and seeing the flooding around us was already overwhelming enough. Having people there who were actively checking on us and making sure we were okay made such a huge difference (Sa totoo lang, naging malaking tulong ang kanilang presensiya upang makayanan ko ang buong sitwasyon. Mabigat na ang manatiling hindi makauwi, mag-alala kung paano kami makababalik sa aming mga tahanan, at makita ang pagbaha sa aming paligid. Kaya malaking bagay na may mga taong patuloy na kumukumusta sa amin at tinitiyak na maayos at ligtas kami),” pahayag niya sa kaniyang Facebook post.

Maaaring bahagi ng kanilang karaniwang tungkulin ang pag-aasikaso sa mga mag-aaral, ngunit sa oras ng sakuna, nadaragdagan ang mga pangangailangang kanilang tinutugunan. 

Ang mga naglilinis ng pasilyo ay kailangang tiyaking ligtas itong madaanan, habang ang mga nakatalaga sa seguridad ay nananatiling alerto sa mga hindi pa nakauuwi. Sa ganitong mga sandali, ang nakasanayang gawain ay nagiging agarang pagtugon sa pangangailangan ng iba.

Makalipas ang isang araw matapos ang pagbaha sa Pamantasan, naglabas ang FEU ng pahayag na kumikilala at nagpapasalamat sa mga kawani na nanatili sa kampus upang pangalagaan ang mga estudyante sa gitna ng habagat. Gayunman, nakatanggap ito ng ilang negatibong tugon mula sa publiko dahil sa pananaw na hindi naman sana ito kailangang pasanin ng mga kawani kung maagap na umaksyon ang Pamantasan bago pa tuluyang lumalim ang suliranin.

Bilang tagapag-empleyo, may pananagutan din ang Pamantasan na kilalanin at bigyang-halaga ang mga kawani na patuloy na umaangkop sa pangangailangan ng komunidad. Hindi lamang dapat napapansin ang kanilang dagdag na tungkulin kapag naipaaabot na ito sa publiko; nararapat ding kusang kilalanin ng institusyon ang kanilang kontribusyon, lalo na sa mga sandaling higit sa nakagawian ang ipinauubaya sa kanilang mga balikat.

Pagkilala higit sa pagbigay-pansin

May mga bagay na bahagi na ng ating ordinaryong tanawin hanggang sa hindi na natin tunay na napapansin. Sa likod ng mga serbisyong tila normal na bahagi na lamang ng pang-araw-araw na buhay sa Pamantasan ay ang mga gawaing buong-sikap na isinasagawa, mga oras na inilalaan, at pagod na hindi karaniwang nasasaksihan.

Sa hiwalay na panayam, inilahad ni Hicana na may tendensiya ang mga estudyante na tanging mapansin ang resulta ng trabaho ng mga kawani ngunit hindi ang oras at pagsisikap na nilaan upang makamit ito.

“Hindi natin madalas naiisip kung kumusta sila, ano ang mga ginagawa nila sa buong araw, paano nila hina-handle ang trabaho nila, o kung ano rin ang mga problemang kinakaharap nila,” pagsipat niya.

Payak man kung ituring ang takbo ng isang araw sa Pamantasan, nakakubli ang mga hamong kalakip sa pagpapanatili nito. Mahahabang oras ng pagtatrabaho, pisikal na pagod, at pagharap sa iba’t ibang pangangailangan ng mga mag-aaral ang ilan sa mga kaakibat ng tungkulin ng mga kawani. 

Sa oras ng trabaho ng mga kawani, may mga pagkakataong kailangang isantabi ang sariling pagod upang unahin ang kapakanan ng iba. Sa ganitong tahimik na sakripisyo higit na nasisilayan ang bigat ng kanilang tungkulin — isang paglilingkod na walang tigil na umaalalay sa pang-araw-araw na takbo ng buhay ng mga estudyante.

Hindi naman nangangahulugang kailangang isantabi rin ng mga estudyante ang sariling problema upang mapansin ang pagod ng mga kawani ng Pamantasan. Minsan, kailangan lamang matutong huminto at magnilay-nilay para mas maunawaan ang danas ng mga kawaning nakapaligid sa atin.

Sa halip na makita lamang ang isang guwardiya bilang tagasuri ng bag o ang isang kawani bilang tagapanatili ng kalinisan, maaari silang kilalanin bilang mga taong nagbibigay-serbisyo para sa kapakanan ng komunidad ng FEU.

Maaari ring magsimula ang pagpapahalaga sa maliliit na bagay, tulad ng pagpulot ng sariling kalat pagkatapos ng isang kaganapan, pagtatapon ng basura sa tamang lugar, pagbati tuwing pagpasok at pag-alis sa kampus, o simpleng pasasalamat sa kanila

“Mga maliit na bagay lang ito para sa atin, pero maaari nitong gawing mas madali at mas magaan ang araw nila,” ani Hicana.

Marahil, nagsisimula ang pagkilala sa sandaling matuto tayong lumingon sa mga gawaing madalas nating hindi napapansin at sa mga taong patuloy na gumagawa nito kahit walang nakatingin.

Higit pa rito, ang pagkilala sa kanila ay hindi lamang dapat nagmumula sa mga taong nakikinabang sa kanilang serbisyo. Bilang institusyong kanilang pinaglilingkuran, nararapat ding kilalanin ng Pamantasan ang mga kawani, hindi lamang kapag naipapaalala ang kanilang sakripisyo, kundi sa pamamagitan ng pangangalaga at konkretong pagsuporta sa kanilang kapakanan bilang mga manggagawang araw-araw na bumubuo sa buhay ng FEU.

Ang halaga ng paglilingkod ng mga kawani ay hindi lamang nasasaksihan sa mga panahong higit itong kinakailangan. Sa mga karaniwang araw na maayos at ligtas na nagpapatuloy ang buhay sa Pamantasan, nananatili ang tahimik nilang kontribusyon sa komunidad — bagay na walang pinipiling panahon upang tingnan, kilalanin, at parangalan.

Maaaring hindi sila ang unang naiisip kapag binabanggit ang salitang ‘bayani.’ Walang rebultong itinayo na may nakaukit na pangalan para sa kanila, at hindi rin sila lantad sa mga kuwento ng kabayanihan na paulit-ulit na isinasalaysay.

Ngunit ang kawalan ng bantayog ay hindi nangangahulugang walang bakas ang kanilang paglilingkod.

Hindi man nakatala sa bato ang kanilang mga pangalan, araw-araw naman nilang iniiwan ang kanilang bakas sa mga espasyong ating ginagamit at sa kaligtasang ating inaasahan. Sapagkat ang kabayanihan ay hindi laging matatagpuan sa malalaki o pambihirang sandali — minsan, taglay ito ng mga taong tahimik na kumikilos upang panatilihing maayos ang karaniwang araw ng iba.

(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)