
Tuwing sasapit ang umaga, pinanonood kong magmistulang dasal ang bawat baryang inilalatag ni Inay sa mesa — isa para sa bigas, isa para sa asin, isa para sa pamasahe, at wala para sa pangarap. Sapagkat sa bayang ito, ang mga pangarap ng maralita ay laging unang isinasangla bago pa man matutong lumipad.
Noon, akala ko ay madali lang makakuha ng piso.
Kapag sasama ako kay Inay sa palengke, mahigpit kong hawak ang laylayan ng kaniyang damit habang tila nakikipagdigmaan siya sa bawat puwesto. Nakangiti pa siya noon. Tinatanong kung magkano ang isda, tumatawad sa gulay, at paminsan-minsa’y kinukurot ako sa pisngi kapag may natitira pang barya upang ibili ako ng kendi. Akala ko laro lamang ang lahat. Akala ko normal na pagod lang ang nakaukit sa kaniyang mukha tuwing gabi.
Hindi ko maalala kung kailan nagsimulang maging maluho ang mabuhay.
Marahil noong una kong marinig si Inay na umiiyak sa kusina habang hawak ang listahan ng mga bilihin, o baka noong gabing pinaghati-hatian naming magkakapatid ang iisang piraso ng daing habang sa telebisyon ay may mga lalaking nagtatawanan sa ilalim ng malamig na ilaw, nag-uusap tungkol sa ‘pag-unlad’ na kailanma’y hindi nakarating sa aming bakuran.
Sa bawat pagtaas ng presyo ng bigas, tila may bagong sasakyang bumubusina sa harap ng kanilang mga mansiyon. Sa bawat batang tumitigil sa pag-aaral, may panibagong tarpaulin na nakasabit sa kalsada, may panibagong ngiting sintigas ng semento.
Sabi nila’y magsumikap lamang daw kami, pero paano magsusumikap ang isang batang ang almusal ay kumakalam na sikmura? Paano tatakbo ang paa kung gutom ang buto? Paano mangangarap ang isang isip na gabi-gabing pinapatulog ng pagod at pangamba?
Unti-unti kong natutuhan na sa bansang ito, ang mahirap ay hindi tao kundi isang numero lamang. Pangngalan sa talumpati, mukha sa kampanya, katawang kailangang kawayan sa eleksiyon upang magmukhang may nagmamahal pa rin sa amin.
At nakagagalit isipin na sa murang halaga, kaya pala nilang bilhin ang kinabukasan ng isang bayan.
Galit dahil parang utang na loob naming magpasalamat sa mumong ibinabato nila. Galit dahil tila kasalanan pa naming magutom. Ngunit higit sa lahat, galit dahil ninakaw nila ang pagkabata ko.
Kaya habang lumalaki ako sa mundong kung saan lahat ay may presyo, nagsimula akong mag-ipon — hindi lamang ng barya, pati na rin ng galit. Inipon ko ang bawat gabing nagutom kami. Bawat pagkakataong nakita kong napahiya si Inay sa tindahan dahil kulang ang pambayad. Bawat sermon ng gurong nagsasabing tamad daw ang mahihirap na estudyante. Bawat politikong dumaan sa aming eskinita na parang turista sa museo ng kahirapan — sandaling huminto upang pagmasdan ang aming pagdurusa bago maglaho kasama ng kanilang mga pangako.
Kapag ako’y nasa tamang gulang na upang maunawaan nang lubos ang kabulukan ng mundong ito, babalik ako sa kanila. Dahil ang mga bata’y marunong mangarap kahit ang paligid nila’y yari sa abo.
“At balang araw, mabibili ko rin kayo gamit ang piso ko — kagaya ng pagbili ninyo sa mga pangarap ko.”
- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Darlyn Antoinette Baybayon/FEU Advocate)