Ikaw, at ang kapwa mong mangingibig

FEU Advocate
November 30, 2020 08:08


Ni Mary Evangeline Q.Valenton

Hindi naman buwan ng Pebrero ngayon, ngunit nagtipon ang libong mangingibig sa espasyong magkakaiba ang pinagmulang sektor. Katwiran nila, hindi palaging tamis ang pinag-uugatan ng labis na pagmamahal, maaari ring galit at pananabik na palakasin ang bawat rason kung bakit sila umiibig. 

Tunay na marahas daw ang digma ng pag-iibigang ito, dahil hindi kailanman naging patas ang katunggaling panig. Talo ka kung patuloy mong ililihim ang bugso ng ‘yong damdamin at malinaw namang pagpayag sa pagkabigo ang pananahimik. 

Kung ihahanay ang dalawang uri ng mangingibig sa bayang ito, ang isa’y nagpapaka-bulag at tila inaakap ang mabulaklak na presensya ng kaniyang iniibig, habang ang isa nama’y umaalpas sa makasariling layon nito. Kung ilalagay ito sa konteksto ng dominanteng relasyon, may-isang nanatili at iniinda ang patuloy na pang-aabuso, samantalang ang isa’y handang kumawala sa takot upang iligtas ang kaapihan ng kabilang panig. 

Tila katangahan nga raw ang lumaban sa digmaang una pa lang ay hindi na pabor para sa mga lumalaban, ngunit hindi ba’t higit na mas katangahan ang pinanood lamang ang sariling pasibong tinatanggap ang kaniyang kaalipustahan? 

Taliwas sa konsepto ng romantikong pag-ibig ang pinupunto ko, ngunit ito ang pinakamalapit na pagpapakahulugan kung saan nga ba lumulugar ang oposisyon sa lipunan. Maaaring hanggang ngayo’y kalituhan pa rin ang konsepto nito, ngunit iisa lamang ang nais nitong patunguhan—may laban sa labas ng apat na sulok ng ating kinahihimlayan. 

Tanda ang araw na ito sa kapanganakan ng Ama ng Katipunan, representasyon nito ang legasiyang hindi kailanman nilisan ng presensya ni Andres Bonifacio ang bayan. 

Marahas ang kasaysayan ng kaniyang digmaan laban sa manlulupig, na hanggang ngayo’y sumasalamin pa rin sa kasalukuyang panahon. Patuloy pa rin tayong inaalipusta at niyuyurak ng mapang-aping sistema, kung saan itinuturing na kaaway ang hanay ng mga tumitiwalag na magpaalipin dito. 

Ngunit tulad ni Bonifacio, hindi naging hadlang ang pananakot at limitasyon sa ating kani-kaniyang mga espasyo upang lumaban. Dahil tanda ang mga kamaong nakataas at ang kolektibong boses na pinagsisigawan ang bawat inhustisyang dinaranas ng bawat sektor, na hindi kailanman natapos ang labang sinimulan ni Bonifacio. 

Hangga’t patuloy na nakararanas ng mga pang-aabuso ang mangingibig ng bayan, hindi kailanman ibababa ang mga kamaong lumalaban at patuloy na nilalabanan ang opresyon. Saksi ang bawat pagtitipon at mga karatulang tumatangis ng mga panawagan, na hindi kailanman mabubusalan ang bawat pogresibong layon na nakaukit sa iba’t ibang porma ng pagtutol.

Ikaw at ang kapwa mong mangingibig na kumakatawan sa makabagong Bonifacio, nawa’y huwag kang mapapagod na palakasin pa ang boses ng maralita. Dumating man ang oras na subuking muli ang  direksyon ng iyong pag-ibig, lagi’t laging balikan ang bawat  rason ng ‘yong paninindigan. 

Isa ka rin ba sa libong mangingibig na ito o isa ka ba sa mga lihim na umiibig at hindi pa mahanap ang espasyo nila? Pag-usapan natin 'yan sa vangievalenton@gmail.com