Ang lente ng nakaraan sa kasalukuyan

Ni Misaki F. Koizumi

Sa modernong panahon, hindi praktikal kung ituring ang paggamit ng lumang kamera dahil sa pagiging mabigat at maselan nito. Ngunit ang aparatong minsang itinago sa aparador at kahon ay muling sumisiklab sa kamay ng bagong henerasyon. Mula sa pag-iwas sa lente, ngayo’y sila na mismo ang naghahanap ng munting tagapagtala ng mga alaala sa bawat lakad, salu-salo, at pangkaraniwang araw.

Sa panahong tila walang humpay ang paghahangad sa mas malinaw na lente at perpektong mga kuha, may mga kabataang pinipiling balikan ang mga larawang may butil-butil na tekstura, matinding kislap, at bahagyang sablay na komposisyon. 

Ang mga dating itinuturing na limitasyon ng teknolohiya ay unti-unting naging sariling daluyan ng pagbabalik-tanaw sa mga litratong higit na nararamdaman kaysa nakikita. 

Muling nabuhay ang kislap ng lente

Maging magarbong selebrasyon man o pangkaraniwang araw, likas sa tao ang hangaring magtago ng mga alaalang maaari nilang balikan. Dito nagsimula ang mahabang kasaysayan ng potograpiya — isang uri ng sining at teknolohiyang dumaan sa iba’t ibang proseso ng pagpapalit-anyo bago naging bahagi ng araw-araw na pamumuhay.

Sa paglipas ng panahon, ang mga malalaking kamera ay napalitan ng mas magaang kagamitan, hanggang sa halos bawat makabagong selpon ngayon ay may kakayahan nang kumuha ng larawang may mataas na resolusyon sa isang kisapmata lamang.

Kung tutuusin, tila wala nang dahilan upang balikan pa ang mga lumang kamera. Mas mabilis ang modernong selpon, mas magaan dalhin, at may kakayahang kumuha ng mga larawang halos propesyonal ang kalidad. Hindi na rin kailangan ng SD card upang mag-imbak ng mga litrato, hiwalay na mga baterya, o dumaan sa masalimuot na proseso ng paglilipat ng mga litrato.

Ngunit kabaligtaran ang nangyayari.

Muling masisilayan ang mga lumang kamera sa kamay ng kabataan — mapa-konsiyerto, pagpunta sa café, o tuwing may pagdiriwang sa unibersidad. Sa mga litratong bitbit nito, muling binibigyang-buhay ng kabataan ang isang paraan ng pagkuha ng larawan na minsan nang nalimutan sa pag-usbong ng mas makabagong teknolohiya.

Ang dating itinuturing na kahinaan ng mga aparatong ito ang siya ngayong tinatangkilik dahil sa pagbibigay nito ng kakaibang karakter sa bawat litratong kinukuha. Sa halip na itago ang mga bahid, tinatanggap ito ng bagong henerasyon bilang bahagi ng mga sandaling hindi kailangan maging perpekto upang maging makahulugan.

Higit pa sa isang lumang kamera

Sa likod ng muling pagkahilig sa lumang kamera, higit pa sa hitsura ng mga larawang nalilikha nito ang hinahanap ng kabataan. Sa panahong halos walang pagitan ang pagkuha ng larawan, pag-edit, at pagbabahagi sa iba, nagiging kakaiba ang isang kagamitang may iisang layunin lamang — ang kumuha ng litrato at panatilihin ang sandali.

Para sa mga kabataang gumagamit nito ngayon, ang pagbabalik sa lumang kamera ay pagbabalik din sa isang mas mabagal at intensiyonal na paraan ng pag-alala.

Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Prince Espela, isang student photojournalist at mag-aaral ng programang communication, na higit pa sa nalipasang aparato ang lumang kamera. Para sa kaniya, isa itong kasangkapang humubog sa kaniyang pananaw sa potograpiya at nagpapaalala na ang pagkuha ng larawan ay hindi lamang tungkol sa resulta, kundi pati sa kabuoang proseso ng pagkuha nito.

“Ang digicam [digital camera] ang nag-introduce sa akin sa photographyI believe, ang pinagkaiba talaga ng kuha sa digicam at kuha ng cellphone is ‘yung process. Iba ‘yung kinuha mo lang ‘yung cellphone mo para pitikan, and then iba rin ‘yung kinuha mo ‘yung camera mo para pitikan ‘yung isang moment,” hayag niya.

Sa kabila ng kadalian at bilis ng pagkuha ng larawan gamit ang mga modernong selpon, nananatili ang pagpapahalaga ni Espela sa mga lumang kamera dahil sa kakaibang karanasang hatid nito sa bawat kuha.

“‘Yung camera kasi, it only has one function it can only take pictures. Meanwhile, ‘yung phone camera, marami ka kasing magagawa [ro'n], so parang mas less ‘yung intentionality (Ang kamera kasi, iisa lang talaga ang gamit — para lang kumuha ng mga larawan. Samantala, maraming iba’t ibang bagay na puwedeng gawin sa isang selpon, kaya parang mas nababawasan ‘yung intensiyon sa bawat pagkuha ng larawan),” giit niya.

Sa mga modernong selpon, ang pagkuha ng litrato ay isa lamang sa napakaraming maaaring gawin sa pamamagitan ng iilang pindot, kasabay ng mga social media platforms na madaling humatak ng atensiyon. Isang pindot lamang ang pagitan ng pagkuha ng larawan at paglipat sa panibagong aplikasyon. 

Samantala, mas payak ang karanasan sa mga lumang kamera — walang ibang layunin kundi ang pagmasdan at kunan ang eksenang nasa harap. Dahil hindi kasimbilis at kasindali ng modernong selpon ang pagkuha ng litrato gamit ang aparatong ito, nagkakaroon ng puwang upang huminto.

Hindi basta-basta ang pagkuha ng dose-dosenang larawan; sa halip, pinagmamasdan muna ang paligid, hinihintay ang tamang sandali, at sinusukat ang bawat galaw bago ang pagpitik. Sa ganitong paraan, hindi lamang ang mismong sandali ang nagiging bahagi ng larawan, kundi pati ang proseso ng paghihintay para rito.

Sa panahong bawat eksena ay maaaring kuhanan at agad ibahagi, ipinapaalala ng lumang kamera na may mga sandaling hindi kailangang maisilid sa larawan upang tunay na maranasan.

Ang bawat kuha ay may kuwento

Ang bawat larawang pinipiling kunan ay may kaakibat na pagninilay, paghihintay, at pagpitik sa tamang sandali. Sa lumang kamera, nagiging bahagi ng alaala ang mismong proseso bago pa man mabuo ang larawan. 

Ngunit hindi lamang intensiyonal na estilo ng pagkuha ang naibabalik ng lumang kamera. Sa kabila ng payak nitong teknolohiya, may natatanging kakanyahan ang mga litratong nalilikha nito na hindi karaniwang nakukuha sa malinaw at pinong larawan ng mga makabagong kamera. 

Sa mga imaheng may banayad na ingay at bahid ng kupas, may mga alaalang mas nagiging personal — mistulang mga larawang hinugot mula sa isang lumang album at muling binigyan ng buhay.

Para kay Cathlyn Audrey Adaro na mula rin sa programang communication at isang student photojournalist, ang lumang kamera ay nakapagpapadama ng damdaming matagal nang hinahanap ng maraming kabataan.

Nang balikan niya ang mga lumang larawan ng kaniyang kabataan, muling nabuhay ang kaniyang hangarin na magkaroon ng sariling lumang kamera. Higit pa sa hitsura ng mga naturang larawang, hinahanap-hanap niya ang pakiramdam na kaakibat ng mga sandaling minsang naitala nito.

“Ang naiisip ko talagang word [na maiuugnay sa lumang kamera ay] nostalgia talaga. Napaka-cliché [man] niya pero ‘yon talaga ‘yung feeling na mararamdaman mo kapag gumagamit ka ng digital camera ngayon,” aniya.

Sa pananaw ni Adaro, may dahilan kung bakit muling nahihikayat ang kasalukuyang henerasyon na gumamit ng mga ganitong kamera. Bukod sa natatanging anyo ng mga larawang nalilikha nito, naibabalik sila sa isang panahong mas personal at mas maingat ang paraan ng pagtatabi ng mga alaala.

I feel like the reason kung bakit bumabalik sa generation natin ‘yung paggamit ng mga ganitong camera is because we’re all longing for a time when life was more personal and life has more warmth (Sa tingin ko, kaya muling nahuhumaling ang henerasyon natin sa paggamit ng mga ganitong kamera ay dahil hinahanap-hanap natin ang panahong mas personal ang buhay at mas ramdam ang gaan ng bawat karanasan),” saad niya.

Sa panahon ngayon, madalas nang kaakibat ng pagkuha ng larawan ang pag-iisip kung paano ito maiprepresenta nang maganda sa social media — kung babagay ba ito sa feed, sapat ba ang saturasyon, o kailangan pa bang i-edit bago maipakita sa iba. Ngunit ayon kay Adaro, tila naiiba ang karanasang dala ng lumang kamera. Hindi nito hinihingi ang pagiging perpekto ng bawat kuha. Sa halip, sapat nang itutok ang lente at pindutin ang shutter

We didn’t really have to overthink everything... Kahit medyo blurry ‘yung photo, basta na-capture mo ‘yung moment, masaya ka na (Hindi natin kailangang pag-isipan nang sobra ang bawat bagay. Kahit medyo malabo ang larawan, basta naitala mo ang sandali, masaya ka na),” dagdag pa niya.

Sa ganitong paraan, ang dating itinuturing na kahinaan ng lumang kamera ay nagiging bahagi mismo ng kagandahan nito, sapagkat ang bawat kuha ay nagkakaroon ng sariling karakter na hindi karaniwang nakikita sa lente ng modernong selpon. 

Marahil ay hindi lamang ibang klase ng larawan ang hinahanap ng bagong henerasyon. Bagkus, hinahanap din nila ang pakiramdam ng mga panahong mas personal ang bawat alaala at hindi kailangang maging ideyal ang bawat kuha upang manatiling buhay sa gunita.

Halaga ng mas malinaw na alaala kaysa litrato

Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya, nananatili ang kakaibang halaga ng mga larawang hindi perpekto — mga kuhang hindi agad maaaring ulitin, baguhin, o ayusin. Sa halip, dala ng mga ito ang bakas ng mismong sandali ng pagkuha.

Ngunit hindi rin naman pagiging moderno ang hinahanap ng mga kabataang muling bumabalik dito. Lampas sa estilo ng mga larawang nalilikha nito, may personal na ugnayang nabubuo sa bawat kuha. Sa panahong madaling mapuno ng larawan ang isang selpon na mabilis ding mawala sa pagitan ng iba pang nilalaman, nagiging paraan ang lumang kamera upang mabigyan muli ng espasyo ang mga larawang nais itago at balikan.

Para kay Adaro, higit na malaya ang kaniyang personal na mga kuha gamit ang lumang kamera kompara sa mga larawang kinukuha niya bilang photojournalist. Sa photojournalism, kailangang isaalang-alang ang setting at komposisyon upang maihatid nang malinaw ang kuwento. Kabaligtaran nito, mas simple ang kaniyang paraan ng pagkuha kapag ang layunin ay maitala lamang ang mga sandali ng sarili niyang buhay.

When I take photos of my life, I just point and shoot. I’m there to capture the memoriesSometimes, ‘yung intention ko behind the photo is what really sells it, you know? Parang kumbaga, mas may heart in a way (Kapag kinukuhanan ko ng litrato ang buhay ko, itinutok ko lang ang kamera at kumukuha. Ang gusto ko lang ay maitala ang mga alaala. Minsan, ‘yung intensiyon ko sa likod ng bawat larawan ang siyang nagbibigay rito ng tunay na halaga. Parang mas may puso, kumbaga),” aniya.

Dahil dito, hindi lamang kagandahan ng larawan ang mahalaga, kundi pati ang dahilan kung bakit ito piniling kunan. Sa likod ng bawat kuha ay may sandaling nais balikan, alaala na nais panghawakan, o damdaming nais muling maramdaman.

Ngunit hindi lamang sa aspektong nakikita nasusukat ang halaga ng isang larawan, kundi pati sa kuwentong nasa likod nito. Para kay Espela, dito nagiging personal ang potograpiya — sa pagpili kung aling mga sandali na bagaman lilipas ay nais niyang panatilihin sa pamamagitan ng isang larawan.

Seize the momentI believe na ‘yung main purpose natin dito sa mundong ‘to ay to find things that we enjoy, and ako, personally, I really enjoy photography because it immortalizes a memory (Sulitin ang bawat sandali. Naniniwala ako na ang pangunahing layunin natin sa mundong ito ay ang paghahanap ng mga bagay na nagbibigay sa atin ng saya, at para sa akin, isa rito ang potograpiya dahil binibigyan tayo nito ng paraan upang mapanatili at balikan ang mga alaala),” paglalahad niya.

Bawat kuha ay nag-iiwan ng piraso ng karanasang maaaring mabalikan kahit lumipas na ang mismong sandali. Dahil dito, nagiging higit pa sa simpleng imahe ang kinuhanang larawan; nagiging tala ito ng mga bagay na minsan nating piniling pahalagahan at patuloy na aalalahanin.

Hindi man pare-pareho ang lente ng bawat kamera, iisa pa rin ang layunin ng bawat larawan — ang panatilihin ang mga sandaling hindi na muling mabubuhay. Sa huli, hindi mahalaga kung luma o mamahaling kamera ang iyong gamit. Sapagkat ang tunay na halaga ng isang larawan ay hindi nasusukat sa linaw ng resolusyon, kundi sa kakayahan nitong maibalik ang mga halakhak, yakap, at panahong mananatili na lamang sa nakaraan.