
Ni Ishia Eleanor F. Marquez
Binatikos ng mga progresibong grupo ang imperyalistang Estados Unidos bilang isa sa mga suliraning humahadlang sa pagkamit ng tunay na kasarinlan ng bansa, kasabay ng paggunita sa ika-128 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa kahabaan ng Abenida ng Kalaw kaninang umaga, ika-12 ng Hunyo.
Umiikot ang panawagan sa temang ‘HINDIpendence Day 2026: Ipaglaban ang Tunay na Kalayaan at Demokrasya,’ partikular sa mga problemang kinahaharap ng bansa na kinabibilangan ng kawalan ng tunay na demokrasya, piyudalismo, at mga isyung pang-ekonomiya.
Kabilang sa hinaing ng mga sektor ay ang imperyalistang pamumuno ng United States (U.S.) at Tsina sa Pilipinas at ang ‘pagpapaalipin’ ng Administrasyon sa mga bansang ito ayon kay University of the Philippines (UP) - Open University Student Council Councilor Uno Garcia sa isang panayam ng FEU Advocate.
“Patuloy pa rin sila [ang administrasyon na] nagpapaalipin sa kanila… Imbes na tuligsain nila ang mga gawaing nang-aalipusta sa [mga masang-api sa] Pilipinas ay pinapayagan at tinatangkilik [pa nila] sa iba’t ibang paraan,” aniya.
Kaakibat nito ang sentimyento ng dating bise-presidente ng Kilusang Mayo Uno na si Nhitz Gonzaga na hindi tunay na malaya ang bansa dahil sa kahirapang kinakaharap nito.
“Kaya nga tayo nagra-rally, [dahil] ang mga mulat ay alam na hindi tunay [ang kalayaan]. Niloloko lang ng mga nasa gobyerno ang kanilang sarili — sila malaya magnakaw, tayo ay malaya maghirap,” saad ni Gonzaga.
Nanawagan din si Garcia para sa hustisya sa Toboso 19 at mas maigting na imbestigasyon sa nangyaring insidente sa pagitan ng mga militar at mga biktima.
Tumutukoy ito sa madugong operasyon ng Armed Forces of the Philippines para sugpuin ang mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army sa Toboso, Negros Occidental, kung saan 19 na sibilyan ang nadamay sa engkuwentro noong ika-19 ng Abril.
Kabilang sa mga biktima ang mamamahayag na si RJ Nichole Ledesma at UP Diliman Student Council Research Councilor na si Alyssa Alano.
Para naman sa miyembro ng Panday Sining National na si Pax Minagawa, walang tunay na kalayaan ang Pilipinas hangga’t nakabatay ang mga polisiyang pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa sa U.S., katulad na lamang ng alyansang Pax Silica at batas para sa liberalisasyon ng bigas.
“Bagaman mga Pilipino ang nakatuntong sa ating bansa o nasa puwesto, nananatili pa rin sa interes ng imperialist U.S. ang kanilang pinapairal,” saad niya.
Matatandaang sumali ang Pilipinas sa kasunduang U.S. Pax Silica, kung saan pinangangasiwaan ng Estados Unidos ang malawakang pagkuha ng mga mineral para sa paggawa ng mga teknolohiya katulad ng Artificial Intelligence.
Pinuna naman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang naturang alyansa at iginiit na habang patuloy ang pagbebenta ng likas na yaman sa bansa, nakokompromiso ang kalagayan ng kapiligiran at kabuhayan ng mga Pilipino.
Ayon pa kay Minagawa, mas pinag-iigting ng Pax Silica ang pagdepende ng Pilipinas sa U.S. sa pag-aangkat ng mineryales, habang nawawalan ito ng kakayahang magbenta ng mga likas na materyales sa ibang bansa.
Samantala, ipinasa naman noong 2019 ang Republic Act No. 11203 o Rice Liberalization Law, na nagbigay-daan sa mas maluwag na pag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa kapalit ng pagtaas ng taripa sa importasyon.
Patuloy na binabatikos ng mga magsasaka ang batas bunsod ng epekto nito sa kanilang kabuhayan, kung saan mas lalong bumaba ang kanilang benta ng palay dahil sa dagsa ng importasyon mula sa mga karatig bansa.
Binigyang-diin din ng kinatawan ng Kabataan Partylist na si Atty. Renee Co ang panawagan ng mga Pilipino sa mga repormang nakatuon sa interes ng mamamayan.
“Kailangan natin unahin ang panawagan ng mga mamamayang Pilipino at hindi ng mga dayuhan. Para mangyari ‘yon, dapat magkaroon ng tunay na reporma na tayo [at ang] pambansang industriyalisasyon para sa mga Pilipino [para] may trabaho ang mga sarili nating kabataan,” dagdag ni Co.
Samantala, iginiit naman ng pangalawang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas na si Ronnel Arambulo ang pagsulong ng iba’t ibang reporma para sa kapakanan ng sektor ng paggawa.
“Si Presidente Bongbong Marcos [Jr.] ay [dapat na] kumilos hinggil sa patuloy na implasyon na nagaganap dito sa ating bayan dahil dagdag ito sa pagpapahirap sa mga mamamayan lalo na sa aming mangingisda… Ang isa sa mga nakikita nating paraan… dapat ibasura ‘yung Excise Tax [at] Value-Added Tax ng langis [at] saka ibasura ‘yung Oil Deregulation Law,” aniya.
Tinutulan din ng iba’t ibang sektor at aktibista ang nangyayaring giyera sa Kanlurang Asya, mga kaguluhan sa Senado, kasabay ng panawagan para sa pagtaas ng sahod at wastong alokasyon ng pondo ng bayan.
Orihinal na isasagawa ang programa sa tapat ng Embahada ng Estados Unidos, ngunit hinarangan ng barikada ng kapulisan ang hanay ng mga aktibista at progresibong grupo bago pa sila makaabot dito.
(Kuha ni Nirel Josh Sebastian/FEU Advocate)