Sa likod ng asul na tela

Ni Mikaela P. Sindac 

Tinanggalan ng karapatan sa edukasyon, pinagbawalang ipakita ang sarili, at pinagkaitan ng pagkakataong maging malayang indibidwal. Puwersahang binubura ang karapatang pantao ng mga kababaihan sa Afghanistan sa ilalim ng mapanupil na paniniwala ng mga hayok pagtibayin ang patriyarkal na pamamahala. Habang nagpapakasasa ang mga kalalakihan sa kanilang panibagong uri ng kasarinlan, patuloy naman ang pagkakagapos ng mga kababaihan sa kanilang kasuotang asul na tela.  

Sa muling pagbabalik ng rehimeng Taliban sa panunungkulan, naging pangunahing punterya nito ang pagbubukod ng kababaihan sa lipunan. Naging sunod-sunod ang kanilang pagtalaga ng mga kautusang pinahihintulutan ang karahasan laban sa mga ito. Isang patunay na buhay at dangal ang kapalit ng malubhang tradisyonal na pag-iisip mula noon hanggang ngayon. 

Walang nananalo sa digmaan

Namulat na sa girian ang ibang mamamayang Afghan. Para sa iilan, ito na ang buhay na kanilang kinagisnan at nakagawian. Sa teritoryong maingay mula umaga hanggang gabi, pangamba na ang dala-dala ng biglaang katahimikan para sa mga residente. 

Sa pagbabalangkas ng diskurso sa kalagayan ng Afghanistan, mahalagang talakayin ang grupong matagal nang namumuno sa bansang ito. 

Mula 1996 hanggang 2001, prominente na sa bansa ang Taliban, isang politikal at militanteng grupo na kilala sa mahigpit na pagpapatupad ng Islamic Law sa pinamumunuan nito. Nabuo ito sa layuning supilin ang korapsiyon at karahasan sa kanilang bansa gamit ang mahigpit na pagpapatupad ng kanilang pananampalataya. 

Nakaangkla ang galaw ng kapulungan ng mga ito mula sa bawat ordinansa, deklarasyon, at patakaran sa Sharia, ang pundamental na basehan ng Islamic Law. 

Ngunit ito rin mismo ang dahilan kung bakit kumakaharap ang Taliban ng samot-saring pagkondena mula sa iba’t ibang bansa at progresibong grupo, partikular sa kalupitan nito sa mga kababaihan. 

Sa likod ng imahe ng grupo bilang mga deboto, karahasan laban sa kasalungat na kasarian ang nakapangingilabot na pagkakakilanlan ng mga ito. 

Matatandaang nawala sa panunungkulan ang Taliban dahil umano sa kanilang kaugnayan sa 9/11, ang trahedyang naganap noong ika-11 ng Setyembre 2001 kung saan pinalibutan ng apat na eroplano ang Twin Towers ng World Trade Centre sa New York City upang salpukin ito. Umabot sa 2,977 ang mga nasawi, kabilang na ang mga bihag na pasahero sa loob ng eroplano.

Ito ang naging pangangatwiran ng Estados Unidos upang tuluyang sakupin ang Afghanistan taong 2001. Kaakibat nito ang paghahanap sa kinikilalang nasa likod ng paglusob na si Osama Bin Laden na kasapi ng al-Qaeda, isang militanteng grupo na nakabase sa bansa. 

Dahil dito, naging masidhi ang pag-aasam ng mga kapos sa kalayaan sa ilalim ng dominyon ng mga dayuhan. Nagbunga ito ng pagnanais ng radikal na pagbabago, paghahangad ng panunumbalik ng militarisasyon, at pagsang-ayon sa mahigpit na pagpapatupad ng Islam ayon sa sarili nilang interpretasyon.

Matapos ang 20 taong pakikipagtunggali, nagpasiya ang Estados Unidos na lisanin ang Afghanistan sa ilalim ng isang withdrawal agreement. Sa tuluyang paglisan ng pisikal na presensiya ng mga banyaga sa Afghanistan, naitatag muli ng grupong Taliban ang kanilang saligang-batas alinsunod sa teokratikong pamamalakad. 

Wala pang isang buwan mula nang maupo sa kapangyarihan, naglabas ang grupo ng panukalang magbabago sa takbo ng buhay ng kababaihang Afghan. 

Sa ilalim ng mungkahing batas, ‘pansamantalang’ kinakailangang manatili ang mga kababaihan sa loob ng kanilang tahanan upang maipatupad diumano ang pagbubukod ng kababaihan at kalalakihan — isang nakagigimbal na pahiwatig sa mga susunod pang kaganapan.

Sa paglipas ng panahon, ang pansamantala ay naging dalawang linggo, walong buwan, hanggang umabot ng limang taon. Habang patuloy na pinapaasa ng Taliban na maibabalik pa ang kasarinlan ng mga kababaihan, unti-unti namang binura ang kanilang presensiya sa lipunan.

Sa huli, inaako ng mga ordinaryong mamamayan ang pagkasadlak ng pag-unlad ng Afghanistan. Palaging nag-iiwan ng karumal-dumal na mantsa ang kolonyalismo, lalong-lalo na mula sa imperyalistang bansang palaging nangunguna sa pag-uudyok ng giyera. 

Ang inukit ng nakaraan ang humubog sa sigalot na kanilang pinagdaraanan sa kasalukuyan. Patunay na kaakibat ng usaping kasarinlan ang diskursong heopolitikal at relasyong internasyonal ng mga bansa.

Bughaw ang suot ng mga bilanggo 

Hindi natatapos sa pananatili sa loob ng tahanan ang mapanupil na panukala ng Taliban, bagkus nagsilbi lamang itong panimulang hakbang sa mas malawak na serye ng panggigipit sa kababaihan.

Kasabay ang pangunahing paghihigpit, tinanggalan ng puwesto ang Ministry of Women’s Affair sa ehekutibo. Bunsod nito, nangangahulugang pinamumunuan na lamang ng mga kalalakihan ang gobyerno ng Afghanistan. Datapwat itinaguyod ng ministro ang pagkakapantay-pantay, naging banta naman ito sa ideolohiyang isinusulong ng Taliban — ang tuluyang burahin ang bakas ng kababaihan. 

Dahil dito, lalo pang nagkaroon ng kapangyarihan ang kanilang gobyerno na gawing lehitimo ang pagmamalabis sa kasalungat na kasarian. Naging estratehiya ang unti-unting pagtanggal sa mga karapatan ng kababaihan upang tuluyang supilin ang kanilang kalayaan.

Sa panayam ng FEU Advocate, iginigiit ni Shyra Fantilaga, estudyante ng Agham Pampulitika at miyembro ng Young Women’s Christian Association sa Far Eastern University (FEU), na lantarang pagsasantabi sa mga kababaihan ang ginagawa ng Taliban.

“Ang pagkawala ng Ministry of Women’s Affairs at kawalan ng representasyon ng kababaihan sa pamahalaan ay malinaw na nagpapakita ng political exclusion. Kapag walang kababaihang nakikilahok sa paggawa ng polisiya, nawawala ang perspektiba ng kalahati ng populasyon sa mga desisyong nakaaapekto sa buong bansa. Ayon kay Hanna Pitkin, ang tunay na representasyon ay nangangahulugang naririnig at naisasama ang interes ng iba’t ibang sektor sa proseso ng pamamahala. Kung walang kababaihan sa gobyerno, sino ang magtatanggol sa kanilang mga karapatan at pangangailangan?” saad ng estudyante. 

Bukod pa sa kabalintunaang ito, hanggang ika-anim na baitang na lamang ang edukasyong makukuha ng mga kababaihang Afghan. Matapos ang pangunahing pagkatututo, inaasahan ang mga ito na tumigil sa pag-aaral at manatili na lamang sa loob ng kanilang mga tahanan. 

Taong 2025, humigit-kumulang 2.13 milyong batang babae na nasa edad lima hanggang siyam ang hindi nakakapag-aral, habang umaabot naman sa 2.2 milyon ang kababaihang nasa edad 10 hanggang 19 ang dumaranas ng kaparehong sitwasyon. 

Samakatwid, isinabatas na ang legal na pamamaraan kung papaaano aangkinin ang pagkatao at kinabukasan ng mga kababaihan. Pinahintulutan na ang pagtanggal sa kakayahan nilang mangarap, mag-isip, at mag-asam ng buhay malayo sa dikta ng kalalakihan. 

Para kay Fantilaga, lagpas pa sa usaping pananalig ang mga kaganapan sa bansang nabanggit. 

“Sa aking pananaw, hindi lamang ito usapin ng relihiyon kung hindi usapin ng kapangyarihan at kontrol. Sa kasaysayan, maraming authoritarian governments ang gumagamit ng edukasyon bilang instrumento ng kontrol. Kapag limitado ang edukasyon ng mamamayan, mas nagiging mahirap para sa kanila na kuwestiyunin ang umiiral na sistema o humingi ng pagbabago,” aniya. 

Dagdag pa niya, nagbibigay-daan ang edukasyon upang mahubog ang kritikal na pag-iisip, kamalayan sa sariling karapatan, at kakayahang magsalita. Marahil ito rin umano ang kinatatakutan ng mga namumuno, na ang isang edukadong babae ay may kakayahang magsulong ng pagbabago.

Kasabay ng mga kaganapang ito, ipinagbawal na rin ang mga librong sumusuri sa karapatan ng kababaihan. Kabilang dito ang mga tekstong tumatalakay sa batayang prinsipyo ng demokrasya, kasarian, at iba pang usaping pampulitika na maaaring magpalakas sa kamalayang panlipunan.

Nangangahulugang hindi nahihiwalay ang laban ng kababaihan sa kabuoang laban ng bansang Afghanistan patungo sa mas progresibong estado. Ipinagkakait ng panatismo ang ekstensibong kaunlaran ng bansa sa iba pang sektor ng lipunan.  Inaantala nito ang iba’t ibang uri ng inobasyon, pagtuklas sa makabagong kabatiran, at pag-unlad ng komersiyo. 

Bukod pa rito, kailangang magsuot ng kababaihan ng burka na kadalasa’y asul at tumatakip mula ulo hanggang paa kung aalis ito sa kanilang tahanan. Kinakailangan din na may kasama itong lalaki bago lumabas sa publiko. 

Para sa ibang komunidad ng mga muslim, nagsisilbing kapakumbabaan at identidad ang pagsusuot ng burka. Bagaman simbolo ito noon ng estado sa lipunan, ang pagsusuot nito ang ginamit ng mga kababaihan sa kalagitnaan ng dekolonisasyon upang patatagin ang presensiya ng kanilang kultura. 

Sa kasaysayan, mayroong kalayaan ang kababaihan kung gagamitin ang burka bilang pagpapakita ng paninindigan sa kanilang relihiyon. Bukod pa rito, pag-alma rin ito sa itinatag na pamantayan ng mga banyaga para sa kanila. 

Gayunpaman, hindi nangangahulugang pinahihintulutan ng relihiyong Islam ang pagpapairal ng kalapastanganan. Nakasalalay pa rin ang mga ganitong gawain sa interpretasyon ng mga taong gumagamit ng relihiyon upang bigyang-katwiran ang kanilang mga kilos.

Ang pagsunod sa Islam ay sumasalamin sa kapayapaan, kaluwalhatian, at pagkakaroon ng busilak na puso. Hindi nasasaklaw ng iisang pagpapakahulugan ang kabuoan ng mga aral at diwa nito. Kaya naman tuwing ginagamit ang pagsusuot ng burka bilang uri ng paghihigpit, nagiging taliwas ito sa pangunahing intensiyon ng relihiyon.   

Sa kabila ng mga ito, hindi pa rin natatapos ang pagsugpo sa kalayaan. Pinagbawalan na rin ang mga kababaihan magkaroon ng trabaho. Sa larangan ng medisina, maaaring maghanda upang maging komadrona ang mga kababaihan, ngunit kailangan nilang bumalik sa kanilang tahanan matapos ang dalawang taong pagsasanay.

Bagaman mayroong eksepsiyon ang iba tulad ng mga nars at doktor, ipinatutupad pa rin ang istriktong pagmamatyag sa kanilang kasuotan at kagawian. Nananatili rin ang kanilang pangamba na tuluyan na silang aalisin sa espasyo ng panggagamot sa kalaunan.

Sa hiwalay na panayam ng FEU Advocate, ipinahayag ni Lara Jean Paulino, mag-aaral ng Occupational Therapy sa Perpetual Help College of Manila, ang kaniyang pagkabahala sa pagkawala ng lugar sa medisina ng mga kababaihan

“Para sa akin, napakalaki ng importansiya ng mga kababaihan sa larangan ng healthcare. Bagaman ang healthcare ay isang propesyon na walang kinikilalang kasarian at maaaring gampanan ng kalalakihan o sinuman sa ating lipunan, mayroon pa ring mga katangian ang kababaihan na hindi maikakaila na napakahalaga sa ganitong uri ng trabaho. Isa na rito ang dedikasyon, pagmamahal sa paglilingkod, pagiging maalaga, at malalim na pag-unawa sa kapuwa,” saad ng estudyante. 

Ipinaliwanag din ni Paulino ang tanyag na katangian ng kababaihan sa ganitong uri ng trabaho. Para sa estudyante, hindi angkop ang tuluyang pagtanggal sa kababaihang naghahatid ng kaginhawaan at kalunasan. 

“Isa sa layunin ng aming propesyon ay tulungan ang aming mga kliyente na maibalik ang kanilang kakayahang mamuhay nang makabuluhan. Madalas kaming makisalamuha sa mga bata, at sa ganitong sitwasyon, kinakailangan ng maraming pasensiya, pagkamalikhain, at tamang paraan ng pakikitungo. Kinakailangan ng sensitibong pag-iisip, mahinahong pananalita, at pag-unawa upang maibigay ang tamang interbensiyon sa aming mga kliyente. Mayroon ding mga bata o matatandang kliyente na mas komportable kapag babae ang kanilang therapist dahil mas madali silang magtiwala at magbahagi ng kanilang nararamdaman,” aniya. 

Dagdag pa ni Paulino, lubos na maaapektuhan ang mga taong nangangailangan ng serbisyo at pag-aaruga kung tuluyang mawawala ang mga kababaihan sa propesyon. Marami rin umanong pasyente ang maaaring mawalan ng pagkakataong makatanggap ng pangangalagang naaayon sa kanilang pangangailangan at kaginhawaan.

Kaya naman ikinakatakot na ang muling pamumuno ng Taliban ang kikitil sa pag-usbong ng panibagong henerasyon. Hindi na lamang ito usaping pagsunod sa utos ng kanilang Maykapal, bulag itong pananampalataya na pinag-ugatan ng pagiging gahaman ng isa’t isa. 

Taliwas sa ibinabandilang katatagan ng patriyarkal na lipunan ng Afghanistan, kabiguan at kahinaan ang inilalarawan nito. Hindi maisasalba ng pagkukunwaring deboto ang kaluluwang matagal nang nabubulok sa pagkasahol. Hangga’t naghihingalo ang mga kababaihang Afghan sa likod ng asul na tela, hindi kailanman maituturing ang Taliban bilang dakila.

Pakikibaka ng buong mundo para sa peminismo 

Hindi nagtatapos sa hangganan ng Afghanistan ang sistematikong panunupil sa kababaihan. Kinakailangang patuloy itong pag-usapan sa lansangan, mga talakayan sa paaralan, kumperensiya sa pamahalaan, mga pagtitipon, at iba pang uri ng diskusyon kung saan maiaangat ang kanilang boses at kalagayan. 

Sapagkat hindi mailalayo ang mga pangyayaring ito sa kahihinatnan ng mga bansang unti-unting pinamumunuan ng mga ganid sa kapangyarihan. Insulto sa kabuoang adbokasiya ng peminismong inilaban sa loob ng ilang dekada ang pananahimik ukol sa usaping ito. Pagkampi rin ito sa salarin ng pang-aabuso at pagsang-ayon sa kapangahasan ng Taliban. 

Ngayong taon, dinagdagan pa ng Taliban ang batas na tahasang mapang-abuso. Ipinatupad ng kanilang pamahalaan na maaaring saktan ng kalalakihan ang kanilang mga asawa at maaari nila ito pagbuhatan ng kamay basta hindi umano mababali ang buto nito at hindi mag-iiwan ng bukas na sugat. 

Kung itataaas ng biktima ang kaniyang kaso sa korte suprema, aabot lamang ng 15 araw ang karampatang parusa na ihahatol sa nang-abuso sa kaniya. Labinlimang araw para sa habang-buhay na pinsala sa dignidad, puri, at dangal. Labinlimang araw para sa pagyurak ng karapatan at integridad. Labinlimang araw bilang pakonsuwela para sa kawalan ng hustisya. 

Kaya naman para kay Fantilaga, nawawalan ng saysay ang mga patakaran kung hindi na nito nabibigyan ng proteksiyon ang pinagsisilbihan nito. 

“Ang ganitong [batas] ay magdudulot ng mas mataas na antas ng domestic violence, trauma, takot, at kawalan ng tiwala sa sistemang panghukuman. Kapag alam ng biktima na hindi siya poprotektahan ng batas, mananahimik na lamang siya. Kapag ang estado mismo ang nagbibigay ng legal na espasyo para sa pang-aabuso, nawawala ang legitimacy nito bilang tagapangalaga ng hustisya at karapatang pantao,” aniya.

Buong diin ipinamumukha ng Taliban ang lantad na pagkawala ng pag-asa tuwing pinapawalang bisa nito ang parusa sa karahasan. Pagbabanta ito na iisa lamang ang kasasapitan ng pananahimik at paglaban. 

Sa kasalukuyan, matapang na lumalaban ang mga kababaihang Afghan habang isinasaalang-alang ang kanilang kaligtasan. Patuloy rin ang kanilang pagpoprotesta sa mga lansangan dala-dala ang hinaing ng kanilang kapuwa kababaihan, nangangahulugan man itong kinakailangan nilang lisanin ang sariling bansa bilang parusa. 

Bilang pag-aklas sa mapaniil na sistema, nagsunog ng burka sa kalsada ang ibang kababaihan bilang matapang na paglaban sa Taliban. Pagkatapos nito, sumugod ang mga sundalo sa tahanan ng mga nakilahok sa kilos-protesta upang ihatol sa mga ito ang karampatang parusa na kamatayan. 

Sa kasalukuyan, napilitan tumakas sa ibang bansa ang iba sa kanila bunsod ng takot at pangamba. Kaya naman inuudyok ni Paulino na makialam at makisangkot ang mga Pilipino upang makarating pa sa mas malawak na usapin ang pagsusumamo ng mga kababaihan.

“Tama na ang pang-aabuso at diskriminasyon. Ang bawat babae ay may karapatang mabuhay nang may dignidad, seguridad, at kalayaan. Mahalaga [na] magkaroon tayo ng kamalayan kahit hindi natin kapitbahay na bansa ang Afghanistan. Kapag mas maraming tao ang nakakaalam sa kanilang sitwasyon, mas lumalakas ang panawagan para sa kalayaan at katarungan. Nagiging paalala rin ito sa atin na ang ganitong uri ng pang-aapi ay maaaring mangyari sa anumang bansa kung pababayaan natin ito,” pahayag niya. 

Patunay ang patuloy na pang-aalipin ng Taliban na hindi sapat ang pagkakaroon ng mga batas kung ang mismong estado ang lumalabag sa mga karapatang dapat nitong pinangangalagaan.

Hangga’t may kababaihang pinagkakaitan ng kakayahan at pagkakataong magpasiya, mag-aral, at mabuhay nang malaya, nananatiling pananagutan ng pandaigdigang komunidad ang makialam, makinig, at makiisa sa kanilang pakikibaka.

Banta sa karapatang mabuhay ng mga kababaihan ang eksistensya ng Taliban sa pamahalaan. Sa kalaunan, hindi na lamang mapanupil na batas ang isisiwalat ng mga mamamahayag kung hindi ang pagkawala ng daan-daang buhay. 

Kung buhay ang kapalit sa paglaban, darating ang panahon na tuluyan nang maglalaho ang bakas ng kababaihan sa bansang Afghanistan. Sa susunod, maaaring maging hudyat na ito sa mga bansang may kaparehong baluktot na adhikain na sumunod sa yapak ng mapanupil na rehimen.

Hindi na dapat pagdebatehan kung nararapat ba ang ginagawa ng Taliban. Walang anumang ideolohiya, kultura, o paniniwala ang makapagbibigay-katwiran sa mga patakarang kumikitil sa dignidad, kalayaan, at karapatan ng sinuman. At kung relihiyon ang rason sa likod ng pamamalakad, hindi ito dapat magsilbing tabing upang gawing lehitimo ang pag-abuso sa kapangyarihan. Isauli ang kasarinlan ng kababaihang Afghan hangga't maging simbolo na ng pag-agos ng asul na tela ang kanilang pagiging ganap na malayang mamamayan.