
Nina Dianna Grace Carina at Bianca Camille Bumatayo
Sa usaping pagpapababa ng edad ng pananagutang kriminal, hindi kailanman maitutuwid ng mga numero ang karahasan kung patuloy na iiral ang baluktot na sistema ng katarungan. Dahil sa mata ng lipunan, tila nananatiling malabo ang implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 sa kabila ng makabuluhang pundasyon nito.
Binuksan ng sunod-sunod na insidenteng kinasangkutan ng mga kabataan ang diskusyon na muling rebisahin at siyasatin ang edad ng pananagutan. Kalakip ng mga usaping ito ang muling pag-usbong ng mga tanong hinggil sa kasalukuyang implementasyon ng batas: edad nga ba ang tunay na problema o pagpapatupad nito ang higit na nangangailangan ng reporma?
Hustisyang pandayan ng kabataan
Sa nagdaang mga taon, hindi na naalis ang samot-saring krimen sa bawat sulok ng bansa. Sangkot sa mga ito maging ang mga bata, na tila bakas na sa sistema na walang pinipiling edad ang paglabag sa batas.
Nang maipasa ang Republic Act (RA) No. 9344 o mas kilala bilang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, naging batayan ito upang ibaba ang pananagutang edad na 15 anyos tungo sa 10 anyos.
Nagsulong ito ng hiwalay na balangkas ng pananagutan para sa mga kabataang lumalabag sa batas habang binibigyang-diin ang rehabilitasyon at interbensiyon. Sa gitna ng pagsasagawa nito, isinasailalim ang menor de edad sa isang individualized treatment program na naaayon sa kaso at pangangailangan nito.
Lumipas man ang 20 taon, hindi maikukubli ang alarmang dulot ng iba’t ibang kaso at krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan. Naging hudyat ito upang muling kilatisin ng gobyerno ang umiiral na sistema at ang kakayahan nitong tugunan ang kabataan pati ang kaakibat nilang pananagutan.
Kasabay ng paglitaw ng sunod-sunod na krimeng kinasangkutan ng kabataan kamakailan, muling umigting ang panawagang sipatin ang umiiral na balangkas ng pananagutang kriminal. Nabuksan ang diskusyon at pagsisiyasat sa mga kinakailangang rebisyon ng batas upang matugunan ang karahasan.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Senador Robinhood ‘Robin’ Padilla na ibaba ang edad ng pananagutang-krimen sa 10 anyos mula sa 15 anyos, matapos ihalintulad sa sistemang ipinatutupad sa ilang bansa sa Europa.
Gayunpaman, hindi sapat ang pag-angkop sa ibang modelo kung nananatiling may matinding pagkukulang ang sariling gobyerno ng Pilipinas. Hindi maitutuwid ng simpleng pagpapababa ng edad ng pananagutan ang isang sistemang nananatiling mahina sa rehabilitasyon, interbensiyon, at sama-samang patnubay at gabay sa mga kabataan.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Ma. Alanna Kaye Balbuena, isang Legislative Staff Officer IV ng House of Representatives (HOR) at gradweyt ng Master of Family Life and Child Development, ang sarili nitong pananaw hinggil sa implementasyon ng RA 9344.
“Mahalagang maipatupad nang maayos ang Juvenile Justice and Welfare Act dahil kinikilala nito na ang mga kabataang nagkasala ay may kakayahang magbago kung mabibigyan sila ng tamang gabay, edukasyon, at pagkakataon upang makapagbago,” saad niya.
Maituturing na nakaangkla sa prinsipyo ng ‘restorative justice’ ang RA 9344 sapagkat isinusulong nito ang pananagutan sa pamamagitan ng rehabilitasyon sa halip na mapatawan ng agarang parusa ang nagkasala.
Pinapanagot nito ang bata sa ginawang kilos habang itinutuwid ang pagkakamali. Kaakibat nito, may pananagutang sibil ding kinakailangang pagbayaran ng mga magulang o tagapangalaga ng menor de edad dahil sa kanilang kapabayaan.
Gayunpaman, itinuturing ito bilang pananggalang ng mga menor de edad upang makatakas sa pananagutan sa kasalanang kinasangkutan. Sa pananaw ng karamihan, nagiging rason ito para sa mga kabataan na gumawa ng labag sa batas habang ginagamit naman ito ng iba bilang daan upang impluwensiyahan ang mga menor de edad na gumawa ng masamang kilos at pagpapasiya.
Sa hiwalay na panayam ng FEU Advocate, inilahad ni Giovanni Atendido, isang Registered Guidance Counselor at guro sa Far Eastern University, ang kaniyang saloobin tungkol sa perspektiba ng mga kabataan sa nasabing batas.
“[Maaaring] mas maintindihan ng mga kabataan ito kung may tama at iba’t ibang pamamaraan ng pagbabahagi [ng] impormasyon at pagpapaliwanag,” aniya.
Malinaw na nakasaad sa batas na may pananagutan ang bawat batang nagkasala at may ginagampanang tungkulin ang iba’t ibang sektor ng gobyerno at komunidad upang ilayo sila sa impluwensiya ng krimen, ngunit patuloy pa rin ang pagkakasangkot ng kabataan sa ganitong gawain.
Kung edad pa rin ang pagbabasehan upang tugunan ang suliranin, mananatiling malabo ang sentrong layunin ng batas. Sapagkat hindi kailanman magiging sapat ang isang solusyon para punan ang sistematikong pagkukulang ng gobyerno.
Sistemang nakagisnan ng lipunan
Mula sa umusbong na iba’t ibang kaso ng kabataan na nakagawa ng mabibigat na krimen, unti-unti ring lumilitaw ang kahinaan sa pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006. Hindi lamang ito isang batas na inilathala para sa mga kabataang naligaw ng landas, kung hindi isa ring alarma para sa lipunan upang siyasatin muli ang nakasanayang sistema.
Sa kasalukuyan, hindi maikakaila na malaki ang impluwensiya ng RA 9344 sa mga kabataan. Ayon kay Balbuena, magbubunga lamang ang hindi maayos na pagpapatupad ng mga suliraning taliwas sa layuning itinaguyod ng batas.
“Ang batas ay maaaring hindi makamit kung ang mga rehabilitation center, mga propesyonal, pondo, at mga programang nakabatay sa komunidad ay kulang. Maaaring mayroon ding maling paniniwala na ang mga kabataan ay hindi na napapanagot para sa kanilang mga paglabag,” aniya.
Isa sa mga karaniwang maling paniniwala ukol sa mekanismo ng batas ay ang wala umanong kinahaharap na kaparusahan ang mga menor de edad. Subalit sa katunayan, hindi inaalis ng batas ang pananagutan, bagkus isinusulong ang rehabilitasyon sa pamamagitan ng mga programang interbensiyon at dibersiyon na angkop sa kanilang edad at kalagayan.
Bukod pa rito, saklaw rin ng batas ang iba’t ibang sektor na bumubuo upang ilayo ang mga bata sa paggawa ng aksiyong labag sa batas. Kabilang na rito ang pamilya, paaralan, at pamahalaan bilang pundasyon sa pagkalinga sa kapakanan ng mga kabataan.
Samakatwid, binigyang-diin din ni Balbuena ang kakulangan ng kolektibong aksiyon at pagtutulungan ng mga responsableng sektor sa paggabay, pag-aaruga, at pagtiyak sa pinakamainam na interes ng mga bata.
“Sa aking obserbasyon, kulang ang koordinasyon ng paaralan, pamilya, barangay, at mga ahensiya ng gobyerno dahil hindi palaging maayos ang pagbabahagi ng impormasyon at pagtutulungan sa pagtukoy at paggabay sa mga kabataang nasa panganib,” puna niya.
Kaugnay ng usaping ito, nakabatay ang batas sa multisectoral approach kung saan nagtutulungan ang iba’t ibang institusyon sa pagprotekta, paggabay, at rehabilitasyon ng mga kabataan. Kung kaya’t unti-unti nagiging malinaw na kailangan kilatisin ang implementasyon ng batas.
“Madalas na walang follow-up at sapat na suporta pagkatapos ng mga intervention, na humahantong sa mga kabataang bumabalik sa mga maling impluwensiya. Bukod pa rito, mayroong mga limitasyon sa access sa mga serbisyo sa counseling, mental health services, mga programa sa livelihood para sa mga magulang, at mga positibong aktibidad tulad ng pagsasanay sa mga laro, sining, at kasanayan,” dagdag ng kawani ng HOR.
Bunsod ng mga saloobin hinggil sa paksang ito, isang mabusising diskusyon ang nararapat na isagawa ng pamahalaan upang simulan ang maayos at kapaki-pakinabang na pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Maliban sa mahinang implementasyon, hindi maikakailang may iba pang salik na nakaaapekto sa paghubog ng mga kabataan na dapat sana’y pinangasiwaan nang wasto. Kabilang na rito ang lumalawak na impluwensiya ng teknolohiya, digital media, at pagkonsumo sa mga nilalaman ng internet na hindi angkop sa kanilang edad.
Kaya mula sa lente ng sikolohiya, ipinaliwanag ni Atendido ang epekto ng teknolohiya, lalo na ang paggamit nito nang lampas sa akademikong pangangailangan ng mga kabataan at ang kakulangan ng paggabay mula sa mga magulang.
“Hindi naman masama ang teknolohiya, nagiging masama ito kung kahit sino sa atin ay nawawalan ng kontrol sa [paggamit] at hindi natin alam [kung] paano gamitin ang mga ito [nang] tama. Ang mga kabataan ngayon, sila ay nasa digital era, [kaya] natural na para bang likas sa kanila na marunong gumamit ng mga ito ngunit kung sa kakulangan ng patnubay, [presensiya] at pagpapaliwanag ay wala sila, maaaring magdulot ito ng masama o kapahamakan,” saad ng guro.
Ipinahayag ni Atendido na likas na may mahalagang bahagi na ang teknolohiya sa buhay ng mga kabataan. Kaya’t kinakailangan talaga ang kaalaman nila hinggil sa digital literacy upang maging mas mapanuri at mulat mula sa mga posibleng kapahamakan sa internet.
Sa kabuoan, malinaw na tinatalakay ng usaping ito ang kahalagahan ng pagpapalalim ng mas mabisang pagpapatupad ng RA 9344. Binibigyang-diin nito ang makabuluhang pagtugon sa kaayusan at kapakanan ng mga kabataan upang malihis sa anumang uri ng impluwensiya ng kapahamakan.
Timbang ng katarungan
Sa mga nagdaang taon at sa iba’t ibang administrasyong humawak ng mga kasong paglabag ng RA 9344, ipinahihiwatig na kinakailangang tibagin ang nakagisnang sistema para sa mas mabisang panunungkulan ng batas.
Sumasalamin sa mapait na reyalidad ang mga insidenteng kinasasangkutan ng kabataan sa anumang edad kung walang sapat na impluwensiya at gabay. Nauunawaan man o hindi ng mga bata ang ikinilos, hinubog pa rin ng komunidad ang kanilang murang kaisipan.
Pabababain nga ang edad ng pananagutang kriminal, ngunit wala namang aksiyon ang pamahalaan upang mapataas ang kalidad ng pagpapatupad ng batas at ang pagpapalawig ng proteksiyon sa mga kabataang bunga ng kapabayaan.
Dahil dito, pabor si Balbuena na muling suriin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng RA 9344 para sa mas malinaw at akmang implementasyon ng batas para sa mga kabataan.
“Kinakailangang baguhin ang batas upang ito ay naaayon sa lipunan at tumugon sa mga bagong problema na kinakaharap ng mga kabataan. Maraming pagbabago ang naganap sa lipunan mula nang ipatupad ang batas noong 2006. Kabilang dito ang paglago ng teknolohiya at social media, pati na rin ang iba pang mga salik na maaaring makaapekto sa pag-uugali at pagkakasangkot ng mga kabataan sa kriminal na aktibidad,” paliwanag ni Balbuena.
Ipinahihiwatig nito na hindi pagtalikod sa mga karapatan at proteksiyon ng mga menor de edad ang muling pagsisiyasat sa batas, kundi isang hakbang upang iwasto ang mga puwang sa pagpapatupad nito.
Sa ganitong paraan, higit na mapagtitibay ang rehabilitasyon ng mga kabataang nagkasala nang hindi isinasantabi ang pagkakaloob ng katarungan sa mga biktima.
Sang-ayon din si Atendido na muling suriin ang batas upang maiangkop sa kasalukuyang konteksto ng lipunan ang mga maaaring maging solusyon upang patibayin ito.
“Para sa akin, tama naman ang mga nakasaad sa batas. Tama [rin] na muli itong siyasatin dahil nagbabago ang panahon na nakakaapekto sa pagkilos ng mga kabataan. Pero bilang isang nasa mundo [ng] sikolohiya, maaaring mas bigyan ng pansin kung paano tutugunan bilang isang bansa ang pagpapatibay ng [estruktura] ng pamilya na siyang pinagmumulan ng bawat isa sa atin at sa kung paanong ito ay humuhubog sa pagkatao natin,” pahayag ng guro.
Higit pa sa usapin ng edad ng pananagutan, sinusukat ng Juvenile Justice and Welfare Act ang kakayahan ng estado na isabuhay ang mga prinsipyo nito. Walang saysay ang batas na kumikilala sa rehabilitasyon kung hindi ito nasasabayan ng kongkretong suporta at pananagutan sa pagpapatupad.
Hindi lamang batas ang dapat litisin, kung hindi pati ang sistemang bigong isakatuparan ang layunin nito. Kung mananatiling mababaw ang pagpapatupad ng RA 9344, mananatiling mailap ang tunay na rehabilitasyon at ang hustisyang nararapat sa kabataan at sa lipunan.
Maliban sa mahinang implementasyon ng batas, higit na humahadlang sa layunin nito ang kakulangan ng responsableng patnubay ng mga magulang sa tahanan, mga guidance counselor sa paaralan, mga serbisyong pangkalusugang pangkaisipan sa komunidad, at ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at ng mamamayan.
Bilang pinakamahalagang yunit ng lipunan, responsibilidad ng gobyerno na tulungan ang bawat pamilya na hubugin ang mga kabataan tungo sa tuwid na landas at kilalanin ang pagpapatibay ng counseling bilang isang tulay sa pagpapaunlad ng pagkatao.
Sa pagpapatupad ng mas mabisang implementasyon ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, hindi lamang bigat ng parusa ang kailangang tugunan ng pamahalaan. Higit sa lahat, ang kapakanan at kaayusan ng kabataan ang nararapat na isaalang-alang dahil karapatan nila ang lumaki sa isang lipunang ligtas at walang anumang impluwensiya ng karahasan.