
Sa wakas ay nakaupo ka rin. Malayo pa ang iyong uuwian, ngunit nandito ka pa rin sa paradahan, naghihintay sa bus na dapat kanina pa dumating. Bakas sa mukha ng ibang pasahero na hindi lang ikaw ang pagod at inaantok.
Upang malabanan ang antok ay ibinaling mo ang iyong pansin sa sigla ng trapiko sa labas ng paradahan, ngunit nainggit ka lamang sa mga sasakyang malaya kang nilalagpasan.
Napabuntong-hininga ka. Kahit ano ay ibibigay mo magkaroon ka lamang ng sariling kotse. Para naman hawak mo ang oras ng iyong pag-uwi. Para may maipaglalagyan ka ng mabibigat mong gamit. Para hindi ka humihikab na naghihintay ng bus.
Habang lumalalim ang iyong pagmumuni-muni, gumagaan ang kapit mo sa iyong dala at unti-unti kang dinadaig ng iyong antok…
Beep-beep!
Dumating na ang iyong bus! Ngunit… parang may nagbago? Hindi ganito ang hitsura ng bus na nakasanayan mo.
Pinanood mo ang ibang pasahero na tumitigil sa tabi ng drayber bago umupo. Sa drayber ba magbabayad ng pamasahe sa bus na ito?
Nagugulumihanan man, nangalkal ka pa rin ng perang pamasahe, ngunit wala kang mahalungkat ni singko, at sa halip ay Beep Card ang nailabas mo. Lumingon ka sa likuran mo at napalunok na lamang sa hiya.
“Mawalang-galang na ho,” tanong mo sa isang matandang lalaki. “Maaari po ba akong makahiram ng pamasahe mula sa inyo? Wala po pala akong dalang pera ngayon.”
Tila nalito ang matanda sa tanong mo. “Pamasahe? Pero mayroon ka naman niyan,” sabay turo sa iyong kard.
“Ha? Eh hindi naman ho ito gumagana sa bus.”
Ngumiti lamang ang matanda, at itinuro ang isang munting makina sa tabi ng drayber. Itinapik mo rito ang iyong kard, at umilaw ito ng berde. Napansin niya ang iyong gulat ngunit humagikgik lamang siya.
Napaupo ka sa kaniyang tabihan habang tinititigan ang iyong Beep Card. Nabaha ng tanong ang iyong isipan, ngunit hindi mo alam kung saan magsisimula.
Noong handa nang bumuka ang iyong bibig, tumigil ang bus sa may tabing-dagat. Bumaba ang matanda, at sinundan mo siya patungo sa isang bangkong nakaharap sa dalampasigan. Matatanaw mula roon ang paglubog ng araw at ang mga taong lumalangoy sa tubig.
“Mukhang may gusto kang itanong, bata. Ano iyon?” bati sa iyo ng matanda.
Hindi mo alam kung anong uunahin mong tanungin. Kailan pa po puwedeng gumamit ng Beep Card sa bus? Nasaan po tayo? Kailan pa po nagkaroon ng paradahan ng bus sa tabing-dagat na ito?
Sa huli ay naunahan ka ng kaba at umiling ka na lamang.
Ngumiti ang matanda. “Bago tayo umalis dito, gusto mo bang sumakay ng funicular?”
“Funicular? Ano ho iyon?” tanong mo.
Itinuro niya ang isang karwaheng paakyat sa gilid ng bundok. “Gumagana ang kard natin diyan.” Papayag ka na sana ngunit may napagtanto ka. “Ngunit paano ho kung naiwanan tayo ng huling biyahe ng bus? Paano tayo makakauwi?”
“Bata,” sagot ng matanda.
“Darating ang bus bawat oras hanggang hatinggabi. Hindi ka maghihintay sa wala.”
Hindi ka makapaniwala sa panibagong kapangyarihan ng iyong Beep Card, mas lalo na ngayon at nalaman mong nagagamit pala ito sa lahat ng pampublikong sasakyan.
Habang paakyat ang karwahe, unti-unting lumilitaw ang siyudad sa malayo at kumikislap na mga gusali sa paglubog ng araw. Sa kauna-unahang beses sa iyong buhay, hindi mo inalintana ang trapik at ang siksikan ng mga tao sapagkat alam mong makakauwi ka sa tamang oras. Dinama mo ang hugis ng kard sa iyong bulsa.
Napaupo ka sa bigat ng napagtanto mo.
Hindi pala sasakyan ang nais mo. Gusto mo lang pala ng masasakyan.
“Bata. Bata. Bata!”
Napabalikwas ka. May isang matandang lalaking umuuga sa iyong balikat.
“Paalis na iyong bus, hindi ka ba sasakay?” tanong niya sa iyo. Bakit ka narito muli sa paradahan ng bus?
Tumuntong ka sa bus buhat-buhat ang mabigat mong gamit, ngunit sa halip na munting makina ang madadatnan mo sa tabi ng drayer, isang nauurat na konduktor ang naroon. Umupo ka sa dulo ng bus.
Namighati ka sa bigat ng iyong napagtanto. Dinama mo ang iyong bulsa — wala kang mahalungkat na Beep Card, at sa halip ay barya lang ang nakapa mo.
Kahit ano ay ibibigay mo magkatotoo lamang ang panaginip mo.
- Micah Seiri
(Kuha ni Melvin James Urubio/FEU Advocate)