
Ni Gabrielle Amber G. Bellosillo at Jenselle A. Muñoz
#AdvoExclusive: Kasabay ng paghahanda ng Far Eastern University (FEU) sa nalalapit na panibagong yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) para sa Season 89 ang masinsinang preparasyon at paghubog sa mga atletang Tamaraw mula sa iba’t ibang larangan. Higit pa sa mga kampeonato, medalya, at papuri, unti-unting nabubuo ang kahulugan ng berde at ginto: isang pagkakakilanlan na kanilang ipinagmamalaki sa bawat laban.
Bilang tahanan ng panibagong simula ng UAAP, binubuksan ng Unibersidad ang isang pagkakataon para sa mga atletang lulan ang berde at ginto — isang hantungan kung saan mahuhubog ang pagkakakilanlan ng bawat Tamaraw at magiging higit na makabuluhan ang karangalang ipaglaban ang pangalan ng kinakatawang Pamantasan.
Pakikipagbuno sa buhay-atleta
Bawat bagong pangalan ay may dalang sariling pangarap at pakikibaka. Subalit sa sandaling maisuot ang berde at ginto, ang mga personal na paglalakbay ay nagiging bahagi ng mas malaking salaysay ng isang atletang Tamaraw — mga bagong mukha na haharap sa sariling laban at magpapatuloy sa kuwentong nauna nang isinulat ng koponan.
Mula sa pagiging Baby Tamaraw hanggang sa pagbitbit ng mas mabigat na gampanin bilang forward ng FEU Men’s Basketball, unti-unting lumawak ang entabladong kinatatayuan ni Marc Daniel Burgos. Tinapos niya ang kaniyang karera sa FEU Diliman tangan ang karangalang Most Valuable Player (MVP) sa 3x3 U-19 division.
Gayunpaman, ang susunod na yugto ay nangangailangan ng panibagong tapang, disiplina, at kahandaang makibagay. Mula sa pamilyar na mundo ng Baby Tams, haharap siya ngayon sa mas malawak na larangan ng mga Tamaraw — isang pagsubok sa kaniyang kakayahang makisalamuha.
Sa panayam ng FEU Advocate, ibinahagi ni Burgos ang kaniyang karanasan sa pagharap sa panibagong antas ng laro. Para sa kaniya, dala ng pagiging rookie ang hamon na mahanap ang sariling puwesto sa hanay ng mga batikang manlalaro. Sa prosesong ito, naging sandigan niya ang disiplina sa pagsasanay, gayundin ang pagharap sa mga bagay na wala sa kaniyang kontrol.
“Lahat naman ng player nakakaramdam ng pressure pero nasa ’yo na [‘yon] kung paano mo iha-handle. Especially rookie year ko, mas naging disiplinado ako sa bawat game at pinagtatrabahuhan ko ito,” wika niya.
Bawat pagsabak ni Burgos sa court ay nagsisilbing panibagong pagkakataong matuto at mapatunayan ang kaniyang sarili sa antas-kolehiyo. Sa kabila ng pamilyar na responsibilidad bilang atleta, taglay niya ang tiwala sa sarili at ang bunga ng puspusang pagsasanay sa pagharap sa panibagong kabanata, habang unti-unti niyang hinahanap ang kaniyang lugar bilang isang homegrown Tamaraw.
“Expect niyo lang po na gagawin ko ‘yung best ko every game and kung ano man [ang] kalabasan ng laro, good or bad game man ‘yan, mahalaga [ay] ginawa ko ‘yung best ko para sa team,” saad ng MVP.
Dahil dito, patuloy na pinipili ni Burgos na pagbutihin ang kaniyang talento at kakayahan. Tulad niya, tangan din ni Jecel Vivas, manlalaro ng FEU Track and Field, ang hangaring umunlad sa kaniyang sariling larangan.
Bilang kampeon sa 400 at 100-meter hurdles at Rookie of the Year noong nakaraang season ng UAAP at gold medalist sa Southeast Asian U18 and U20 Athletics Championships, nakilala si Vivas bilang isa sa mga tanyag na manlalaro ng Pamantasan.
Ngunit higit pa sa mga medalya at tropeo, isang kuwento ng sakripisyo ang nagtulak sa atleta na magpursigi sa pagkamit ng kaniyang mga pangarap.
Sa bawat hakbang ni Vivas sa track and field, kasabay niyang lumalago ang hilig na kalaunan ay magdadala sa kaniya sa FEU Athletics Team. Ngunit sa pagtuntong niya sa kolehiyo, hindi na lamang bilis at tibay ang kailangan niyang hasain, bagkus pati ang kakayahang hatiin ang oras sa pagitan ng karerahan at silid-aralan.
Kaakibat ng kaniyang pagsasanay sa palakasan, mahalaga rin para kay Vivas na makamit ang diploma kasabay ng mga medalya. Para sa atleta, ang pagiging manlalaro ay hindi lamang nasusukat sa ginugugol na oras sa pagsasanay; katuwang din nito ang dobleng obligasyong kaniyang pasan. Bagaman mahirap, itinuturing niyang malaking biyaya ang makapag-aral habang tinatahak ang landas ng pagiging atleta.
“Pinili kong ipagpatuloy ang athletic career ko [rito] dahil nakita ko ang opportunity na makapag-aral habang ipinagpapatuloy ang sport na mahal ko. Maraming sacrifices ang kailangan kong gawin, lalo na sa oras at pahinga dahil kailangan kong pagsabayin ang academics at training,” kuwento niya sa hiwalay na panayam.
Bilang kinatawan ng Pamantasan, isang karangalan para sa Tamaraw hurdler na bitbitin ang tiwala ng komunidad ng FEU at dalhin ang panalo sa Unibersidad. Sa kabila ng anumang parangal, ang tunay na tagumpay para sa kaniya ay ang patuloy na pagsusumikap sa kabila ng dobleng hamon ng pagiging estudyanteng atleta.
“Gusto kong maalala ako bilang isang atleta na hindi sumuko kahit maraming challenges at failures. Gusto kong ipakita na ang journey ng isang athlete ay hindi lang tungkol sa achievements, kundi tungkol din sa sacrifices, hard work, growth, at lessons na [natutuhan ko] along the way,” pagbabahagi ni Vivas.
Sa bawat laban, ang tatak ng FEU na nakapaskil sa uniporme ng bawat atleta ay higit pa sa isang pangalan — simbolo ito ng lakas, tiwala, at dangal ng pagiging Tamaraw. Dala nina Burgos, Vivas, at iba pang atleta ng FEU sa bawat laro ang determinasyong maipamalas ang sariling husay at maging bahagi ng kuwentong nagbibigay-buhay sa tanyag na berde at ginto.
Tindig ng kapitan
Isa lamang ang talento sa mga puhunan ng isang atleta sa bawat kompetisyong kanilang kinahaharap. Bukod dito, kailangan din ng matatag na kumpiyansa sa sarili sa kabila ng mabigat na tensiyong dala ng bawat laban — katatagang nagpapatunay sa diwa ng isang lider ng koponan.
Bilang bagong kapitan ng FEU Jins, bitbit ni Benedict Dayag ang mabigat na responsibilidad ng pamumuno matapos ang termino ng mga naunang lider sa kaniya. Kasama sa kaniyang tungkulin ang tiyaking madala ang grupo sa mataas na antas ng kompetisyon, na sinimulan niyang tuparin nang makamit ang tansong medalya sa Senior Team Male Poomsae Division ng 2026 National Carlos Palanca Jr. Poomsae Championship noong ika-21 ng Marso.
Para sa bagong Poomsae team captain, marami pa siyang dapat matutuhan, lalo na’t ito ang kaniyang unang taon ng pagiging lider sa kanilang grupo.
“I want to be recognized not just as the new captain, but as someone who leads by example (Gusto ko makilala hindi lang bilang isang baguhang kapitan, kundi isang lider na mabuting ehemplo),” aniya sa hiwalay na panayam.
Hindi lamang sa pag-eensayo natutuhan ni Dayag ang kaniyang mga responsibilidad bilang lider, kundi pati sa mga karanasan niya noong mga unang taon bilang atleta na humubog sa posisyon niya ngayon.
Hindi man nakakulong sa isang ideya ng larangan ng kompetisyon ang pamumuno sa isang koponan, nagtatagpo ang layunin ng mga lider ng iba’t ibang uri ng palakasan sa iisang hangarin — iangat ang dangal at magbitbit ng kampeonato para sa Unibersidad.
Paniniwala ni Dashmielle Farin, kapitan ng FEU esports team sa larangan ng Mobile Legends: Bang Bang, na bagaman may mga pangarap na hindi natutupad, kadalasan ay may mas magandang oportunidad na nagbubukas upang maibahagi ang kakayahan sa iba pang larangan.
Gayunpaman, nagsisilbing motibasyon sa grupo na ipamalas ang diwang palaban sa bawat kompetisyong kanilang nilalahukan na nagtutulak sa kanila na patuloy na makibahagi sa komunidad ng esports.
“I always wanted to play UAAP Basketball, but my height says otherwise. Then came the opportunity to play UAAP Esports; I tried out, got accepted, and earned the trust of my peers (Noon pa man ay gusto ko na maglaro ng basketbol sa UAAP, pero hindi angkop ang katangkaran ko. Nagkaroon ako ng oportunidad para maglaro sa esports; nag-tryout ako at natanggap, at nakuha ko rin ang tiwala ng mga kasamahan ko),” kuwento ni Farin sa hiwalay na panayam.
Binigyang-diin ni Farin na higit pa sa pisikal na kakayahan ang bumubuo sa isang atleta; krusyal din ang pangangalaga sa sariling kaisipan upang mapanatili ang komposisyon na magbibigay-husay sa kaniyang laro sa kabila ng matinding tensiyon at kaba sa bawat pagsabak.
“The most common misconceptions are that esports are easy because you don’t exert much physical movement unlike our regular sports. It doesn’t do extreme physical movement and conditioning but it’s mentally exhausting and draining especially during long and competitive games. It also makes time management a bit harder because of the hours spent on electronics during training (Ang kadalasang maling akala ng mga tao sa esports ay madali ito dahil hindi kami nagpapakita ng pisikal na galaw ng katawan. Hindi ito nangangailangan ng malalang pisikal na kilos o pagkokondisyon pero nakauubos ito ng enerhiya sa pag-iisip lalo na sa mga mahahaba at nakapapagod na laban. Nagiging mahirap din ang pamamahala ng oras dahil sa ilang oras na ginugol sa elektroniks sa pag-eensayo),” paliwanag niya.
Sa ganitong konteksto, nagtatagpo ang dalawang kapitan sa kabila ng magkaibang larangang ginagalawan. Hiwalay man ang kanilang laban, iisa ang kanilang pinatutunayan: ang pagiging liderato ay hindi lamang nasusukat sa lakas ng katawan, kundi pati sa tibay ng karakter, tapang ng pag-iisip, at kakayahang manguna sa gitna ng pagsubok.
Berde’t ginto sa puso ng Morayta
May mga karangalang hindi nasusukat sa tropeo, sapagkat higit itong nakikita sa pangalang pinipiling dalhin at paninindigang isinasabuhay.
Ganito ang kahulugan ng pagiging atleta para kina Burgos at Vivas, na sa bawat pagsabak ay hindi lamang sariling kakayahan ang kinakatawan, kundi pati ang Unibersidad na kanilang kinabibilangan.
Sa tahanan kung saan namumukadkad ang berde at ginto, ang responsibilidad na magpakita ng kahusayan ay isang pasiyang hindi na lamang para sa sarili, kundi inaalay rin para sa Pamantasang sumusuporta sa kanilang mga atleta.
“It’s an honor po to represent FEU and every time I wear the Tamaraw jersey, I always want to give my best and make the community proud (Isang karangalan na i-representa ang FEU, at sa tuwing isinusuot ko ang unipormeng Tamaraw, nais kong ibigay ang aking makakaya at maging dahilan ng pagmamalaki ng komunidad),” tugon ni Burgos.
Ang bawat tunggaliang kanilang kinahaharap ay hindi lamang kuwento ng pagbabanat ng buto; kundi patunay rin ng komunidad na patuloy na umaalalay sa mga atletang nagdadala ng berde at ginto. Dito nasasalamin na ang buhay-Tamaraw ay puno ng pag-asang mangarap at magkaroon ng pagkakataong matupad ito.
“Bilang isang Tamaraw, gusto kong maiwan ang kuwento na palagi kong ibinigay ang best ko at ipinagmamalaki kong nirepresenta ang FEU,” diin ni Vivas.
Dagdag pa rito, ang pagiging punong-abala ng Unibersidad sa nalalapit na UAAP Season 89 ay isang magandang pagkakataon upang makamit ang gintong medalya, lalo na’t mismong tahanan ng mga Tamaraw ang magsisilbing daan paakyat sa kanilang mga pangarap.
“There won’t be a better time to win it all than now. Winning gold under FEU while being the host university is a dream that I want to accomplish (Walang ibang magandang panahon para masungkit ang gintong medalya kundi ngayong punong abala ang FEU sa bagong yugto ng UAAP),” tugon ni Farin.
Bagaman mabigat ang responsibilidad na dala ng mga Tamaraw na atleta, para kay Dayag ay hindi ito ang panahon upang mawalan ng kumpiyansa. Sa halip, nagsisilbi itong hamon at pagkakataon upang mapatatag ang tiwala sa sarili at mga kasama sa koponan, lalo na sa mga oras ng matinding pagsubok na kailangang harapin sa mga susunod na laban.
“Being the host is something want to be proud of and enjoy, not something we should be pressured by (Ang pagiging punong-abala na unibersidad ay gusto naming sulitin at ipagmalaki, at hindi maging dahilan upang makaramdam ng kaba),” aniya.
Sa huli, ang muling pagdinig sa alingawngaw ng hiyawan para sa Pamantasang sinilangan ng mga Tamaraw ay saksi sa mga pangalang binubuo ng bawat atletang hinubog ng Unibersidad.
Sa bawat hiyaw ng madla at pagtapak ng mga atletang Tamaraw sa kani-kanilang larangan ng palakasan, naroon ang mga kuwentong patuloy na humuhubog sa kasaysayan ng Pamantasan — ang tunay na diwa ng berde’t ginto. Dito unti-unting nabubuo ang isang kuwentong aantabayanan para sa mga bagong pangalang mag-iiwan ng marka, hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang angking husay at talento, kundi pati sa karangalang katawanin ang pangalan ng mga Tamaraw sa puso ng Morayta.
(Mga litrato mula sa UAAP Media Team, Darrel Lorico Photography, at Philippine Athletics, Inc.; Latag ni Armina Juliana Guerrero/FEU Advocate)