Sa kinakalawang na timbangan, may kilo-kilong katiwalian

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa, isang Bise Presidente ang nililitis sa impeachment court. Ngunit hindi lamang si Bise Presidente Sara Duterte ang nasa paglilitis. Kasabay niya, inuusig din ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at ang mga hungkag na talumpating taon-taon ibinabandera. Sa halip na maging sandigan ng katarungan, ang impeachment trial ay nagiging salamin ng mas malalim na karamdaman ng politikang Pilipino: ang paghahari ng dinastiya, ang pamamayani ng partisanong interes, at ang patuloy na pagsubok sa tanong kung ang batas ba ay para sa lahat o para lamang sa may kapangyarihan. 

Higit pa sa isang legal na paglilitis ang impeachment trial laban sa Bise Presidente, sapagkat isa itong sukatan kung tunay bang gumagana ang panuntunan ng batas sa Pilipinas. Hindi ito ang unang pagtatangkang panagutin ang pangalawang pangulo. Ilang naunang reklamong impeachment ang hindi umusad dahil sa mga hadlang na pampolitika at kakulangan ng suporta.

Kaya sa kasalukuyang paglilitis, matagal na hinihintay ang pagkakataong masuri sa hukuman ng taumbayan ang mga mabibigat na paratang laban sa kaniya. Apat na artikulo ng impeachment ang kinahaharap ng Bise Presidente: ang paglustay sa ₱612.5 milyon na confidential funds, ang hindi maipaliwanag na kayamanan nito, ang panunuhol at katiwalian sa Kagawaran ng Edukasyon, at ang banta ng pagpatay laban kay Pangulong Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.  

Sa likod ng mga paratang, nakataya ang mismong timbangan ng demokrasya: kung ang ipinagmamalaking pananagutan at paghahari ng batas ay tunay na naipapataw sa lahat, o kung nananatili itong nakahilig sa panig ng mga may kapangyarihan. Ang sagot ay hindi matatagpuan sa mga artikulo ng Saligang Batas lamang, kundi sa tunay na daloy ng paglilitis kung ito ba ay hahayaan ng katotohanan o ibabaon ng politika. 

Sa konteksto ng nalalapit na ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr., higit na tumitindi ang kahalagahan ng usaping ito. Habang naghahanda ang Pangulo na ilahad ang naging direksiyon ng kaniyang administrasyon nitong nakaraang taon, kasabay namang sinusukat ng impeachment trial ang isang mas mahalagang usapin — kung paano isinasabuhay ng estado ang pananagutang ipinapangako nito. Sapagkat walang saysay ang anumang ulat ng mabuting pamamahala kung ang mismong mga institusyong dapat nagtitiyak ng pananagutan ay nakagapos sa gahamang sistema.

Hindi nagtatapos sa araw ng halalan ang pananagutan ng isang halal na opisyal. Ang mandatong ipinagkaloob ng taumbayan ay hindi lisensiyang mamuno nang malaya sa pagsusuri, kundi isang tiwalang maaaring bawiin kapag napatunayang nilabag ang Konstitusyon at ipinagkanulo ang interes ng publiko. Dito nagiging mahalaga ang impeachment bilang pinakahuling balwarte ng Konstitusyon upang tiyaking walang sinuman, gaano man kataas ang katungkulan, ang makalalampas sa pananagutan.

Ngunit dito rin matatagpuan ang isa sa pinakamalalaking kabalintunaan ng sistemang demokratiko. Bagama’t itinatag ang impeachment court upang maging pananggalang laban sa pang-aabuso ng kapangyarihan, ang pagpapatupad nito ay ipinagkatiwala sa mga institusyong likas ding umiikot sa politika. Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ang nagsasampa ng reklamo habang ang Senado, na binubuo ng mga halal na opisyal na may kani-kaniyang alyansa, partido, at pampolitikang interes, ang nagsisilbing impeachment court. Dahil dito, ang isang prosesong dapat nakabatay sa batas ay hindi maiiwasang salubungin ng mga puwersang pampolitika na maaaring humubog, magpabagal, o maglihis sa takbo nito.

Hindi nakapagtatakang umusbong ang pagdududa ng publiko lalo pa’t sunod-sunod na pagbabago sa liderato at balanse ng kapangyarihan sa Senado ang nasaksihan bago magtipon para sa impeachment court, mga pangyayaring nagbigay ng impresyong hindi mahihiwalay ang proseso sa umiiral na tunggalian ng politika. 

Gayunpaman, hindi nangangahulugang depekto ng impeachment ang pagiging politikal na proseso nito. Sa katunayan, sinadya itong maging bahagi ng demokratikong balanse ng kapangyarihan. Ang tunay na suliranin ay nagsisimula kapag ang politika ay hindi na nagsisilbing daluyan ng pananagutan, kundi nagiging panangga laban dito. Kapag ang mga alyansa, dinastiya, at kalkulasyong elektoral ang higit na pinakikinggan kaysa sa bigat ng ebidensiya, nawawala ang diwa ng mekanismong nilikha upang tiyakin na ang batas ay nananatiling higit sa kapangyarihan.

Sa isang demokrasyang hindi yumuyuko sa kapangyarihan, walang halal o itinalagang opisyal ang dapat makatakas sa pananagutan. Ang kapangyarihang ipinagkaloob ng taumbayan ay may kaakibat na obligasyong sumunod sa batas at managot kapag may sapat na batayan ng paglabag. 

Tungkulin ng Bise Presidente bilang pangalawang pinakamataas na pinuno ng bansa na humarap nang may buong katapatan sa paglilitis at sagutin ang mga seryosong akusasyon laban sa kaniya. Hindi makatwiran na ang nasasakdal ay nagkukubli sa katahimikan o sumasandig sa walang-pasubaling pagtatanggol ng mga panatiko’t kaalyado.

Dahil dito, nakasalalay ang kredibilidad ng paglilitis sa pagsusuri ng ebidensiya hanggang sa pagpapasiya ng mga institusyong may mandato na pairalin ang Konstitusyon. Kapag ang proseso ay nanatiling patas, malinaw, at malaya sa labis na impluwensiyang pampolitika, napagtitibay nito ang paniniwala ng publiko na may kakayahan pa ring pairalin ang batas laban sa pinakamakapangyarihan.

Habang nagpapatuloy ang impeachment trial, lalong nagiging mahalaga ang paglalabas ng mga subpoena para sa ilang pinansiyal at tax records na may kaugnayan sa hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente. Higit pa sa usaping procedural, pagsubok ito kung hanggang saan kayang pairalin ng mga institusyon ang ganap na pagsisiwalat ng katotohanan.

Subalit kasabay ng hindi maikakailang legal na pag-usad ng kaso ang pag-iral ng masalimuot na puwersang pampolitika. Ang impeachment ay likas na may aspektong politikal, ngunit hindi ito nangangahulugang dapat manaig ang politika kaysa sa batas. 

Sa kasalukuyang paglilitis, mahirap ihiwalay ang proseso sa mas malawak na konteksto ng nagbabagong mga alyansa at tunggalian ng mga makapangyarihang dinastiyang pampolitika. Hindi dahil nawawalan ng bisa ang impeachment bilang mekanismong konstitusyonal, kundi dahil ang mismong mga institusyon nagpapatupad nito ay binubuo ng mga halal na opisyal na kumikilos sa loob ng umiiral ng ugnayang pampolitika.

Sa Pilipinas, kung saan matagal nang nangingibabaw ang impluwensiya ng dinastiya at padrino system sa pamamahala, hindi maiiwasang magkaroon ng pagdududa kung ang bawat pasya ay bunga ng malayang pagtitimbang sa ebidensya o ng mga alyansang may sariling interes na pinangangalagaan. Dahil dito, ang pambansang usapan ay unti-unting lumalayo mula sa pagsusuri ng mga paratang tungo sa pagtaya kung sino ang mananaig sa tunggalian ng mga politikal na alyansa.  

Ang ganitong kalagayan ay may mabigat na implikasyon sa tiwala ng publiko. Kapag ang isang prosesong nilikha upang pairalin ang pananagutan ay nagmimistulang naaayon sa dikta ng mga alyansa, maniobrang procedural, at partidong interes, lumalabo ang hangganan sa pagitan ng paghahanap ng katotohanan at pagtatanggol ng kapangyarihan. 

Hindi dapat maging entablado ng tunggaliang pampolitika ang impeachment court kundi isang institusyong naggigiit na ang Konstitusyon ang nananatiling pinakamataas na batayan ng pagpapasiya. Kung mabibigo itong mapanatili ang imahe ng pagiging patas at makatarungan, ang kapalaran ng isang opisyal ang maapektuhan sa kakayahan ng mga demokratikong institusyon na pairalin ang hustisya.

Sa ganitong konteksto, hindi sapat na suriin ang impeachment bilang isang hiwalay na proseso ng pananagutan. Mahalaga ring siyasatin ang mas malawak na kapaligirang pampolitika kung saan ito isinasagawa at ang papel ng mga institusyong may kapangyarihang tiyakin ang integridad nito. 

Dito higit na nahahayag ang uri ng pamamahala na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon. Hindi nasusukat ang kredibilidad ng isang gobyerno sa dami ng proyektong nailulunsad o pangakong naihahayag sa entablado ng SONA. Nasusukat ito sa tapang nitong panindigan ang mga prinsipyong ipinangangalandakan, lalo na sa mga pagkakataong ang mismong mga nasa tuktok ng kapangyarihan ang hinihingan ng sagot sa taumbayan. 

Kung totoong walang sinuman ang nakatataas sa batas, bakit kailangang timbangin muna ang bawat hakbang ayon sa magiging epekto nito sa mga pampolitikang alyansa, sa susunod na halalan, at sa interes ng mga naghaharing pamilya? Hindi maituturing na matatag ang isang demokrasya kung may pangil lamang ito sa mga ordinaryong mamamayan habang maingat at marahan sa mga nakaupo sa pinakamataas na puwesto ng pamahalaan. 

Sa halip na siyasatin ang bigat ng korapsiyon, paglabag sa tiwala ng bayan, pananagutan sa pampublikong pondo, at iba pang batayan ng paglilitis, unti-unting nilalamon ang pambansang usapin ng hamon ng bisa, saklaw ng paglilitis, pagliban sa pagdinig, at iba pang maniobrang higit na nakapaglilihis kaysa nakapagpapalinaw sa proseso. Hindi na ang batas ang humahatol sa kapangyarihan; kapangyarihan na ang nagtatakda sa batas at kaakibat nitong hangganan.

Mas mabigat pa rito ang mensaheng ipinararating nito sa sambayanan. Kapag nakitang maaaring maantala, maimpluwensiyahan, o maisantabi ng pampolitikang interes ang pinakamataas na mekanismo ng pananagutan sa bansa, unti-unting humihina ang tiwala ng mamamayan sa mismong sistemang dapat nagsasabuhay ng makatarungang serbisyo para sa kanila. Ano pa ang maaasahan ng karaniwang Pilipinong walang pribilehiyong kaakibat ang pangalan, walang koneksiyon sa makapangyarihan, at walang sapat na yaman o impluwensiyang ipagtanggol ang kaniyang mga karapatan? 

Kung ang katungkulan ng Bise Presidente ay nagiging panangga mula sa pananagutan, sa halip na agad sumailalim sa isang patas, malaya, at walang kinikilingang proseso, lalo lamang nitong pinatitibay ang paniniwalang may ibang pamantayan ang hustisya para sa makapangyarihan at para sa ordinaryong mamamayan. 

Kaya hindi maaaring paghiwalayin ang SONA at ang tunay na kalagayan ng pananagutan sa lipunan. Habang ipinipinta ng Pangulo ang isang imahen ng bansang umuunlad sa harap ng sambayanan, may isang katotohanang hindi kayang ikubli ng anumang talumpati: ang patuloy na pagguho ng panuntunan ng batas sa ilalim ng kaniyang pamahalaan. Sapagkat walang saysay ang mga ipinagmamalaking estadistika, imprastruktura, at reporma kung natitinag ang mismong pundasyon ng demokrasya.

Sa puntong ito, hindi na lamang ang Bise Presidente ang hinahatulan. Kasabay na nililitis ang Senado kung kaya nitong maging hukuman at hindi entablado. Maging ang administrasyong Marcos Jr., kung ang mga ipinangangalandakan nitong epektibong pamamahala at paghahari ng batas ay tunay na isinasabuhay o nananatili lamang sa mga talumpati. At higit sa lahat, nasa sentro ng paglilitis ang demokrasya ng Pilipinas, kung ito ba ay nagsisilbi sa sambayanan o yumuyuko sa kapangyarihan. 

Pula man o berde ang kamay na humahawak sa timbangan, iisa lamang ang kahihinatnan hangga’t nananatili itong nakahilig sa kapangyarihan — lugmok pa rin ang sambayanang matagal nang pinagkakaitan ng katarungan. Walang silbi ang pagpapalit ng kulay sa tuktok ng kapangyarihan kung mananatiling mas matimbang ang naghaharing-uri kaysa sa masang-api.

Subalit hindi kailanman nagtatapos sa loob ng mga bulwagan ng kapangyarihan ang laban para sa katarungan. Hangga’t kinakalawang ang timbangan ng pananagutan sa bigat ng kilo-kilong katiwalian, walang puwang ang katahimikan sa harap ng paglapastangan sa bayan. Patuloy na makibaka, maningil, at manindigan. Sapagkat sa sandaling tumigil ang taumbayan sa paniningil ng pananagutan, doon nagsisimulang maging dekorasyon na lamang ang batas at tuluyang nagiging pribilehiyo ng makapangyarihan ang katarungan.