Sa Muling Pagdungaw sa mga Bituin

Noong Pasko, ako sana’y tatawag.

Kay ginaw ng simoy ng hangin,

Isang tanong saki’y bumagabag:

“Dalangin mo pa rin bang sa’kin ka gumising?”

Mahigit isang taon na tayong ‘di nag-uusap,

Magpahanggang ngayon, kay lumbay at kay hapdi pa rin.

Sa pagkubli ng alaala mo, kahit anong pagod at sikap,

Ikaw pa rin ang hanap sa tren at sa umaga,

Tila takipsilim na ‘di matanggap-tanggap.

Sa bawat hinga, mga pasanin kong karga:

Ang oras nating hiram,

At mga matang pigang-piga.

Nabalitaan kong may bago ka nang taga-UPM:

Makisig. Mabait. Magaling sa sipnayan —

Handang ibigay ang lahat ng iyong inaasam.

Kung tulin ang batayan, panalo ka na sa takbuhan.

Ikaw at ang bilis ng iyong pagkalimot,

Ako na nagtatali pa lang ng sintas sa unahan.

Huwag mo sanang ipaalala ang mga plano nating naudlot.

‘Wag sana akong sumpain ng iyong multo,

At ‘wag mo sanang pukawin ang mga gabing ipinagdamot.

Ngunit gumuho man ang mundo, hindi ito dekreto

Na magdusa sa lugmok at kirot ng wakas,

Kundi ang pagsibol ng panibagong yugto.

Dahil kung ang mahalin ka’y kilalanin kang wagas,

Kampante ang loob ko sa tiwala ng iyong pangako:

Tayo’y tunay na liligaya, iba man ang ating landas.

Kaya kung sakaling tatawag ka ngayong Pasko,

Sa init ng iyong boses, ‘di na magpapapako.

- Charles Stephen Benedict R. Tolentino

(Dibuho ni Bea Katrina Fulgencio/FEU Advocate)