2 IABF na guro, nahalal sa PICPA
- August 20, 2024 14:24
FEU Advocate
August 14, 2024 14:56
Nagwagi ang dalawang mag-aaral ng Far Eastern University (FEU) mula sa Institute of Tourism and Hotel Management (ITHM) ng bronze medal sa kategoryang ‘Filipino Cuisine Challenge’ ng nagdaang 2024 Philippine Culinary Cup (PCC) na ginanap sa SMX Convention Center mula ika-31 ng Hulyo hanggang ikatlo ng Agosto.
Nanalo sa ika-14 na edisyon ng kompetisyon sina Raynold Santos Chavez at Anfernee Miguel Timbol dahil sa kanilang hinanda na family-style Filipino meal na kakasya sa tatlong katao.
Kabilang sa kanilang nanalong putahe ang ensaladang ampalaya na may buro para sa appetizer, dinuguan para sa pangunahing putahe, at laing fried rice para sa starch dish.
Sa panayam ng FEU Advocate, binigyang-diin ni Timbol ang kahalagahan ng naturang paligsahan para sa mga mag-aaral na nasa industriya ng culinary.
“You really learn a lot from joining these kinds of events and (Marami ka talagang natututunan sa pagsali sa mga ganitong paligsahan at) sobrang saya lang na makasama mo silang lahat. Sobrang laking tulong din ng mga ganito to practice your skills, to build confidence, self-discipline, creativity, and a lot more (para masanay ang iyong kakayahan, makabuo ng kumpyansa, disiplina sa sarili, pagkamalikhain, at marami pang iba),” dagdag nito.
Nagpasalamat din si Timbol sa mga taong nasa likod ng kanilang pagkapanalo kasabay ng pag-alay ng parangal para sa kanyang lolang yumao noong nakaraang buwan.
“The dish we made was actually her recipe with a few modifications from us. It was passed down to me before she went up [to] Heaven, and I really hope I made her happy and proud up there (Ang putahe na aming inihanda ay kanyang recipe na may ilang pagbabago mula sa amin. Ibinigay niya sa akin ito bago siya sumakabilang-buhay, at sana proud at napasaya ko siya),” pasasalamat nito.
Ipinahayag naman ni Chavez na hindi niya inasahan ang kanilang pagkapanalo sa kabila ng limitado nilang pagsasanay.
“Hindi ko po ine-expect (inaasahan) na mananalo kami gawa ng limited (limitado) na oras at araw ng training (pagsasanay)... Also, some of our competitors are professionals and (At saka propesyonal na ang ilan sa aming mga katunggali at) matagal na sa industry (industriya),” aniya.
Dagdag ni Chavez na kinailangan nilang ihanda ang kanilang pangangatawan at kaisipan para sa naturang kompetisyon.
Nagsilbing tagapayo ng mga nanalong mag-aaral si Chef Ayie Reyes para sa ikalawang bronze ng Unibersidad sa kasaysayan ng PCC.
Higit pa rito, kabilang din sa lumahok ang mga mag-aaral mula sa ITHM na sina Christian John Delen, Reanne Nicole Tangalin, Christian Jake Orquita, Pocholo Miguel Del Birut, Franz Stanleigh Madamba, Alessa Ibarra; at ang tagapayo ng FEU Hotel and Restaurant Management Alliance Patisserie na si Chef Michael Cabangon.
Bilang guro, tagapayo, at kalahok din ng naturang kompetisyon, idiniin ng Cafe-in-Charge for Kitchen Operations and Production ng Cafe Alfredo
na si Cabangon na nagawa niyang pagsabayin ang mga gawain at paglalaan ng oras sa kanyang mga estudyante.
“I always find time to make sure that my student-competitors are well-trained by letting them know the things they need to improve and the things they need to pursue during the course of competition practice (Palagi akong naghahanap ng oras upang masiguro na ang aking mga estudyante ay well-trained sa pamamagitan ng pagpapaalala sa kanila ng mga bagay na kailangan nilang pagbutihin at abutin habang ginaganap ang kompetisyon),” aniya.
Samantala, hiniling naman ni Tangalin na mas suportahan ng Unibersidad ang mga kinatawan nito lalo na sa larangan ng culinary.
“I do hope that FEU would give a stronger support to their representatives, especially in our field, kahit na hindi ito ‘yung pillar ng University (Sana mas magbigay pa ng suporta ang FEU sa kanilang mga kinatawan, lalo sa aming larangan, kahit na hindi ito ‘yung pillar ng Unibersidad),” hiling nito.
Ang isang pagsubok na naranasan ng mga mag-aaral sa kanilang paghahanda ay ang malaking gastusin sa pag-eensayo sa PCC lalo’t sarili muna nilang pera ang ginamit pambili ng mga sangkap. Kailangan nilang humingi ng opisyal na resibo at sales invoice upang ma-reimburse ang kanilang mga ginastos.
Pinaalalahanan naman ni Del Birut ang mga gustong sumali ng mga kompetisyon gaya ng PCC na maging handa pagdating sa pinansyal na pangangailangan.
“If may gusto pong sumali sa mga ganitong kompetisyon, be ready financially (paghandaan ang gastusin) kasi sobrang hirap po talaga. Kailangan mag-practice every week (mag-ensayo kada linggo). Every week (kada linggo), parang nakaka-[P3,000] kami… ilang weeks (mga linggo) namin gagawin ‘yon,” saad nito.
Noong nakaraang taon, nagkamit din ng bronze ang mga mag-aaral ng FEU ITHM na sina Ed Kelvin Catama at Hyeonsuk Lee na sinanay din ni Reyes.
Ang PCC ay isang patimpalak sa bansa para sa mga Pilipinong chef upang mahasa at maipakita ang kanilang mga kakayahan at talento sa larangan ng culinary.
- Kasharelle Javier
(Litrato mula kay Raynold Santos Chavez)