Sa Mapang-alilang Alon
- August 01, 2024 18:28
FEU Advocate
August 14, 2024 20:06
Ni Andrei M. Barrantes
Bigo ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws na makapitan ang kanilang lamang kontra University of Perpetual Help System DALTA (UPHSD) Altas, 25-23, 25-15, 24-26, 21-25, 6-15, sa 2024 V-League Men’s Collegiate Challenge ngayong hapon, ika-14 ng Agosto, sa Paco Arena sa Lungsod ng Maynila.
Maagang nagpakitang-gilas ang Tamaraws at diniktahan ang opensa at depensa ng laban. Dahil sa kanilang agresibong laro, dinaig nila ang Altas sa unang set, 25-23.
Hinigpitan ng FEU sa ikalawang set ang kapit nila sa depensa sa pangunguna ni green-and-gold middle blocker na si Doula Ndongala, na nagtala ng limang blocks sa buong laro.
Matapos matambakan ng Morayta spikers ang Altas sa ikalawang set ng 25-15, agarang isinaayos ng UPHSD sa sumunod na set ang kanilang laro at nalusutan ang Tamaraws, 26-24.
Sa panayam ng FEU Advocate, ipinahayag ni team captain Benny Martinez ang mga kakulangan nila sa court na naging hadlang sa kanilang pagkakataon na manalo.
“Nalamangan kami sa karakter. Nawala ‘yung karakter namin na [binu]buhos ‘yung lahat. ‘Yung Perps (UPHSD) lumakas loob, tapos doon kami natalo,” sabi niya.
Sa ikaapat na set, hinadlangan ang FEU na makabawi dala ng kanilang 10 error, na nagtala ng muling pagkatalo sa 21-25, at puwersa ng Altas ang ikalimang set.
Tuluyang nahigitan ng Altas ang Tamaraws at nasungkit ang unang technical timeout nang may iskor na 1-8.
Bagama't sinubukang angkinin ng Tamaraws ang panalo sa pamumuno ng mga atake ni Dryx Saavedra, nagtala ang Altas ng limang blocks at pinayungan ang tiyansa ng FEU na makabawi, 15-6.
Ayon kay Martinez, testamento ang pagkatalong ito sa kanilang pangangailangang pagbutihin pa ang pagkakaisa sa court.
“Siguro [kailangan namin] ‘yung tulungan sa loob ng court kasi isa din 'yan sa mga nawala sa amin kanina. Medyo nagsarili 'yung ibang kasama ko,” aniya.
Pinamunuan ni Saavedra ang opensa ng FEU at nagtala ng 14 puntos sa 11 attacks. Sumunod naman si Ndongala at Amet Bituin na nagtala ng tig-10 puntos na may lima at apat na blocks.
Bumaba ang standing ng FEU sa 2-1 win-loss record at susunod nilang haharapin ang National University sa ika-21 ng Agosto sa parehong venue.
(Litrato mula sa V-League)