
Ni Mikaela P. Sindac
Hindi natatapos sa pagbibigay-aral ang gampanin ng mga guro. Taon-taon, sa tuwing sasapit ang Brigada Eskwela, bago pa man maghatid ng karunungan sa mga kabataan, kailangan muna nilang punan ang mga pisikal na kakulangan ng kanilang mga silid-aralan.
Bagama’t nakasaad sa batas na ang sektor ng edukasyon ang may pinakamalaking pondo mula sa pamahalaan, nananatili itong malayo sa tunay na kalagayan sa loob ng mga paaralan. Sa realidad, patuloy pa ring nagtitiis ang mga guro na gumastos mula sa sariling bulsa upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga mag-aaral.
Sa kamay ng hukuman
Sa ilalim ng Konstitusyon ng bansa, kailangang iukol ng estado ang pinakamataas na pondo sa mga paaralan upang bigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral patungo sa makabuluhang kinabukasan.
Sa kasalukuyan, naglaan ang pamahalaan ng 1.34 na trilyon bilang pondo para sa nabanggit na sektor, na tumaas mula sa 1.055 trilyon noong nakaraang taon.
Ngunit matatandaang sa kabila ng inaasahang 27.6 milyong mag-aaral na papasok sa taong panuruan 2025–2026, mayroon lamang 45,199 pampublikong paaralan, habang umaabot sa 165,000 ang kakulangan sa mga silid-aralan.
Kaya naman tuwing Brigada Eskwela nabubunyag ang kalunos-lunos na kalidad ng pasilidad sa mga pampublikong silid-aralan. Mga pinagpasa-pasahang libro sa nakalipas na dekada, kumakalas na kahoy sa mga silya, kulang-kulang na bentilador, at nagbibitak-bitak na mga pisara.
Sa ilalim ng Brigada Eskwela na kinikilala rin bilang National Schools Maintenance Week, nagkakaroon ng pagsusuri ang mga guro sa mga kailangang makumpuni sa loob ng silid-aralan. Nakapaloob din dito ang pagsiyasat sa mga imprastrukturang nararapat mapalitan o maayos.
Batay sa programa na inisyatiba ng Department of Education (DepEd), magtitipon-tipon ang mga guro kasama ang mga non-governmental organizations at local government units upang magpasiya sa aktibidad na kanilang bibigyang-pokus. Maaari silang pumili sa paglilinis, pagtatanim ng puno, pagbabasa kasama ang mga nais matuto, rehabilitasyon ng mga pasilidad, at iba pa.
Samakatuwid, paghahanda ito bago pa man magsimula ang pasukan sa mga pampublikong paaralan. Bagama’t ipinagbabawal umano ng DepEd ang pagkolekta ng kontribusyon mula sa mga magulang at boluntaryo, hindi pa rin maiiwasan ang ganitong kaganapan bunsod ng kakulangan sa mga kagamitan.
Sa ganitong kalagayan, tila nananatili nang kaakibat ng pagiging guro ang madiskarteng pagtugon sa mga pagkukulang ng gobyerno. Dahil kung hihintayin pa ang pangakong reporma ng pamahalaan, tuluyan nang matitigil ang paghulma sa kinabukasan ng kabataan.
Sa likod ng mga pagkukulang na ito, unti-unting nailalantad ang mas malalalim na usapin ukol sa pamamahala at alokasyon ng pondo ng bayan. Isinisiwalat ang sistemang hindi epektibo at lalong-lalo na, hindi makatao.
Matatandaang habang nililitis ang dating Department of Public Works and Highways Engineer na si Brice Hernandez hinggil sa mga anomalya ng ahensiya, partikular na sa mga flood control projects, inamin niyang substandard ang pangkalahatang proyekto nila sa Bulacan.
Nakapaloob sa binanggit ni Hernandez ang mga pampublikong paaralan. Bukod pa rito, humigit-kumulang 1,000 silid-aralan ang hindi napakikinabangan dahil hindi umano natapos ang paggawa ng mga ito.
Kaugnay nito, mapanganib pa rin ang kaligiran ng mga silid-aralan sa lalawigan na madalas naaapektuhan ng bagyo. Kasalukuyang bumabangon pa rin ang ibang mga guro at mag-aaral sa Pampanga dahil sa lantad na pinsalang iniwan ng mga nagdaang daluyong at sakuna.
Alinsunod nito, napipilitan ang mga paaralan na umasa sa mga boluntaryo at donasyon dulot ng matumal na aksiyon mula sa gobyerno.
Sa kabilang banda, lumipas na ang halos isang dekada at tatlong sekretarya na ang dumaan sa ilalim ng DepEd, ngunit iisa pa rin ang hindi malutas-lutas na suliranin — ang paglaan ng pondo. At higit sa lahat, ang malinis at angkop na paggamit nito.
Isa itong takda na hindi sapat ang pag-ukit ng batas upang bigyang-katuturan ang importansya ng edukasyon. Bagkus isa itong mahabang proseso ng pagbuo ng ligtas na espasyo para sa pagsulong ng mapagpalayang karunungan.
Kandili ang kawangis
Karamihan sa mga gurong nagtuturo sa mga pampublikong paaralan ay napipilitan pa ring humanap ng alternatibong paraan upang maisulong ang pagbabagong matagal na nilang hangad sa loob ng kanilang silid-aralan.
Ngunit sa likod ng mga nabanggit na inisyatiba, nananatili ang realidad ng limitadong suporta sa kabuhayang kinahaharap nila. Umaabot lamang sa ₱27,000 ang sahod ng isang gurong pampubliko kung nagsisimula pa lamang sa pagtuturo. Halagang kulang pa bilang pantustos sa isang buwan kung maiging susumahin ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa kabila nito, ang iba’y gumagastos pa rin mula sa sariling bulsa upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga estudyante. Sa katunayan, naging talamak online ang iba’t ibang paraan ng mga guro upang bigyang-buhay ang kanilang mga silid-aralan.
Nariyan ang pag-aayos ng mga silya, paggawa ng sariling whiteboard gamit ang papel at pandikit, pagpipinta ng mga dingding upang magmukhang bago, at pagsasaayos ng mga lamesa gamit ang pinagtagpi-tagping kahoy. Hanggang sa pagkuskos ng mga sahig, pagsabit ng dinalang kurtina mula sa tahanan, at pagkalap ng mga libro.
Kaakibat ng mga ito ang paghingi ng mga eskuwelahan ng tulong mula sa mga magulang ng mga mag-aaral upang dagdagan ang mga materyales. Sama-samang pinag-aambagan ang pagsasaayos ng mga pasilidad upang kahit papaano’y mabigyang-sigla ang mga paaralang iniwan sa dilim ng gobyerno.
Sa panayam ng FEU Advocate, ipinaliwanag ni Elliza Mae Canencia, isang guro mula sa Bagbaguin National High School sa Valenzuela City, ang mga hakbang na kinakailangang gawin ng pamahalaan upang hindi na umasa ang mga guro sa sariling bulsa at donasyon ng publiko.
“Ilaan talaga [dapat] ‘yung malaking pondo para dito [para] hindi na naming kinakailangang mag call for donation. Kumbaga hindi na kailangan mangalap through brigada kasi provided naman nila. Kailangan din lalo [na] ngayon ang textbooks, modules, resources kasi sa ngayon ay kulang pa talaga tayo diyan sa aspektong ‘yan,” aniya.
Ayon pa kay Canencia, maliban sa mga pisikal na materyales, pasan din ng guro ang epekto ng pabago-bagong implementasyon kahit na wala pa itong matibay na pundasyon bago ipatupad.
“Sa ngayon, nakakabahala na tuwing pasukan ay may pagbabagong i-implement pagdating sa curriculum. Nakakalungkot kasi isipin na napakabilis ng mga changes na minsan ay hindi pa naman talaga fully nakikita ‘yung effect [nito]. Malaking budget ang nilalaan tapos nasasayang lamang. At siyempre, kapag may changes, trial and error palagi and nangangapa si teacher kung paano [niya] ito isasagawa sa klase,” saad ng guro.
Ibinahagi rin niya kung gaano nakalulungkot kapag kailangan nilang ipaalam sa mga magulang ang pangangailangan sa loob ng silid-aralan tulad na lamang ng bentilador. Dahil ibig sabihin nito, magsisimula muli ang siklong sila-sila lamang ang magtutulungan upang umusad ang kalagayan ng paaralan.
Tila patuloy pa rin ang pag-aaksaya ng pondo habang inilalako bilang kalidad ang mga ipinamimigay na laptop at panandaliang ayuda. Sa likod ng mga barya-baryang ambagan ng mga hikahos kumita ng pera, naroon ang bilyon-bilyong ipinagkakait sa masa.
Sa katunayan, taong 2024 nang nagkaroon ng pagdinig ukol sa pondong ilalaan sa DepEd sa ilalim ni Bise Presidente Sara Duterte. Subalit ayon sa House Committee on Appropriations, umaabot sa ₱9 na bilyon ang halaga ng mga laptop na hindi naipadala sa ilalim ng kaniyang termino.
Samantala, taong 2025 nang iutos ng The Office of the Ombudsman ang pagsumite ng kasong graft and falsification sa dating sekretarya ng DepEd na si Leonor Briones at sa kaniyang mga opisyales. Dahil naman ito sa ₱2.4 na bilyong halaga ng overpriced laptops sa ilalim ng pamamahala ni Briones na siyang nanilbihan sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya naman hindi nakapagtataka na sa sariling bulsa pa humuhugot ng pampagawa ang mga guro tuwing Hunyo. Sapagkat sa bawat kabalintunaan ng pamahalaan, mayroong manggagawang nalulunod sa katiwalian.
Habang buhay dala-dala ng milyon-milyong Pilipino ang karanasan sa loob ng paaralan na unti-unting nadudurog. Mananatili ang kanilang paghahangad ng marangyang pamumuhay habang nagtitiis sa bangkong inupuan na rin ng mga pinagkaitang mangarap.
Sandata ng sakim
Hindi na bago ang kakulangan sa sektor ng edukasyon. Ang higit na nakababahala ay ang pananatili nito sa kabila ng bilyon-bilyong pondong inilalaan taon-taon. Malinaw itong sumasalamin sa patuloy na kakulangan ng mga pangunahing pasilidad na dapat sana’y haligi ng maayos na pagkatuto.
Paglilinaw ni Canencia, bilang isang guro, bagaman nakikita niyang kumikilos ang DepEd tulad ng pagsipot sa iba’t ibang mga lalawigan, kinakailangan pa rin ng ahensiya tukuyin ang tunay na kailangan ng mga mag-aaral.
“Performance wise nakikita naman natin online na aktibo talaga ‘yung mga DepEd secretary sa pagpunta sa mga ilang paaralan pero the question is, nakikita ba talaga nila ‘yung kabuoang pangangailangan ng school pagdating sa facilities at ito ba ay natutugunan nang maayos? [Dapat] bumaba sila sa laylayan, pumunta sila sa pinakamaliliit at mahihirap na paaralan at tingnan ang tunay na sitwasyon ng mga mag-aaral at siyempre pati na rin ng mga guro,” paliwanag niya.
Dagdag pa ng guro, kailangan nilang tutukan ang mga pangunahing pangangailangan sa loob ng silid-aralan tulad ng karagdagang banyo, sapat na upuan, at maayos na pasilidad gaya ng hawakan ng mga pintuan na madalas masira ngunit hindi agad naaayos.
Mula sa ganitong mga kakulangan, mas nagiging kapansin-pansin kung paano nauuwi sa pansamantalang solusyon ang mga programa, partikular ang pamimigay ng mga gadyet taon-taon, na bagama’t may ambag sa pagkatuto ay hindi tumutugon sa pangmatagalang pangangailangan ng mga paaralan.
Dahil dito, lumilitaw ang pamilyar na daloy ng sistema kung saan nananatiling mababaw ang pagtugon. Isang sistemang bigo pa ring tugunan ang mga sirang silid-aralan, malnutrisyon, mababang sahod ng mga guro, at mga mapanganib na espasyong inilalaan sa pagkatuto.
Kung aaralin din ang naging pangangatwiran ng mga nakaraang sekretarya, palaging kaakibat ng argumento ang pondo. Sa tuwing tatanungin naman ukol sa kalagayan ng mga mag-aaral, ipinapasa ang sisi sa nakaraang administrasyon o ‘di naman kaya, sa mga guro mismo.
Sa mga paglilitis, kapansin-pansin ang kawalan ng direktang pag-ako sa mga pagkukulang. Walang pagbanggit sa pagtitiis ng mga mag-aaral sa init, lumang aklat, at siksikang silid-aralan na pinupuno ng halos 60 estudyante, gayundin sa paulit-ulit na pagkabigo ng sistema na nananatiling walang pananagutan.
Sa katunayan, repleksiyon ang temang ‘bayanihan’ ng Brigada ngayong taon sa kawalan ng pag-asa mula sa gobyerno. Sa ganitong konteksto, sa halip na magsilbing karagdagang suporta na lamang ang Brigada tuwing pasukan, nagsisilbi itong panakip-butas sa kakulangang dapat sana’y tinutugunan ng estado.
Higit pa rito, matapos ituring ang mga mag-aaral bilang sentro ng mga pangako sa tuwing eleksiyon at paggawa ng polisiya, tila doon na rin nagtatapos ang kanilang halaga sa aktuwal na implementasyon.
Kaya naman, nararapat lamang na patuloy litisin ang mga nagpapakasasa sa pondo ng edukasyon. Sapagkat ang pagtakbo papalayo sa pananagutan ay lantarang pagmamalinis sa mga naging kasalanan noong sila pa ang namamahala.
Hindi matatanggal ng paghuhugas-kamay ang bahid ng korapsiyon at kabalintunaan — nag-iiwan ito ng bakas na hindi kaya linisin gamit ang pagmamaang-maangan.
Hindi dapat napipilitang maglabas ng sariling pera ang mga guro upang maituring na silid-aralan ang mga kuwartong puno ng inaanay na kahoy. Hindi dapat sa kanila ipinapasan ang pagtapal sa mga puwang na iniwan ng pamahalaan sa mga paaralan.
Sa huli, hindi lamang larawan ng bayanihan ang Brigada Eskwela, isa itong patunay na puro panandaliang lunas lamang ang inilalako ng pamahalaan para sa mga sistematikong suliranin ng bansa. Panahon nang itaguyod ang tapat na paglilingkod sa mga pampublikong paaralan, dahil sa kasalukuyan, walang napatutunayan ang gobyerno sa mga napapako-pako nitong reporma.