Alforque shines anew as Tamaraws rain down late on Tigers
- October 14, 2019 14:52
FEU Advocate
September 21, 2024 18:37
Nakaugnay sa pagbabalik ng isang Marcos sa Malacañang ang malagim at malawakang kampanya upang muling maitatag ang monopolyo ng kapangyarihan. Ngayong ika-52 taong paggunita sa masalimuot na pagpapatupad ni Ferdinand Marcos Sr. ng Martial Law, pag-alala sa aral ng Batas Militar ang kailangan sa pagsusuri ng pagkakapareho ng administrasyon ni Bongbong Marcos (BBM) at ng kaniyang ama.
Taliwas sa pangako ng mas maayos na bansa, pagpapatuloy ng karahasan at pagsupil ng karapatan ang bungad ng unang dalawang taong pag-upo ni BBM bilang pangulo ng bansa.
Patuloy pa rin ang kawalan ng katarungang nararanasan ng mga Pilipino. Kabilang ang pagpatay kina Percy Lapid, Cresenciano Bunduquin, at Renato Blanco sa patunay na hindi nagwawakas ang inhustisya sa termino ni BBM bagkus ay patuloy pa itong lumalala.
Kasalukuyan ding sinasalamin ni BBM ang kaniyang ama sa pagtatangka nitong baguhin ang konstitusiyon katulad ng pagbabago ni Marcos Sr. ng Saligang Batas noong 1972.
Maaaring sabihin na hindi minamana ng anak ang mga kasalanan ng ama, ngunit pinatutunayan ni Marcos Jr. na kaya nitong gumawa ng iba pang mga kasalanan sa sarili nitong kamay. Nangunguna sa mga kasalanang ito ay ang paggiba ng kasaysayan.
Paglilinis ng bakas ng mga dugo
Binigyang-dungis ng People Power Revolution ang imahe ng mga Marcos nang binuwag nito ang diktadurya sa Pilipinas noong 1986. Mula rito, naging misyon ng pamilyang Marcos na linisin ang mantsa ng dugo sa kanilang mga kamay.
Malinaw na ipinaliwanag ni Mario Maranan sa FEU Advocate, isang gurong 25 taon na sa larangan ng Agham Panlipunan, na ang pagbabalik ng isang Marcos sa pagkapangulo ay bunga ng malawakang pagsisinungaling sa mga Pilipino tungkol sa Batas Militar.
“‘Yung matagumpay na muling pagbuo ng imahe ng mga Marcos… ‘yung massive disinformation o pagpapalaganap ng fake news sa social media, ginamit ito bilang lunsaran ng pagpapabango ng imahe ng mga Marcos,” paliwanag ng guro.
Binanggit din ni Maranan na isa ang social media sa mga ginamit ng pamilyang Marcos upang ilarawan si Ferdinand Marcos Sr. bilang “bayani.”
Samantala, matatandaang ibinunyag ni Brittany Kaiser, dating empleyado ng Cambridge Analytica, kung paano tahasang pinagplanuhan ni BBM ang pangangampanya gamit ang pag-atake sa katotohanan.
“So, as you call it historical revisionism, that’s exactly what it is, but it’s done in a data-driven and scientific way (Ang tawag nila dito ay ang pagbabago ng interpretasyon ng kasaysayan, iyon mismo ang nangyayari, ngunit sa paraang siyentipiko at paggamit ng mga datos),” ani Kaiser sa panayam ng Rappler.
Sa pag-aaral naman nina Jonathan Ong at Jason Cabañes, ipinaliwanag nila sa artikulong ‘Architect of Networked Disinformation: Behind the Scenes of Troll Accounts and Fake News Production in the Philippines’ ang pagtatatag ng malawakang disinformation campaign ng mga Marcos.
“…[The] campaign used diversionary tactics to elide allegations of human rights violations and corruption during the term of Ferdinand Marcos [Sr.]. To reframe the narrative, social media posts highlighted Marcos’ achievements (Gumamit ang kampanya ng paglilihis ng talakayan sa mga alegasyon tungkol sa paglabag ng karapatang pantao at katiwalian noong termino ni Ferdinand Marcos Sr. Para baguhin ang naratibo, binigyang-diin ng mga social media post ang mga magagandang ginawa ni Marcos),” paliwanag ng akda.
Binigyang-mukha ng pagsusuri nina Ong at Cabañes ang paraan ng pagbabago ni BBM sa katotohanan ng Martial Law gamit ang mga “community-level fake account operator” at “digital influencer.”
Nililinaw ng mga ekspertong pagsusuring ito na ang pagkalimot o pagpapatawad ng mga Pilipino ay hindi pagkukusa, kung hindi isang malawakang proyekto ng pagsisinungaling at tahasang pagbabago ng imahe ng madilim na nakaraan ng Batas Militar.
Sa matagal na panahong pagmamasid, ginamit ng kampo ng mga Marcos ang kapangyarihan ng teknolohiya at social media upang magtahi ng kuwentong makapagbabalik sa kanila sa Malacañang.
Pakikisamang “kaibigan”
Ngunit, hindi lang sa pagsisinungaling naging magaling si BBM at ang pamilya nito. Nakipag-ugnayan din sila sa iba’t ibang politikong makapangyarihan sa gobyerno upang ipunla ang binhi ng pagwawagi sa eleksiyon.
“Siguro isa rin sa [mga] factor na nakita natin dito ay ‘yung pagkakaroon ng malakas na alyansa ng kanilang pamilya sa pamilyang Duterte upang tumulong sa kanila para makabalik sa Malacañang,” ani Maranan.
Tinukoy naman ng guro sa Agham Pampolitika na si Michael Antonio sa FEU Advocate ang mga alyansang binuo ni BBM upang pagtibayin ang kampanya nito sa pagkapangulo.
“Ang pagsasanib-puwersa ng ilang pamilya tulad ng mga Duterte, Macapagal-Arroyo, Romualdez, Estrada at iba pang mga pamilya sa lokal na pamahalaan ay nagsilbing instrumento sa tagumpay na pagtakbo ni BBM,” anito.
Binigyang-pansin naman ni Maranan ang pagiging populista ni BBM sa masa, o pagiging malapit sa diwa ng masa at pagbibigay pangako ng “Bagong Pilipinas” na naging epektibong paraan upang makakuha ito ng maraming boto.
“Nagkaroon na tayo ng maraming pangulo sa republika. [Ngunit] hindi natugunan ng previous administrations ‘yung hinihiling na pagbabago ng masa. Kaya ‘yung paglalagay sa mga Marcos ay isang pagbabakasakali,” paglalahad ng guro.
Mula rito, gaano man kagusto ni BBM maging ‘tagapagtanggol’ ng masa at maging ‘kaibigan’ nito, ang mga napakong pangako nito ay nananatiling hinahangad ng masang Pilipino.
Katulad ni Bongbong, nagkaroon din ng mga ‘kaibigan’ si Marcos Sr. upang mapatatag ang diktadurya.
Si Juan Ponce Enrile ang pinakasikat at isa sa mga nananatiling buhay pa matapos ang limang dekada mula sa kilusang EDSA I.
Itinalaga si Enrile noong 1972 bilang Minister of Defense kung saan siya ay naging kasangkapan sa pagpapatupad ng militarisasyon sa bansa kaugnay ng pagkamit ng diktaduryang Marcos sa panukalang “Bagong Lipunan.”
Ipinapakita ngayon ng kasaysayan ang tila pagsunod ni BBM sa tinahak ng ama noong ito ay naging diktador; palakaibigan sa mga taong makapangyarihang isinasawalang-bahala ang kapakanan ng ordinaryong Pilipino.
Pagbanghay ng bagong kasinungalingan
Malinaw ang mithiin ni Bongbong sa pagkapangulo para kay Antonio.
“Sa pagbabalik ni BBM sa pagkapangulo, inaasahan na lilinisin niya ang iniwang alaala ng kaniyang ama,” anito.
Paliwanag naman ni Maranan, tuluyan nang giniba ni Marcos Jr. ang pundasyon ng katotohanan ng Martial Law gamit ang digital space dahil sa mas madaling pagpapalaganap ng maling impormasyon.
“[Ang] epekto ng paggamit ng social media katulad ng Tiktok, Facebook, o YouTube [sa disimpormasyon]… [naging] mali ang kasaysayan… [sinabi ng tao na] ‘hindi totoo ang kasaysayan,’ [at] ‘hindi totoo na naging mahirap ang Pilipinas sa panahon ng diktadurya,’” aniya.
Samantala, muling naghahabi ng mga bagong kasinungalingan si BBM sa termino nito. Isa na rito ang pagpapaasa sa mga naghihikaos na Pilipino sa pangakong bente pesos na bigas simula nang maupo sa pagkapangulo.
Ibinida rin ni BBM ang “pag-unlad” ng impraestruktura sa urban planning at environmental management noong State of the Nation Address 2024. Agad itong nalamang kasinungalingan nang sunod-sunod na bumaha sa Metro Manila bunsod ng Bagyong Carina.
Sa hindi mabilang-bilang na kasinungalingan ng pangulo, nagbigay-payo si Antonio sa mga kabataan at mag-aaral sa loob at labas ng pamantasan, lalo na sa konteksto ng Batas Militar ni Marcos Sr.
“Ang balanseng pagtalakay nito [Batas Militar] ay importante lalo na sa mga kabataan para imulat sila sa iba’t ibang perspektibo ng Batas Militar [gamit ang] lente ng politikal at diskursong panlipunan. Ito ay para makabuo ang mga kabataan ng makabuluhang pananaw tungkol sa pamilya ng Marcos at ang kanilang lugar sa kasaysayan,” diin nito.
Kritikal na obserbasyon naman ang huling inihain ni Maranan sa muling pagbabalik ng pamilyang Marcos sa sentro ng kapangyarihan.
“Ang pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mas malalim na pang-unawa at pagtugon sa mga ugat na sanhi ng kahirapan at kawalan ng katarungan sa lipunan,” sambit nito.
Inuudyok ng pagbabalik na ito ang muling paglaban ng midya pati ng mga pamantasan at historyador kung paano mas magiging kritikal ang pag-aaral ng kasaysayan sa Pilipinas at ang implikasyon nito sa ating politika.
Subalit, hangga’t nananatili ang mapang-aping naghaharing-uri sa bansa na may layong ibahin ang tunay na naratibo ng nakaraan, hindi kailanman malulutasan ang patuloy na pagkalugmok ng masa sa kalakhang lipunan.
Inuudyok tayo ng kasaysayang makiisa sa pagpigil sa kasakiman ng naghaharing-uri. Kaya’t aktibong pagtutol sa pagbubura ng kasalanan ng mga Marcos ang hustisyang maihahandog sa mga pinaslang at dinukot noong Batas Militar. Kinakailangan ng masugid na paghalughog ng katarungan sa araw-araw na nasa Malacañang ang isang anak ng diktador—ang bangungot ng nakaraan.
- Eryl Cabiles
(Dibuho ni Toni Miguela Ursua/FEU Advocate)