FEU alumnus bags 'best actor' at 2020 Gawad Sining Short Film Fest
- January 27, 2021 04:57
FEU Advocate
September 21, 2024 19:25
Sa iyong pag-uwi mula sa pook ng kapangahasan, ang bawat baitang ng hagdan sa iyong tahanan ay tila nahihirapang pasanin ang dala mong bigat.
Kakatok ka sa pintuan, sasalubungin ng mga ngiti at halik ng iyong mga anak, ngunit ang atensyon mo’y nakatuon sa kapit ng mga nilapastangang nakasunod sa iyo. Papasok kang bitbit ang buntong-hininga. Nais mong magkuwento tulad ng isang normal na asawa at ama, ngunit tila may busal sa iyong bibig—hirap na hirap kang maluwa ang katotohanan. Paano mo ikukuwento ang mga pangyayari ngayong araw—ang bawat pahirap, bawat balang pinutok, bawat hiningang binawi mula sa mga taong kinitil ng iyong mga utos?
Sa hapag, tuwing umuuwi ka sa iyong pamilya pagsapit ng dilim, nalalasahan mo ba sa kada subo ng pagkain, gamit ang iyong duguang kamay, ang buhay ng bawat pinaslang?
Sa ilalim ng liwanag ng lampara, ang ulam sa lamesa ay tila katakam-takam. Ang mesa ay puno ng kulay, ngunit ang iyong mata ay walang ibang mahagilap kung 'di pula. Bawat langitngit ng kubyertos ay katumbas sa kanilang sigaw ng pagmamakaawa; ang isang mangkok ng mainit na sabaw ay lawa ng dugo na nilulunod ang iyong konsensya.
Anong lasa ba ang pumupuno sa iyong bibig? Sa pagdulas ng likido sa lalamunan mo, dama mo ba ang nag-aalab nilang pagsusumamo?
Ngayon, sa ilalim ng malamlam na ilaw ng iyong tahanan, naglalakbay ang iyong mga mata sa larawan ng dating masayang pamilya. Ang alikabok ng mga masalimuot mong desisyon ay nakaukit pa rin sa bawat pader ng iyong silid; ang mga aninong dumanak ng dugo ay patuloy pa rin sa ‘yong nakamasid.
Hindi mo maalala kung kailan kayo huling nagkatinginan ng iyong asawa. Maaaring marahil sa tuwing tinititigan niya ang iyong mga mata, hindi ikaw ang kaniyang nakikita, kung ‘di ang wangis ng mga pinaslang mong katulad niya’y ina. Sa bawat pagpilit niyang hanapin ang lalaking nakilala niya dati, bumabalik ang alaala ng mga kasalanang iyong pilit itinago.
Ang iyong mga anak ay kalauna'y naramdaman din ang lalim ng mga galos na iyong dinadala. Nanunuot sa kanilang balat ang bigat na hindi maipaliwanag, tumatagos sa kanilang buto ang katahimikang bumabalot sa inyong tahanan. Hindi nila masikmura na ang mga kamay na nagpakain sa kanilang kamusmusan ay ang parehong mga kamay na gumapos sa kanilang mamamayan.
Sa paglipas ng panahon, batid kong lahat ng ito ay nakapangsisisi, ngunit ang iyong mga ginawa ay nangyari na at wala ka nang pwedeng gawin upang ang nakaraan ay mabago pa. Walang kung sino mang santo ang dirinig sa iyong mga panalangin, lalo na kung ang mga dugo sa iyong kamay ay lantad pa rin.
Sa bawat pagsapit ng panibagong gabi, sa bawat pagsilip ng buwan sa kalangitan, patuloy kang gagambalain ng mga sigaw at pagsusumamo ng iyong mga biktima; hindi mo matatakasan ang anino nila at bitbit mo hanggang sa higaan ang bigat ng katotohanang hindi ka patutulugin.
Hindi ka palalayain.
Ang kapatawaran man ay dumating, ang dilim ng iyong konsensya ay walang hanggan kang guguluhin.
- Sean Clifford M. Malinao
(Dibuho ni Erika Marie Ramos/FEU Advocate)