Rookie-laden FEU Tams place fourth against stacked competition in Asiabasket
- July 21, 2024 21:00
FEU Advocate
January 11, 2024 09:31
Ni Niña Amor Malakas
Sa loob ng 43 taon, pare-parehas lamang ang rutina ko araw-araw. Gigising ako ng alas tres ng umaga, susubo ng pandesal at hihigop ng mainit na kape, saka magbibihis. Ihahanda ko na rin ang aking dyip para sa maghapon at magdamag na pamamasada.
Bagaman paulit-ulit, ni isang araw ay hindi ako nagsawa sa daloy ng buhay kong ito. Kaunti lamang ang aking pahinga, ngunit hindi ko na mabilang sa dami ang mga alaalang naibahagi ko sa mga pasahero ko. Alaala ng tuwa, lungkot, pagkabagot, at pahinga.
Nakararamdam man ng pagod, hindi ko na ito inaalala. Hindi man halata sa aking mukha ngunit walang ekspresyon ang makalalarawan sa aking nararamdaman sa tuwing puno ang aking sasakyan—tanda na dalawampu o higit pa ang naihahatid ko sa loob ng isang pasada. Kung pagsasama-samahin ang mga pasada ko sa loob ng isang araw, gaano kaya karami ang nadadala ko sa kanilang mga destinasyon?
Lalong higit, saksi ako sa paglalakbay ng mga mag-aaral araw-araw. Sila kadalasan ang nagpapapuno ng aking dyip. Kung tutuusin, para ko na silang mga anak dahil sa sarili kong paraan ay nasamahan ko na silang lumaki. Natanaw ko ang pagod nilang mga diwa mula pagtutok sa hanggang sa pakikinig sa diskusyon ng kanilang mga guro. Iyong iba naman, nakatitig sa mga pira-pirasong mga papel upang maghanda sa kanilang mga pagsusulit. Nakatutuwang isipin na bukod sa nabibigyan ko sila ng oras upang magpahinga sa loob ng aking dyip, naitataguyod ko rin sa kanila ang preparasyon bago sumabak sa anumang hamon ng kanilang pag-aaral.
Mula rito, napanood ko na rin ang kanilang pagmartsa tungo sa kanilang pagtatapos—marka na narating na nila ang hantungan ng isa sa mga yugto ng kanilang buhay. Nakahahalinang isipin na hinahatid ko lamang sila noon, ngayon ay napagtapos ko na sila. Napagtapos naming mga tsuper ang mga animo’y iskolar ng aming mga dyip. Kung maaari at hanggang kaya ko, ipagsisigawan ko sa mundo na sa likod ng tagumpay ng bawat mag-aaral ay mayroong mga tsuper na umagapay sa kanilang paglalakbay.
Ngunit, paano? Pilit nang tinatapos ang aming serbisyo sa kalsadang aming minsan nang pinaghaharian. Iyong mga sakay ko mula Mayo hanggang Hulyo, sila na ba ang huli kong mapagtatapos? Ang alas ay tuluyan nang malalagas kung ang balasa ng sinasabi nilang pagbabago ay hindi magdudulot ng makabuluhang pag-unlad sa sistema ng kanilang transportasyon.
Ngayon, paano na ang mga susunod na sangkapu? Sino na ang aagapay sa kanila? Sino na ang magpapatapos sa kanila?
Hindi maaari. Ilalaban ko ito. Libu-libong mag-aaral pa ang dadalhin ko sa kanilang mga pangarap. Libu-libong empleyado pa ang tutulungan kong maglingkod sa publiko.
Hindi na mahalaga sa akin kung gaano kalakas ang katunggali. Alam kong hindi ako nag-iisa sa nagmimistulang laban ng buhay at kamatayan. Alam ko ring sa laban ng hari ng kalsada, kasangga namin ang masa.
Ika-31 na ng Enero, huling araw kuno ng aming pasada. Panigurado na raw silang ito na ang wakas.
Nagkakamali sila. Hindi pa rito nagtatapos ang lahat. Patuloy ang aming laban.
Ngunit sa ngayon, sa huling pagkakataon, ipaparada ko na ang aking dyip. Isa itong pagtatapos ng kabanata sa aking buhay at isang paglisan na may sakit na kaakibat ang alab ng aking puso.
Bagamat wala nang laman na tao, ang bawat pagbiyahe nito ay nagbunga ng libo-libong alaala mula sa aking mga pasahero. Pinaramdam nito sa akin na ang mga biyaheng nailarga ko sa loob ng mahigit apat na dekada ay punong-puno ng kwento at malasakit sa publiko.
(Dibuho ni Chynna Mae Santos/FEU Advocate)