My TAMhunt Fanfic
- September 12, 2024 20:30
FEU Advocate
August 01, 2022 08:16
Nina Aurea Lyn Nicolette F. Lacanaria at Erica Mae G. De Luna
Sa mundong nababalot ng hindi maubos-ubos na pagsubok, kasakdalan ng bawat isa ang hangarin ng lahat habang tangan ang paniniwala na walang sinuman o anuman ang maiiwan. Ang mga kalye na hindi tiyak ang kaginhawaan ay kublihan ng mga nabubuhay na uri na tanging pag-akay mula sa tao ang susi ng kanilang katiwasayan—ang mga naghihikahos na hayop sa lansangan.
Ang pagtulong ay hindi lamang nakakulong sa pagpaparamdam sa kapwa tao. Kagaya ng isang indibidwal, karapatan ng lahat ng nabubuhay ang magkaroon ng magandang buhay na kung saan pagdadamayan ang magiging tulay.
Pagsilip sa napipisil na aruga’t kalinga
Sa mga lansangan sa bansa, hindi maikakaila na marami ang mga pagala-galang hayop na tiyak ang pangangailangan. Ang pagiging payat, madumi, at gutom ay ilan sa mga katangian na karaniwang mapapansin sa mga ito.
Ayon sa Four Paws International, isang global animal welfare organization, ang pagkupkop ng mga hayop ay paraan ng pagsalba sa kanilang mga buhay. Ito ay natatamo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng maayos na tahanan at kanlungan.
Sa Kalakhang-Maynila, kapansin-pansin ang bilang ng mga hayop na tila'y walang permanenteng kinalalagyan. Karamihan sa mga ito ay nasa bangketa at malayang nakakasalamuha ng mga tao.
Kung susuriin nang mabuti, maaaring magdulot ng iba't ibang panganib sa tao ang nagkalat na hayop sa lansangan. Nariyan ang panganib na maaaring makuha mula sa kagat ng aso, kalmot ng pusa, at kung anu-ano pa mang peligro na maaaring dala-dala ng mga ito.
Tulad ng nabanggit, pag-ampon o maayos na pangangalaga ang isa sa mainam na solusyon upang matugunan ang suliraning ito. Base sa datos noong 2019 mula sa Shelter Animals Count, isang internasyonal na organisasyon para sa mga hayop, mayroong mahigit kumulang apat na milyong shelter animals ang pinaampon kada taon. Mahigit 810,000 sa mga ito ay mga hayop na pagala-gala sa lansangan.
Sa Pilipinas, mayroong naitatag na mga organisasyon na ang pangunahing layunin ay tumuon sa pagbibigay ng tamang kalinga, hindi lamang sa mga ligaw na hayop, kundi pati na rin sa mga inabandona.
Nariyan ang Mama’s Cradle Animal Sanctuary na layunin ay ang pagkupkop at panggagamot sa mga hayop na mayroong malubhang kalagayan na matatagpuan sa lansangan.
Kasama rin sa adbokasiya ng nasabing organisasyon ang pamamahala sa rehabilitasyong pangkaunlaran ng mga hayop at paghahanap ng bagong magiging tahanan ng mga wala pang tagapangalaga.
Sa kasalukuyan, mayroon mahigit 35,000 katao ang nakasubaybay sa kanilang Facebook page. Ang bilang na ito ay maaring maging malaking tulong para sa mas malawak na sakop ng organisasyon sa pagbibigay ng aruga sa mga hayop. Kalakip ng adbokasiya ng organisasyon sa pagtulong sa mga hayop sa lansangan, ang patuloy na pagkupkop ay katumbas ng mas maraming hayop na natutulungan.
Aktibo rin sa pagtulong sa mga inambadonang hayop ang Stray Love PH, isang Non-Profit Organization sa bansa na naglalayong matulungan ang yaong mga hayop na nasa bingit ng panganib o mga nauuri bilang emergencies.
Ayon sa kanilang Facebook page na mayroong mahigit 111,000 followers, ang organisasyon ay nagiging instrumento para sa pagsagip ng mga kinakawawa at pinagmamalupitang mga hayop sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng Metro Manila, Batangas, Pampanga at Zamboanga. Sa katunayan, hindi lamang sa mga aso at pusa nakasentro ang organisasyon, kundi pati sa na rin ibang mga hayop tulad ng mga kabayong naapektuhan ng pag-alboroto ng bulkang Taal noong Enero 2020.
“In the aftermath of the deadly Taal Volcano eruption last January, Stray Love Ph managed to rescue several horses who were about to be sold by their owners to horse meat traders when they realized that these animals who have provided them their main source of income for years, would no longer be of any use to them,” paglalahad ng organisasyon.
Binigyang-diin naman ng organisasyon ang kanilang paninindigan sa mga layunin sa pagpukaw ng kaisipan ng mga tao upang mamulat sa pagtulong at pag tindig sa mga uring nabubuhay na walang kakayahan.
Ginhawang dulot ng pag-akay
Ang sinumang taong mayroong malambot na puso ay pamilyar sa pakiramdam ng pagnanais na makagawa ng aksyong makatutulong sa mga hayop, lalo na kung nangangailangan ang mga ito ng kalinga.
Sa isang panayam sa CNN Philippines - The Final Word, ibinahagi ni Carina Jimenez Suarez, presidente at Chief Executive Officer ng Mama’s Cradle, Inc., ang kanyang pagmamahal sa mahigit isang daang aso at pusa na nasa kaniyang pangangalaga sa loob ng sariling animal sanctuary sa Parañaque.
Ayon kay Suarez, nagsimula lamang siya sa pagpapakain ng mga hayop na nakikita niya sa lansangan. Ginagamit niya rin ang kanyang sariling resources katulad ng pagbebenta ng kanyang bahay upang magkaroon ng sapat na pondo upang masigurong gagaling at maaalagaan nang maayos ang mga hayop na nasa kanyang pangangalaga.
“I see the severity of the problem, I face several critical rescues and I had to start taking care for them myself. Some of them hit by cars, some of them abandoned, some of them neglected, and some of them cruelly abused,” saad nito.
Binigyang-diin ni Suarez ang pag-alay niya ng kaniyang buhay at lahat ng mayroon siya upang maibigay ang sapat na arugang kinakailangan ng humigit kumulang isang daan niyang mga alaga.
“I love animals from the start, but there was this tug in my heart when I started to really give everything and devote my life. I see the need for them to have a voice, I see the need for them to be notice, because only a few will,” sambit nito.
Batay sa American Veterinary Society of Animal Behavior (AVSAB), isang grupo ng mga propesyonal sa pagbe-beterinaryo, mayroong mga benepisyo ang mga hayop na tanging tao lamang ang nakapagbibigay; tulad ng paglalaan ng tamang oras upang makapaglaro at makapamasyal nang ligtas sa komunidad.
Iilan lamang ito sa mga benepisyong naitatamasa ng mga inaalagaang hayop sa tao. Subalit, kung babaliktarin ang kayang ihain ng mga hayop sa tao, hindi maitatanggi na marami din ang kanilang maibibigay.
Ayon sa organisasyong CARA Welfare Philippines na nabuo noong 2000, ang pagmamahal ng mga inampong alaga ay malinaw at agarang madarama sapagkat karamihan sa mga hayop mula ampunan ay mapagmahal, matalino at tapat sa amo.
Ipinaliwanag din ng organisasyon na ang pagkupkop ng hayop ay isang paraan ng pagsalba sa buhay ng mga ito. Napabababa nito ang pagkakaroon ng kakulangan sa kalinga ng mga hayop na siyang nagbibigay sa mga ito ng maginhawang buhay.
Idinagdag pa ng grupo na sa tuwing kumukupkop ang isang tao ng hayop mula ampunan, naglalaan sila ng panibagong espasyo para sa iba pang walang tirahan, inabandona, o naliligaw na hayop sa lansangan.
Sa isang panayam, ibinahagi naman ni Malou Perez, founder ng Pawssion Project, isang Philippine-based non-profit organization, na tumutulong sa mga hayop ang benepisyong pang-kalusugan na maaaring makuha sa pag-aalaga. Kabilang sa benepisyo ang pagbaba ng blood pressure, cholesterol at triglycerides level.
“On a general knowledge, we are all healthier when we are happier. Our pets really have the ability na ibalik yung affection na naibibigay natin. The way I understand things and the way I see it, even the older people get to live longer lalo na yung mga may pets na kasama,” sambit nito.
Ipinaliwanag din ni Perez na ang pag-ampon ng mga hayop ay humahasa sa sosyal na kakayahan ng isang indibidwal kung saan kabilang ang paraan ng pakikisalamuha sa ibang tao. Para naman sa mga nakararanas ng depresyon, ang pagkakaroon ng interaksyon sa pagitan ng mga tagapag-alaga at inaalagaang hayop ay nakakatulong sa pagpawi ng lungkot na nararamdaman.
Pagyabong ng Pusong Mapagkalinga
Lahat ng tao ay mayroong kakayahan upang mag-ampon ng mga hayop mula sa lansangan hangga’t buhay at nag-aalab ang paninindigan sa pinasok na responsibilidad.
Isa si Kate Suyom, mag-aaral ng Accountancy mula Far Eastern University - Manila sa mga mayroong karanasan na sa pag-ampon at pag-aalaga ng mga hayop na inabandona.
Ayon sa kanya, ang pag aalaga ng mga hayop ay may kaakibat na responsibilidad kung kaya’t sa lahat ng pagkakataon, itinuturing niyang anak ang kanyang mga alaga na tunay nga namang nakapagbibigay ng saya at pahinga sa kanya.
“Kapag ikaw ay pagod galing trabaho at sa eskuwela, sasalubungin ka nila ng buntot na ‘di magkamayaw. Sa ganitong paraan mo makikita na sila ay excited at tuwang-tuwa na makita ang iyong pagbabalik, na tila napakatagal na panahon mong nawala,” pagkukwento ni Suyom.
Mas umigting naman ang kaniyang pagmamahal sa mga nangangailangang hayop matapos magkaroon ng karanasan sa pag-ampon at pag-aalaga ng asong inabandona.
“Kauna-unahan kong inampon na hayop ay isang babaeng belgian malinois na inabandona ng kaniyang dating may-ari. Sobrang payat rin ng aso nung kinupkop ko ito at inalagaan,” sambit ni Suyom.
“Mula noong makita kong gumanda ang balahibo at sumaya si Keana [belgian malinois], naengganyo na akong mag-ampon ‘di lamang ng aso kundi pati mga pusa,” dagdag pa nito.
Tulad ni Suyom, may ginintuang puso rin para sa mga inabandonang hayop si Kezandra Antiqaundo, mag-aaral mula sa Philippine State College of Aeronautics.
Mula sa pag-aalaga ng mga pusa, naramdaman ni Antiquando ang suportang emosyonal na ibinibigay ng mga ito. Ang presensya ng mga alaga ay nagbibigay sa kanya ng magaang pakiramdam at kaginhawaan kaya’t hindi niya alintana ang pag-iisa, sapagkat ang kanyang mga pusa ang nagsisilbing kasama at kaibigan.
Naniniwala si Antiquando na kinakailangan i-konsidera ng mga mayroong balak mag-ampon ang kanilang kapasidad na makapagbigay ng mga pangangailangan ng mga hayop–tulad ng kakayahang magkaloob ng oras at atensyon upang mabigyan ng sapat na kalinga ang kanilang mga alaga.
“For me, ang pinaka-importanteng naidudulot ng pagkupkop sa mga inabandonang hayop is that your giving them another chance in life kasi parang you're giving them a better life than what they had in the streets,” pagpapaliwag nito.
Tunay na hindi kabawasan sa pagkatao ang simpleng pagtulong sa mga hayop. Ito pa nga ay maituturing na magandang halimbawa ng pagkakawanggawa. Ang pagmamahal ay likas sa mga tao sa paraan ng pag-aaruga na hindi lamang eksklusibo sa mga nakapag-iisip o nakakapagsalita kundi ito unibersal at natatangi sa lahat.
Sa mga pagkakataong hawak ang lente ng pag-asa at mayroong kakayahang tumulong, mainam na sumaklolo at ipanday hindi lamang sa bansa, kung hindi sa buong daigdig ang sining ng pagtutulungan. Para sa tao o para sa hayop, ang pagtulong ay kaparaanan sa pag-akay upang ang lahat ng nabubuhay ay matamasa ang maginhawang buhay.
(Dibuho ni Sophia Kaye Fernandez)