Error-prone Lady Tams fall to DLSU
- February 21, 2024 09:58
FEU Advocate
May 07, 2016 09:55
Responsableng pamumuno, ‘yan marahil ang kailangan ng bansang kabi-kabila ang problemang kinahaharap. Isang taong may paninindigan upang gawin ang tama para sa bayang kaniyang pinagsisilbihan. Ngunit, disiplina naman para sa mamamayang naghahangad ng kasaganahan.
Tuwing sasapit ang eleksyon, kani-kaniyang plataporma na naman ang nagsisilabasan. Mga sinumpaang layunin para sa bayan. Sari-sariling mga pakulo upang boto ng sambayanan ay makuha. Ngunit ano na nga ba ang nangyari sa paulit-ulit na pangako ng kaunlaran sa ating bansa?
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot ng 26.3% ang kahirapan sa unang semestre ng 2015. Mas mataas ito kumpara sa unang anim na buwan ng 2014 na umabot lamang sa 20%.
At dahil dito, hindi natugunan nang maayos ang pagsugpo ng hunger rate sa bansa. Ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey, umabot sa 18.3% ang hunger rate ng Pilipinas ngayong taon. Mas mababa ito kumpara sa nagdaang anim na taon, ngunit hindi pa rin nito natutugunan nang tuluyan ang isyu ng kagutuman.
Pagdating naman sa usaping transportasyon, patuloy pa rin ang kalbaryo ng mga commuters sa pagpila sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT). Ayon sa www.philstar.com, may mga bagon na bigla na lang bumubukas ang mga pintuan at biglang titigil na maaaring ikapahamak ng mga pasahero.
Samantala, tumaas man ang pamasahe para dito ay hindi pa rin natutugunan ang mga sirang palikuran at escalator. Dahil dito, patuloy ang pagtitiis ng mga pasahero gaya ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) upang makarating agad sa kanilang destinasyon.
Sa kabilang banda, nariyan pa rin ang trapik na hindi nawawala hanggang sa ngayon. Ayon sa isang panayam kay John Forbes na isang senior adviser ng American Chamber of Commerce of the Philippines, maaaring hindi na matirhan ang Metro Manila sa susunod na apat na taon kapag hindi pa nasolusyunan ang trapik sa lalong madaling panahon na maaaring makaapekto sa kaunlaran ng bansa.
Kung iisipin, hindi madaling trabaho ang pagiging pangulo. Maraming isyu ang dapat harapin, mga batikos na kailangang sugpuin at katiwaliang nararapat nang puksain. Kung kaya't isaalang-alang ‘wag lamang ang sarili kung hindi ang buong bansa sa iyong pagboto.
Iluklok mo ang sa tingin mo'y may magagawa at gamitin nang tama ang karapatang ibinigay sa iyo para sa pagbabagong hinahangad ng bawat Pilipino.
- Wilgin Soriano